Culture

Culture: Ang Imelda ng Ating Puso

ni Louie Jon A. Sanchez

42 here lies love

Ipinanganak ako noong 1980, at wala akong kaalam-alam sa mga nangyayari.  1981 nang iniangat ang Martial Law, at sanggol pa ako noon.  Iyon din ang taon na namatay sa aksidente sa sasakyan ang aking Lolo Daddy, ang ama ng aking Nanay.  Ang huli kong larawan na kilik niya ako’y ipinadala sa akin ng aking Tita Lourdes mulang Australia.  Pebrero siya namatay.  Bandang Enero yata, sang-ayon sa mga tala, iniangat ang Martial Law.  Ang tsismis, kundisyon daw ito para paunlakan ng Santo Papa ang matagal nang imbitasyon para bumisita sa Filipinas.  Na hindi kataka-taka sapagkat Martial Law din naman ang tinuligsa ni John Paul II sa kaniyang Poland.  Mahalagang panauhin ang Papa, at para sa nag-aastang monarkiya, kailangan lagi ng basbas ng simbahan.  Kailangan ng moral ascendancy.  Kahit pang-photo op.  Sayang naman.  Bagay itabi sa imeldific.

Ang gunita ko ng Panahon ni Marcos ay napakaikli.  Noong nagkakagulo noong 1986, hindi naman kami lumabas ng bahay dahil hindi naman mahihiligin ang Tatay ko sa pakikilahok.  Nitong huli, inamin niya sa akin na ang ibinoto niya noong Snap Elections ay si Macoy.  Natawa lang ako.  Ang Nanay ko yata ang gustong magtungo sa kalye, pero hindi niya nagawa, marahil sa takot o dahil ayaw ng Tatay ko, hindi ko matiyak.  Noong mga panahong iyon, may bago kaming sanggol, ang bunso kong kapatid.  Anim na taon na ako’t nag-aaral tiyak.  Ang alaala ko lang talaga ay ang paglabas-labas namin at madalas na pamamasyal sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex kung saan kami nagbibisikleta at umuupo sa masarap ding lakarang Bermuda grass ng Coconut Palace.  Hindi ko alam na nilalakaran ko na pala ang mga muog na inilalarawan at binabasa na ngayon ni Gerard Lico bilang “edifice complex”.

Si Sharon Cuneta ang una kong pinakamahalagang engkuwentro sa kulturang popular noong mga panahong iyon.  Hindi ko alam kung anong nangyari sa Channel 13 na madalas kong kinapapanooran ng cartoons, sitcoms tulad ng T.O.D.A.S. at Iskul Bukul, at variety show ni Alma Moreno, kung saan siya laging naka-tangga.  Nawala ang mga palabas.  Sa magha-maghapon, puro pelikula ni Sharon ang minemeryenda ko sa aming black and white na may de-ikot na pihitan para lang makapaglipat ng channel.  Iniyakan ko ang Bukas, Luluhod ang mga Tala, at sinabayan ang awitan sa Bituing Walang Ningning.  Siyempre, sa mura kong gulang, tumatak ang wari’y eternal na kabataan ni Sharon, at ang kasamaan ni Cherie Gil.  Kapag may nakakaaway ako sa eskuwela, parang may background akong you are nothing but a second rate, trying hard…  Hindi ako naging fan ng Voltes V, o kahit ng Astro Boy, na ibinalik sa eyre matapos nang mahabang panahon.

Paulit-ulit din ang isa pang palabas sa Channel 13.  Nasundan ko itong parang teleserye ngayon.  Naroon kasi si Tessie Tomas na gumaganap sa papel ni Imelda Marcos.  Nasa Hawaii na ang mag-asawa noon at hinaharap ang sangkatutak na kaso.  Sa balita ko na lang sila naririnig (wala pang diskusyon ng rebolusyon sa kindergarten), at dahil nga hindi ko naman talaga batid kung ano ang nangyari sa Edsa, parang talababa na lang ang napag-aralan ko hinggil sa kanilang kasaysayan.  Nagkaroon ako ng muwang hinggil sa pangyayari dahil sa palabas na itong kilala bilang A Dangerous Life (1988).  Prodyuser ang HBO, ang kilalang channel ng mga pelikula sa cable ngayon.  Parang mala-Hallmark Channel ang production, mini-series.  Sa panahong ayaw ng Mamang Baket ko, ang lola ko sa ina, ang panonood naming magkakapatid ng mga Tagalog na palabas tulad ng Batibot, aprubado ang A Dangerous Life.  Historical na, nag-uumingles pa ang lahat.

