KALATAS: Philippine Literature, Culture, & Ideas

The official publication of the Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), the largest organization of Filipino writers in the country founded in 1974.

Interview: Genevieve L. Asenjo

ni Noel Galon de Leon

Isa sa pinakamahalagang manunulat sa panitikan ng Kanlurang Visayas si Genevieve L. Asenjo.

genevieve asenjo

Madaling imapa ang pagsisimula ni Asenjo bilang manunulat sa mga wikang Kinaray-a, Hiligaynon, at Filipino. Kung babalikan ang unang koleksiyon niya ng mga tula sa “Pula ang Kulay ng Text Message,” masasabing malinaw na naihain ni Asenjo ang posisyon niya bilang isang babaeng makata: malay sa maka-Filipinong oryentasyon ng pagtula, mapa-wika man at estilo sa pagsulat. Sa ganitong diwa, nakita natin na hindi lamang naka-sentro sa sarili ang tema ni Asenjo kahit ang puno’t dulo ng kaniyang pagtula ay tungkol sa sarili at mga bagay na nag-uugnay sa kaniya sa lugal at partikular na espasyong ginagalawan. Malakas rin ang impluwensiya ng kultura ng Kanlurang Visayas at panitikang-bayan sa paraan ng paglalahad niya ng argumento at karanasan sa kaniyang mga tula, halimbawa nito ang mga tulang Medley kang Manugrara, Meditasyon sa Pagpanaw, Musika kang Handurawan, at Oyayi sa Tag-ulan. Samantala sa koleksiyon ng mga kuwento sa “taga_uma@manila” at “Komposo ni Dandansoy: Mga Kuwento sa Hiligaynon at Filipino,” maayos at inangat na ginamit ni Asenjo ang katutubong kulay upang higit na mapatingkad ang mga kuwentong may kaugnayan sa buhay ng mga simpleng tao sa loob at labas ng uma o bukid. Sa kanyang ginawang pagsasalin sa Filipino ng mga kuwento mula sa Hiligaynon, kapansin-pansin ang pagpapasok ng mga terminong kultural, halimbawa ang awit na Dandansoy, pangalang Pangga, Inday, Toto at iba pa, maging sa pagkain at paraan ng pamumuhay. Sa dalawang koleksiyong ito ng mga kuwento sa Filipino at Hiligaynon, mas malinaw na idiniin ni Asenjo bilang manunulat ang pagpanig niya sa karapatan ng mga kababaihan. Binaklas ng dalawang koleksiyon ang gender roles sa partikular na lipunan.

Nitong huling mga taon, mas umugong ang pangalan ni Asenjo sa mga adbokasiya niya bilang manunulat na Karay-a, tila may naganap o nagaganap na pagbabalik sa lupa, o sa ugat ng panulat, sa pinanggalingan. Ipinakilala niya sa atin ang Balay Sugidanun (BS) na naging venue para mas mabasa at magkaroon ng akses ang maraming mambabasa ng panitikang Karay-a sa loob at labas ng Antique. Hindi naglaon, di na lamang mga akdang nasa wikang Kinaray-a at Hiligaynon ang mababasa rito at mas naging bukas ang BS sa iba pang wika tulad ng Waray at Cebuano na di naman talaga nalalayo sa mga wikang unang nabanggit. Sa pamamagitan din ng BS ay nagkaroon ang marami sa atin ng pagkakataon upang makilala ang iba pang mga manunulat sa iba ring wika. Higit sa lahat, sa pamamagitan ng BS, mas nakilala natin at naunawaan ang gahum at dungan ng Panitikan ng Kanlurang Visayas.

[LINK: Balay Sugidanun Website || Balay Sugidanun sa Facebook]

Sa pag-usad ng mga araw, mas naging mapangahas si Asenjo. Ngayon ay hindi na lamang bilang manunulat, kundi bilang isang babaeng progresibo at bilang isang Antiqueño, ang paggamit niya ng panitikan upang magbalik muli sa esensya kung bakit nga ba talaga siya nagsusulat, at ito ay ang pagsilbihan ang mga taga-Dao, ang Antique, ang lugar na nagbihis ng kaniyang kultural na kamalayan.

