ni Elsed S. Togonon
Binasa bilang bahagi ng panel sa 2012 Taboan Writers Festival na inorganisa ng National Commission for Culture and the Arts, na ginanap sa Clark Field, Pampanga noong Pebrero 9-11, 2012.
Usapang baboy tayo ngayong hapon. At bilang panimula, hayaan ninyo akong bigkasin ang maikling binalaybay sa Kinaray-a ng isang kilalang makata at guro mula sa Antique. “Ang Baboy” ni John Iremil E. Teodoro.
Sugot takun nga mangin baboy
Kon ang tangkal ko mga butkun mo.
Basta damogan mo lang ako
Kang imo nga yuhum kag haruk
Aga, hapon.
Dali man lang ako patambukun.
Nga indi ako pagpabay-an
Amo ang bitamina nga akun
Ginatomar.
Kag kon gabii gani
Ang mga apuhap mo man lang
Sa akun likod kag dughan
Ang makapahuraguk kanakun.
Bilang guro, naniniwala akong ang pagtuturo ng tula ay pagpapataba sa baboy. Ang binalaybay ni John Iremil E. Teodoro na kakabasa ko lamang ay isang paglalarawan kung paano gamitin ang teksto bilang pamamaraan sa pagtuturo ng tula kawangis ng pamamaraan na inilahad ni Dr. Isagani R. Cruz na FREE, na ang ibig sabihin ay “Feed the text, Read the text, Enhance the text at Enjoy the text.” Puno ng mga larawang-diwa ang tula na nakakabit sa kung paano tinuturo ang binalaybay. Sa pagbasa nito, tila nangungusap ang tula: Paano ba ako papatabain? Paano ba ako babasahin?
Ang teksto at konteksto bilang mga tangkal sa pagbasa ng binalaybay
Pansinin ang mga salitang tangkal (koral), damog (kaning-baboy), yuhum (ngiti), haruk (halik), bitamina, apuhap (haplos), at makapahuraguk (makapagpapahilik). Ang imahe ng tangkal na nagsisilbing kulungan ng baboy ang nagtatakda ng parameter o hangganan. Ganunpaman, nagbibigay din ito ng espasyo sa baboy upang malayang makagalaw. Pinapabuti kasi nito ang kakayahan ng mambabasa na mag-isip at mag-imadyin. Ganundin ang pagtuturo at pagbabasa ng tula. Maaring pumili ang guro ng elementong nais nito talakayin hinggil sa tula gaya ng persona, tension, o tema. Ngunit nagiging makabuluhan pa din ang pagpapaunawa sa tula sa kabila ng parameter at kondisyong inilalatag nito. Ipinaliwanag mismo ng makata sa kanyang papel na napablis sa Augustinian noong Enero 2009 na pinamagatang “Pagbababoy sa Sarili: Ang Sariling Likhang-Akda Bilang Gamit sa Pagtuturo” ang paggamit ng tayutay sa pagtatalakay ng kanyang tula. Aniya, “sa tulang ito inihahambing ng persona ang sarili sa isang baboy. Kaya niyang maging baboy na sa isang kondisyon, ang magiging koral niya ang yakap ng taong kanyang minamahal. Pati pagkain niya ay dapat ang mga halik ng kanyang iniirog. Ang bitamina niya ang pangako ng iniibig na hindi siya iiwan.” Sa linyang “Sugot takun nga mangin baboy/Kon ang tangkal ko mga butkun mo ” ipinahihiwatig ng persona ang hangganan sa pagkakapayag niya na maging baboy.
