News

‘Umpilan’ hinggil sa panitikang Bikol kasama sina Llana at Cordero sa Enero 28, 2013

Umpilan

Idaraos ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) ang kauna-unahang “Umpilan”, ang serye ng mga panayam hinggil sa mga panitikan ng Filipinas, sa pagtalakay sa lagay at tunguhin ng panitikang Bikol, sa Enero 28, 2013, 4:30 pm, sa Natividad Galang Fajardo (NGF) Conference Room, Gusaling Horacio De La Costa ng Pamantasang Ateneo de Manila.

Tampok na mga tagapanayam sina Jazmin Llana at Kristian Sendon Cordero. Magiging tagapagpadaloy ang makatang Marne L. Kilates, direktor ng lupon ng UMPIL.

Kilalang makata, kuwentista at eskolar mula sa Kabikolan si Cordero na kasalukuyang nagtuturo sa Pamantasang Ateneo de Naga. May-akda ng tatlong kalipunan ng mga tula sa Rinconada, Bikol at Filipino at isang salin ng mga piling tula ni Ranier Maria Rilke sa Bikol “Minatubod Ako Sa Diklom (ADNU Press, 2011). Nagawaran na ang kanyang mga akda ng pagkilala mula sa Premio Arejola, Palanca, Gawad Colantes, 6th Madrigal-Gonzales Best First Book Award, 2007 NCCA Writers Prize at 2009 Maningning Miclat Poetry Prize. Nakatakdang maglabas ng dalawang koleksyon ng tula sa Bikol at Filipino “Canticos: Apat na Boses” (University of Santo Tomas Publishing House) at “Labi” (ADMU Press).

Kasalukuyang namang guro sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University – Manila si Llana. Aktibo sa larangan ng teatro at iskolar ng Performance Studies, siya ay kabilang sa Executive Council ng Komite sa Sining Panteatro ng Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA). Kasama sina Frank Penones at Tootsie Jamoralin, sinimulan niya ang Pagsurat Bikolnon, ang kumperensya ng mga Bikolanong manunulat noong taong 2000, muling pinangunahan ang pagpapatuloy nito noong 2004, at naging katulong sa pag-oorganisa ng kumperensya noong 2012. Nalathala na sa ilang babasahin ang kanyang mga tula at ang kanyang mga akademikong papel naman sa ilang dyornal tulad ng Performance Research ng Routledge. Tumanggap ng pagkilala mula sa International Federation for Theatre Research noong 2008 (Helsinki Prize) at Performance Studies international noong 2010 (Dwight Conquergood Award).

Nakatakda ring ilunsad sa programa ang “Kalatas”, ang pahayagang pampanitikan ng UMPIL.

Bukás ang aktibidad sa publiko, lalo na sa mga guro at mag-aaral ng Panitikan ng Filipinas. Inaanyayahan ding dumalo ang mga kasapi at ibig maging kasapi ng UMPIL.

Para sa iba pang detalye, maaaring magpadala ng mensahe kay Dr. Michael M. Coroza, Secretary General ng UMPIL, sa mcoroza@ateneo.edu o kay Bb. Eva Garcia Cadiz sa gondour03@yahoo.com.

Ang “Umpilan” ay programa ng UMPIL, sa sa pakikipagtulungan ng Ateneo Institute for Literary Arts and Practices (AILAP) at Kagawaran ng Filipino ng Paaralan ng Humanidades ng Pamantasang Ateneo de Manila.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s