A Dangerous Life ang magpapakilala sa akin sa mito ng babaeng ito na ikinamangha at ikinamuhi ng maraming Filipino sa malaong panahon—effective si Tessie Tomas, aral na aral sa gestures ng lola mo.  The coif, the costumes, ilista mo na.  Nitong huli ko na lang napag-isip-isip na naging prone din sa masasabing “cardboardization” ang karakter ni Imelda, kaya siguro naging mahirap din para kay Tessie Tomas ang makahanap ng karakter sa drama na maaaring makalikha para sa kaniya ng reimbensyon.  Ni hindi nga umangat ang karakter ni Laurice Guillen bilang Cory Aquino sa aking batang malay.  Na marahil paggigiit lamang ng katotohanang walang kadating-dating si Cory bilang tao.  Masyado kasi siyang karaniwan, kahit sa makabagong rendisyon niya sa Maalaala Mo Kaya, kung saan gumanap si Bea Alonzo.  Walang dimension masyado, pero overeading ito; hindi naman talaga natin kilala si Tita Cory, na iniyakan ng marami nang sumakabilang-buhay.  Si Imelda ang quintessential na “karakter”.  Karikatura niya ang kaniyang sarili.  Ang galing-galing lang ni Tessie Tomas.

Ang last scene ng A Dangerous Life ang pinakamaigting na larawan ng kinahinatnan ng pamilya Marcos sa kasaysayan:  Nasa loob ng eroplano ang pamilya, kasama ang lumisang entourage, at maririnig sa eksena ang huling awit—ang huling hibik—ni Imelda.  Start spreading the news; I’m leaving today.  I want to be a part of it, New York, New York.  Hindi ko makuha kung bakit hanggang ngayon, matapos nilang magnakaw, ayon sa pelikula, American dream din pala ang drama nila, tulad ng maraming Filipino na hikahos at pumipila sa US Embassy?  Ang labo.  Pero ganoon naman talaga si Imelda sa kabuuan ng pelikula—at marahil, sa kabuuan ng kaniyang buhay.  Malabo.  May lalabo pa ba sa fixation sa sapatos—baka wala siya nito noong bata siya, kung sasaligan ang psychoanalysis.  Bumabawi lang kung baga.  Bago sumakay ng eroplano, nagpamigay nang nagpamigay ng mga alahas at brilyante si Imelda—sabay beso sa mga binigyang masugid na staff.  Napakasimple ng mito:  Galante siya.  Excessive.  Kasing-excessive ng mga yaman na dinala nila sa Hawaii, ayon pa rin sa pelikula.

Hindi ko alam kung dahil kay Tessie Tomas—pero sa kabila ng lahat ng kalabuan ni Imelda, minahal ko ang kaniyang persona.  Siya naman talaga ang tipo ng karakter na mamahalin mo—kumplikado, maraming dimension, schizoid.  Sa A Dangerous Life, may bahagyang pangil si Laurice Guillen as Cory Aquino—noong malapit na silang magtagumapay, parang kulang na lang na sabihin niya—in English—ang patay kung patay.  Pero hindi pa rin umahon ang karakter kahit napakahusay namang umarte ng aktres.  Si Tessie Tomas as Imelda, wala lang ginawa kundi ang mag-emote.  Camp lang kung camp.  Wari’y naisapuso niya ang paglalarawan ni Susan Sontag hinggil dito.  “Camp is not a natural mode of sensibility, if there be any such. Indeed the essence of Camp is its love of the unnatural: of artifice and exaggeration. And Camp is esoteric—something of a private code, a badge of identity even, among small urban cliques.”  Walang kaduda-dudang si Imelda nga ang prima materia ng dalumat ng camp sa Filipinas.  Eksaherasyon ang lahat—ang dami ng sapatos, ang mga damit na hindi daw inuulit suutin, ang fixation sa mga edipisyo tulad ng CCP.