Para sa akin, importante ang posisyon na inuukupa ni Asenjo pagdating sa usapin ng panitikan ng Kanlurang Visayas sa mga sandaling ito, parang mga karakter niya sa mga kuwentong kaniyang nililikha: hindi namemersonal kaya hindi judgmental, may partikular na espasyo kaya ispesipiko at malinaw, napapanahon kaya mas interesante, at payak kaya mas naiintindihan ang proseso ng pagiging malikhain.

Sapat ang batis ng karanasan ni Asenjo bilang taga-bukid na nagtatahi sa Antique, pa-Iloilo, pa-Maynila. Sa pamamagitan nito, tila kolaboratibo ang karanasan niya bilang manunulat, may bago, may luma, may bagong tila luma ngunit hindi nakalilimot sa rason ng kaniyang eksistensiya. Kung gayon, kahanay ni Asenjo sina Magdalena G. Jalandoni, Maria Milagros G. Lachica, at Alice Tan-Gonzales bilang mga dekalibreng mga manunulat sa Kanlurang Visayas. Patunay ang BS kasama ang mga libro nitong “Pula ang Kulay ng Text Message,” “taga_uma@manila,” “Komposo ni Dandansoy,” “Ang Bukid nga Nagapalangga Kang Pispis,” at “Sa Aking Pag-uwi” na si Asenjo ay hindi lamang tinig ng nagkukuwento o nagbabahagi ng karanasan, kundi isang kapangyarihan, isang partikular na tinig na umuukupa at umuukit ng isang importanteng espasyo sa panitikan ng Filipinas, na di magtatagal ay tuluyang papanday sa mga pagitan, nakalimutan, at iniwang espasyo na naghahati sa pagiging rehiyon at pambansa.

Kalatas: Kwentuhan mo kami, paano nagsimula ang Balay Sugidanun?

Asenjo: 2010 ‘yon at para bang mayroon akong accumulated anxiety at urge. Anxious ako na parang status update na lang sa Facebook ang nasusulat ko, at sa isang banda, Kinaray-a ang naririnig kong tunog at patak ng mga salita sa isipan. So naisip kong mag-blog, and why not bilang konsepto ng Balay Sugidanun gaya ng paglarawan nito sa Lumbay ng Dila.

Kalatas: Una mong nobela ang Lumbay ng Dila, tama?

Asenjo: Oo, una kong nobela ito sa wikang Filipino. Disertasyon ko noong tinatapos ko pa ang pagdodoktorado ko sa La Salle. Mababasa sa Facebook page nito ang rebyu nina Edgar Samar at marami pang mambabasa. Mababasa rin sa Balay ang PDF ng ekserpt na na-pablis sa isang jornal, ang IDEYA.

Kalatas: Kung gayon, ano ang pangunahing gustong gampanan ng Balay Sugidanun sa Panitikang Kinaray-a? Ano ang layunin ng pagkabuo nito?

Asenjo: Nabanggit ko sa ilang okasyon ang ‘politika ng posibilidad.’ Nabubuhay ako sa ideya, sa imahinasyon, sa visyon, at sa mga posibilidad ng artikulasyon nito, lalo na sa kongkreto at praktikal na mga aksyon. Isa rito ang lalo pang mapakita–kasi nahawan na ni Sir Leo Deriada at mga naunang manunulat sa rehiyon ang daan–ang marami at iba pang kakayahan ng Kinaray-a at Hiligaynon (kasi nagsusulat ako sa mga wikang ito) sa pagbubuo ng mga bagong komunidad ng mambabasa sa panahon ng internet at social media. Muli kong naisip ang Publiko–ramdam ko ang higit na pangangailangang makipag-usap labas sa ivory tower ng akademya. Kaya naisip ko ang Padya Kinaray-a.