Sa pagtuturo at pagbabasa ng tula, may mga kondisyon din tayong dapat isipin upang mas lalong mauunawaan ang kahulugan ng binalaybay. Una, ang imahe at konsepto ng baboy sa kultura. Ano ba ang pagkakakilala natin ng baboy? Para sa mga Hudyo, sinasabing ang mga baboy ay marumi at ang pagkain nito ay taliwas sa sugo batay sa Torah. Sa Bagong Tipan, may mga pabulang nagsasalaysay kaugnay sa baboy, halimbawa na lamang ng “Suwail ng Anak” at ang pagpapalabas sa mga baboy mula sa dalawang taong sinapian ng demonyo ayon sa Ebanghelyo ni Mateo. Sa amin sa Antique, dugo ng baboy ang pinapatak sa hukay kapag nagpapatayo ng bahay. Tinatawag naming itong “daga” o pag-aalis ng malas sa palibot. At siyempre hindi mawawala, as in, hindi mawawala ang putaheng baboy kapag may pista- lechon, menudo, pochero, KBL. Sa aspetong panlipunan, ang pagkakasabi ng isang tao sa kanyang kapwa na “Ang baboy mo!” ay nagpapahiwatig ng inis sa kawalan ng ayos o matinong asal. Sa panahon ngayon, kahit hindi man makita sa pisikal na anyo, baboy na rin nating maituturing ang mga politikong nagpapakundangan sa pagkamkam ng kaban ng bayan. At dahil ikinakabit natin ang imahe ng baboy sa pagiging mataba, nagkakaroon na ng cultural baggage ang mga matataba. Sa media na lamang halimbawa, mas nabibigyang pansin ang may magagandang hubog ng katawan bilang batayan ng kagandahan. Sa mga teleserye, may kilala ba tayong artistang mataba na naging bida at naging ka-loveteam ni Coco Martin o ni Richard Gutierrez? Wala. Sina Kim Chiu, Marian Rivera, Anne Curtis at iba pa ang kinikilingan ng media at maging ng mga kabataan sa ngayon. Sinasang-ayunan ito ni Dr. Isidoro Cruz sa kanyang sanaysay na “Ang PLDT Ad, ang “Baboy” ni J.I.Teodoro sa Kinaray-a, at ang Wikang Vernakular/Rehiyonal/Pambansa.” Aniya, “mas nagiging makabuluhan lamang ang pasabi ng persona na payag siyang maging baboy kung namamayani sa kultura ng bumabasa ang konatasyon ng baboy bilang mababang uri ng hayop.” Ito din ang kultural na kondisyong nakakawing sa pagbabasa at pagtuturo ng tula.
Ang pagdadamog bilang pagpapakilala sa makata
Sa kabilang banda, napapanatili din ang pagtaba ng tula sa pamamagitan ng damog. Ayon kay Dr, Isagani R. Cruz, isang kilalang manunulat, kritiko at guro sa De La Salle University, ang pagpapabusog ng teksto ang isa sa mga paraan sa pagtuturo ng tula. Aniya, “he [the teacher] first ‘feeds the text by talking about the author and the tradition to which the literary text belongs (www.fuse.org.ph).’” Sa internet, maaari na nating makilala ang mga makata dahil sa mga websites at mga blogs. Halimbawa na lamang, kay Sir John Iremil Teodoro. Sa pagtalakay ng kanyang tulang “Ang Baboy,” upang malaman ang impormasyon tungkol sa kaniya at sa kanyang pagiging manunulat ay maaari nating i-Google ang kanyang pangalan. Voila, babalandra sa iyong mukha ang napakaraming links hinggil sa makata. Maski sa http://www.wikipedia.com ay tampok ang kanyang maikling biography.
Ang ideyang “free” bilang gabay sa pagtuturo ng binalaybay
Ang mga larawang-diwa na yuhum, haruk, apuhap, at huraguk ay tumutukoy sa sinabi ng Romanong makata na si Horace na ang panitikan ay dapat matamis at mapapakinabangan. May kakayahan ang binalaybay na makapagbigay ng ngiti, halik, haplos sa mambabasa at kalauna’y makapagpapahilik sa kanya. Sapagkat ang binalaybay ay kuwento ng masalimuot na karanasan ng tao, sapagkat ang binalaybay ay isang gunitain gamit ang ating pandama, sapagkat ang binalaybay ay nag-iisip at nagbibigay-tunog ng kanyang damdamin sa pamamagitan ng naaangkop na mga salita gamit ang metapora. Kapag maganda ang metapora, mas lalong napapamahal ang mambabasa sa binalaybay. Sa pamamagitan ng pagtuklas ng kagandahan ng binalaybay, nagiging mutual ang ugnayan nito sa kanyang mambabasa. Katulad din nito ang paraan ng pagtuturo ayon kay Dr. Cuz na tinatawag niyang “enjoying the text.”
