Review

Review: Isang Pagtatagpo ng Pelikula, Tula, at Sayaw sa ‘Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa’

ni Christa I. De La Cruz

review_ang sayaw

Unang itinanghal sa Cultural Center of the Philippines (CCP) bilang isa sa mga kalahok sa Cinemalaya 2011, pinatunayan ng Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ang magandang bunga ng pagtatagpo ng iba’t ibang anyo ng sining. Sa panulat at direksiyon ni Dr. Alvin Yapan, tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino sa Ateneo de Manila University, at sa produksiyon ni Alemberg Ang, ang Sayaw ay ipinalabas na sa maraming unibersidad at sinehan mula nang una itong lumabas. Ag pelikula’y pinagbibidahan nina Jean Garcia, Paulo Avelino, at Rocco Nacino.

Ang kuwento ng pelikula ay may simpleng premis—ang isang lalaking estudyante ay nagkagusto sa kapwa lalaking estudyante na may gusto naman sa kanilang guro. Ang nagpahusay sa pelikulang ito ay ang mabigat na pagpapalago sa premis na ito.

Ipinakita ang tatlong tauhan sa unang eksena: si Karen (Jean Garcia), guro sa literatura na tinatalakay sa klase ang tula ni Ruth Elynia Mabanglo na Kinukumutan Ka ng Aking Titig; si Marlon (Rocco Nacino) na tumititig sa guro at pautal-utal sa pagsagot sa talakayan; at si Dennis (Paulo Avelino) na tumititig naman kay Marlon. Epektibo ang simula ng kuwento dahil naihain agad ang sari-sariling problema pati ang karakterisasyon ng bawat tauhan. May pagkiling sa peministang tula at paniniwala si Karen, balakid kay Marlon ang di niya mahusay na pagkaintindi sa panitikan para magpakitang-gilas kay Karen, at malayo naman si Dennis kay Marlon.

Malinis ang pelikula bilang naratibo. Linear ang kuwento at may maayos na pagpapalakas bago tumungo sa climax. Sa mga sumunod na eksena ay isinalaysay ang mga ginawa ni Marlon para makuha niya ang gusto niya: si Karen. Lagi niyang inaabangan ang guro tuwing papuntang sa dance studio. Kinuntsaba niya si Dennis para turuan siya ng sayaw para pagdating niya sa klase ng guro ay mahusay na siya. May mga eksena rin na nagpapatulong si Marlon kay Dennis tungkol sa mga takda nila literatura. Kasabay nito ay sunod-sunod rin ang pagbuo ng tensiyon sa gitna ng dalawang lalaki.

Sa kabilang banda, marahan ding nabuo ang lungkot sa puso ni Dennis hanggang sa isinayaw na lang niya ang pananaghoy na ito. Ang mga eksenang bumuo dito ay ang pagsama ni Marlon sa kaparehang babae, ang pagpapansin sa guro, ang pag-aaway ng dalawa at ang tuluyang pag-alis ni Marlon sa klase ng sayaw.

Masasabi kong climax ng kuwento ang eksenang binayaran ni Marlon si Dennis sa pagtuturo sa kanya sa pag-aakalang bahagi pa rin ito ng napag-usapan. Nagalit si Dennis at umalis. Naging maigting ang eksenang ito dahil bilang manonood ay inaasahan kong magiging maayos na ang lahat lalo pa’t nagkabati ang dalawa at bumalik na sila pareho sa pagtuturuan para na rin sa gagawin nilang produksiyon ng epiko.

Huling eksena ng pelikula ang luhang bumalong sa mata ni Marlon habang hawak si Dennis sa huli nilang sayaw sa produksiyon ng epiko. Open-ended ang eksenang ito at maraming naging mga katanungan sa kung ano ba talaga ang wakas ng kuwento. Laging iminungkahi ni Yapan sa mga interbyu at balitaktakan na ibinibigay niya sa manonood ang pagwawakas ng kuwento at bukas ito sa maraming interpretasyon.