Pero panahon ang makakapagsabi kung ano ang na/magiging impluwensya ng Balay Sugidanun sa Panitikang Kinaray-a at Kanlurang Visayas. Ginagawa ko ito dahil masaya ako, kaya ko, at 24/7 ang internet access.

Kalatas: Maliban sa tinatawag ni Sir Deriada na “Visayan-laced Filipino,” ano pa ang naiisip mong kakayahan ng mga wikang Kinaray-a at Hiligaynon pagdating sa usapin ng posibilidad sa panitikan?

Asenjo: Angkin ng balarila ng Kinaray-a at Hiligaynon ang kakayahan na magsalin ng Great Works mula sa loob at labas ng bansa.

Sinasalin ngayon ang Sugidanun (epiko) mula sa isang uri ng Kinaray-a (ligbok, dendena) patungo sa Ingles. Tinuturo ko ang isang versyon at parte ng Sugidanun, ang adventure ni Humadapnon sa Kuweba ng Tarangban at kitang-kita sa laman ang archetypal na mga katangian at tema. Kung gayon, nakakasali sa pambansa at global na diskurso, hal., sa episode saan nag-transform si Nagmalitong Yawa into Buyong Sunmasakay para masagip si Humadapnon, napag-usapan namin ang mga konsepto sa diplomacy at art of war.

Ma-map din natin ang national consciousness sa mga obra sa Hiligaynon nina Ramon Muzones (may salin na sa Ingles si Ma’am Cecilia Locsin-Nava ng Margosatubig), Magdalena Jalandoni (may mga salin na rin sa Filipino si John Iremil Teodoro at sa Ingles, ang yumaong si Ma’am Ofelia Jalandoni). Masters thesis ngayon ng mentee ko, si Margie Mapa, ang mga nobela ni Angel Magahum.

Kalatas: Kailan at paano nagsimula ang Kinaray-a Literary Prize ng Balay Sugidanun, kailan at paano ito nagsimula?

Asenjo: 2010 ‘yun. Maraming magagandang bagay na nangyari sa personal at professional kung buhay at punong-puno ako ng pasasalamat. Community-engagement ko nga ang Balay Sugidanun, payback at pay-it-forward. Di ko naman kayang magpasemento ng kalsada papasok sa barangay namin o magpatayo ng bilding. Hehe. Naisip ko na nagawa ko ang mga nagawa ko dahil nabigyan ako ng opportunity. Kaya gusto ko ring mag-create ng platform para sa mga batang manunulat, lalo na sa Kinaray-a na limitado ang oportunidad.

Matter of right time din siguro. PhD na ako, tenured, nakatulong na ako sa pagpatayo ng bahay namin (although walang katapusan naman ‘yan), sa pagpapaaral ng mga kapatid (nagpapaaral ako ng anak ng pinsan ngayon), nakapunta na sa ibang bansa, kaya kinausap ko ang mga kapatid ko: na pera ko ang gagastusin ko dito. Libre naman kasi ang kolehiyo ko, talagang Iskolar ng Bayan, at Faculty Development ang MFA at PhD. Wala namang problema sa pamilya ko. Nauunawaan nila, nirerespeto, at suportado. Magaan sa loob ko, earnest.

At nagpapasalamat ako kay Sir Nonoy, si Sir Maragtas Amante na nasa South Korea din noong 2009 at nagkita kami doon at pagbalik niya dito sa UP-Diliman, naging mataas na opisyal. Nang mabasa niya ang post ko sa Facebook, siya mismo nag-pledge ng donasyon na 10,000.00. Sa selebrasyon ng unang awarding at pagtitipon, si Randy din (Randy Tacogdoy) nag-offer mismo na sagot niya para sa susunod na taon ang 5,000.00 para sa kategoryang binalaybay (tula).