Para sa mga post-Martial Law babies tulad ko, isang mahalagang muhon ng kulturang popular ang A Dangerous Life sapagkat ito ang kauna-unahang pagtatala ng kasaysayan ng Martial Law para sa mga walang-muwang noong panahong iyon sa anyo ng pelikula/TV series, siyang pinakamalaganap na midyum sa noo’y muling nagsisimulang demokrasya.  Sabihin nang napaka-pro-Amerikano ng serye; na totoo naman.  Halatang-halata sa asta, at sa mismong storyline na nilahukan ng di iilang eksena ng lantarang pakikialam ng US sa magulong lagay ng Filipinas noon.  Maging ang punto de bista ng pelikula ay Amerikano.  Telepono ang midyum noon sa pakikipagtalastasan sa US, at dalawang mahalagang phone calls ang ipinakita ng pelikula—ang pakikiusap ng Marcoses sa interbensyon ng US, at ang pagbati ng US Ambassador Stephen Bosworth kay Cory nang mapatalsik na ang diktadurya.  Sa una, naroroon si Imelda, ang mater dolorosa.  Wala na silang friends.  Umiiyak.  Sa ikalawa ang Our Lady of Victories, si Cory.  Pinapalakpakan ng mga katoto.  Natatapos ang eksenang ito sa close up ng altar ng Our Lady of Fatima sa bahay nila Cory.  Hindi ko matandaan kung may sindi ang votive candles; mayroon yata.

Kung sa Pasyon at Pasyon din lang, mas litaw talaga ang dimension ni Imelda bilang Maria.  Noong bata pa ako, mas naaalala ko ang kaniyang paiyak-iyak, lalo na habang binobomba sa pelikula ang Malacañang.  Iyon ang gripping moment sa pelikula.  Si Cory, laging nasa rally, laging nagdarasal; may eksena rin naman si Imelda na nagdarasal, inuusal ang Hail Mary, full of grace.  Mas maligalig si Imelda: madilim ang lighting, maanino.  Puwedeng-puwedeng i-chiaroscuro ang imahen ni Imelda dahil hindi lang puti ang puwede niyang background.  At ang gaze o tingin—siyempre.  Sobra ang self-awareness ni Imelda—in real at reel life—kaya naiisip kong laging ganito ang bawat eksena niya—madamdamin, marubdob.  Wala siyang hiya, nasa harap man ng kamera o wala.  Full of grace lang talaga.  Magiging kapansin-pansin ito sa dokumentaryong Imelda (2003), ni Ramona Diaz, kung saan hinayaan talaga siyang “gumanap” bilang sarili niya.  Napakasimulatibo ng sinasabi ko, pero oo.  Totoong parang ang buhay ay performance para kay Imelda.  “Better Nouveau than not Riche at all,” dagdag pa niya, sampu ng iba pa niyang kasabihan at pagdalumat sa kosmos na ikinabaliw ng maraming nakapanood.

Para sa isang sumilang sa huling yugto ng Martial Law, ang himig ng diskusyon ko’y parang isang rebista ng pelikula—nakasentro sa acting at pagkamakatotohanan, na siyang parikala sa palagay ko ng salaysay na ito.  Sa isang banda, para nga talagang pelikula/serye/teleserye ang kasaysayan, at maaaring maiuri ito sa ganito.  Si Imelda, kung nagdidilang-anghel ang mga pantas, ay maaaring pabalik na sa Malacañang sa loob ng ilang taon (huwag sana!).  Pero ano nga ba ang malay naming lumamon lang ng impormasyon sa kasaysayan mula sa A Dangerous Life?  Ang mismong pamagat ang nagsasabing may panganib sa buhay itong basta-bastang paniniwala sa veritas ng biopic.  At si Imelda, ano ba talaga siya bilang makasaysayang pigura?  Hindi ko rin ganap na masagot.  Ang mga mito niyang maririnig/makikita/mababasa ko sa loob ng pamumuhay sa post-Martial Law era ang maaaring makapagpaliwanag: Ang Quartet of the Tiger Moon ni Quijano de Manila, ang iba’t ibang dokumentaryo, ang moog na kilala natin ngayong CCP, ang pinta na lagi kong nadaraanan sa Philippine Heart Center for Asia nang minsang maconfine ang aking tiyo, ang mga libro sa kasaysayan, ang mga fieldtrip sa Malacañang, panitikan at kritika.  Hindi ko siya lubusang kilala, ngunit para ngang kilalang-kilala ko nga.  Puro mediasyon ang aking kabatiran at samut-samot ang aking natutuhan.  May sanitized, may grim at napakalaswa.

Nang makipagbugbugan ang apo niyang si Borgy Manotoc sa Boracay, naging biro-biro na hindi na dapat ipagtanong pa kung bakit kilalang security disaster ang binata.  Magkaroon ka ba naman ng nanay na babaeng bakla at isang lolang baliw?  At ang lola mo, mahilig sa eksena—magsaboy ba ng mga talulot ng rosas sa lamay ng kalaban sa politika sa pelikulang Eskapo (1995)?  Hindi na si Tessie Tomas ang artista rito kundi si, uhm, hindi ko matandaan, si Laila Gumila yata.  Si Tessie Tomas lang ang laging magiging Imelda sa palagay ko, at kahit nagpalit na ng karakter sa isang teleserye, ang Sa Sandaling Kailangan Mo Ako (1998), si Imelda pa rin ang ka-agon ni Tessie Tomas.  Sonia Enriquez na ang pangalan ng karakter ay bihis/asta/arteng Imelda pa rin siya.  Papaano kaya niya naitabi ang karakter na Imelda, isang hindi kaibig-ibig na persona sang-ayon sa kasaysayan, nang mag-Oprah Winfrey siya sa talk show na Teysi ng Tahanan?  Sa post-Marcos era, nakapasok pa rin sa mga tahanang Filipino si Imelda, na naghunos upang maging isang babaeng nakikisangkot, walang-takot at may paninindigan.  Iyan si Aling Teysi.

May pelikula si Charo Santos Concio, ang Gumapang Ka Sa Lusak (1990), obra ni Lino Brocka.  Si Imelda rin ang kaniyang padron nang gampanan ang papel na misis ng isang Mayor na nangangaliwa.  Sa huling eksena, nagsasalita si Charo, at aatakihin siya’t pagsasaksakin.  Inaalingawngaw nito ang isang tunay na pag-atake kay Imelda sa isang public event noong kasagsagan ng kanilang kapangyarihan.  Sa Imelda, ikinuwento ni Imelda ang kaniyang kabaliwan habang inaatake—gulat na gulat daw siya dahil wala siyang kaalam-alam na siya na pala ang nais patayin.  Lumingon-lingon pa’t inalam kung ano ang nangyayari.  Disoriented ang lola mo.  Sinabi pang sana man lang, nilagyan ng ribbon na dilaw ang balaraw na papaslang sa kaniya.  Napakapangit daw ng panaksak.  Aba, namili pa?  Hindi kaya nagdilang-anghel siya, kung naisip talaga niya na dilaw sana ang kulay ng ribbon?

Kung hanggang 1990 ay nadarama pa ring nagmumulto si Imelda sa kulturang popular, napakatindi talaga ng kaniyang dulot na agon para sa atin.  At ang talagang nasa natin ay pagsasaksakin si Imelda para lamang ganap na mapuksa ang kaniyang kultural na kamandag.  Si Imelda ang primera klaseng kontrabida ng ating panahon—at naipasaloob sa atin, sa pamamagitan ng maraming kuwento, mito at ulat hinggil sa diktadurya ang kalabisang kaniyang sinagisag sa loob ng maraming taon.  Masdan na lamang ang mga teleserye natin ngayon—mula sa muhong si Selina sa Mula sa Puso (1997) hanggang kay Madame Claudia at ang bidang kontrabida na si Amor Powers sa Pangako Sa Iyo (2000).  Hindi man nila tinawag na muli ang gunita ni Imelda, muli at muli naman nilang ipinagugunita ang lubhang kasamaan ng sumakabilang panahon.  Pinasabog ni Princess Punzalan bilang Selina ang bus na sinasakyan ni Claudine Baretto, sa papel na Via.  Humahalakhak si Selina habang pinanonood ang pagsabog.  Ang ending:  nabaril ni Via si Selina, na nahulog sa building, na gumapang pababa sa nakasalong net, at nang maglakad, kinaladkad ng paparating palang trak.  Violence ang numero unong armas ng mga Marcos, lalo na sa pagsisimula ng First Quarter Storm, at nitong huli, bago ang Edsa Uno.  Wari bang kinailangang mauso ng mga mararahas na drama upang mahugasan ang mga kasalanan sa ating kolektibong kamalayan.

Si Tessie Tomas lang ang aktres na may kakayahang tawagin sa kawalan ang gunita ni Imelda, ang maganda, ang galante, ang reyna ng mga sapatos.  Ngunit kahit ganito, hindi ganap na nawala si Imelda, sa panahong naglololang masungit na lang ang mga tulad ni Celia Rodriguez sa pelikula at telebisyon.  Sophisticated ang pang-aapi—fireworks kung fireworks, ammunition kung ammunition.  Ubusan ng lahi.  May politikal at ekonomikong anggulo.  Sabi ng mga Amerikano minsan, “There’s a little Imelda in all of us.”  Sa mito ng mga kontrabidang minamahal sa mga teleserye, may makikitang mga munting Imelda.  Halimbawa, paborito ko sa kanila si Coney Reyes bilang Victoria Amarillo sa Ysabella (2007).  Siyempre, ang inaapi niya rito ay si Judy Ann Santos, ang patron ng mga aping Filipino.  Culinary ang plot at ang puno’t dulo ng tunggalian ay resepi ng isang chicken inasal.  Luka-luka ang karakter ni Coney Reyes at gagawin ang lahat para magtagumpay lamang at maisahan ang bida.  Ang pagkabaliw na ito ang tinatawag mula kay Imelda; it’s still a crazy planets, after all.  Matapos, mag-memetanoia siya sa huli, pagsisisihan ang lahat at mamamatay.  Hindi nahuli ang lahat.  Patunay na maililigtas ng tao ang sarili kung nanaisin niya lamang.  Ganito rin ang nangyari sa isa pang kontrabida ni Judy Ann, si Gladys Reyes sa Mara Clara (1992).  Irereprise ni Gladys Reyes ang pangongontrabida kay Juday sa Habang May Buhay (2010).

Pero ang sintomas ng pagdating ng mga camp teleserye ang sa palagay ko’y talagang patunay ng agon na dinadala ng kulturang Imelda—o imeldific.  Noong 2008, ipinalabas ang Iisa Pa Lamang, tampok muli si Claudine Baretto.  Simpleng plot muli: awayan sa hacienda.  Pero malapot ang mga subplots, pati na ang mga twists.  Pero ang kapansin-pansin ay ang magarbong pagsasalaysay gamit ang pananamit, maging ang set at locations. Mansion kung mansion—at ang isa rito’y personal kong napuntahan sa may Alabang.  Laging may portraits ng pamilya na para bang mga kasapi ng maharlikang angkan o unang pamilya.  Posturang-postura.  Ang lalakas ng maternal at female figures sa kuwento ng teleserye.  Ngunit ang tunay na imeldific ay ang mga linyang campy na binibitiwan ng mga karakter gabi-gabi:

“Siyempre, diamonds are forever, like me!” – Katherine

 “Look who’s here, my favorite step-mother. Ang dating gold digger in red, isa na ngayong merry widow in black.”

 “Tapos ka na sa gold digger in red. Tapos ka na rin sa merry widow in black. Ngayon, baka pwede ka ng dirty mistress in dirty brown.” – Scarlett

“Ano ba talagang pakay mo? I’m sure hindi naman ang kapakanan ng dental industry ang pinunta mo dito di ba? Business? Monkey business?

“Oo, at napaka disenteng monkey business. Politics.” – Isadora

Ilan lamang ito sa maraming “quotable quotes” na ipinakalat sa Internet na gumugunita sa Iisa Pa Lamang.  Si Katherine, ang papel ni Claudine, ang inaaping heredera at madrasta ni Scarlett, ang papel ni Angelica Panganiban.  Biyenan ni Scarlett si Isadora.  Pinag-aagawan nina Katherine at Scarlett ang iisang lalaki.  Kaugnay nito, dagdag pa ni Susan Sontag, “Camp sees everything in quotation marks…To perceive Camp in objects and persons is to understand Being-as-Playing-a-Role. It is the farthest extension, in sensibility, of the metaphor of life as theater.”  Hindi nga ba ganitong-ganito ang ka-Imeldahang mababasa natin sa pagbabalik-tanaw sa soap operang ito?  Sinadya ng mga gumawa na maging memorable ang mga sambit, para karapat-dapat sa quotation, isang gawain ng posmodernong era.  Sa Imelda, ka-quote-quote din si Imelda sa kaniyang nosyon hinggil sa kaniyang buhay.  Sa harap ng mga labi ni Pangulong Marcos, nasambit niyang minsan ang, “here lies love.”  Ngayon, quoted na ito ng isang CD mulang Amerika bilang Here Lies Love, at siya mismo ang nasa cover.  Popular ito’t bumebenta bilang pagunita sa “rose of Taclobán.”

Marami pa itong mga quotes na ito kung hahanapin sa Internet.  Ngunit mabuti ring balikan ang mga paksa ng mga sambit.  Ang mga bagay na nakapaloob, “diamonds”, at mga suits na “red”, “black” at “brown”, ang pangngalang “gold digger” at ang huling linyang maparikala hinggil sa “monkey business” at “politics” ay umaangat din bilang diskursibong paglalarawan ng panahon ng karangyaan at kalabisan ng Marcoses.  Si Imelda ang pangunahing icon at spectacle ng rehimeng Marcos, at siya ang may kakayahang magsuot ng makikinang na hiyas at kasuotan.  Nang umahon si Claudine Baretto sa pool suot ang mga diamante, ipinagmalaki niya ang nakakatawang sitwasyon sa pagsasabing “Siyempre, diamonds are forever, like me!”  Inuuyam niya ang nagmamalditang si Scarlett, na wari’y tinatawag ang gunita ni Scarlett O’Hara sa Gone With the Wind.  Nitong mga huling taon, nagkaroon ng malalaking resolusyon sa kaso ng Marcos wealth, kabilang na ang maraming alahas ni Imelda.  Siyempre, diamonds are forever, at forever ang tatak, ang ecriture ni Imelda sa mga alahas na iyon dahil tanda sila ng isang kasaysayang hindi natin matakas-takasan nang ganap.  Hindi nga sila crown jewels gaya nang una sanang pangarap ni Imelda, ngunit taglay pa rin nila ang kaniyang personal na kinang.  Subliminal na lumalabas kung gayon si Imelda, at patuloy ang perpetration ng kaniyang mito kahit inaalikabok na sa mga library ang mga kinumisyong epiko tulad ng Imelda Romualdez Marcos: A Tonal Epic (1975) ni Alejandrino Hufana.  Naroroon ang paintings ng maladiwatang Imelda sa Philippine Heart Center for Asia, pero baka masyadong abala o aburido ang mga tao upang mapansin.  Kontrapuntong-kontrapunto rin ang dami ng damit ni Imelda hanggang ngayon, ayon mismo sa docu na Imelda, sa panahong halos walang saplot ang anak ng mahirap.  Papaanong tinanggap at minahal ang mga tulad nina Scarlett, Catherine at Isadora na sa bawat episode ay nagpapaligsahan ng kinang at moda?  Magbalik kay Madame Imelda.             

Si Kris Aquino mismo ay may utang na loob at lumalaban din sa agon kay Imelda.  Ngayong nagbalik na ang mga Aquino sa Malacañang, hindi iilan ang nagsabing siya ang bagong Imelda ng panahong ito.  May allergy ang Filipinas sa excesses, sa kasobrahan, at si Kris Aquino ang reyna ng kasobrahan dahil sa marami niyang kasobrahan—sobrang exposure sa telebisyon, oversharing sa mga pampublikong kumpisal at paglalantad, sa pananamit nang manumpa ang kaniyang kapatid (nag-aastang First Lady sa ternong kaiba sa mga kapatid), sa moralidad, sang-ayon sa katanggap-tanggap sa lipunan.  Kawawa naman si Shalani Soledad, sabi ng ilan.  Nagmukha tuloy siyang si Cory, kawawang-kawawa.  Pero mukhang ayaw niyang maging Cory, dahil pumayag siyang maging co-host ni Willie Revillame sa Willing Willie, matapos pormal na aminin ni PNoy na hiwalay na sila.  Mag-iiba kaya ang kaniyang palad?  Hindi natin alam.  Pero si Kris, alam nating marami pa siyang isisiwalat.  Ang totoo niyan, nakahanap talaga ng katapat si Imelda kay Kris.  Ang ginawa ni Imelda sa loob ng halos 20 taon ay agad niyang napantayan kahit noong panahon pa ng patweetums.  Hindi natin pinag-uusapan ang mga proyektong pangpamahalaan; glitz and glamour ang usapin ang tinutukoy natin.  Sa kaibhan at pagiging bukod ni Kris sa kaniyang pamilya, hindi niya namalayang isinakatawan at isinabuhay na niya ang tunay na konsepto ng imeldific.

Sa mga diksyunaryo sa Internet, ang salitang “imeldific” ay isang superlative, bagay na totoo namang tumutukoy sa lahat ng napanagumpayan ni Imelda.  Sa sobrang superlative nito, maaari na nga raw umaabot ito sa punto ng “kahalayan”—iyan ay galing sa mga tinipon ng Wiktionary.  Ang halay factor ay mababasa rin sa mga tsismis hinggil kay Ferdinand Marcos—tulad ng kaniyang nasang kilalanin siya sa isang mitikong pakikidigma, ang maalamat na love affair niya with Dovie Beams, at marami pang kasinungalingang pinatotohanan niya, tulad ng mga paratang kay Ninoy Aquino.  Napakahalay halimbawa ng pagsisiwalat ng kalukadídang ni Marcos, dahil pinatugtog nito sa isang press conference ang mahalay na usapan nila, na nahuli ng tape recorder sa ilalim ng kama.  Kung mamalasin natin ito bilang propesiya, hindi na dapat tayong magitla sa pagdating ng mga iskandalong tulad ng Hello Garci ni Gloria Macapagal Arroyo.  Laganap na ang halay sa sangay na ito.

Hindi ba imelfdific ang gagawing pag-amin ni Kris Aquino na siya ay nagkaroon ng STD galing kay Joey Marquez, nang kasagsagan ng eskandalo ng magsing-irog?  Nakakabaliw dahil ginawa niya ito on national television, at sa primetime, kung kailan naghahapunan ang lahat at nanonood ang mga bata.  Kaya may Parental Guidance.  Superlative din ang acting ni Kris, na minsang naging “massacre queen of Philippine movies.”  Paulit-ulit na ginagahasa—binabalahura—at pinapatay.  O di kaya tinatakot para maglaho, kung papanoorin at babasahin ang mga pelikulang Feng Shui (2004), Sukob (2006), at ang pinakabago niyang Dalaw (2010).  Katulad na katulad ni Imelda, na inaalusyon sa pelikula na may eksenang pinagsasasaksak siya.  Kaya siguro paulit-ulit ang mga “kahalayan” ni Kris sa kulturang popular—siya ang behikulo natin sa pagpuksa sa kapangyarihang imeldific.  Di bale nang pare-pareho ang tono at octaves at garalgal ng sigaw ni Kris.  Bayani natin siya, tulad ng kaniyang ama’t ina dahil sa kaniya sumasanib ang masamang espiritu.  Siya ang scape goat.

Baka nga wala na kay Imelda ang masamang espiritu—ngayon, bukod sa nakabalik na muli siya sa bulwagan ng kongreso, mahalaga siyang bisita ng mga parties at events ng alta de sociedad.  Ang mga society sections ng magazines at pahayagan, hindi nawawalan ng larawan niya sa kaniyang terno’t kuntodo make up na ayos, lalo kung dumadalo siya sa mga events.  Ginagawa pa rin niya ang lagi niyang ginagawa—ang bumeso at sabi nga, gracing the event.  Isa na siyang grace kung gayon, biyaya, samantalang kinapupuotan ng marami—kinahihindikan ang pinakatamang salita—ang anak ng senador na pinaniniwalaang ipinapatay ng kanilang rehimen ni Apo Marcos.  Paribbon-ribbon cutting na lang si Madame, pashopping-shopping sa 168 sa Divisoria, pabigay-bigay ng mga interbyu sa media.  Nang mamatay si Cory noong 2009, nakiramay si Imelda at nagsabing nauunawaan niya ang mawalan ng minamahal.  Lalong bumait si Imelda lalo na nang dumalaw ang magkapatid na Bongbong at Imee Marcos.  Wow, kasaysayan ito, ibang klaseng tagpo, sabi ng mga naroroon.  Pero si Kris, wala pa ring inisip kundi ang sarili niya, kahit hanggang sa huling pananalita niya bago mailibing ang ina.  Ang pamamaalam niya sa ina ng bayan ay papuri sa kaniyang sarili.  Narsisistiko si Imelda dahil sa penchant niya sa kagandahan—lalo sa kaniyang sariling ganda (tatlong oras kung magbihis ang lola).  Kapareho niya si Kris na ang penchant naman ay ang kaniyang sarili, period.  Matagal na nating ineeexorcise ang imeldific pero hindi ito mawala-wala.  Ito marahil ang function ni Kris Aquino sa ating lipunan, bukod sa pamimigay ng mga school supplies sa iba’t ibang bahagi ng bansa, paghohost ng mga game show, at paminsan-minsan, pag-arte sa telebisyon at pinilakang tabing.

Si Kris ang mukha ng bagong lipunang sumilang matapos ng Edsa Revolution.  Sa panahong ang pinanonood ko ay puro Sharon, hindi naglao’y nawala rin ang mga pelikulang Sharon at dumami ang mga palabas at programa sa telebisyon.  1989 pormal na ipinakilala sa madla si Kris—sa ABS-CBN, sa pamamagitan ng Kris at 18.  Debut niya, literally at figuratively.  Sa mga pagpeperpetrate at pagpuksa sa multo ng imeldific, hindi kataka-takang lahat ng mga halimbawa ko rito ay gawa ng ABS-CBN, isa sa mga network na ipinasara at sinequester ni Marcos noong Martial Law.  Ibinalik ang network sa Pamilya Lopez matapos ang rebolusyon, at dito sumilang ang maraming soaps na ngayon ay teleserye na ang tawag, na kinakitaan ko ng masasabing bagabag ng impluwensiya, kung sasaligan natin ang pagbasang Harold Bloom.  Sa mas malakihang pagtatasa, makikita natin na malawakan ang proyektong ito ng pagpuksa sa impluwensiya ni Imelda; network-wide ang gawain kung ang texto natin ay ang kabuuang asta ng ABS-CBN matapos ng rebolusyong 1986.  Kailangan nila itong gawin upang igiit ang kawalang hustisya sa kanilang partido sa panahong Marcos.  Medyo personal, pero makalipunan din.  Subliminal itong proyektong ito, na kahit si Sharon Cuneta ay kakasangkapanin, dahil sa marami rin niyang excesses na ngayon nga ay lumilitaw na sa sarili niyang katawan sa telebisyon.  Makailang ulit nang nasaktan si Sharon sa mga birong para na siyang aparador sa lapad.  Samantalang sa P.S. I Love You (1980), kayang-kaya pa siya ng kabayo sa opening scene ng pelikula.

Mukhang wala pa itong katuldukan, itong pakikipagsapalaran natin tungo sa pagkakapaslang ng imeldific.  Hindi ko man ganap na naranasan ang Martial Law, patuloy ko itong naranasan, at nararanasan pa dahil nga hindi naman talaga nabura ang saysay ni Imelda sa kasaysayan.  Sa huli, si Imelda ay isang kaibig-ibig na salot.  

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s