KALATAS: Philippine Literature, Culture, & Ideas

The official publication of the Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), the largest organization of Filipino writers in the country founded in 1974.

Culture: Ang Katotohanan at Kabutihan ng “Kagandahan”

ni Virgilio S. Almario
Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan
Ekslusibo para sa Kalatas

MATAGAL NANG DAPAT sipatin at titigan ang “Kagandahan” upang mahango ito mula sa nagkakatulong at nakapipinsalang mga popular at akademikong haka’t pagtanaw na itinanim at nilinang ng ating nakasulat na kasaysayan. Isinusulat ko ngayon ang “Kagandahan” nang may malaking titik at nakapaloob sa panipi upang ipahiwatig ang aking pagtuturing dito ngayon bílang problema sa pagtitig at ibukod ito sa kagandahan ng pakahulugang pambalana sa katangiang ito. Sinasabi nating “magandang bulaklak” o “magandang damit” at sa paraang tila alam na ng lahat ang kagandahang nais nating tukuyin. Sinasabi rin nating masyadong maurirat ang sinumang magtatanong pa kung bakit maganda ang bulaklak at ano ang maganda sa damit.  At totoo naman, sa paglakad ng panahon, may nabuo na táyong mga pagkakaisa sa katangiang tinatawag nating kagandahan. Isang katangiang tunay namang taglay ng maraming bagay sa ating paligid, ang katangian ng buwan, bukirin, busáy, atbpang itinatangi nating aspekto ng kalikásan o sa maraming ginawa ng tao (bahay, bangka, tabak, lambat, sombrero, atbp, bukod sa damit) at binibigyan ng ganitong uri ng pagpapahalaga.

Ngunit wika ko, “sa paglakad ng panahon,” at taglay ng parirala ko ang isang panukala na bunga ng kasaysayan ang anumang pamantayan natin ng kagandahan. Ang ibig sabihin, at bílang bahagi ng bokabularyong pangkultura (o wikang pangkalinangan, para higit na luminaw ang ninanais kong koneksiyon), “nilinang” ito at produkto ng pinagdaanang mga karanasan ng isang pangkat ng tao. Na maaaring nagkakaisa o napagkakaisahang pamantayan sa loob ng isang maliit na komunidad ngunit mahirap maganap sa isang bansang tulad ng Filipinas na may iba’t ibang pangkating pangkultura. Panahon pa ng Amerikano ipinahayag na pambansang bulaklak ang sampagita ngunit may mga nagmumungkahi hanggang ngayon na ilang-ilang ang higit na karapat-dapat. Masisira ang kredibilidad ng lupon ng inampalan kung isang Tiboli o isang Ilokano ang nakaupô sa isang paligsahan kung alin ang mas magandang damit sa tinalak o sa inabel. Lalong malaking sakít ng ulo ang pagtukoy sa “Kagandahan” ng isang tula, pintura, eskultura, o anumang tinatawag na likhang-sining, at siyá kong nais pagtuunan ng pagsipat at pagtitig.

Sa dakong ito pa lámang ay ninanais ko nang ipanukala ang “Kagandahan” bílang isang pangngalan/pang-uri sa isang natatanging likha ng tao at itinatangi alinsunod sa gayong pamantayan. Sa kabilâng dako, ninanais ko ring ipanukala na bunga ng ating kasaysayang pambansa ay hindi umiiral ang gayong pamantayan sa paraang pambansa, at lalo na sa maituturing na uri ng lumaganap at popular na pagpapahalaga sa “Kagandahan.” Kaugnay ng naturang panukala ay hindi ko naman ninanais igiit lámang ang guwang sa panlasa ng isang edukado titser at ng isang tindero ng taho. Totoong kagyat mamamangha ang isang barbero kapag ipinagparangalan ng isang art critic ang kagandahan ng pintura ni Ang Kiukok. Subalit hindi ito simpleng pagkakahating “burges/masa” sa ating lipunan. May art critic na magpapahayag ng higit na kagandahan ng Fernando Amorsolo kaysa Ang Kiukok. Subalit hindi rin ito basta pagkakaiba ng “paaralang pangkagandahan” sa sining. Huwag nating lubusang isisi sa kamangmangan ng barbero ang ating sarili’t napag-aralang kamangmangan. “Nilinang” din ng ating edukasyon sa sining kahit ang mga naturang paraan ng paglutas sa nagtutunggaling pagpapahalaga sa “Kagandahan.” Samantala, malaki ang posibilidad na may iba pang isyu’t kontrobersiyang pansining ang nananatiling nakalutang sa ating isip dahil na rin sa malabò at paimbabaw nating pagtitig sa “Kagandahan” at sa higit nating pagsisikap na ituring ito nang hiwalay sa totoo at mabuti.

Bukod pa, ninanais kong buklatin ang pangyayari kung bakit ang lumaganap na pagpapahalaga sa “Kagandahan” ay ginagamit nang waring naganap na: isang pangyayaring historikal, ngunit walang pinagdaanang kasaysayan kayâ naipatuturing na bahagi ng kalikásan kung hindi man katutubo sa ating wika, at kayâ unibersal. Na siyá ring ibinabalik na katwiran upang ipaliwanag ang kaganapan-sa-sarili ng “Kagandahan,” ang ibig sabihin, katutubo ito at unibersal kayâ hindi nangangailangan ng kasaysayan. Sapagkat higit na nakairal ang pangyayaring ito sa sapin o bahaging popular ng ating pambansang kamalayan, ninanais kong gamiting ehemplo ang pormasyon ng naturang hubog ng “Kagandahan” sa isip ng madla samantalang binubuklat at inuusisa ang mga yugto ng pormasyon sa pamamagitan ng teksto’t pangyayaring pampanitikan.

Matagal nang ipinahayag na hindi unibersal ang “Kagandahan.” Iba ito halimbawa sa beautiful ng Ingles at sa belleza ng Espanyol. Bagaman, dahil sa kasaysayan, lalo na dahil sa ating kasaysayang kolonyal, marami nang katangian ng belleza at beautiful ang napasanib sa popular at akademikong paghaka ngayon ng “Kagandahan.” Hindi rin dapat kaligtaan ang mga di-akalaing pagkakahawig ng katutubo sa “Kagandahan” at ng ipinalalagay ding katutubo sa ganitong dalumat sa ibang bansa o ibang panig ng mundo. Isasaalang-alang ang ganitong pangyayari: Hindi naman sinabi ng mga misyonero na di-maganda ang mga likha ng ating mga ninuno. Idineklara lámang nilá itong mga “likha ng demonyo” ngunit waring itinuring ng mga binyagang Indio na hindi nga maganda ang sining ng pag-ukit ng mga sinaunang bathala’t diwata. Dahil sa bago niláng pagsampalataya, itinakwil ng mga binyagang Indio kung hindi man kinalimutan (o ipinalimot?) ang kanilang nagisnang sining. Naglaho ang kung anuman iyong katutubong sining ng pag-ukit ng mga binyagang Indio at nabalutan/napailalim sa isinaping sining na Kristiyano. Ang sining ng maganda’t Kristiyano, siyempre, ang malimit na nakakaengkuwentro ngayon ng mga antropologo sa mga pook ng binyagang Kristiyano. Matagal nang trabaho ng antropolohiya ang pagtukoy sa mga sangkap na pandaigdigan ng sangkatauhan. Ngunit higit na nahuhulog ang mga paghukay na antropolohiko sa mga tagpo ng pagsasanga bago matagpuan ang simula, sa mga paghihidwa nang hindi matunton ang unang sanhi, sa mga kopya’t inobasyon bago ang nag-iisa’t hakang Uliran, sa mga bakás palayô sa unang hakbang, kung bagá, sa dalampasigan ng isda ni Darwin.

Kayâ hindi mahalinhan ng Agham ang Pagsampalataya.

Ngunit Pagsampalataya din ang ugat ng “Kagandahan” bílang unibersal. Sang-ayon sa mga mito, bahagi ito ng santinakpang nilikha ng isang Panginoong Maykapal. Katutubo din at matalik na bahagi ito ng lahat ng bagay na bunga ng Dakilang Paglikha at kayâ maaaring tukuyin alinsunod sa ikinalulugod na katangian ng Kalikásang Pandaigdig. Gayunman, ang kasaysayan ng Pagsampalataya ang siyá ring patnubay sa naging pagpangitain sa “Kagandahan.” Bawat Pagsampalataya ay nag-iwan ng hubog at paglalarawan sa ulirang “Kagandahan”—kani-kaniya, iba-iba—at maituturing ngayong dokumentasyon sa pagiging di-unibersal ng pagpangitain sa “Kagandahan” ng iba-ibang Pagsampalataya.

“Magpaglilong Kagandahan”

ANG PARAAN NG PAGTUKOY sa “Kagandahan” alinsunod sa naging mga dominanteng Pagsampalatayang Kanluranin, sa kasawiang-palad, ang pinairal sa atin ng ating kasaysayang kolonyal at naging matingkad na bahagi ng ating popular na kamalayan. Kayâ naging popular na hambingan natin ng “maganda” si Venus ng mitolohiyang Griyego-Romano o si Birheng Maria ng Kristiyanismo. Dahil sa pagsamba, o dahil sa lubos na pagtitiwala sa edukasyong Kanluranin, ni hindi natin inusisa ang kronolohiya ng pagpangitain kay Venus at kay Birheng Maria, gaya ng dapat inunawa nating epekto ng pagwasak sa poleteistikong pagsampalatayang Griyego-Romano ng monoteistikong relihiyong Kristiyano, upang maigawa ng magkabukod na dambana sina Venus at Birheng Maria. Sa mga edukado ngayon, maaaring maipahiwatig ang pagkakaiba sa lastag na pag-imahen sa kapanganakan ni Venus sa ibabaw ng kabibe at sa nakabálot sa saplot na Inmaculada Concepcion. Ngunit sa karaniwang makata sa panahon ng awit, korido, at komedya, ang bawat butihing prinsesa ay maaaring ihambing nang magkasabay kay Venus at kay Birheng Maria. Sa Florante at Laura, halimbawa, si Laura ang epitome ng “Kagandahan” alinsunod sa pagtanaw at pagpapahalaga ni Florante. Nang unang mamalas ni Florante si Laura, inilarawan niya ang prinsesa ng Albania sa ganitong paraan:

“siyáng pamimitak at kusang nagsabog
ng ningning ang talàng kaagaw ni Venus.
Anaki ay bagong umahon sa bubog,
buhok ay naglugay sa perlas na batok;

“tuwang pangalawa kung hindi man langit
ang itinatápon ng mahinhing titig.
O ang luwalhating buko ng ninibig,
pain ni Cupidong walang makadakip!

“Liwanag ng mukha’y walang pinag-ibhan
kay Febo kung anyong bagong sumisílang;
katawang butihin ay timbang na timbang
at mistulang ayon sa hinhin ng asal.”

Dapat nating ipagpalagay na isang Kristiyano si Florante. Ngunit dapat din nating ipagpalagay na natutuhan niya sa Atenas ang mitolohikong pagsilang ni Venus sa ibabaw ng mga alon sa dagat, gaya ng ginugunita sa dakilang pintura ni Botticelli, at iyon ang unang ipinagunita sa kaniya ni Balagtas nang lumitaw si Laura hábang kinakausap siyá ni Haring Linceo. Ngunit isang Kristiyanisadong Venus na si Laura. Bagaman may buhok na tila nakalugay na perlas sa batok ng isang paganong diyosa, tigib ang prinsesa sa “mahinhing titig” at “hinhin ng asal” ng isang Kristiyanong santa. Isang marikit na tagpo ito ng nagsanib na banyagang Europeo’t Kristiyano sa popular na sapin ng pambansang kamalayan, nagsanib nang “Kagandahang” Europeo’t Kristiyano sa pag-imahen kay Laura, nabuo nang magkasanib sa pagkakatanghal ni Balagtas, at hindi nahahalungkat ang naging kasaysayan.

Gayunman, saglit na kutitap lámang ito sa nadirimlang isip ng binata. Bago ito’y inaalaala niya ang sanhi ng kaniyang kasawian, ang mga kabuktutang nilikha ni Adolfo dahil sa labis na pag-ibig sa kapangyarihan, at lubha niyang ipinagngitngit ang hinala na pinagtaksilan siyá pati ng kasintahan. Sa laot ng kaniyang panibugho ay naihibik niya nang buong pait sa ika-41 saknong ng awit:

“Katiwala ako’t ang iyong kariktan
kapilas ng langit, anaki’y matibay;
tapat ang puso mo’t di nagunamgunam
na ang paglililo’y nasa kagandahan.

Buntis sa napag-aralang kabuluhan ng “Kagandahan” ang nabanggit na ipinapahayag ni Balagtas kay Florante. Pangunahin dito ang halos natural na pagbibigay ng “tiwala” sa kagandahan at ang naganap na ring pagsira (“paglililo”) sa gayong tiwala—ang Orihinal na Kasalanan—sang-ayon sa Bibliya. Naglahò ang Eden dahil sa unang pagtataksil, at tinupad ito ni Eva—ang sinaunang kinatawan ng “Kagandahan.” Mula dito, at gaya ng natanto ni Florante, madalîng malilining kung bakit babae ang kasarian ng “Kagandahan” at kung bakit kalarawan ng kahinaan ang babae. Ang “kahinaan” ng babae ay higit kaysa pisikal na kalikasán ng “anak ni Eva,” manapa, anak siyá ni Eva kayâ kulang din sa wastong bait at muni.