Kalatas: Hanggang ngayon ay may Kinaray-a Literary Prize? Paano ito ipinagdiriwang ng Balay Sugidanun?

Asenjo: Pinagdiriwang namin ang una kasama ang Casa Madrangca sa San Jose, Antique; ang pangalawa, kasama ang buong DepEd ng bayan namin sa Dao. Ngayong taon, nag-level-up ang Balay para maging producer. Inaasahang maka-launch bago matapos ang taon ng isang flash animation mula sa mga tagpasakup sa sugidanun-pangbata. May mga nakalinya ring proyekto para next year. Ipinapanalangin ko ang patuloy na mabuting kalusugan, kaligtasan, at marami pang oportunidad para sa dagdag na kita.

Kalatas: Bakit tila nakatuon ito sa pagkatha para sa mga bata?

Asenjo: Dahil may nariyan nang mga produkto. Dahil isa ngang kategorya sa Padya Kinaray-a ang sugidanun-pangbata. Dahil rin batas na ang Mother Tongue sa K12. At dahil, s’yempre, ginagawa natin ito para sa batang henerasyon.

Kalatas: Nasabi mo nga na may mga produkto na tayo mula sa mga batang manunulat na pwede na nating mabasa ngayon, kumusta ang mga ito?

Asenjo: Magagaling, informed ng mga makabagong istilo at teknik.

Iniimbitahan natin ang lahat na nakakabasa ng Kinaray-a, Hiligaynon, at Cebuano na bumisita sa Balay Sugidanun. Sa kuwarto ng Dagyaw, may mga binalaybay, sugidanun, one-act play,creative non-fiction, kuwentong pambata.

Kalatas: May ilan na rin ba sa mga ito na nangahas pag-usapan ang ilang sensitibong isyung panlipunan?

Asenjo: Karamihan, sa level ng retelling–mythical, archetypal. Medyo feel good, classic case ng good vs evil. Sa mga nababasa ko sa kaso ng mga kwentong pambata dito sa atin at sa mga bestseller sa abroad, isang hamon para sa mga nagsusulat ng sugidanun-pangbata sa Kinaray-a at Hiligaynon ang pagkukuwento rin ng mas, o ‘ilang sensitibong isyung panlipunan,’ gaya ng sabi mo, tulad marahil ng bullying, incest at rape, etc. Pero, dapat rin nating alalahanin na una’t una, gayundin sa kahuli-hulihan, dapat isang maganda at nakakaaliw na kuwento ang nasa isip at puso natin, ang pinagsisikapang itanghal.

Kalatas: May ilan ba sa mga ito ang malay sa paggamit ng “local color” bilang paraan ng pagkukuwento para sa mga bata?

Asenjo: Oo, nakaugat sa rehiyun ang mga kuwento. Ispesipiko kaya unibersal. Local na global.

Kaya hindi lumulutang ang mga akda. May identidad. Kasi kung imamapa natin, ang totoo, nasa kung ano ang partikular at lokal ang ating pagkakapareho, kasi nga, archetypal din. Saka hindi naman magkakalayo ang pisikal na kapaligiran natin sa buong arkipelago gayundin ang kasaysayan at kasalukuyang sitwasyon. Magkaiba man ang lengguwahe, magkapareho din ng sensibilidad.

Kalatas: Naging bukas di na lamang sa mga wikang Kinaray-a at Hiligaynon ang Balay Sugidanun, tama? Bakit?

Asenjo: Dahil may mga kontribyutor mula Cebuano, Bikol, at Filipino. May Gallery ng mga manunulat na nakipagdagyaw o nakipag-bayanihan sa atin. Ugat natin, apdo, atay, puso ang Kinaray-a at panitikan ng Kanlurang Visayas pero nagmamapa rin tayo ng pagkakapareho sa mga karatig isla. Nakasulat nga sa tagline ng Balay Sugidanun na Mother Tongue + Multilinggwalismo. Para sa sangkatauhan ang panitikan.