Maaaring ang luha ay pagpapakita ng mga realisasyon ni Marlon. Una, maaaring dala ito ng labis na pagkamangha sa nangyaring sayaw. Maaaring ihambing ang eksenang ito sa eksena ng pagluha ni Karen habang sumasayaw sina Dennis at Marlon para sa audition. Lubos siyang napukaw ng emosyong dala ng sayaw ng dalawa at siya’y napaluha. Pangalawa, maaaring dala ito ng pagpapakumbaba at paghingi ng tawad dahil sa dinala niyang sakit kay Dennis—maaaring dahil doon sa eksena ng pera o maaaring dahil sa mas malaking sitwasyong nabalewala niya ang pagtingin ng lalaki. Pangatlo, may posibilidad din na nawari na niya ang pagmahahal ni Dennis pero hindi niya ito maibabalik sa parehong paraan.

Gusto ko ring purihin ang mga temang pinili ng palabas. Una, sinuri ng pelikula ang isyu ng LGBT pero kakaiba ito sa maraming likhang sining na sa pagtatalik ng dalawang lalaki o dalawang babae umiikot ang kuwento. Katulad na rin ng sinabi ng direktor, ganoon ang pamagat ng pelikula dahil sa galaw ng kaliwang paa ng lalaki nagsisimula ang isang sayaw. Sa pelikula, ibinigay niya ang tanong na kung dalawang lalaki ang sasayaw, sino ang magsisimula o kailangan bang may magsimula? Ito ang ideyolohiyang isinusulong ng peminismo at ng komunidad ng LGBT na sa relasyon ay hindi kailangan magkaroon ng puwesto ng kapangyarihan. Maging dalawang lalaki, dalawang babae, o babae at lalaki, maaaring maging pantay lamang sila sa pagsasama. Makikita ito sa eksenang tinuturuan ni Dennis si Marlon ng pagsayaw. Kailangan nilang magpanggap na ang isa ay babae dahil ganoon ang nakagisnan para sa mga sayaw ng dalawang tao. Nakagisnan na ang lalaki ang may hawak sa babae at ang magsisimula ng sayaw. Sa eksenang ito nagtanong si Marlon kung bakit pa kailangang ganoon ang mangyari.

Pangalawa, sinuri din ng pelikula ang karaniwang problema ng tao, lalo ng kababaihan, sa pagtanda. Ito ang isa sa mga problema ni Karen na ipinakita sa eksenang nakaharap siya sa salamin at pinagmamasdan niya ang tumatanda na niyang mukha. Pero bilang isang tauhang may peminismong adhikain, ginamit ito ni Karen para putulin ang pag-objectify sa kanya ni Marlon sa linyang “Hindi ka ba natatandaan sa akin?”

Pangatlo, ipinakita rin ang karaniwang problema ng mga alagad ng sining sa ating bayan. Sa isang eksena, ikinuwento ni Karen sa dalawa niyang estudyante na kinailangan niyang magturo dahil hindi naman habambuhay ang kanyang pagsayaw. Tatanda rin siya at matatapos din iyon. Ipinakita rin ito sa isang eksenag binabalaan niya si Dennis sa panganib ng sinusuong niya. Hindi nasabi sa diyalogo pero ipinahihiwatig ni Karen ang hirap ng pagpapatuloy sa sining at ang ibinabadyang pagtatapos ng lahat ng bagay at ang posibleng kasawian ni Dennis. Sa kabila ng mga paghihirap na ito, ikinabig ni Karen ang linyang “Nagagawa ko ano mang gustuhin ko.” Ginagawan niya ng paraan ang buhay dahil sa pagmamahal niya sa kanyang sining.

Ang magandang kuwento at tema ng Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ay napabigat din ng galing ng mga artista, ng tugtog at ng cinematography. Sinaklaw ng mga tula nila Ruth Mabanglo, Ophelia Dimalanta, Rebecca Añonuevo, Merlinda Bobis, Joi Barrios at Benilda Santos ang buong kuwento at ang mga ito rin ang nagpatakbo sa kuwento, isang ekphrasis. Ang lahat ng ito ay napagsama-sama ng direktor upang mapalapot ang isang napakagandang pelikula.

Larawan mula sa Pep.ph.

Si Christa I. De La Cruz ay isa sa mga Pangalawang Patnugot ng Kalatas. Siya ay kasalukuyang nasa programang Sertipiko sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino ng UP-Diliman.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s