Siyempre, dapat ding isaalang-alang na panimulang bahagi pa lámang ito ng kabuuang pagpurga kay Florante, ang proseso ng paglilinis sa kaniyang isip at damdamin, upang maghunos mula sa mapusok na mandirigma tungo sa isang makatarungang hari ng Albania. Lumikha rin si Balagtas ng isa pang “Kagandahan,” si Flerida na sa paglalarawan ni Aladin kapag kapiling ng ibang nga prinsesa ay tila “si Diana sa gitna ng maraming nimpa” ngunit may “pusong bayani.” Matalino kahit ang pagkasangkapan ni Balagtas sa mitolohiyang klasiko. Sa kaniya mismong talababâ, ipinaliwanag ni Balagtas na si Venus ay “diyosa ng pag-ibig at kagandahan” samantalang si Diana ay diyosang “maibigin sa pangangaso, huwaran ng kagandahan at panginoon ng mga Nimfas.” Kapuwa uliran ng “Kagandahan” ang dalawang diyosang Romano ngunit isiningit ni Balagtas ang karagdagang anotasyon na “maibigin sa pangangaso” ukol kay Diana, isang dagdag na katangian ni Flerida bílang “Kagandahan” na nagtataglay ng “pusong bayani”—isang babaeng mandirigma, matatag magpasiya, at sa dulo’y siyáng nagpawala ng palaso na kumitil sa pangunahing “lilo”: si Adolfo—at maaaring ituring ng ating pagbása ngayon na palatandaan ito ng pagsisikap ni Balagtas na gamitin ang napag-aralan upang igpawan ang napag-aralan.

Hindi pa natin lubusang napagwawari ang naturang leksiyon mula kay Balagtas. Nakabilanggo pa rin ang ating titig sa itinuro sa ating paraan ng pagtanaw sa loob ng panahon ng kolonyalismo. Pagkatapos ng dakila ngunit napugtong Himagsikang 1896, waring ang naganap na modernisasyon sa ika-20 siglo ay higit pang nagpakapal sa pader ng edukasyong Kanluraning nagpipiit sa ating pambansang kamalayan, pinipigil kung hindi man tahasang sinisiil ang kislap-diwang may adhikang palayain ang pambansang pananaw at bumuo ng matipunong palatuntunan tungo sa pagpapakahulugang Filipino.

Isang halimbawa nga ng ating kasawian ang mababaw/paimbabaw at nakasandig sa pagpapakahulugang Kanluranin nating paraan ng pagtitig sa “Kagandahan.” Noong 1887, nag-ukol ng pag-aaral sa arte metrica ng mga Tagalog si Rizal, ang itinuturing nating pangunahing palaisip ng lahi, ngunit hindi niya pinag-ukulan ng paglilimi ang hubog ng “Kagandahan” sa katutubong tugma”t súkat. Binanggit lámang niyang “(l)as poesias mas bellas y poeticas” (ang mga taludturang napakaganda at napakamatulain) ay nakasulat sa cuartetos o aapating taludtod at inalala niya si Balagtas bílang “un modelo de modo de hablar de los tagalos” (isang huwaran sa paraan ng pagpapahayag ng mga Tagalog). Kung sakali, ito ang patnubay natin upang muli’t muling balikan ang Florante at Laura, gaya ng isinagawa ng mga Balagtasista sa panahon ng Amerikano, at hanguan ng maituturing na tradisyonal na mga pamantayan sa pagtula. Ngunit limitado sa pagbuo ng magandang tugma’t súkat ang pag-aaral ni Rizal at sa kawalan ng ibang patnubay ay maituturing na pangunahing sanhi ito kayâ nabilanggo tungo sa paghubog ng tulang may tugma’t súkat ang tradisyonal na pagtula ng mga Balagtasista.

Noong 1929, sinikap dagdagan ni Lope K. Santos ang kodigo ng tugma’t súkat mula sa mga tuntunin ni Rizal. Hindi lámang iyon. Sa pamamagitan ng mahabàng lekturang Peculiaridades de la poesia tagala ay sinikap ni L.K. Santos na saklawin ang ipinalalagay niyang mga esensiyal na katangian ng katutubong pagtula. Apat, wika niya, ang sangkap ng tula: (1) tugma, (2) súkat, (3) talinghaga, at (4) kariktan. Ang unang dalawa, wika pa niya, ang bahaging “organiko o materyal” ng tula; ang hulíng dalawa ang “kaluluwa” (alma) o ang bahaging “espiritwal.” Gayunman, nobenta porsiyento ng kaniyang paliwanag ay naukol sa tugma’t súkat, lalo na upang magdulot ng elaborasyon sa mga sinabi ni Rizal sa lektura nitó sa Berlin hinggil sa pagbuo ng taludtod. Sa kabilâ ng asersiyon hinggil sa higit na kabuluhan ng talinghaga at ng kariktan ay iilang pangungusap ang naiukol niya sa mga ito.

Isang napakahalagang pahayag ni L.K. Santos ay ang depinisyon ng talinghaga bílang “isang pagtatanghal na hindi tuwiran o pagpapahayag na matayutay ukol sa isang kaisipan, damdamin, lunggati, layunin, pangyayari o anumang bagay na ninanais mailabas sa  pamamagitan ng mga salitâ o mailarawan sa pamamagitan ng mga pariralang may angkop na mga súkat at tugma.” (Es como una manifestacion indirecta o expresion figurada de algun pensamiento, sentir, deseo, objeto, hecho u otra cosa cualquiera que se quiere exteriorizar con palabras o describir con frases medidas y rimadas convenientamente.) Kasunod nitó ang pahayag na ang kariktan (na tatawagin din niyang “kagandahan”) kasáma ng talinghaga ang bumubuo sa “tunay na kaluluwa” (el alma verdadera) ng tulang Tagalog. Bakit? Dahil “pinatitingkad” diumano ng kariktan at talinghaga “ang antas ng inspirasyong nagpasigla nitó. Sinasalamin at inililitaw ang kakayahang pangkaisipan, ang kalidad ng kaisipan, ang pagiging pihikan ng damdamin, ang sigla ng guniguni, ang yaman ng wika, at sa isang salitâ, ang pinagsanib na kultura ng makata.”

Tigib sa makabagong pagmuni ang naturang mga pahayag ni L.K. Santos. Sa pamamagitan ng kaniyang depinisyon ay ibinigay niya sa talinghaga ang kapangyarihan upang maging pangkalahatan at “mapagbuong simulain” (na ginamit ko noong 1985) na nangangasiwa sa paglikha ng tula. Tila ito “utak ng paglikha”: idinidikta nitó ang nagiging balangkas, hubog ng saknong, organisasyon ng mga kaisipan, makinaryang panretorika at pantayutay, paraan ng paglalarawan, atbpang kailangang sangkap upang magdulot ng malinaw, ganap, at nagsasariling batayan ng kahulugan. Binigyan din niya ng batayang historikal ang talinghaga sa pamamagitan ng pagsasabing nagmumula ito sa “pinagsanib na kultura” (la cultura integral) ng makata, salungat sa karaniwang haka na isa itong “hiwaga”—“misterio,” sa interpretasyon ng Noceda at Sanlucar (1754)—at mahirap maintindihan. Wari ngang nais ni L.K. Santos na hawiin ang tabing ng hiwaga na ibinalot sa talinghaga, ipaturing na alamat ang gayong pambálot, kaugnay lalo na ng isa pang sinaunang paniwala na bunga ito ng “inspirasyong dibino,” at upang ilantad ang materyalistang sinapupunan nitó.

May dobleng talim ang pagmuning ito ni L.K. Santos hinggil sa talinghaga. Sa isang bandá, kaagad mahihiwatigan ang pailalim na pagtunggali laban sa nakamihasnang operasyon ng tula na nakasandig sa “inspirasyong hulog ng langit,” isang hakang maaaring ugatin mula sa Huwarang Anyo ni Plato ngunit  pinalayaw ng Kristiyanong pagsampalataya hinggil sa isang henesis ng lahat ng bagay sa santinakpan mula sa isang Diyos na Manlilikha. Ang mistikal na bukal na ito ng talinghaga ang malimit gamiting katwiran noon kung bakit mahirap ipaliwanag ang “Kagandahan.” Sa kabilâng bandá, ganap na nakasandig ang kaniyang paniwala sa historikal at kongkretong matris ng paglikha, sa pinagdaanang karanasan at edukasyon ng makata—sa isang cultura integral—at higit na nakapangyayari sa paghubog ng isang likhang-sining. Nakasalig sa makabago’t siyentipikong haka ng Realismo (kapuwa mula sa bukal na Europeo nitó at bukal na Amerikano) ang kaniyang hakang talinghaga bílang salamin at tanghalan ng daigdig ng makata, ang kaniyang “kakayahang pangkaisipan, ang kalidad ng kaisipan, ang pagiging pihikan ng damdamin, ang sigla ng guniguni, ang yaman ng wika,” atbpang materyal na puhunan bílang manlilikha.

Ang Realistang pagmuni sa talinghaga ni L.K. Santos ay dumaloy mulang Europa sa pamamagitan ng mga akdang Propagandista bago matapos ang ika-19 siglo at sa pamamagitan ng modernong edukasyong Amerikano sa bungad ng ika-20 siglo. Ngunit nilinang din ito ng mapagpalayang kaisipang Katipunero mula sa halimbawa ni Balagtas. Dapat balikan sa bagay na ito ang sinipi ko nang saknong ni Balagtas hinggil sa “Kagandahan” subalit upang unawain naman ngayon ang iwi nitóng hálagáhan na maituturing na kawangki ng hálagáhang Realista:

“Katiwala ako’t ang iyong kariktan
kapilas ng langit, anaki’y matibay;
tapat ang puso mo’t di nagunamgunam
na ang paglililo’y nasa kagandahan.

Sa Florante at Laura, himutok ito noon at paglait ni Florante sa ipinalalagay niyang taksil na kagandahan ni Laura. Nais ko ngayong ipanukala ang alegorikong pagbása sa saknong upang mailantad ang pinagbatayan nitóng paraan ng pagtanaw sa “Kagandahan,” gayundin ang kaibhan nitó sa nangibabaw na poetika sa panahon ng kolonyalismong Espanyol sa isang bandá, at ang naging silbi nitó sa ideolohiyang mapagpalaya ng panitikang Katipunero na may malaking posibilidad na nasimsim din ni L.K. Santos sa kabilâng bandá.

 

Ang Katutubong Ganda

UPANG HIGIT NA maitampok ang radikal na kabuluhan ng pagtanaw sa “Kagandahan” alinsunod sa ipinatititigan kong saknong ni Balagtas ay mainam na sipatin ang mga unang nakasulat na impormasyon hinggil dito. Muli, isang malungkot na pangyayaring nakasulat sa wikang Espanyol ang pinakaunang mga limbag na impormasyon hinggil sa “Kagandahan.”  Katutubo ang salitâng-ugat ng “Kagandahan,” ngunit nasasaplutan ng pakahulugang banyaga sa wikang banyaga. Dumarating sa atin ito ngayon sa pamamagitan ng isang banyagang wika at mahirap ganap na tarukin ang nangyaring distorsiyon sa inilapat na kahulugan ng mga misyonerong Espanyol.

Sa bokabularyo halimbawa nina Noceda at Sanlucar (1754) ang lahok na “gandá” ay may pakahulugang “Lindeza, hermosura, logro.” May dalawang mukha ang “ganda” sa tingin ng mga butihing padre. Nása isang panig ang lindeza at hermosura na kapuwa tumutukoy sa mainam na anyo at nása kabilâng panig ang logro na may kaugnayan sa mabuting kapalaran. Itinuturing na “maganda” sa isang panig ang nakalulugod sa pandamá, lalo na sa paningin; at sa kabilâng panig ang tagumpay at pakinabang na nakamit ng isang tao. Bagaman nakakatulad ng ibig sabihin ay higit na kapaki-pakinabang ang mga paglilinaw sa dalawang pakahulugan ng Vocabulario Tagalo (1624) ni Fray Francisco de San Antonio.

GANDA-1, pc. El bien, que se halla en persona, que no hay
que tacharle, por ser de suyo buena, sin que se adorna y
componga. Y de aquí, cualquier cosa, que tiene tan buena
hechura, que sin ponerla más adorno, es: Magandá.

 

GANDA-2. pc. La ganancia, que se saca del trato:empleo
Diez tostones; si saco veinte, es: Ibayiu: si saco treinta, es:
Gandá. Ginagandahán siya nang calacal; saque ganancia de
el. Ang gandá sa acquing puhunan, ay sanggayón. En este
sentido no tiene más composiciones, empero dar a logro.
Nagpapagandá: el que lo da, y el que lo recibe. Pagandahán:
Darlo or recibirlo, de una ó de otra parte.

Nasabi ko na ang panganib ng distorsiyon bunga ng pangyayaring nakabatay ngayon ang tinititigan nating pakahulugan sa pagkakatalâ ng mga banyagang misyonero. Maraming ebidensiya ng gayong sinasadyang pagbago sa katotohanan dahil sa iwing prehuwisyo ng banyagang mananakop laban sa itinuturing na imperyor na kultura ng sákop. Napakaposible din ng pagbaluktot ng kahulugan, hindi man sinasadya, dahil sa limitasyon ng pagkaunawa ng isang banyaga sa ating wika. Gayunman, bukod sa tila ito kaso ng kapit sa patalim, dahil wala nang ibang magagamit na sanggunian, makabuluhang isaalang-alang ang posibilidad na ibinuhos ng mga padre ang talino’t kakayahan upang makabuo ng isang kapani-paniwalang aklat sa leksikograpiya na alam din niláng sasailalim sa balidasyon ng susunod sa kanilang henerasyon ng mga misyonero.

Mula dito, maaaring ihaka na ang unang pagdalumat sa “Kagandahan” ay katangiang umaakit o tumatawag ng pansin. Hindi lámang iyon. Ang pangunahing pang-akit nitó ay ang “nakalulugod” sa pandamá. Bílang pamantayan, anumang bagay o sinumang tao na ituring na “maganda” ay nagtataglay ng pang-akit na maaaring tamasahin: nakaaaliw sa matá, masarap lasapin, mabango sa pang-amoy, banayad sa tainga, o malambot at makinis haplusin. Isang kahanga-hangang pagkakataón ang magtaglay ng “Kagandahan” at maaaring asahan ng nagtataglay nitó ang paghanga ng sinilangang lipunan at daigdig. Nakatatakam ang “magandang” paghahanay ng kakanin sa restoran; pinapalakpakan ang “magandang” pagtugtog sa piyano; ipinagmamalaki ang “maganda” at bagong damit; napapalingon ang lahat sa “magandang” hubog ng katawan ng binibini; pangarap ng marami ang “magandang” kotse.