Kalatas: Maliban sa venue ito para sa mga akda sa rehiyunal na wika, kapansin-pansin rin na mayroong mga link ng translation o pagsasalin rito. Ano ang opinyon mo tungkol sa ‘ang pagsasalin ay pangangailangan’ sa mga manunulat na wala sa sentro o di nagsusulat sa wikang Tagalog, Filipino, at Ingles? Gaano ito kahalaga?

Asenjo: Ang mga akdang may salin na, s’yempre, isinama na rin natin ang salin.

Dikta ‘yan ng common sense at praktikalidad kaysa ‘pangangailangan,’ na sa pag-intindi ko, naka-depende sa na-identify mong mambabasa. Walang salin ang mga blog dahil global Kinaray-a naman talaga ang target na mambabasa. Kung may kwalipikadong tagapagsalin patungo sa iba pang wika sa loob at labas ng bansa, bakit hindi, lalo na kung may oras naman at pondo. ‘Pangangailangan’ lamang ang pagsasalin kung gusto mong makipag-usap sa mas malawak na mundo, o kung may partikular kang hangarin na nais maabot. Halimbawa, kapag naisalin sa Ingles ang isang kontemporaryong nobela sa Filipino, maaaring ma-nomina ng pabliser sa Man Asia LiteraryPrize, at sa kung ano pa mang paligsahan na eksklusibo sa wikang Ingles. Kung wala ka namang hangad na manalo ng Man Asia, o makabenta labas sa mga nagsasalita ng iyong wika, hindi naman kailangan ang pagsasalin. May mga blog ako na gusto kong nasa Kinaray-a lamang. Dahil nasa Kinaray-a ang kanyang emotional truth. Maaaring maisulat ko sa Filipino o Ingles ang parehong topiko, pero ibang anggulo naman iyon, at dahil sa Filipino din siya dumating sa akin. Halimbawa ngayon, nagko-kolum ako sa Iloilo Metropolitan Times. Nang inimbita ako, binigyan ako ng kalayaan na magsulat sa Kinaray-a, Hiligaynon, Filipino, English pero kapag nagsusulat ako para sa kolum na ito, sa Ingles dumadating ang mga salita, kaya sa Ingles. Naniniwala ako na kailangang isalin, lamang, ang classics, masterpieces, at ang mga magagaling na kontemporaryong akda. Hindi ko nakikita ang ‘pangangailangang’ isalin ko patungo sa Filipino o Ingles ang lahat nang nasulat ko sa Kinaray-a at Hiligaynon, halimbawa.

Kalatas: May bago kang libro, “Sa Aking Pag-uwi,” picture book ito, tama? Bakit mo naisip na gawing picture book ito?

Asenjo: Oo, isang picture book, pero hindi ko ito tinuturing na isang ‘bagong labas’ o ‘bagong libro’ ko. Ito ang napiling final creative project ng tatlo kong estudyante, na siyang mga illustrator, sa HUMALIT: Introduction to Philippine Literature, isang G.E. course. Ekserpt lang ito ng tula ko sa Filipino na “Sa Aking Pag-uwi.” May anotasyon ako tungkol dito sa blogpost nito sa Balay.

Kalatas: Pinagsabay mo ang pagsusulat ng nobela at paggawa ng picture book?

Asenjo: Mga estudyante ko ang gumawa ng picture book. Kita mo naman, magaling ang ilustrasyon nila. I was proud of them kaya sayang naman na ako lang ang makakita. Kaya maliban sa presentasyon sa klase, ibinahagi ko na rin sa publiko. Community-engagement na natin. May permiso nila. Natuwa naman sila na nagustuhan ko (at s’yempre, mataas ang kanilang nakuhang grade).

Kalatas: Sino ang magpa-publish nitong “Sa Aking Pag-uwi,? at saan ito magiging available?