Sa pamamagitan ng mga linya sa tulang “Ang Baboy” natutuklasan natin ang mga paraan sa pagtuturo ng panitikan, lalung lalo na ang tula. Nagiging maliwanag ang mga paraan na ito sa pamamagitan ng mga larawang-diwa gaya ng tangkal na nagiging metapora ng kondisyong inilalatag ng tula. Ibig sabihin mas makabuluhan lamang ang kahulugan ng tula batay sa metaporikal at kultural na mga kondisyong nakakawing dito. Mahalaga din ang pagdadamog sa tula, na kahalintulad ng “feeding the text” ni Dr. Isagani R. Cruz. Sa puntong ito sinasaliksik natin ang makata, ang kultura ng kanyang pinagmulan at iba pang literary scholarship na maaari nating makuha sa tula o sa makata. Panghuli, dahil mutual ang ugnayan ng tula at ng mambabasa, kapwa nila naeenjoy ang tamis ng kahulugan at tunog ng mga metapora. Kapwa sila napapamahal sa isa’t isa.
Konklusyon
Isang malaking hamon ang pagtuturo ng tula lalung-lalo na sa panahong ang mga estudyante ay pinipiling mag-Facebook kesa magbasa ng libro, mag-DOTA kesa unawain ang plot ng maikling kuwento o ang tension ng tulang romantiko. Tila ninanakaw na ng social media at role-playing games ang interes ng mga mag-aaral sa pagbabasa ng libro, at sa kasamaang palad ay ibinabalik sa guro ang sisi kung bakit sa huli’y bagsak ang grado ng estudyante. Ayon sa Nielsen Survey (2008), “of top activities done online, online games tops ages 10-14 but is immediately followed by academic research. For ages 15-19, chatting is the highest but again academic research ranks second (http://www.smartschools.ph/tools/ictresources/internet/12-01-25/Social_Media_Literacy_in_the_Philippines.aspx).” Ganun din ang pagkabig ng mga estudyante sa mga araling pampanitikan. Dahil dito, unti-unting namamayat ang baboy, napapanis ang damog, nalulusaw ang aroma ng mga talinhaga. At tayong mga guro, kahit ninanamnam natin ang tamis nga mga talinghaga na ito, hikab at idlip lamang ang ganti ng mga estudyante. Sana, kahit sa gitna ng hamon ng makabagong teknolohiya, napapanatili pa rin natin ang pagpapataba ng baboy. At sa pamamagitan ng mga linya ng binalaybay mismo, huwag tayong matakot na babuyin ang ating sarili para sa propesyon at disiplinang mahal natin: ang pagtuturo. Ang literatura. Ako nga, kahit ganito kaliit ang katawan ko, para sa panitikan, sugot takun nga mangin baboy.
Talasanggunian/Works Cited
Philippine Star. “Learning Literature by Talking”. Foundation for Upgrading the Standard of Education, Inc. 26 Jan. 2010 < http://www.fuse.org.ph/html/news/philstar20100126.html>.
Cruz, isidoro M. Cultural Fictions: Narratives on Philippine Popular Culture, Politics and Literature. Iloilo City: Libro Agustino, 2004.
Smart Schools Program. Home Page. 25 Jan. 2012. 1 Feb. 2012 <http://www.smartschools.ph/tools/ictresources/internet/12-01-25/Social_Media_Literacy_in_the_Philippines.aspx>.
Elsed Togonon is a Language and Literature teacher at the University of San Agustin, Iloilo City and a member of Dagyang Pulong(a group of young Western Visayan writers). He has been a product of creative writing workshops like the Fray Luis de Leon Creative Writing Institute of the University of San Agustin and the 10th Iyas Creative Writing Workshop sponsored by the National Commission for the Culture and the Arts. His poems and short stories are published in SanAg and Panay News. He was also a panelist during the 2012 Taboan Writers Festival held in Clark, Pampanga. Currently, Mr. Togonon takes his M.A. in English and Literature at the West Visayas State University and recently reestablished the Mirror Poetry Guild, a student group pioneered by notable poets and writers in Western Visayas. Aside from being a teacher, he is also the editor of the LA/CAS Student Research Journal of the College of Arts and Sciences and the co-editor of Augustinian Journal for Social Sciences, Humanities and Education of the University of San Agustin.