Ang ikalawang pagdalumat sa “Kagandahan” ay katangiang umaakit sapagkat “nakasisiyá.”  Ang pamantayang “nakasisiyá” ay iba, bukod sa malimit ituring na higit, kaysa “nakalulugod.” Sinusúkat ang “kasiyáhan” sa idinudulot na kabutihan. Ang isang bagay na “maganda,” alinsunod sa ikalawang pamantayang ito, ay hindi lámang “nakalulugod” sa pandamá. Sa halip, ang pang-akit nitó ay nása idinudulot na gamit o silbi, at siyempre, gamit o silbi sa tao at daigdig ng tao. Itinuturing nitó ang “Kagandahan” na isang kasangkapan tungo/ukol sa isang layunin o wakas. “Maganda” ang bahay na makinis ang pagkakayari. Ngunit higit na “maganda” ang bahay na hindi naibubuwal ng hangin at bagyo. Kaagad ding mapapansin na ang ganitong “Kagandahan” ay sinusukat alinsunod sa pangangailangan. “Maganda” ang isang matalim na palakol dahil nakasisibak ng matigas na kahoy ngunit “maganda” rin ang matigas na kahoy bílang haligi dahil hindi kinakagat ng anay; “maganda” ang mainit na panahon dahil mabilis tinutuyo ng araw ang ibinilad na palay, ngunit “maganda” rin ang panahong maulan para sa bagong tanim na palay.

Mula dito at batay sa dalawang naturang taal na pagdalumat, sa nagdaang panahon ng nakasulat/nakalimbag na kasaysayan ng Filipinas ay binalutan/sinaplutan ang “Kagandahan” ng mga katangian, pamantayan, at pagtingin na malimit na sumisikil sa una o sa ikalawang pagdalumat alinsunod sa “simoy” ng panahon, maliban sa ilang maikling yugtong mapagpalaya at may adhikang usisain ang kairalan.

Sa ating panitikang pambansa, isang kauna-unahang limbag ukol sa “Kagandahan” ay ang tulang papuri ni Don Pelipe de Jesus sa librong salin ng Barlaan at Josaphat (1712) ni Fray Antonio de Borja. Sa ika-11 saknong ng mahabàng dalit ni P. de Jesus ay naipatalastas niya:

Ang Padre Antonio de Borja
kay Hesus na Compañia,
siyang naging dalubasa
nitong aral na maganda. (akin ang italiko)

Pagkaraan ng ganitong introduksiyon, iniulat ni P. de Jesus ang natutuhan niyang “aral na maganda” sa aklat ni Fray de Borja. Sa gayon, pagkaraang purihin ang misyonerong nagsalin ng Barlaan at Josaphat ay nagmistulang isang sermon ang tula ni P. de Jesus para sa mga kapuwa Tagalog—isang sermon hinggil sa halaga ng aklat na pinupuri niya at sa mga pakinabang na idudulot nitó sa mambabasáng Indio upang maging tunay na Kristiyano. Para sa atin ngayon, ang “aral na maganda” ni P. de Jesus ay isang pahayag ng paglalatag sa layuning“Kagandahan” ng pagsulat sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. “Maganda” ang panitikan o aklat ng panitikan na may “aral,” at nakasaad sa tula mismo ni P. de Jesus ang mga “aral” na itinuturing na “maganda” sa panahong iyon, halimbawa’y pag-iwas sa mga layaw at bisyo, pagpapakumbabâ, pagsasakripisyo, at sa maikling salitâ, pagsunod sa mga utos ng Simbahan upang magkamit ng biyaya sa Langit. Isang makapangyarihang talinghaga ni P. de Jesus hinggil sa umiiral na kawalan ng “aral na maganda” sa hanay ng mga Indio ay ang ika-29 saknong:

Katawan mong madudurog,
uuori’t mabubulok,
siyang sinusunod-sunod,
hinihimas, iniirog.

Sa ating pananaw ngayon, sinasabi ni P. de Jesus na lubhang nakatuon ang hilig ng tao sa pagsunod sa pansariling nais, sa lubhang pagtamasa sa ngayon at dito, at nalilimot ang pag-aalaga ng kaluluwa, ang pagtunton sa kabanalang kailangan upang magtamo ng kaginhawahan sa kabilâng-búhay. Bakit mo sinusunod ang hilig ng katawan mo? Surot niya sa mga Indio. Pansamantala lámang ang katawan mo, uuorin iyan at mabubulok kahit ano ang gawin mo pagsapit ng kamatayan. Ang higit mong dapat asikasuhin hábang nabubúhay ay ang mga “aral na maganda” upang makaligtas ang iyong kaluluwa at magkamit ng walang-hanggang “Kagandahan” sa Langit.

Ang “aral na maganda” ni de Jesus ay isang pagdidiin sa isang higit na kapaki-pakinabang na logro at ganancia. Iginigiit nitó ang isang “Kagandahan” ng kabutihan alinsunod sa isang pamantayang etikal—ang moralidad na Kristiyano. Ang “aral na maganda” ng Kristiyanismo ay isang mahusay na kasangkapan upang magkamit ng isang higit na permanenteng ginhawa sa kabilâng-búhay kaysa panandaliang ligaya ngayon at dito sa lupa. Itinuturo ng “aral na maganda” ang paraan ng pagpapakabanal sa búhay bílang totoong daan—ang “daang matuwid,” sasabihin sa Barlaan at Josaphat—para mailigtas ang kaluluwa sa parusa’t sumpa ng Impiyerno.

Kasangkapan ng “Katotohanang” Kolonyal

SUBALIT IDINADAKO NG “aral na maganda” ni P. de Jesus ang “nakasisiyá” sa pamantayan ng “totoo.” Ang “Kagandahan” ay “maganda” hindi lámang dahil sa dulot na kabutihan kundi dahil sa taglay na “Katotohanan.” May himig na nag-aatas ang tula ni de Jesus. Nása antas na imperatibo at hindi maaaring suwayin. Mapapahamak ang sinumang sumuway. Samantala, naghihintay ang gantimpala, ang tiyak at garantisadong gantimpala, sa sinumang sumunod sa kaniyang natutuhang “aral na maganda” mula sa aklat ni Fray de Borja. Tulad ng ibang pamantayang etikal, ipinatitiyak ng moralidad na Kristiyano na nais palaganapin ng aklat ni Fray Borja ang “Katotohanan” ng mga “aral na maganda” sa pamamagitan ng garantisadong pag-akyat sa Langit. Hinubog ng “Katotohanang” Kristiyano ang pinaniwalaang “Kagandahan” sa wika ni P.de Jesus.

Ang “Katotohanan” ng “Kagandahan” ang nais suriin ng ika-41 saknong ni Balagtas.

Nagsimula ang kritika ni Balagtas sa pamamagitan ng pagpapasok sa sangkap ng “tiwala.”  “Katiwala ako’t ang iyong kariktan/ kapilas ng langit anaki’y matibay,” pagtatapat ni Florante sa unang dalawang taludtod ng ika-41 saknong. Naniwala diumano siyá sa “Kagandahan” (kariktan) ni Laura at kayâ ibinigay ang ganap na “tiwala.” At ano ang batayan niya sa gayong pagtitiwala? Nagtiwala siyá sa “Kagandahan” ni Laura dahil lubhang ikinasiyá niya ang katangian nitóng “matibay.” Pansinin din ang paghahambing sa “Kagandahan” bilang “kapilas ng langit” kayâ inakalang “matibay.” Makabuluhan ang naturang paghahambing sa yugto ng paglilinaw ukol sa mapaghimagsik na saloobin ng saknong ni Balagtas. Samantala, higit munang dapat pag-ukulan ng pansin ang panukalang “tiwala” bílang kahingian sa “nakasisiyá” upang maituring na “Katotohanan” ang “Kagandahan.”

Ang “Kagandahan” bilang kasangkapan ay itinuturing na mabuti kapag naglilingkod tungo/ukol sa isang layunin o wakas. Nasusubok ang naturang kabutihan sa pamamagitan ng aktuwal na gamit, sa totoong paglilingkod ng kasangkapan. Nasusubok ang layunin nitóng maging matibay, matatag, mahusay, atbpang katangian ng mabuting kasangkapan. Sa paulit-ulit pang gamit ay lumilitaw at tumitingkad ang totoong pakinabang nitó, ang totoong kabutihan nitó bílang kasiyá-siyáng kasangkapan. Sa ganitong pagsubok natitiyak ang katapatan ng kasangkapan sa itinakdang layunin para dito, at sa gayon, nabubuo ang “tiwala” sa “Kagandahan” ng kasangkapan. Ang isang punongkahoy ay ginawang haligi dahil inakalang matibay. Nasubok ang tibay nitó bílang haligi nang hindi maibuwal ng nagdaang malakas na hangin ang bahay. Nasubok pa ang tibay ng haligi sa pagdaan ng mga bagyo. Dahil sa nakitang totoong tibay ng haligi ay nabuo ang tiwala ng komunidad sa punongkahoy upang gamitin itong haligi sa mga bahay. Naniwala ang komunidad sa katapatan ng punongkahoy sa gamit nitó bílang matibay na haligi.

Ang ibig sabihin, kailangan ang sapat na panahon upang matarok ang katapatan ng kasangkapan sa itinakdang gamit nitó. Kailangan ang panahon ng pagsubok upang mapatunayan ang totoong nakasisiyá, upang matiyak na totoo ang “katotohanan” ng “Kagandahan.” Sapagkat maaaring may hanggahan palá ang kabutihan nitó. Paano kung biglang matuklasan na pinamahayan ng anay ang pinaniwalaang matibay na haligi? Matibay lámang palá ang punongkahoy laban sa hangin at bagyo ngunit mahinà sa kagat ng anay. Biglang naligalig ang buong komunidad na nagtiwala sa paggamit ng punongkahoy bílang haligi ng kanilang mga tahanan. Kailangang magpalit ng mga haligi at kailangang humanap ng ibang punongkahoy na mapagtitiwalaang may higit na tibay. Kailangang humanap ng punongkahoy na matibay laban sa hangin at bagyo at matibay din laban sa anay. At sa pagpapalit ng mga haligi, kailangan din niláng buwagin ang kanilang mga tahanan. Gayon kabigat ang pinsalang idinudulot ng radikal na pagbabago, kung maaaring ihambing ang magaganap na halos pagwasak sa bahay dahil sa pagpapalit ng mga haligi. Samantala, nasira at naglalaho ang tiwala sa unang punongkahoy na ginamit bílang haligi. Bumagsak sa aktuwal na gamit ang “Katotohanan” ng unang punongkahoy, bumagsak ang totoong “Kagandahan” nitó bílang haligi.

Napakahirap umani ng tiwala. Kailangan ang matagal na panahon at ulit-ulit na pagdudulot ng kasiyáhan upang pagtiwalaan ang isang “Kagandahan.” Ito ang subersibong mensahe ng ikalawang taludtod sa ika-41 saknong ni Balagtas. Nagtiwala diumano si Florante na matibay ang “Kagandahan” ni Laura dahil “kapilas ng langit.” Katulad at bahagi si Laura ng “aral na maganda” ni P. de Jesus. Ngunit sa yugtong ito ng panibugho at paghingi ng katarungan sa Langit ni Florante ay natarok niyang maaaring magtaksil ang “Kagandahan.” Wika ni Florante sa ikatlo’t akapat na taludtod ng ika-41 saknong, “tapat ang puso mo’t di nagunamgunam/na ang paglililo’y nasa kagandahan.” Hindi si Laura lámang ang tinutukoy na “kagandahan.” Nagpapahiwatig ng himagsik laban sa nakamihasnan ang talinghaga ni Balagtas. Iginigiit naman ngayon ni Balagtas ang posibilidad na maaaring di-totoo ang “aral na maganda” na pinalaganap ng panitikan mula sa panahon ni P. de Jesus. Kung ang kagandahan ni Laura na “kapilas ng langit” ay maaaring magtaksil, hindi ba’t maaaring isunod na huwag ganap na magtiwala sa “Katotohanan” ng “aral na maganda” hinggil sa kabutihan ng Langit? O kayâ, at isa pa rin itong marikit na himagsik. O kayâ, nais ipanukala ni Balagtas na huwag lubhang magtiwala sa tibay ng “Kagandahan” kahit ito’y “kapilas ng langit.” Muslak si Florante, lubhang mapagtiwala, kayâ nalinlang tungo sa kaniyang kahabag-habag at tila wala nang kaligtasang kapalaran. Hindi niya ginamit mabuti ang bait upang mag-ingat. Na hindi ba’t isang leksiyon din para sa mga mambabasá na mag-ingat kahit sa nagpapakilála-sa-sarili na “aral na maganda” at “kapilas ng langit”?

Dagdag pang marikit na siste sa talinghaga ni Balagtas ang yugto ng pagbigkas ni Florante sa ika-41 saknong. Binigkas iyon ni Florante sa gitna ng matinding panibugho, sa gitna ng masidhing hinala na pinagtaksilan siyá ng kasintahan, at sa yugtong nalilito at nagsusuri ng katotohanan ang ating mandirigmang bida. Hindi pa niya naaabot ang totoong yugto ng karunungan. Ngunit kahit nása yugto pa lámang ng bubot na kamulatan ay nabigkas na niya ang isang makabuluhang aral laban sa “aral na maganda.” Wari ngang nais ni Balagtas na ibahagi sa mga mambabasá ng kaniyang awit na hindi kailangan ang putîng buhok ng karunungan upang marating ang gayong pagmumuni. Kung sakali namang ituring itong subersibo ng Awtoridad at usigin siyá ay maaari niyang ikatwiran na bunga lámang iyon ng nagdedeliryong isip ng kaniyang desperadong tauhan.

Totoong napakahirap hulíhin ang ‘Katotohanan” sa wikang alegoriko.