Asenjo: May PDF. Publikasyon na ang naka-post sa Balay Sugidanun. Kung ang tinutukoy mo ay hard copy, wala akong balak sa ngayon, hindi ko rin naman inilalako. Mas kailangan ko siguro ng social media angel/s para mas ma-promote ito at mabasa ng mga may akses sa internet at gadyet.

[LINK: ‘Sa Aking Pag-uwi’ ni Genevieve L. Asenjo, Isang Picture Book]

Kalatas: Ang balita ko, unang activity ng BS itong Dagyaw sa Antique, tungkol saan ito? Kuwentuhan mo kami ng naging karanasan mo doon.

Asenjo: Nakasulat nga sa poster sa Facebook page ko at sa Balay na isa itong psychosocial support, chiropractic treatment, community-meal, at gift-giving sa porma ng libreng ukay-ukay ng mga donasyon na damit para sa mga survivor ng bagyong Yolanda sa Antique. Ang barangay Janlagasi sa Culasi ang ating napili, ayon na rin sa resulta ng survey at konsultasyon ng mga local host at coordinator natin doon.

Lahat naman tayo apektado, at biktima/survivor na rin, bagama’t sa ibang level. Kahit basic first aid wala (pa) akong alam, hindi kasama sa naging kurikulum ko. Gaya ng nasabi ko sa isang status update ko, kaya kong mag-organisa. Sinimulan ko sa paghingi ng permiso sa admin ng condo building saan ako nakatira. Pumayag na magpaskil ako ng call for donation at binaha ang inilagay kong mga karton sa tabi ng elevator ng mga supot ng damit, sapatos, bag. 8 sako ang napaglagyan. Pina-RORO natin ito at tinanggap ng ating local host, na isang trusted friend at aktibo din sa mga relief operation.

Hindi ako naging agresibo sa paghingi ng cash donation. I was thinking of a portion of my 13th month pay. Pero may mga close friend sa DLSU at abroad na nagpadala ng personal na mensahe, nangamusta, at nang malaman ang balak kong proyekto, nagtiwala ng kanilang kita rin. Ito ang gusto ko, ‘yung walang trust issue. Wala akong luxury of time and energy para ma-stress o mag-worry sa kung anong pagdududa mayroon ang iba. Maliit lang naman kaya hindi rin naman nakakatakot. Ginamit namin ito para sa art materials at community meal, at sa iba pang gastusin.

Laking pasalamat ko na itong proyekto ang higit na nagpa-bond sa aming magkakapatid. Pareho naming sakit ang public service at isang trained at experienced psychosocial facilitator ang aming bunso na ngayon nagtuturo sa Ateneo de Davao at nagtatapos ng MS in Psychology. Nakakatuwa rin na na-reconnect ako sa mga qualified at successful professionals sa aming bayan, ang Dao. So ang Dream Team ko, Dream Team talaga.

Successful ang implementasyon. Inihahanda ko ang serye ng visual story at write-ups na rin (sinasagot ko ito ngayon sa gabi ng huling araw ng proyekto; kaya may kapaguran) para malathala sa Balay at maaaring sa iba pang venyu.

[IMAGE SOURCE: balaysugidanun.com]

[IMAGE SOURCE: balaysugidanun.com]

Kalatas: Sa tingin mo, ano ang kakayahan ng panitikan, o ang role nito para sa isang komunidad na humaharap sa isang trahedya? Halimbawa sa Antique kung saan niyo ginawa ang Dagyaw sa Antique.

Asenjo: Oral lit, kuwentuhan ang ating ginawa. At matamang pakikinig. May framework na ginamit. Isa na rito ang tinatawag na Human-Centered Design, saan nakikinig ka nga sa kuwento ng komunidad para masagot ang isang pagsubok. Sa kaso nito, paano matulungan ang komunidad na nakaranas sa hagupit ng bagyong Yolanda? Sa huling araw, kanina, sa feedback, ilan ang nagsabi na dahil sa ginawa namin, nagkaroon sila ng oportunidad sa komunidad na mapakinggan ang isa’t isa at dahil dito, mas tumapang sila at nagkaisa. Nasa puso’t isip ang epekto ng proyekto, at alam naman natin na dahito nagsisimula ang aksyon, at ‘yan ang silbi, ang papel ng panitikan: ang maghawan ng isang direksyon, o magdala sa atin sa isang partikular na anyo ng pag-iisip, saan, sa isang aktibidad na ginawa, pinaalala sila ng kanilang sariling kakayahan, at kakayahang bumangon bilang komunidad. At alam naman natin na ang panitikan ay mas higit na tungkol sa tagumpay ng human spirit kaysa pagkalugmok nito.

Kalatas: Ano ang maipapayo mo sa mga manunulat sa wikang Kinaray-a, lalo pa’t mas naging aware ang maraming manunulat sa Kanlurang Visayas sa kahalagahan ng pagsulat sa sariling wika?

Asenjo: Ayaw kong magpayo. Mas marami na silang alam kaysa sa akin. Gawin nila ang gusto nila: nasa visyon natin dapat ang ating loyalty, nasa ating emotional truth. Nariyan ang aking mga nasulat at ang Balay Sugidanun para magsalita para sa akin.

Kalatas: Ano ang mga dapat asahan ng mga tagahanga mo sa iyo ngayong 2014?

Asenjo: Hinihintay ko ngayon ang mapagpiliang disenyo ng pabalat ng ebook, isang koleksyon ng mga kuwento. Nasa evaluator ngayon ang manuskrip ng bagong libro ng binalaybay sa Kinaray-a at may salin sa Ingles. At na-release na natin noong Nobyembre sa ika-tatlong taong anibersayo ng Balay ang isang flash animation sa Kinaray-a. Inaasahan nating matapos ang dalawa pa ngayong taon para makapag-public screening tayo sa mga paaralan sa Antique.

Magkaka-Phase 2 ang Dagyaw, kaya iniimbitahan ko rin ang publiko: maaaring makatulong sa pamamagitan ng pagbili ng t-shirt. Makikita sa Balay Sugidanun ang disenyo.

Maaaring tumulong sa Phase 2 ng ‘Dagyaw sa Antique Project' sa pamamagitan ng pagbili nitong t-shirt sa halagang Php 250.00. Makipag-ugnayan sa vvasenjo@gmail.com. [DISENYO: Adonis Durado. IMAGE SOURCE: balaysugidanun.com]

Maaaring tumulong sa Phase 2 ng ‘Dagyaw sa Antique Project’ sa pamamagitan ng pagbili nitong t-shirt sa halagang Php 250.00. Makipag-ugnayan sa vvasenjo@gmail.com. [DISENYO: Adonis Durado. IMAGE SOURCE: balaysugidanun.com]

[LINK: ‘Dagyaw sa Antique Project:’ Psychosocial Support + Chiropractic Treatment sa mga Survivor kang Bagyo Yolanda sa Brgy. Janlagasi, Culasi, Antique]

Si Noel G. de Leon ay estudyante ng Master of Education Major in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Visayas kung saan siya nagtuturo. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya. Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com.

About Kalatas

Kalatas is the official publication of the Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), the largest organization of Filipino writers in the country. Founded in 1974, the organization was known for a time as the Writers Union of the Philippines.

4 comments on “Interview: Genevieve L. Asenjo

  1. Xi Zuq
    January 10, 2014

    Ang cute nga ng “Sa Aking Pag-uwi” picture book. :]

  2. Pingback: Interview: Maria Milagros Geremia-Lachica | KALATAS: Philippine Literature, Culture, & Ideas

  3. Pingback: Interview: Jose Edison Calibjo Tondares | KALATAS: Philippine Literature, Culture, & Ideas

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow Kalatas on Twitter

Enter your email address to follow Kalatas and receive notifications of new posts by email.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 634 other followers

%d bloggers like this: