News

Kolaborasyon ng 3 batikang alagad ng sining sa ‘Ang Daragang Magayon’

582514_4627399400870_970405917_nAng Daragang Magayon: An Istorya ni Mayon ay isang bagong produksyon ng walang kamatayang pag-ibig at makulay na alamat ng Bulkang Mayon at ng probinsiyang Albay. Ito’y sisimulang itanghal sa Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Peb. 8, 2013.

Pinagsama-sama ang talino ng tatlong batikang alagad ng sining sa pagtatanghal na ito ng drama ng pag-ibig at kasaysayan, ng kabutihan at kasamaan sa tula, awit at sayaw.

Ang liriko ay galing sa panitik ng iginagalang na makata at kritiko, ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio S. Almario. Ang musika ay likha ng batikang konduktor at kompositor na si Ramon Pagayon Santos, na dati na ring gumawa ng musika para sa alamat na ito.

Ang batayan ng alamat at ng mga ritwal ng sinaunang Bikol ay nanggaling sa premyadong Albayanong manunulat at mananaliksik na si Abdon M. Balde Jr., na kamakailan lamang ay itinanghal na Albay Poet Laureate.

Ang choreography at stage direction ay isinaayos ni Gerald Mercado ng eDance Theater, sa tulong ng kanyang kabiyak na si Katrina Santos Mercado. Ang mga special effects ay pinagtulungan ng mga kilalang pangalan sa pelikula, sina Chuck Escasa at ang animator na si Benjie Marasigan at Niko Salazar, lalo na sa paggamit ng “two dimensional film technology”, sa mga tagpo nang pagiibigan nina Daragang Magayon at ang bayaning si Ulap.

Ang Daragang Magayon ay produksyon ng Pamahalaan ng Probinsyang Albay sa pamumuno ni Gob. Joey Salceda, na isang masugid na patron ng sining. Ang pagtatanghal ay isa lamang sa maraming programa ng probinsiya sa kalinangan ng kultura at pagpaunlad ng turismo.

Sa Daragang Magayon: An Istorya ni Mayon, bibigyan ng Albay ng pambihirang pagkakataon ang manonood na masilip ang misteryo at mahika ng kaniyang kasaysayan. Muli nitong isasalaysay ang kwento ng walang kamatayang pag-ibig at bibigyang kasagutan ang mga hiwaga sa pamamagitan ng alamat; Paano nabuo ang Bulkang Mayon? Saan nagsimula ang Albay?

Ayon kay Salceda, makikita rin sa pagtatanghal na ito, sa unang pagkakataon ang mga hindi pa nasasaksihan ng karamihan, tulad ng mga lihim na ritwal: Ang Halia, sa pagsikat ng bagong buwan, ang Atang para sa diyos na si Gugurang, at ang makapigil-hiningang pagtatagisan ng kapangyarihan nina Gugurang at Aswang na kumakatawan sa kabutihan at kasamaan.

Masugid na tagapagsulong si Salceda sa pagpapalago ng sining at kultura sa kaniyang probinsiya. Ang Atrium sa Albay Provincial Capitol ay bukas buong taon sa mga pagtatanghal at exhibit ng mga pintor at eskultor, at iba pang visual artists.

Kamakailan lamang ay linikha ang posisyon na Poet Laureate sa pamahalaan ng Albay, na sinasabing pinakauna sa buong Pilipinas, sa larangan ng pagtangkilik sa sining. Natunghayan din ng mga bisita sa nagdaang Magayon Festival ang pinakaunang pagsasadula ng Dance of the Three Mountains, isang bahagi ng alamat ng Darangang Magayon, na galing naman sa malikot na panitik ng premyadong manunulat na si Balde.

Katulong sa produksyon ang eDance Theatre, ang Bicol University, at ang CCP.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s