Mga Kahingian sa Talinghaga

ANO’T ANUMAN, ANG ika-41 saknong ni Balagtas ay maaari ding basáhing subersiyon laban sa banyaga’t kolonyal na “Kagandahan.” Iginigiit nitó ang higit na pagtitiwala sa katutubong bait at katwiran. Higit na maraming naliwanagan si Florante hábang mag-isang nakapugal sa punongkahoy sa gitna “madilim, gubat na mapanglaw” at minumuni ang pinagdaanang búhay. Nakaigpaw siyá mula sa muslak na pag-iisip ng isang kabataan tungo sa mapapait ngunit makabuluhang mga karunungan sa tulong ng kaniyang sariling kuro at nag-iisang pagdalisay sa kaniyang makulay na mga karanasan. Mula sa pagtatakwil sa napag-aralang mga “aral na maganda”—ang lagom ng banyaga’t kolonyal na “Kagandahan”—ay nakausad ang kaniyang istorya/historya sa totoong pagsasarili at sa kailangang karunungan upang magampanan ang naghihintay na tungkulin sa kaniyang bayan.

Kinipil ni Balagtas para sa atin, at kaipala para kay L.K. Santos, ang isang panukalang cultura integral ng “Kagandahang” Filipino.

Hindi mahirap hakain na iniisip ni L.K. Santos si Balagtas nang kaniyang isulat ang kaniyang hakang totoo at materyal na “magandang” talinghaga. Ang totoo, tulad ni Rizal ay nag-ukol siyá ng mataas na pagdakila kay Balagtas, kabílang na ang mahirap pantayang kakayahan ng Sisne ng Panginay na malikha ang talinghaga laban sa kataksilan at kawalan ng katarungan ng pananakop na banyaga (“El gran merito de estos versos del “Florante” consistia en haberlos podido escribir y publicar el autor, en tan habil modo de denunciar el imperio de la traicion y la injusticia, aliadas, bajo cuyo sufria pacientemente su propio pais, sin que la rigidisima Censura de entonces…”)

Gayunman, hindi sapat ang modelo ni Balagtas tungo sa ganap na paglaya ng kamulatan mula sa hulmahang nilinang ng kolonyalismo. Ito ang nakatanghal na pangwakas na balintuna sa Peculiaridades de la poesia tagala ni L.K. Santos. Matapos ang tinalakay kong malusog at mapagpalayang pagpapakahulugan sa talinghaga, ang pagsusuri ni L.K. Santos ay dumausdos pabalik sa pamantayang banyaga’t kolonyal ng “Kagandahan.”

Nagsimula ang pagdausdos pabalik sa pagbanggit niya na may dalawang uri ng talinghaga: ang (1) mababaw at ang (2) malalim. Waring wasto pa ang naturang urian nang ipataw niya ito sa bugtong, lalo na upang linawin na may mababaw na bugtong dahil madalîng maintindihan at sa katunayan ay maaaring gamitin ng musmos, samantalang may bugtong na sadyang malalim at pinaghihirapang lurukin kahit ng tigulang. Inulit niyang halimbawa ng malalim na talinghaga ang Florante at Laura na nagtagumpay ipahiwatig ang nakalulunos na kondisyon ng Filipinas sa ilalim ng pananakop sa pamamagitan ng isang popular na tulang pasalaysay.

Subalit bumigat ang suliranin at lumitaw ang pagdausdos pabalik nang ipaliwanag niya kung ano ang mga kahingian ng malalim na talinghaga. Tatlo diumano ang kahingian. Una, kailangang ang talinghaga ay ipahayag sa wikang alam ng madlang bumabása o nakikinig. Ikalawa, kailangang magkakaugnay ang mga paghahambing at pagpapalit bukod sa may mahigpit na kaugnayan ang mga ito bílang talinghaga sa inihahambing at pinapalitan. Ikatlo, kailangang ang mga salitâ at pangungusap sa talinghaga ay “wasto, tiyak, marangal, masigla” (correcto, conciso, noble, enérgico). May mabubuting simulaing maaaring matutuhan sa una’t ikalawa, bagaman maaaring mahalata sa dalawa, alinsunod sa ibinigay niyang ehemplo, ang lubhang pagsandig sa popular na idyoma at pagsikil sa adhikang mag-eksperimento. Sa ikatlo higit na tumanghal ang hilig na konserbatibo ni L.K. Santos hinggil sa wika ng pagtula. Hindi mapasusubalian ang kabuluhan ng tiyak (conciso) at masigla (enérgico) sa pagpilì ng talinghaga. Ngunit muling umiral sa konsepto niya ng wasto (correcto) at marangal (noble) ang luma na’t mapaniil na pamantayang ninanais igpawan ng mapagpalayang “Kagandahan.”

Pinasok, o muling binalikan, ni L.K. Santos ang karaniwang dapat inaasahang bitag ng pamantayang etikal—ang paggigiit sa “Kagandahan” ng “Katotohanan” nitó, at sa kaso ng “Kagandahang” kolonyal at Kristiyano, ang “Katotohanan” ng mga “aral na maganda” na nagpiit sa alindog ng “Kagandahan” sa bilangguan ng mapanakop na mithiin ng kolonyalismong Espanyol, ang pinaratangan ni Balagtas na “mapaglilo” o di-totoong “Kagandahan.”

Bago magpatuloy, isa munang dapat ipagpaunang paglilinaw: Kailangan ba ng “Kagandahan” ang pamantayang etikal? O kayâ: Nakasasamâ ba sa “Kagandahan” ang pamantayang etikal? Ang sagot sa unang tanong, hindi kailangan ngunit mahirap maiwasan. Ang sagot sa ikalawang tanong, maaaring makasamâ at maaari ding hindi makasamâ.

Para ipaliwanag ang mga sagot, kailangang sipatin ang “etika” bílang isang banyagang dalumat, isang salitâng hatid ng kolonyalismo mula sa Griyegong êthicos, kayâ nag-ugat sa ating kasaysayan nang kahanay at kaagapay ng doktrinang Kristiyano. Hindi nangangahulugang walang ganitong tuntuning panlipunan ang ating sinaunang barangay. Hindi maaari. Hinihingi itong bigkis sa anumang malaking kalipunan ng tao upang patnubayan ang asal, kilos, at pananalitâ ng bawat isa alang-alang sa pagkakaisa, pagsúlong, at pagtatanggol ng kapakanan ng kalipunan. Maituturing halimbawang katutubo at etikal na dalumat ang “kapuwa” at “damay”—na nag-aatas ng obligasyong isaalang-alang ang búhay ng iba tungo sa pagpapakatao. Ngunit kung bagá sa “aral,” ang kapuwa o damay ay hindi isang kodigong dapat isaulo at lalo na’y hindi nakalimbag sa aklat. Naisasaloob lámang ito ng isang musmos na miyembro ng komunidad sa pamamagitan ng pagsunod at pakikiramdam sa halimbawang ugali ng nakatatanda.

Marahil, pinakamalapit nang salin ng “etika” ang naitalâ nina Noceda at Sanlucar na “áral na magalíng.” Kung mumuniin din ang pakahulugan ni Fray San Antonio sa “galíng”—“Bien, que se halla en cualquier cosa hermosa, graciosa, de buen parecer. Es propia {para} la vista.”—nakatimo sa pagtingin sa “magalíng” ang katutubong “Kagandahan.” Kung hindi man iisa, may mga aspekto ng pagsasanib ang “magalíng” at “maganda” sa pagmuni ng ating mga ninuno. [Muli, maaari ngayong pagdudahan ang ganitong pagtitiyap ng “Kagandahan” at “kagalíngan” dahil nakasalig sa ulat ng mga misyonero. Maaaring lihim at nais ng mga leksikograpo ang naturang pagtitiyap upang maipasok bílang “taal” ang pagtatagpo ng dalawang dalumat, at sa gayo’y maihanda ang katwiran ukol sa isinagawa niláng pagpapalaganap sa mga “aral na maganda” noong panahon ng pananakop. Ngunit saan táyo dadalhin ng gayong duda? Lubha nating pinahuhusay ang kanilang mapanakop na talino. Samantala, may ibang mga patunay upang mabawasan ang ating suspetsa.] Ang isinasaloob na halimbawa ay isinasalin sa tunay na asal, kilos, at pananalitâ ng nagsasaloob, paulit-ulit, hanggang maging “ugalì” at paglipas ng panahon ay halos wala-sa-loob na isinasagawa sapagkat “nakaugalian” o “nakamihasnan.” Ang kabuuan o bawat sangkap ng “nakaugalian” ang tinatawag na “kaugalian”—ang batas o tuntuning gumagabay sa búhay ng mga kasapi ng ating sinaunang lipunan, na itinataguyod sa pamamagitan ng mga salawikain at awit, ipinalalaman sa mga alamat, kuwentong-bayan, at epikong-bayan, bukod sa ipinagdiriwang sa mga pagtitipon at ritwal ng sambayanan. Binubuo ito ng mga “aral na magalíng” dahil itinuturing na kailangan ng tao tungo sa kagalíngan ng kaniyang sarili at ng kaniyang komunidad.

Ang kaugalian ay may kapangyarihang tulad ng tinatawag nating “batás”  ngayon. Ngunit bahagi pa lámang ng pagpapairal ng kaugalian noon ang pagiging “batás” nitó. Bakit? Sapagkat kawangki nitó ang itinuturing noon na “batás,” na sang-ayon sa ating mga misyonerong leksikograpo ay “ang pagbubukás ng bagong landas o ang paglalakad sa pamamagitan nitó” (El acto de abrir nuevo camino o ir por el.) Kaugnay mismo ng paglakad sa isang bagong landas ang tinatawag na “pananalunton” o “pagtunton” na siyáng ugat naman ng “tuntúnin” natin ngayon at itinuturing nating kapatid ng kasalukuyang “batás.” [Hanggang sa Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano-Laktaw ay pagdaraan sa batis o estero ang “batás.”] Kayâ kinailangang ipahiram ng mga Espanyol ang “ley” (na malimit bigkasin at isulat na “lei” at may dalawang pantig sa mga komedya at korido), “régla,” at “reglaménto” upang ipakahulugan ang utos na mula sa isang awtoridad. Noong araw, hindi “batás”—sa pakahulugan natin ngayong utos mula sa isang tao o pangkat na makapangyarihan—ang kaugalian; ngunit “batás” ang kaugalian sapagkat napatunayan na ng karanasan ng komunidad na nagdudulot ito ng “daang matuwid,” sapagkat may kasaysayan ito ng “kagalíngan” para sa lahat.

Maging ang pagiging “bihása” noon ay nagmumula sa panununton sa “nakaugalian,” nagmumula at tumitibay sa pag-aaral at pagsasagawa ng kaugalian. Anupa’t ang “nakamihasnan” ay itinuturing na singkahulugan ng “nakaugalian.” [Kayâ’t makikita sa “kabihasnan” ngayon bílang salin ng civilization ang posibleng kaibhan ng pagdalumat natin sa orihinal na sibilisasyon mulang Kanluran.] Bagaman dapat ipagpauna ang maaaring pag-uuri noon pa sa “nakamihasnan.” May masamâ at may mabuting “nakamihasnan,” at itinuturing na bunga ito ng masamâ o mabuting pagkatuto ng batà o ng masamâ o mabuting pagpapalaki ng magulang sa anak. Mahalaga ang ibinibigay na edukasyon ng magulang sa posibleng pagiging bihasa ng anak, na maaaring lumitaw na bihasang magnanakaw o bihasang magsasaka. Ito, kaipala, ang isang seksiyon ng “aral na magalíng” mula sa ika-197 saknong ng Florante at Laura hinggil sa wastong edukasyon ng anak:

“Pag-ibig anaki’t aking nakilála
di dapat palakhin ang batà sa sayá,
at sa katuwaa’y kapag namihasa (akin ang italiko)
kung lumaki’y walang hihinting ginhawa.

Ang seksiyong ito ng awit ni Balagtas ang maituturing na solido’t tahas na pagpapahayag ng kaniyang hálagáhang etikal. Sang-ayon na rin kay Balagtas, ang uri ng nakamihasnan ang nagpapasiya sa ililitaw na “bait at muni” ng tao. Pinapanday ng nakamihasnan (at nakaugalian) ang magiging pagpapahalaga ng tao sa tama o mali, sa wasto o di-wasto, sa lahat ng kaniyang mga gawain, lunggati, at pangarap, ang pamana ng lipunan sa kaniyang cultura integral at gagamitin niya sa paglikha ng “Kagandahan.”

Katotohanan Bílang Kumbensiyon

UULITIN KO, HINDI ipinagbabawal sa sinauna’t katutubong “Kagandahan” ang pamantayang etikal. Itinuring na malusog na sangkap ng panitikang-bayan ang mga “aral na magalíng,” bukod sa totoong nakapahiyas sa mga salawikain at buod ng maraming awit at sinaunang salaysay. Ang nakaugalian bílang pamantayang etikal ay tinanggap na “maganda” sapagkat ikinasisiyá at pinaniniwalaang nagdudulot ng kabutihan. Ang “aral na magalíng” ay naituturing na totoo at “maganda” kapag napatunayang nagpayabong sa bait at muni at nagpalusog sa sariling pagkatao. Subalit itinuturo din sa atin ngayon ng sariling kasaysayang pambansa na maaari itong abusuhin at gamitin upang sumikil sa katutubong “bait at muni” ng tao. Sa loob ng 300 taón, ang mga “aral na maganda” na tinulungan ni Don Pelipe de Jesus na lumaganap ay maaaring totoong “maganda” ngunit naging kasangkapan sa pananakop, naging kariktang mapaglilo sa wika ni Balagtas, at naging hadlang sa kalayaan ng mga Filipino. Mula kay Balagtas sa gayon ay nagsimula ang panahon ng paglitis sa pinairal na pamantayang etikal ng “Kagandahan,” nagkaroon ng kasukdulan sa panitikan ng Himagsikang 1896, lalo na sa pamamagitan ng sigaw na “Kalayaan!” laban sa lahat ng manipestasyon ng panahon ng kolonyalismo, at inaasahan nating ninanais ding linangin ng lektura ni L.K. Santos noong 1926.

Dapat isingit ang munting paglilinaw sa kalayaan bílang “Kagandahan” alinsunod sa pamantayang Katipunero. Isa itong pamantayang etikal. Ngunit isa itong mapagbagong reaksiyon o malikhaing sintesis/pagbása sa paglitis ni Balagtas laban sa “mapaglilong Kagandahan” ng “magandang aral” sa panahon ng kolonyalismo. Sa payak na argumentong Katipunero, kung mapaglilo ang “Kagandahan” ng kolonyalismong Espanyol at bingi ang Langit sa lehitimong hibik ng bayan (ng katulad ni Florante), itinuturo ng bait at katwiran na kailangang isandig ang “Kagandahan” sa ibang pamantayang etikal. Ito ang naging Himagsikang 1896 bílang higit na maganda, kabuluhan, at makatotohanang “aral na magalíng” at ang kalayaan bílang pangunahing katangian ng “Kagandahan.” Alinsunod sa katwirang ito ay iniusig niya sa mga kababayan ang sumusunod:

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya’y inaapi, bakit kumilos
At natitilihang ito’y mapanood?

Hindi lámang nagtataksil ang Espanya sa sandugo at ipinangakong “Liwanag” sa sinakop na Filipinas. “Nilalapastangan at niyuyurakan” pa nitó ang dangal ng bayan, kayâ makatwiran at lehitimo ang maghimagsik.

Ngunit hindi ganap na naisaloob ni L.K. Santos (at ng iba pang Balagtasista) ang kabuluhan ng kalayaan, alinsunod sa simulain ng Katipunan, sa kaniyang pagmuni sa dapat sanang magbagong pagpapakahulugan sa “Kagandahan.” Tulad ng nasabi ko na, lumitaw ang kaniyang pagdausdos pabalik sa inihanay niyang tatlong kahingian ng talinghaga. Lalo na ang ikatlo. Ulitin natin ang ikatlo:  kailangang ang mga salitâ at pangungusap sa talinghaga ay “wasto, tiyak, marangal, masigla” (correcto, conciso, noble, enérgico). Ang mga pang-uring “wasto” at “marangal” ay kaagad nagpapahiwatig ng pamantayang etikal upang maging “maganda” ang talinghaga. Na kung babalikan ang nagdaang paliwanag ay hindi masamâ dahil may katutubong ugat ang pamantayang etikal sa Filipinas. Hindi masamâ, ngunit mapanganib. Sapagkat maaaring mairalan ang pamantayang etikal ngayon ng naging dominanteng doktrina sa panahon ng pananakop at sumikil sa kalayaan ng “bait at muni.” At nahulog siyá sa naturang bitag—ang pag-iral ng isang naging dominante at masamâng nakamihasnan—hábang inaadhika ang “wasto” at “marangal” sa talinghaga.

Ang “wasto” ay isang patibong sa pamantayang etikal. Nangangahulugan lagi ito ng disiplina sa asal, kilos, at wika ngunit maituturing na kailangang sangkap sa pagtatanghal ng paggálang at paggagalangán ng tao/mga tao sa lipunan. Makabuluhan din itong kontrol laban sa mapagmalabis na aplikasyon ng demokrasya. Ngunit masamâ ito kapag naging abusadong paghihigpit laban sa kalayaan, lalo na upang supilin ang malikhaing pag-iisip at damdamin, at pairalin ang isang kodigong dapat sundin ng lahat. Ang “wasto” bílang mahigpit at hindi maaaring suwaying atas ang mahihiwatigan mismo sa paglalatag ni L.K. Santos sa mga tuntunin ng tugma’t súkat. Mula sa tinipon ni Rizal na mga nakamihasnan sa tugma’t súkat ng mga Tagalog ay inilalatag na ng lektura ni L.K. Santos ang “Kodigo ng Tugma’t Súkat”—ang batas na sinusunod niláng mga Balagtasista at batas na dapat sundin ng mga makata upang maituring na “wasto” at “maganda” ang kanilang pagtula.

Narito na ang sintomas ng pagtigas ng nakamihasnan, kahit sabihing katutubo at nakabubuti laban sa banyaga’t kolonyal, ang pormalisado bílang matigas na hulmahan ng paglikha, ang malusog na tradisyon bílang isang estatiko at hindi na dadaloy na kumbensiyon. Nagiging kasabwat pa ng ganitong paghihigpit ang “marangal.”

Sino ba ang ayaw maging “marangal”? Napakahalaga nitó sa pagkatao ng nais lumayang sákop. Ito ang pangunahing salik ng pagkatao na yinuyurakan ng pananakop. Tinatanggalan ng mananakop ang sákop ng dangal at mataas na pagtingin sa sarili upang magkaroon ang ikalawa ng matinding isipang-alipin, ng ganap na isip-sungyaw (inferiority complex), at manatiling alipin ng panginoong mananakop. Kung nayurakan ang dangal sa panahon ng kolonyalismo, himok ni Bonifacio, kailangan itong muling maitaas. Sa gayon, kapag binása ang programang mapagpalaya nina Bonifacio ay nangunguna ang pag-antig sa dangal ng mga kababayan upang ikahiya ang pagiging busabos at matutong maghimagsik. Samakatwid, hindi masamâ ang lumikha ng “marangal” na talinghaga.

Ngunit malaki rin ang posibilidad na ang pagtingin sa sariling dangal ng isang sákop ay kinubikong na ng pananakop. Kubikong ang tabla na nagkalukot-lukot ang rabaw dahil nababad sa tubig; kubikong ang kamulatan na nabaluktot ang taal na katwiran at pagpapahalaga dahil sa nagharing masamâng impluwensiya. Ang ibig sabihin, dahil sa matagal na pagkababad sa kultura ng pananakop, posibleng ang nais ikarangal ng sákop ay maging katulad, kahit sa bisyo, ng kaniyang mananakop. Pinakamalubhang manipestasyon ng kubikong na kamulatan ang paggaya ng alipin sa kilos, asal, at lunggati ng dapat sana’y kamuhiang mang-aalipin. Lumitaw ito sa ambisyon ng mga Propagandista na maging kapantay sa karapatan ng mga mamamayang Espanyol. At lumitaw din ito sa paliwanag ni L.K. Santos hinggil sa “marangal” na wika ng tula. Muli, may iba’t ibang uri ng wika at mainam na maalam gumamit ang isang tao ng angkop na wika para sa layunin at target ng kaniyang pahayag. Ngunit ang “marangal” na wika para kay L.K. Santos ay katulad halos ng kaniyang “wasto” at isang paraan ng pagbubukod sa wika ng nakatataas kaysa wika ng nakabababàng uri ng tao sa lipunan. Ang “marangal” na wika ni L.K. Santos ay wika sa bulwagan ng mga pribilehiyado at disente at nagtatakwil sa itinuturing na wika ng lansangan at bulgar. Ang “marangal” na wika niya ay mula sa dibdibang pagsasaulo ng mga tuntunin at kumbensiyon upang maging nakalulugod sa tingin ng Awtoridad. Sinipi niya ang isang kopla upang ipakita ang tinatawag niyang wikang “di-marangal” (innoble):

Sa kagutuman ko sa iyong pag-irog
Katulad ko’y langaw at ikaw ang pulut.

Isa diumanong di-marangal na prase ang “kagutuman sa pag-irog” at hindi wastong gamitin sa tula ng pagsisintahan. Marahil, dahil nagpapagunita sa primitibo at malahayop na kahayukan. Samantala, nagdaan ang panitikan ng Filipinas sa pagsisintahan ng mga prinsipe at prinsesa na itinatanghal ang pag-ibig sa paraang “pino at pormal” at halos ritwal pati ang pagniniig sa hardin. Hinatulan din niyang dalawang pangngalang “malaswa” (indecentes) ang “langaw” at “pulut” at bílang talinghaga ay bulgar, nararapat lámang sa mga kasayahang pantaberna (tertulias de taberna), at hindi ginagamit sa pagpapahayag ng maseselang damdamin (sentimientos delicados). Sinamantala din niya ang pagkakataóng ito upang punahin ang uri ng popular na pagtula noong panahong iyon, sirka 1929, na ginaganap sa mga liwasang-bayan. Kinagigiliwan diumano ang mga tindero ng bulgar na talinghaga sa mga ferias de la belleza—ang mga pagpuputong o koronasyon ng mga reyna ng pista, at pati na ang bantog noong balagtasan—at pinagkakakitahan ng mga mambeberso ang naaaliw namang madlang “nakabakya.”

Ang “wasto” at “marangal” ni L.K. Santos ay isang napag-aralang pormalidad mula sa nakaraang wika sa panahon ng kolonyalismo, may bahid ng urbanidad alinsunod sa modelong wika ng kagandahang-asal ni Padre Modesto de Castro, at nagtatanghal sa konserbatibong mukha ng makabansang kilusang Balagtasista sa panahon ng Amerikano. Maaaring lingid ito sa kaniyang kamalayan, ngunit ibinabalik nitó sa dambana ng “Kagandahan” ang espiritung mapaniil na inumpisahang tuyain ni Balagtas at pinaghimagsikan ng Katipunan. [Ang totoo, ibinalik nga ng mga trabahong katulad ng ginawa ngayon ni L.K. Santos ang kolonyal at feudal na pamantayang etikal, na siyempre pa’y muling isinaloob ng sambayanang hindi pa nakahuhulagpos sa bilibid ng rosaryo at kumpisalan, at muling nakapangyari hanggang sa kasalukuyan.] Muli nitóng hinahati o nilalagyan ng hanggahan ang malikhaing kalayaang idinulot ng Himagsikang 1896. Nababalutian din ito ng Awtoridad upang magpairal ng Sensura. Ang disenteng wikang ninanais niya ang tahasang magbabawal sa tinatawag na “wika ng silid-tulugan” at mahigpit pa sa mga Hermana sa pagsasakdal laban sa anumang mamarkahang “malaswa.” Bawal ang seks o anumang uri ng erotisismo sa sining at panitikan hanggang makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa wikang “wasto” at “marangal,”  ang anumang pangyayaring sensuwal, at lalo na’y seksuwal, ay kailangang kumutan ng makapal na pahiwatig, sukdang maging katawa-tawa ang “nabásag ang banga,” “naluray na bulaklak,” “kalapating mababà ang lipad,” “naglalaro ng apoy,” atbpang matanda na’t de-kahong talinghaga.

May katotohanan ang pagtatanggol na isang uri ito ng makabayang reaksiyon laban sa “lubhang moderno” kung hindi man “mapanakop na kultura” na dulot ng Amerikanisasyon at nakatakdang lumumpo sa umuusbong pa lámang na diwa ng kalayaan at pag-ibig sa bayan. Subalit hindi napansin ng mga Balagtasista na isinasaloob nilá bílang makabayan ang mga katangian ng “Kagandahan” na pinaghimagsikan nina Rizal, Plaridel, Bonifacio, at Jacinto. Isa ito sa makabuluhan ngunit malungkot na resulta ng naunsiyaming diwa ng Himagsikang 1896. Mabilis ang naganap na pagbansot sa diwang makabayan at mapagpalaya, mula sa loob at mula sa labas, mula sa hanay na repormista’t kontra-rebolusyon sa loob ng Republikang Malolos at mula sa dumating na bago, higit na malakas at higit na matalinong mananakop na Amerikano. Nakalilito ito para sa bagong sibol na makabayan ng ika-20 siglo na gaya ng pangkat na Balagtasista ni L.K. Santos, lalo na sapagkat edukado pa silá sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. Ang pananaig ng kanilang edukasyong kolonyal ang hindi nilá namalayang konserbatismo sa kanilang posturang makabayan bílang mga Balagtasista. Umiral ang ganitong konserbatibong pormalidad sa ibang bellas artes at kahit sa bagong datíng na aliwang pang-entablado, radyo, pelikula, at telebisyon.

Himagsik na Modernista

NOONG DEKADA 60, sa ilalim ng alyas na “Rolando B. Ilagan” ay inilathala ni Alejandro G. Abadilla ang tulang “Erotika 3” at ang banat niya sa unang saknong:

Ang salitâng ganda’y di para sa iyo,
Beybi peys mong iya’y mahahalikan ko.

Tigib sa himagsik ang tula ni A.G. Abadilla laban sa “wasto” at “marangal” ni L.K. Santos. Ang pamagat mismo ay wala sa bokabularyong Balagtasista. Ang “beybi peys” ay pariralang Ingles, baby face, kung sakali’y produkto ng kinamumuhiang Amerikanisasyon ng henerasyon ni L.K. Santos, bulgar, at maging ang himig ng pagsambit ay mahihiwatigan ng itinuturing na “di-marangal” at “malaswang” damdamin. Ang unang taludtod, “Ang salitâng ganda’y di para sa iyo,” ay hitik sa pag-uyam laban sa ibinantayog na uri ng nakalulugod na “Kagandahan” sa umiral na panahon ng “wasto” at “marangal.” Ginagagad—o ginagaya sa paraang patuya—ni A.G. Abadilla ang huwarang “Kagandahan” ni L.K. Santos.

Bago pa iyon, itinatag na ni A.G. Abadilla, kasáma ang ilang kapuwa kabataang manunulat, ang Kapisanang Panitikan noong 1935 at nagsagawa ng iba-ibang paraan ng pagsalakay sa moog ng pormalidad ng mga nakatatandang Balagtasista. “Sinúnog” ng mga Panitikero ang mga akda ng katandaan sa isang demostrasyong pampanitikan sa Plaza Moriones noong 2 Marso 1940, nilamuray ni Teodoro A. Agoncillo sa isang lekturang pangmadla ang iginagálang na nobelang Banaag at Sikat ni L.K. Santos, sumulat ng walang tugma’t súkat (“malayang taludturan” ang naging tawag ngayon) si A.G. Abadilla bukod sa sumulat ng isang napakaseksuwal na nobela, Ang Pagkamulat ni Magdalena katulong si Elpidio Capulong. Ipinaliwanag pa ni A.G. Abadilla ang kaniyang programa ng rebelyon sa “Ang Tula” noong 1938, na tinawag niyang “tugmang sanaysay,” at tahasang inialay kay L.K. Santos kalakip ang pag-asang “maitago ito sa kalupi” ng “Paham ng Wikang Tagalog.” Narito ang unang saknong ng “pangaral” niya kay L.K. Santos:

Sa akin,
Itinatanong mo
Ang tula kung ano…
Subali
Ang bulong ko kaya’t tinig na mahina’y
Makapukaw na rin sa tulog mong diwa?
Sa akin
Kung gayon,
Muli mong itanong kung ano ang tula.

Ang sumunod na mga saknong ni A.G. Abadilla ay mga paraan ng pagtukoy niya sa kung ano ang tula ngunit kasalungat ng mga inaakala niyang turing sa tula ni L.K. Santos. Nilinaw pa niya sa isang sanaysay noong 1967 ang isinagawang himagsik sa pinalaganap na “Kodigo ng Tugma’t Súkat”: “Makikita…ang maliwanag na pagtatangka naming masira ang pinagkagawiang pagtugma ng mga makata natin. Kinusa naming paikliin ang ilang taludtod (sa halip na pare-pareho ang sukat) sa palagay na sa pamamagitan ng gayon maaaring masira ang lakad-sundalong-sabay-sabay-na-lagpak-ng-paa ng karaniwang tugma. Gumawa kami ng rima, di maikakait, subali’t madalas ay may patlang at napapatlanganan ng mga taludtod na hindi karima ng sinundan o ng sumunod. Kawikaan nami’y sa pamamagitan niyan maaaring tumunog na karaniwang salitaan ang mga talata o taludtod na pawang may sukat bagaman di magkakatulad.” Tinutukoy ng kaniyang “karaniwang salitaan” ang impormal at kumbersasyonal, na di-marangal, bulgar, at malimit pang malaswa alinsunod sa pamantayan ni L.K. Santos. Hindi kataká-taká na wika ang malaking bahagi ng ipinanukalang pagbabagong Modernista sa “Kagandahan” sa loob ng ika-20 siglo.

Kagandahang Walang Kasaysayan

DATAPWAT MULA SA pagsipat natin ngayon ay maaaring ituring na isang reaksiyon din ang Modernismong pinangunahan ni A.G. Abadilla sa problematika ng “Kagandahan” dahil sa binansot na diwa ng Himagsikang 1896 at matagumpay na pananakop ng mga Amerikano. Higit nang nakinabang sa edukasyong Amerikano ang henerasyon ni A.G. Abadilla samantalang nakararamdam ng matinding pagsikil mula sa pinaiiral na Awtoridad ng mga Balagtasista. Nakita rin nilá ang posibilidad ng kabaguhang idinudulot ng Amerikanisasyon, isang bagay na ganap namang pinagpipikitan ng matá ng mga Balagtasista, kayâ kinailangan niláng repormahin ang kung anumang taglay din niláng makabayang simulain at igiit ang Modernismo bílang isang higit na praktikal at isang higit na kabutihan para sa makabagong “Kagandahang” Filipino. Ito rin, sa ibang salitâ, ang ideolohiya ng naging dominanteng politika sa lipunang Filipino sa loob ng nakaraang ika-20 siglo.

Inuntol ng Modernismo ang dominasyong Balagtasista, ngunit hindi nitó sinariwa ang makabayan at mapagpalayang diwa ng Himagsikang 1896. Sa halip, ang usisa ni Balagtas hinggil sa “mapaglilong kagandahan” ay naging fulkrum tungo sa sari-saring pagdistansiya palayô sa pamantayang etikal ng “Kagandahan.” Modelo mismo si A.G. Abadilla sa gawaing ito. Ang malimit niyang pag-aalay ng papuri sa “kagandahang hubad”—na maaaring halaw sa Romantisistang pagpangarap sa noble sauvage—ay mabilis maipapakahulugang pagsalungat sa isang “Kagandahang” nagdudulot ng kabutihan na binigyang-diin ng kolonyalismong Espanyol at nagpatuloy na patnubay ng panitikang Propagandista’t Katipunero at hanggang sa kapanahong mga Balagtasista. Ayaw niya ng anumang ideolohiyang pampolitika, ayaw niya ng teknolohiya at ng “pagkukumagkag” para isúlong sa lungsod ang makasariling interes, lalong ayaw niya ng mga bolahan kahit sa hanay ng mga alagad ng sining. Lalong ayaw na ayaw niya ng ipokrito sapagkat lagi niyang mithi ang “katapatan” at damdaming “payak”—na kaagapay ng kaniyang “kagandahang hubad.”

Dahil na rin sa kapanabay na “estetisismo’ ni Jose Garcia Villa—ang lider na Modernista sa panitikan natin sa Ingles—ang lunggating “kagandahang hubad” ni A.G. Abadilla ay ipinagkamalî ng mga kapanahon sa mithing “Sining alang-alang sa sining”—ang lumaganap na etiketa para sa “Kagandahang” nagtatakwil sa hibo ng politika, at higit pa, nakaukol lámang ang paglikha sa pamantayang “nakalulugod.” [Bago ko makalimutan, isang etiketa ring mula sa Kanluran ang naturang etiketa.] Siyempre, angkop na pambukod ito sa inaakalang pagsalungat niya sa mithiing politikal ng mga Balagtasista. Hindi natatatap ng naglalapat ng etiketa na higit na politika ng wika kaysa wika ng politika ang sanhi ng tagisan ng mga Panitikero sa pamumunò ni A.G. Abadilla at ng mga Balagtasistang kahanay ni L.K. Santos. Ang totoo, maliban sa ilang sagad-sa-butong Amboy, ikapopoot ng sinuman sa magkabilâng panig na libaking alagad ng Amerikanisasyon at igigiit ang makabayang sandigan ng kaniyang pagtula.

Gayunman, kapansin-pansin ang mga pangungusap na maaaring ipakahulugang paghahangad ng ikalulugod lámang sa paglikha. Kapansin-pansin ito sa mga Modernistang manunulat at artist na naakit ng mga kilusang makabago sa Kanluran at lubhang nagpapahalaga sa indibidwalistang pagpapahayag. Halimbawa, ang teatrong absurdo. Ang abstraksiyonistang pintura. Ang surreal. Ang ekspresyonistang eskultura. Handa rin siláng ipagmalaki ang pinag-aralan sa Europa at Estados Unidos. Hitik ang kanilang wika sa bokabularyong pangkritisismong nasimsim mula sa mga banyagang sanggunian. Ngunit muli, bukod sa iilan na isinaloob ang posturang kosmopolitano, malakas ang saloobin sa kanilang hanay na lusawin ang banyagang oryentasyon sa ilog at lawa ng pambansang karanasan. Sa hanay ng mga Modernista hinugot ang mga unang propeta ng “panitikan mula sa masa, para sa masa” pagsiklab ng makabayang aktibismo sa bungad ng dekada 70. At sa kabilâ ng muling-pagkabuhay ng pamantayang makabayan mula sa nabansot na Himagsikang 1896 ay kahina-hinala ang matagal na pagbabantulot ng mga Balagtasista upang digmain ang “Imperyalismo, Piyudalismo, Burukrata-Kapitalismo” na iniwang pamana ng kolonyalismong Espanyol at Amerikano.

Ibig ko ring balikan sa dakong ito ang ipinambungad kong pahayag hinggil sa ahistorikal na pagtuturing sa “Kagandahan.” Maliwanag na marahil sa aking pagsipat ang henealohiya ng bawat isa sa mga pangunahing pagtingin sa “Kagandahan” sa kasalukuyan. May pinagmulan ang bawat binhi ng mga naturang pagtingin, malimit na mula sa Kanluran—o ang ibig kong sabihin, sa abot ng aking kaalaman sa ngayon ay may kakayahan lámang akong buklatin ang mulaang Kanluranin at nag-aalinlangan pa sa aking munting impormasyon hinggil sa mulaang Asyano—may nag-alagang panahon at dominanteng pangangailangan ng panahon, at kayâ hindi dapat ituring na tila bathalumang isinilang nang ganap mula sa kilay ni Zeus.

Halimbawa, may isang sanaysay si Gemiliano Pineda na may pamagat na “Kagandahan, Pag-ibig at Pangako” at nangangatwiran laban sa paniwalang ang kagandahan ng babae, pag-ibig ng lalaki, at pangako ng politiko ay hindi dapat pagtiwalaan dahil tiyak na hindi magtatagal. Kung totoo man diumano ang nabanggit ay dapat isaalang-alang ang halaga ng bawat isa sa isang takdang panahon. Inisa-isa niya ang idinudulot na mga kabutihan ng kahit pansamantalang kagandahan ng babae, at iginiit na:

Oo nga’t ang kagandahan ay kumukupas, kagaya rin ng
bulaklak na nalalanta at nawawalan ng halimuyak. Nguni’t sa
panahon ng pamumukadkad ng isang bulaklak ay nakapagdulot
ito ng kaligayahan sa maraming mga puso at nakaakit ng mga
ngiti sa mga labi. Ang kagandahan ng isang babae ay kadluan ng
inspirasyon ng mga makata, manunulat at pintor; iyon ang talang
maliwanag na ang tanglaw ay pumatnubay sa landas ng maraming
nakikipagsapalaran. Ang panghalina ng babae ay nakakapara ng
malamig na hanging du(ma)rampi sa pawisang mukha ng isang
naglalakbay.

Alisan mo ng kagandahan ang kababaihan ay para mo na
ring inalisan ng mga bituin ang bughaw na kalangitan.

Isang nakatutuwang ehersisyo sa pamimilosopo ang sanaysay ni G. Pineda. Ngunit tigmak sa namamayaning pagtanaw sa “Kagandahan” ang kaniyang argumento. Kaagad mahihiwatigan ang dominanteng pag-uri sa “Kagandahan” bílang babae at bílang “kadluan ng inspirasyon.” Ang pagbanggit dito bílang isang bulaklak ay isang de-kahon at gasgas nang hambingan. Nakatampok sa kaniyang argumento ang pamantayang “nakalulugod.” Wika nga ng isang makatang Romantisista sa Ingles: “beauty has its own excuse for being.” Nabása tiyak ni G. Pineda ang naturang napakapopular at tila kawikaan nang pangungusap at tiyak ding ikinalugod niya batay sa kaniyang takbo ng pag-iisip sa sanaysay. Subalit may pagsisikap din si G. Pineda na tumulay tungo sa pamantayang “kasiyá-siyá.” Ang “Kagandahang” lugod ng matá ay nakapagbibigay din ng kabutihan bukod sa “kadluan ng inspirasyon.” Nagiging patnubay ito sa paglalakbay, ulat niya, at tumitighaw sa pagod.

Sa kabilâng dako, hindi isang inosente’t impormal na sanaysay lámang ang inilathala ni G. Pineda. Mahihiwatigan sa talakay niya ang hindi ipinakikilálang pagsangkot sa nagtutunggali noong pagtanaw sa pamantayan ng “Kagandahan.” Malaki ang posibilidad na ninanais niyang magbigay ng sintesis, ang pagtutugma sa “nakalulugod” at sa “nakasisiyá” na ninanais din ng maraming kapanahon niyang alagad ng sining, ngunit sa paraang umiiwas makipagdebate o magsagawa ng dibdiban at akademikong prolegomena. Subalit nais kong turulin ngayon na ang ganitong uri ng diskusyon ang nagpapalaganap sa usaping tulad ng “Kagandahan” bílang isang pangyayaring tila walang-kasaysayan. Napaiiral ang palagay na alam na ito ng madla, na popular na, at sa gayon, ang pagtitig na tulad ng ginawa niya ay hindi nangangailangan ng anumang sipat sa ugat o pinagdaanan, at nangangailangan lámang ng kaukulang resolusyon batay sa kasalukuyang pagtanaw at pangangailangan. Halimbawa, ang bahaging sinipi ko mula sa sanaysay ni G. Pineda ay may hibo ng kontrobersiyang anyo versus nilalaman—isang usaping ikinatigatig ng mga manunulat sa Ingles na sumunod sa palitan ng opinyon ukol dito nina Jose Garcia Villa at Salvador P. Lopez bago magkadigma, at pana-panahong patuloy na nagmumulto sa sirkulo ng mga alagad ng sining hanggang sa ating panahon—ngunit hindi niya táyo binibigyan ng kahit munting sulyap sa kasaysayan. Parang ang tunggalian ay isang kagaganap na pangyayari, isang mainit na tsismis na dapat kutkutin sa What’s the Buzz o isang “nagbabágang” alingasngas na dapat mabilisang ibalita ng Radyo Patrol, at ang kaniyang sanaysay ay isang boto para sa isang binuksang public survey na matatapos sa araw ding ito, isa lámang numero sa magiging pangkalahatang bilang ng kaniyang panig na maaaring manalo o matálo, isang resulta na maaaring paniwalaan o hindi ng madla, at tapos na. Búkas, maaaring iba naman ang pag-usapan ng sambayanang sumusubaybay. O kayâ, búkas, maaaring may ibang tumalakay sa natapos na paksa ng survey at maaaring magkaroon muli ng survey at maaaring iba naman ang maging resulta kaysa nagwagi ngayon.

Ang ibig sabihin, ang paraan ng diskusyong katulad ng sanaysay ni G. Pineda ay hindi makatutulong sa ating binubuklat na katangian ng “Kagandahan.” Siyempre, pribilehiyado ang titig natin ngayon sa sanaysay ni G. Pineda dahil nakalutang ito sa pagpangitain natin ng nagdaan nang kasaysayan. Tinititigan natin ito nang may “distansiya,” wika nga sa estribo ng dyipni, dahil may panahon nang namagitan sa petsa ng pagkalathala ng kaniyang sanaysay (1967) at sa pagtitig natin ngayon. Pribilehiyado rin ang titig natin dahil napapatnubayan ng isinagawa nating sipat sa kasaysayan ng “Kagandahan” sa loob ng mahabàng panahon ng ating nakasulat at nakalimbag na panitikan.

Paano kung malî o baluktot ang ating sipat?

Walang masamâ. Kayâ laging may puwang para sa muling pagsulat ng kasaysayan. Walang-hanggan ang posibilidad para sa Pagwawasto samantalang aktibo at malusog ang saliksik. Hindi aktibo lámang kundi “malusog.” May aktibong uri ng saliksik ngunit may kimkim na sakiting layunin. “Malusog” ang saliksik na hayagan, maingat, at nag-aadhikang magdagdag ng kaalaman upang higit nating malirip ang katotohanan ng “Kagandahan.” Walang isang Sipat na may monopolyo sa katotohanan. Ngunit kailangang isagawa ang sipat, at kung maaari’y isang bago at muling sipat, bago ang anumang titig upang higit na mayaman sa gunita ang titig, upang magkaroon ng sapat na batayan at tatag ng kalooban ang titig, at upang maging masigasig ang titig sa pagbuklat sa mga dominanteng sapin ng kamalayan.

Kahit ang nais na “wasto” at “marangal” ni L.K. Santos ay kailangang isaalang-alang sa kinapalooban nitóng panahon sa kasaysayan. Bakit ba itinuring niyang malaswa ang “langaw” at “pulut” bilang hambingan ng pag-irog? Batay sa isang sipat kanina ay bunga ito ng maaaring hindi niya namamalayang pagdausdos pabalik sa katangian ng “Kagandahan” na naiiralan ng pamantayang banyaga at kolonyal. Ano ba talaga ang hindi “wasto” at “marangal” sa naturang paghahambing? May kasaysayan ba ng pagiging malaswa ang “langaw” at “pulut?” Mabilis nating magugunita ang karima-rimarim sa langaw bílang tagapagdála ng karamdaman, gamitin man natin ang kaalamang sinauna ng mga arbularyo o ang imbestigasyon ng agham. May kamandag na lagda ang “halik” ng langaw at totoong hindi maitutulad sa nararapat na kabanalan ng pag-irog, alinsunod sa batayang Kristiyano. Ngunit ang “pulut”? Ni wala akong maapuhap na masagwa sa teknikal na literatura ng pulut. Sa ating panahon ng Organiko, inirerekomenda itong higit na masustansiyang pagkain kaysa asukal mulang tubó. Inimbento nga ang “pulutgatâ” upang pagbuklurin ang malinamnam na katangian ng pulut at gatâ tungo sa pagpapahiwatig ng walang-kahulilip na kaligayahang dapat tamasahin sa unang mga gabi’t araw ng ikinasal. Ngayon, hindi kayâ nagnanais bumuo ng bagong talinghaga ang makatang sumulat ng taludturang kinokondena ni L.K. Santos? Maaari. Hindi kayâ ninanais niyang magdulot ng himagsik, himagsik sa pamamagitan ng eksaheradong pagtatanghal sa “pag-irog ng langaw sa pulut”? Maaari. Himagsik ito upang ligaligin ang pihikang damdamin ng tulad ni L.K. Santos. Gayunman, hindi kayâ ang di-pagtanggap ni L.K. Santos sa talinghaga ay may kaugnayan sa ginamit na tayutay ng makata? Mapagmalabis ang paghahambing. Tinatawag itong hyperbole sa retorikang Griyego. Na isang matanda na’t nakamihasnan ding paraan ng pagpapahayag sa Filipinas. May nakakita ng ahas at ipagmamalaking “gahita ang ahas” upang manggilalas ang mga kanayon. Ang mumunti ay pinalalaki ng tsismisan sa baryo. Marahil, nása likod ng isip ni L.K. Santos ang ganitong “bisyo” sa tradisyonal na pagpapahayag, wika nga’y luma na at promdi, lubhang kulang sa panukatan ng ninanais niyang repinado at urbanisadong wika, kayâ hindi niya mapahalagahan ang ngayo’y posibleng purihin naman nating senyal ng “madilim” na pagpangitain sa modernong búhay.

Itinatanghal sa atin ng sipat sa panahunan ng pahayag ni L.K. Santos ang hanggahan ng kaniyang pamantayan ng “Kagandahan” bílang kodigo at batayan ng Awtoridad. Ang kapangyarihan ng ganitong Awtoridad ay “nabubulag” sa naiiba at kakatwa—na maaaring hudyat ng orihinal at kinakailangang banyuhay ngunit napagkakamalan ng katulad niya na paglabag sa batas—at laging nakatakdang paghimagsikan ng nagsusúlong ng pagbabago.

Paglikha Bílang Pagsisilang

MAKIKINABANG NAMAN táyo sa pagsisikap ni L.K. Santos na pagsanibin ang talinghaga at kariktan (o “Kagandahan”) at ituring itong kaluluwa ng paglikha. Makabuluhan, lalo na, ang pagtukoy niya sa talinghaga bílang ang itinuturing kong “mapagbuong simulain” at pinagsanib na mga karanasan at materyales na kinasangkapan ng makata sa paglikha ng “Kagandahan.” Ang ibig sabihin, “Kagandahan” ang layunin ng talinghaga. O ibig sabihin pa, isinisilang sa paglikha ng talinghaga ang “Kagandahan.”

Isang paghahambing ang ginamit ko sa “isinisilang.” Inihahambing natin ang proseso ng paglikha sa “pagsisilang”—ang buong panahon at mga hakbang na kailangan mula sa paghahasik ng binhi sa sinapupunan, pagkakahugis ng nililikha, hanggang sa paglabas nitó na isang sanggol. Isang lumang paghahambing na ito. Ngunit hindi natin gaanong pinakikinabangan sa pagdalumat sa “Kagandahan.” Malimit kasing nakatitig lámang táyo sa tapos na, sa isinilang na anak—ang “Kagandahan”—kayâ malimit ding tigib táyo ng panggigilalas sa anyubog nitó. Narito ang ugat ng nakamihasnan ding pagtuturing sa talinghaga bílang “hiwaga” (misterio). Mahiwaga ang paglikha dahil hindi natin sinisiyasat ang mga naganap sa “pagsisilang” ng “Kagandahan”—ang mga pinagdaanang hakbang ng “mapagbuong simulain,” ng pagkilos ng talinghaga, bago ipinanganak na “Kagandahan.”

Ang “pagsisilang” ang kasaysayan at layon ng sipat. Na sa panig ng talinghaga ay nangangahulugan ng pagpilì sa mga angkop na materyales at pagpapasiya kung paano kikipilin ang mga materyales na napilì tungo sa pangarap na nilikha. Dalawang tanong samakatwid ang sinasagot ang sipat. Una, ano ang mga kailangang sangkap sa gagawing paglikha? Ikalawa, paano huhubugin ang mga tinipong elemento? Sa ganitong paraan ng pag-uusisa ay natatanggal ang mistikal na belo kapag tumitig sa “Kagandahan.” Hindi ito “hulog ng langit” at lalong hindi isang “inspirasyon” o “makalangit na kabaliwan” (divine madness) mula sa mga Diwata at Musa. Sa halip, mula ito sa daigdig at panahon ng makata, mula sa kaniyang cultura integral, mula sa mga kongkretong sangkap ng búhay at pinagdaanan ng makata.

Lumilitaw din sa atin ngayon ang tunay na saligan ng kadakilaan ng makata bílang manlilikha at ang tunay na saligan ng “Kagandahan” bílang katotohanan.

Magandang balikan ang isang alamat sa Panay hinggil sa paglikha ng bagay-bagay sa santinakpan. Sang-ayon sa alamat nagmula sa walang-anyong kawalan ang mga bathalang sina Tungkung Langit at Alunsina at ang tahanan nilá nang maging mag-asawa ang unang pook ng kaayusan at kapayapaan sa santinakpan. Ngunit nag-away ang mag-asawa at iniwan ni Alunsina si Tungkung Langit. Ang pangyayaring ito ang nagdulot ng kalungkutan sa santinakpan sa kabilâ ng kapayapaan at kaayusan. Lubhang nangulila si Tungkung Langit dahil sa matagal na paghihintay kay Alunsina. Naisip niyang likhain ang dagat upang maging salamin at doon hintayin ang paglitaw ng naglayas na asawa. Hindi lumitaw ang imahen ni Alunsina sa dagat. Sa buwisit, bumabâ si Tungkung Langit at lumikha ng lupa, at upang maaliw, nilagyan ang lupa ng mga hayop at halaman. Sa laot ng lungkot, tinipon niya ang mga hiyas ng asawa at isinabog sa langit sa pag-asang bumalik ang asawa kapag nakita ang mga ito. Ang kuwintas ni Alunsina ang naging mga bituin, ang suklay ang naging buwan, at ang korona ang naging araw.

May higit pang malumbay na karugtong ang alamat. Ngunit nais kong huminto sa paggunita ng salaysay at pagmunian natin ang naganap na paglikha. Matingkad sa alamat na ito ang mga tinalakay nating pangyayari sa proseso ng “pagsisilang.” Higit pa, sapagkat ipinanukala ng alamat na ito ang pangangailangan ng isang sanhi upang lumikha. Hindi basta naisip ng bathala, tulad sa ginaganap sa maraming alamat, na gumawa ng mga nilikha para mapunô ang walang-anyong kawalan. Sa halip, bunga ng masidhing pangungulila ang mga paglikha ni Tungkung Langit. Sasabihin natin ngayon, ang pangungulila ng manlilikha sa isang pangarap na anyo. Ang pangungulila ng manlilikhang si Tungkung Langit sa pinapangarap na anyo ni Alunsina. Sa gayon, ang mga nalikha sa santinakpan ay may mithing sumagot sa layunin ng paglikha, lalo na sa unang nilikha—ang dagat upang doon salaminin ang inaasahang pagbabalik ng pinapangarap na anyo. Ang pangwakas na kalipunan ng mga nilikha, ang mga lawas pangkalawakan, ay hindi rin mula sa wala; sa halip, hinugis ang mga ito ng haraya mula sa mga tunay na materyales—ang mga naiwang alahas ng asawa.

Ang paggunita ko ngayon sa alamat ni Tungkung Langit bílang manlilikha ay isang paraan ng pagpapatibay sa haka ng “pagsisilang.” Nahiwatigan na noon pa ng ating mga ninuno ang buong kasaysayan ng paglikha at lubhang makabuluhan ang pagtatampok sa pangungulila bílang sanhi ng paglikha. Ibang-iba ito sa mga karaniwang alamat ng pananaginip sa isang “Kagandahan” ng isang manlilikha dahil higit na materyalista ang batayang damdamin ng pagkilos ni Tungkung Langit. Dagdag pa, ipinahihiwatig sa alamat ng Panay ang posibilidad ng paglikha ng “anak” na iba sa sanhi ng paglikha. Sa karaniwang alamat, ang produkto ng paglikha ay isang rekleksiyonistang kaganapan ng pinangarap. Nangarap ng isang binibini ang isang eskultor at sinikap niya itong buháyin sa pamamagitan ng isang estatwa. Itinangi ng isang pintor ang isang dalaga at idinambana niya ang “Kagandahan” nitó sa isang larawan sa kambas. Namighati ang isang mandudula dahil sa pagkamatay ng kaniyang pamilya sa digma at isinulat niya ang isang dula laban sa karahasan. Hindi ganoon si Tungkung Langit bílang manlilikha. Nilikha niya ang dagat upang hintayin doong lumitaw ang imahen ni Alunsina. Nilikha niya ang mga bituin, buwan, at araw upang maging palatandaan ng “Kagandahan” ng asawa. Kung ninais ng alamat ng Panay na ipakita ang paglikha bílang katapatan-ng-nilikha-sa-pinangarap, hindi ba’t higit na dapat nilikha ni Tungkung Langit ang kahit isang imitasyong anyo ni Alunsina? Kung gayon ang nangyari, hindi papasok sa isip ni Tungkung Langit ang paglikha ng dagat, lupa, at mga lawas pangkalawakan. O kayâ, kailangan niyang pangulilahang isa-isa ang mga ito upang mailikha ng katapat na anyo.

Taglay ng imahen ni Tungkung Langit ang kadakilaan ng manlilikha. Nag-iisa sa walang-anyong kawalan (marahil, ang orihinal na “Toreng Garing”?) ngunit dahil nairalan ng isang masidhing sanhi o lunggati ay kailangan niyang lumikha upang baguhin ang kaniyang daigdig o katayuan. Siyempre, tinutukoy natin dito ngayon ang makatuturang paglikha at hindi iyong produkto ng kawalang magawa, pagsasabóg, paglilibang, pangangarap nang gisíng, atbpang katulad na gawain. May sapat siyáng kapangyarihan bílang bathala, lalo na bílang bihasa sa “nakamihasnan”—ang kailangang edukasyon upang mapatnubayan ng kasaysayan at tradisyon ang kaniyang “pagsisilang.” Bahagi rin kaipala ng kaniyang kakayahan bílang bihasa ang kadalubhasaan sa kaniyang sining—ang angkop na kasanayan at kaalaman sa iba’t ibang aspekto ng kaniyang pinasok na larang, ang kailangang techne, sa wika ng mga Griyego, ngunit higit na nangangahulugan ng pagkakaroon ng malusog na “sarili” sa wika ng ating mga ninuno.

Ang “sarili” ang taal na “puhunan” ng tao-manlilikha. at ang pangunahing puhunan ay ang mga talino’t kakayahang kaloob ng kaniyang pagkalikha, ng wika nga ni A.G. Abadilla’y kaniyang “kabathalaan,” ng halimbawa’y “sariling bait” upang malining ang tama o malî at ng “sariling pag-iisip” upang mapigil ang malahayop na silakbo ng damdamin. Ang “sarili” ang tulad ng puhunang ekonomiko ay tumutubò at nakikinabang sa bawat karanasan at inter-aksiyon sa nagisnang mundo, pinalalago at pinayayaman ng panahon, natututo sa kirot at sugat ng tunggalian, nakabukás sa pangangarap at pangitain. Ang “sarili” ang malikhaing kapasidad ng manlilikha, ang mga sangkap na ipinagkakaloob sa binhi ng isisilang, bukod sa ito rin ang sustansiyang ipinangangalaga sa binhi sa buong panahon ng paghubog tungo sa kagampan. Ang “sarili” ng manlilikha ang pinakamalaking bahagdan ng kaganapan ng pagsisilang, ang saligan ng kadakilaan o kapahamakan ng isinilang na likhang “Kagandahan.”

Materyalistang Saligan

TINUTUKOY, SA WAKAS, ng buong proseso ng paglikha bílang pagsisilang ang tunay na saligan ng “Kagandahan,” na walang iba kundi ang katotohanan. Pansinin kaagad na kailangang isulat ko ang “katotohanan” nang may maliit na titik. Upang ibukod ito sa Katotohanan bílang Awtoridad. Upang ipahiwatig ang katangian nitóng pambalana, naaabot ng karaniwang pagpapahalaga, at nagagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang katotohanan ang garantiya ng pangkalahatan, kung hindi man ng pangkaramihang kabutihan, at isa sa gantimpala nitó sa atin ang “Kagandahan.”

Magandang muling alalahanin sa dakong ito ang ika-41 saknong ni Balagtas. Ipinamamalay noon pa ng salitâ ni Florante na katotohanan ang saligan ng tunay na “Kagandahan.” Iyon ang pangunahing implikasyon ng kaniyang pagtatakwil sa naranasan niyang “paglililo” ng “Kagandahan.” Hindi totoo ang “Kagandahan” kapag naglililo—nagtataksil, nanlilinlang, o kahit napaghihinalaan ng katapatan. Ang “Kagandahan,” tulad ng katotohanan, ay kailangang matapat at matibay. Sa ganitong pagtingin, ang “Kagandahan” ay higit kaysa bulaklak na kumukupas ni G. Pineda. Ang katotohanan ng “Kagandahan” bílang bulaklak ay hindi ang pagkupas ng bulaklak kundi ang pagiging bulaklak ng bulaklak, ang pang-akit na idinudulot ng bulaklak sa sandalî ng pamumukadkad, na siyáng sanhi at layunin ng pagiging bulaklak nitó. Nilikha ang bulaklak bílang “Kagandahan” hindi upang kumupas kundi upang maging nakalulugod at nakasisiyáng bulaklak. Ibang katotohanan ang pangyayaring kumukupas ito, isang pangyayaring maaaring kaugnay rin ng “Kagandahan,” ng pangyayaring walang permanente’t unibersal na “Kagandahan,” ngunit iba kaysa katotohanan ng paglikha sa bulaklak bílang isang “Kagandahan.” Kung tutuusin, nagaganap ang pagkupas ng bulaklak bunga rin ng mga di-permanenteng sangkap sa naging paglikha sa bulaklak, ngunit sapagkat ang kaakit-akit na pagbukad nitó ang higit na layuning katotohanan sa “Kagandahan” ng bulaklak at hindi ang higit na pagtatagal bílang bulaklak na halimbawa’y paper roses.

Ang ibig ko pang sabihin, may ibang katotohanang nais patunayan ang “Kagandahan” ng paper roses at iba sa katotohanan ng bulaklak na tinukoy ni G. Pineda. Ang totoo, ang “Kagandahan” ng katotohanan ng paper roses bílang nagtatagal na bulaklak ang patuloy ngayong pinauunlad ng teknolohiya upang bukod sa bulaklak na nagtatagal ay maabot pa ng artipisyal na bulaklak (ang paper roses) ang ibang katangiang ikinapaging-bulaklak ng natural na rosas kapag bumukad sa hardin. Maaari ngang dumating ang paglikha ng artipisyal na bulaklak sa yugto ng “Kagandahan” na hindi iginagawad sa “kariktan” ng natural na bulaklak. At marahil din, sa dakong ito, kailangan kong ipaliwanag ang higit kong hilig gamitin ang salitâng “kagandahan” kaysa “kariktan” na higit namang priyoridad ni L.K. Santos. May ganda ba ang “ganda” na wala sa dikit ng “dikit”? Kung babalikan ng bokabularyo ni Fray Francisco de San Antonio (1624), ang unang paliwanag ng misyonero tungkol sa dicquit (gayon ang ispeling nilá noon sa “dikit”) ay walang pinag-ibhan sa pangkalahatang katangian ng “ganda.” Ngunit idinagdag ni Fray San Antonio ang dalawa pang pakahulugan: una, ang “dikit” na bunga ng pagkakaroon ng apoy (encender fuego); ikalawa, ang “dikit” na naglalarawan sa pagkapit o paglapat ng isang bagay sa isa pa (pegar), lalo na sa tulong ng kola o anumang malapot na dagta. Mga katangian o kahulugan ito ng “dikit” na wala sa “ganda” ngunit mga katangian, lalo na ang ikalawa, na hindi kailangan ng “Kagandahan.” Ang unang kahulugan hinggil sa apoy ay nagpapatindi rin sa pagtuturing sa kariktan bílang katangiang biswal at hindi maisasaklaw sa ganitong kagandahan alinsunod sa ibang pandamá. Maganda at marikit ang kulay ng talulot at ng bahaghari. Tinatanggap din ang marikit na tugtugin. Ngunit hindi maaaring tawaging marikit ang makinis na rabaw ng tabla. Malimit ding marikit ang maliliit ngunit nakapag-aalinlangang tawaging marikit ang kahit isang magandang higanta.

Mula naman sa siniyasat nating trabaho ng manlilikha ay mahihiwatigan na ang katunayan ng paglikha ang nagpapaging totoo sa “Kagandahan.” Siyempre, may iba’t ibang urian ang katunayan. Hindi natin kailangang gunitain ngayon ang uriang “mababaw/malalim” ni L.K. Santos. Ngunit higit na kailangan nating alalahanin ang posibleng urian na salig at mula sa “mapaglilong Kagandahan” ni Balagtas. Ang higit na mataas na uri ng katunayan ang lumilikha ng higit na totoong “Kagandahan.” Sa praktikal at utilitaryong pamantayan, ang higit na mataas na uri ng katunayan ay maaaring mangahulugan ng tinatawag na “kabuluhan,” maging tinapay man o baril, sa pangangailangan ng lipunan. Maaari, bakit hindi? Subalit hindi nagiging totoo ang “Kagandahan” dahil naging tinapay o naging baril, dahil nakatighaw sa matinding gutom ng sambayanan o naging sandata sa pagtatanggol ng karapatan ng mayoryang inaapi; sa halip, nagiging totoo ang “Kagandahan” dahil totoo ang naturang pangangailangan at layunin sa paglikha. Magkagayunman, hindi iyon ang palagiang layunin ng “Kagandahan” bukod sa maraming katotohanang maaari at kailangang paglingkuran ang “Kagandahan.”

Narito ang demokratikong sandigan ng katotohanan na iba sa Katotohanan ng Awtoridad. Nag-uutos ng ganap na paglilingkod ang Katotohanan ng Awtoridad, nagpapaturing-sa-sarili na nag-iisang Katotohanan. Sa gayon, laging itinuturing ng Katotohanan bílang Awtoridad ang “Kagandahan” bílang ordinaryong kasangkapan—tulad ng alipin, nilikha upang maglingkod—at walang ibang posibilidad. Para ngang tinapay o baril lámang, at wala na. Ni hindi maaaring maging bulaklak. Ngunit gaano katapat at gaano katibay ang “Kagandahang” likha ng gayong Katotohanan bílang Awtoridad?  Naalala ko ang mga pelikula ng siyudad sa hinaharap na hitik sa makakapal, matataas, at itim-at-putîng pader. Sagana naman marahil sa tinapay ang mamamayan. Subalit maligaya kayâ?

Dahil nag-aatas at naghihintay lagi ng paggálang at pagsunod ang Katotohanan bílang Awtoridad ay malimit itong tuyaing “moralismo”—ipinatuturing ang sarili bílang hindi maaaring suwaying Kapangyarihan at napagkakamalan ang sarili na establisado sa habàng-panahon—kayâ malimit na hindi nagiging maláy sa pagbabago ng panahon, at ang mabigat, sa pagbabago ng itinuturing din nitóng permanenteng kodigo ng “Kagandahan.” Maraming alingasngas hinggil sa “marangal” o “malaswa” sa “Kagandahan” ng likhang-sining ang bunga ng pinaiiral na “Kagandahan” (o moralidad) ng Katotohanan bílang Awtoridad sa likhang-sining na nagpapanukala ng iba o bagong katotohanan. Malimit na ang pagdakila sa “Kagandahan” bílang nagsasarili at tiwalag na hubog ay reaksiyon lámang din sa ganitong mapaniil na Katotohanan bílang Awtoridad. Sa gayon, bílang reaksiyon pa lámang ay isinilang na ang naturang nagsasariling hubog mula sa isang materyal na katunayan—ang pinaghihimagsikan nitóng Katotohanan bílang Awtoridad—at kahit itanghal lámang ng makata o pintor ng loob ng kaniyang pribadong silid ay bahagi pa rin ng materyal na mundo ng kaniyang silid.

Hindi saklaw ng kasalukuyang paghahambing sa “Kagandahan” sa pagsisilang ang pagtimbang sa bigat o gaan ng katotohanang nagsisilang sa “Kagandahan.” Isa iyong maselan at matagal na pagsisiyasat. Maraming pananaw noon at ngayon na di-maiiwasang bahagi ng pagsisilang ang gayong politika. Marahil nga. Napakahirap timbangin ang hindi “mapaglilong Kagandahan” na batay sa isang matapat at matibay na katotohanan. Malimit na pinaslang na ang “Kagandahan” bago napatunayang “mapaglilo” ang nagsilang at nilitis na Katotohanan. Sa ibabaw ng lahat, pinatutunayan mismo ng gayong diktadura ng Katotohanan bílang Awtoridad ang matalik na pagsasalig ng “Kagandahan” sa katotohanan. Nililikha ang “Kagandahan” mula sa katotohanan at para sa katotohanan. Nakasalig sa katapatan at tibay ng pinagsaligang katotohanan ang katapatan din at tibay ng “Kagandahan” upang magdulot ng kabutihan at pakinabang.

Sa ibang pangungusap, ang nakalulugod at nakasisiyá bílang mga pamantayan ng pang-akit ay napapatnubayan tuwina ng katotohanang nagpasilang sa nakalulugod at nakasisiyá. Dagdag pa, matalik na nakagabay sa katotohanan ng “Kagandahan” ang ikinalulugod at ikinasisiya ng tumatanggap na madla. Pagkatapos o sang-ayon sa katotohanan ng “Kagandahan” nagaganap ang posibilidad ng idudulot nitóng kabutihan o pakinabang. Hindi kailanman ipinapasiya ng inaakalang Kabutihan ang katotohanan ng “Kagandahan.” Nauuna muna ang matatag na pormasyon ng “Kagandahan” bílang katotohanan bago maging kabutihan. Ang “Kagandahan” ang pinakamatingkad na kaganapan ng katotohanan; hindi isinilang upang maglingkod sa katotohanan kundi bílang katibayan ng katotohanan ng katotohanan. Kapag naalipin ang “Kagandahan” ng isang Katotohanan, ng Awtoridad ng isang pamantayang etikal, ang “Kagandahan” ay nagmimistulang puta, mumurahín, komersiyal, at walang-katapatan—isang “Kagandahang” walang-sarili, nakabilanggo ang pag-iral sa pinaglilingkurang Kabutihan,  at kasangkapan lámang ng iwi nitóng kasinungalingan.

Sinasalungat din ng pagtanaw na ito ang banyaga’t kolonyal na pagtuturing sa “Kagandahan” bílang babasaging kristal, maselang palamuti, dalisay na aliwan, perpektong kaganapan, atbp, atbp. Mga aspekto ito ng alamat hinggil sa ahistorikal na “Kagandahan” at malimit na hambingan upang pagtibayin ang “Kagandahang” babae at mahinà. Mga katunayan ito ng naging dominanteng banyaga’t kolonyal na sapin ng ating kaisipang pambansa. Sa bukal ding ito natin nainom ang banyaga’t sinaunang pamahiin hinggil sa “malikhaing sining” na dapat diumanong ihiwalay sa katotohanan at mga usaping may alikabok ng mundo. Ang pormasyon ng “Kagandahan” bílang babae, mahinà, nakaaaliw na hubog, o nakapagsasariling kaganapan ay mga mukha lámang ng kabuuang estetika ng kagandahang kailangang idambana sa isang templong nakabukod sa magulong agora, o sabihin nating marungis na liwasan, ng katotohanan at kabutihan.

Ang pagsisilang sa “Kagandahan” ay isang materyalistang pangyayari na naglalahok sa mga materyales ng ating mundo, at naglalayong ibahagi sa ating mundo. Ang tinatawag na “estetika,” sa gayon, na minana natin sa dalumatang banyaga’t kolonyal, ay hindi paglikha ng “Kagandahan” mula sa kawalan at nakalutang sa kawalan. Maaari natin itong tawaging “malikhaing sining”: malikhain dahil nagdaraan sa proseso ng pagsisilang, sining dahil produkto ng sariling bait at muni. [Magandang buklatin sa lumang diksiyonaryo ang orihinal at katutubong kahulugan ng “síning.”] Produkto ito ng masalimuot na pagtitipon at paghahaluhalo ng pinagsanib na mga karanasan sa daigdig sa kawali o lansungan ng talinghaga, ang layunin at wakas ng naturang mapagbuong pagsasanib, at inaasahang pagbibigyan ng puwang sa daigdig ng mga dinatnang nilikha bukod sa nilunggating ituring na nilikha sa píling at gitna ng totoong daigdig ng mga pinakikinabangang nilikha. Ang kaganapan o anak ng paglikhang ito ang “Kagandahan” at unang tinawag ng ating mga ninuno na Tula.

Ferndale Homes
14 Enero 2013

Larawan ng pinta: Palay Maiden (1920) ni Fernando Amorsolo 

About Kalatas

Kalatas is the official publication of the Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), the largest organization of Filipino writers in the country. Founded in 1974, the organization was known for a time as the Writers Union of the Philippines.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Information

This entry was posted on January 15, 2013 by in Culture and tagged , , .

Follow Kalatas on Twitter

Enter your email address to follow Kalatas and receive notifications of new posts by email.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 590 other followers

%d bloggers like this: