Interview / K Magazine

K Magazine: Interview: Bernadette Villanueva Neri

ni Christa I. De La Cruz

“Bahagi ng aking pagkatao ang pagiging manunulat at lesbiyana ko, kasabay ng aking pagiging marxista, aktibista, feminista, ‘anak ng lupa’, at iba pa. Hindi ako buo kung wala ang isa. Dala ko ang mga impluwensiyang ito sa lahat ng pagkakataon lalo na sa aking pagsusulat. Pero siyempre, mayroon at mayroong mangingibabaw, at nakadepende iyon sa layunin ng isang partikular na proyektong hawak ko.”
–Bernadette Villanueva Neri, may-akda ng Ang Ikaklit sa Aming Hardin

Sa kasalukuyan, ang nananaig na kahulugan ng salitang ‘pamilya’ ay ang pag-iisa-isa sa mga bumubuo nito: tatay, nanay, at mga anak. Isa sa mga pinag-uugatan ng ganitong pagkakahulugan ang heternormativity o ang karaniwang pagtingin na ang pagiging heteroseksuwal lang ang “normal”, ang pagtingin na ang dalawang kasarian—lalake at babae—ay may kanya-kanyang gender roles: ganito lang ang lalaki, ganito lang ang babae, at ang pagtingin na sa isang relasyon ay dapat may tumatayong lalaki at babae.

Ito rin ang malalagom sa mga kinalakihang kuwentong pambata. Sinong hindi pamilyar sa mga aklat na may prinsesang may mahabang buhok at magarbong kasuotan na sasagapin ng prinsipe o kabalyero? Sino ang makalilimot sa pag-uulit-ulit ng mga tauhang “Daddy Bear”, “Mommy Bear”, at “Baby Bear” sa isang bersiyon ng Goldilocks and the Three Bears?

Ngunit, lahat ba ng pamilyar at pinaniniwalaan ng nakararami ay palaging tama?

Si Bernadette Neri kasama ang pusang si Twamki (Larawan mula sa Facebook Page ng 'Ang Ikaklit sa Aming Hardin')

Si Bernadette Neri kasama ang pusang si Twamki (Larawan mula sa Facebook Page ng ‘Ang Ikaklit sa Aming Hardin’)

Ganitong palasak na pag-iisip ang pinipilit buwagin ng mga LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) at isa sa mga boses sa panitikan na nagsusulong sa layuning ito ay ang aklat-pambatang Ang Ikaklit sa Aming Hardin na isinulat ni Bernadette Villanueva Neri, isang propesor ng malikhaing pagsulat at panitikan sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Nagkamit ng Unang Gantimpala sa kategoryang Maikling Kuwentong Pambata sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2006, ang Ikaklit ay naipalimbag noong 2012 sa ilalim ng Publikasyong Twamkittens.

Hindi katulad ng mga nakasanayang kuwentong pambata, si Ikaklit (salitang Bontok para sa sunflower o mirasól) ay may dalawang nanay, sina Nay Daisy at Nay Lilia. Isinasalaysay ng panguhing tauhan ang masaya nilang pamumuhay at kung paano nila naresolba ang tunggalian ng kuwento nang nagsimula nang pumasok si Ikaklit sa paaralan at nakisalamuha sa iba pang bata. Dahil itinuturing na “hindi normal” ang pamilyang kinabibilangan ni Ikaklit, madalas siyang niloloko at kinukutya ng kanyang mga kaklase–“Siguro tomboy ang mga nanay mo!”, “E di putok ka lang sa buho!”, at kung ano-ano pa. Ginamit na pananalinghaga ng kuwento ang paghahambing ng iba’t ibang klase ng pamilya sa iba’t ibang klase ng mga bulaklak sa kanilang hardin. Sa huli, kinapitan ng batang Ikaklit ang sinabi ng kanyang Nay Lilia, “Hindi mahalaga kung sino ang nagtanim sa mga punla. At hindi rin mahalaga kung babae ba o lalaki ang nag-aalaga ng mga ito. Ang importante ay kung paano ito inaarugang mabuti.”

Ang masaya at makulay na kuwento ng pamilya ni Ikaklit ay pinatingkad ng dibuho ni CJ de Silva, kilala ng lahat bilang Promil Kid sa mga commercial nito noong 90s. Sa ilustrasyon ng malawak na hardin, maaliwalas na likod-bahay, at lalo ng dilaw na mirasól, madaling maaakit ang mambabasa na makisangkot sa kuwento.

Mula pa lang sa pangalan ng pangunahing tauhan hanggang sa pagpahalaga ng kanyang pamilya sa kanilang lahi (“Kailangang alam natin ang ating pinagmulan,” laging sabi ni Nay Lilia na tubong Bontoc”), makikita na ang pag-ikot ng kuwento sa kontekstong Filipino at ang lipunang nais nitong bahaginan ng bagong kaisipan. Sa panukala para sa Filipinong Estetika ng Panitikang Pambata [1] ni Eugene Evasco, may-akda ng higit 30 aklat-pambata at propesor ng panitikang pambata sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ilan sa mga iminungkahi niya ay ang dapat na pagtugon ng panitikang pambata sa mga problemang kinakaharap ng kabataang Filipino, ang representasyon ng batang tauhan bilang bayaning maiigpawan ang pagsubok, at ang pakikisangkot sa mga usaping panlipunan. Ang mga ito naman ay agad natugunan ng Ikaklit.

Sa kabila ng panunukso, ipinagmamalaki ng batang tauhan ang pagmamahalang nagpapatatag sa kanilang pamilya at ibinahagi pa niya ang lakas ng loob sa iba pang kaklaseng tinutukso rin dahil sa katayuan ng kanya-kanyang mga magulang. Malaking hakbang din ang aklat-pambata para isulong ang hindi pagkakahon sa kasarian bilang isang identidad na may pamantayan ng paraan ng pagkilos, hitsura ng pananamit, at, higit sa lahat, kaparis sa pag-ibig. Parehong ang mga magulang at mga bata ang mabubuksan ang isip. Sa hinaharap, wala nang mga Ikaklit ang bubuyuin sa klase, wala nang mga Nay Daisy at Nay Lilia ang ituturing na second-class citizens.

Gawad Ikaklit sa Metro Manila Pride March noong Disyembre 8, 2012 sa Makati City Hall (Larawang kuha ni Christa I. De La Cruz)

Gawad Ikaklit sa Metro Manila Pride March noong Disyembre 8, 2012 sa Makati City Hall (Larawang kuha ni Christa I. De La Cruz)

Ang kahusayang ito sa aklat-pambata ni Neri ay kinilala sa pinakahuling Metro Manila Pride March na ginanap noong Disyembre 8, 2012 sa Lungsod ng Makati. Ang taunang Pride March, sa pangangasiwa ng Task Force Pride (TFP), ay may layuning isulong ang karapatang-pantao ng komunidad ng LGBT bilang bahagi ng lipunan at gisingin ang lokal na pamahalaan at iba pang institusyon tungo sa pagbabago at pantay na karapatan. Maliban sa martsa, bahagi rin ng programa ang pagkilala sa mga nagpursige para isulong ang adbokasiyang ito at sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng “Gawad Ikaklit” noong nakaraang taon. Ayon kay Bern Abraham, tagapamahala ng komite sa Komunikasyon ng TFP, ipinangalan kasunod sa aklat-pambata ni Neri ang pagkilala dahil “kinakatawan nito ang mga criteria na hinahanap namin–fresh, groundbreaking, may impact sa lipunan.” Dagdag pa ni Abraham, “Pagkatapos ng nakaraang Pride March, binalak talaga naming ipagpatuloy na ito at gawing tradisyon bawat taon. Para there is something people can look forward to sa Pride March. Bukod dun, they can aspire to be an awardee na rin based sa achievements in and contributions to the LGBT Rights movement.”

Narito ang ilan sa mga pag-uungkat kung paanong umusbong ang kuwento ng Ikaklit mula sa haraya ng may-akda patungo sa ninanais na kamalayan ng lipunan.

Kalatas: Ano ang naging inspirasyon sa likod ng kuwentong pambata na Ang Ikaklit sa Aming Hardin?

Neri: Inspirasyon ko ang kakulangan ng mga tekstong lesbiyana sa panitikan natin. Kung saan may pangangailangan, doon ko nais tumugon bilang manunulat. Bahagi ng aking identidad ang pagsulat gayundin ang aking seksuwaliad kaya hindi maiiwasang bitbit ko ang pareho sa anumang nakakatha at nalilikha ko. Pero sa aking mga sulatin, pinipili ko talagang magsulat bilang lesbiyana dahil nakikita ko ang panitikan bilang daluyan ng mapagpalayang lesbiyanang kamalayan, at iyon ang kulang sa kasalukuyan. Ito ang rasyonal sa likod ng aking tesis masteral na Naratibô: Pagkatha bilang Pagtatala ng Lesbiyanang Gunita (Hindi pa nalalathala, 2009), isang kuleksiyon ng mga naratibo tungkol sa mga tibô (na binansagan kong “naratibô”). Isa sa aking mga produkto ang kuwentong pambatang Ang Ikaklit sa Aming Hardin (Publikasyong Twamkittens, 2012).

Minarapat kong kumatha ng kuwentong pambata na may temang lesbiyana dahil naniniwala akong kung nais nating maging mapagpalaya, gender sensitive, at homophobia-free ang lipunan sa hinaharap, dapat ay iminumulat natin sa mga ganitong usapin ang mga bata ng kasalukuyan na bubuo sa hinaharap na iyon.

Kalatas: Mayroon bang mga naging balakid sa pagsulong ng proyektong ito?

Neri: Mas tinitingnan ko ang mga nangyari/nangyayari bilang mga hamon kaysa balakid. Lahat naman kasi ay puwedeng mapangibabawan, at ang mga hamon ang nagpapatatag sa atin at sa mga larangang pinili natin.

Unang kinaharap kong hamon sa pagsulat ng Ikaklit ay ang napili kong anyo para dito, maikling kuwentong pambata. Napakamasalimuot magsulat para sa bata, at napagtanto kong hindi lahat ng kuwentista ay may kapasidad na magsulat para sa bata. Isa ako sa mga iyon kaya kinailangan ko itong aralin. Hindi biro ang pananaliksik na kailangang gawin para makilala ang “batang” nais kuwentuhan, at lalong hindi biro kapag isinaalang-alang na natin ang konsepto/ideya (hal. kasarian, seksuwalidad, atbp.) na nais ikuwento sa kanila. (Uulitin ko lang…) Gayon kasalimuot magsulat para sa bata. Kaya nga hanggang sa kasalukuyan ay inaaral ko pa rin ang pamamaraan ng pagsulat nito, at sa tingin ko, habambuhay dapat itong pinag-aaralan dahil dinamiko ang pagkabata at sa dinamismong iyon kinakailangang lumangoy ng mga kuwentista para sa bata.

Kaugnay ng nasa itaas ang mas malaking hamong kinaharap ko sa pagsasaaklat ng Ikaklit. Taong 2006 nang makatha ang kuwento pero 2012 lang ito tuluyang naisaaklat. Napakahalaga ng yugtong ito dahil ang pagiging picture book ng Ikaklit ang maghahain ng posibilidad na makararating at maa-appreciate ito ng mga bata, ang target kong mambabasa.

Kaya nga sa una pa lang ay sa gayong disenyo ko na ito isinulat. Humigit-kumulang tatlong taon ko ito inilapit-lapit sa publishing houses pero mula sa kanilang mga naging tugon at hindi pagtugon, mukhang hindi pa sila handa. Pero dahil isa akong OC na manunulat, hindi ako mapakali na hindi ito mailimbag-limbag bilang picture book. Kaya naman nagpasya akong mag-ipon. At makalipas ang anim na taon, heto’t naging aklat-pambata na.

Pero hindi naman ganoong kasimple ang lahat. Naisakatuparan ito dahil sa kurso ng anim na taon kong pag-iipon ay pinalad akong makatagpo ng mga taong tulad kong may pagmamahal sa mga bata at sa kuwento ni Ikaklit, at handang magbahagi ng kanilang talento at panahon para maisakatuparan ang pagsasaaklat nito. Partikular kong pinasasalamatan sina CJ de Silva (ang gumuhit), Jennifer del Rosario-Malonzo (ang nagsalin sa Ingles), Jennifer Padilla Quintos (ang nag-layout), at Sharon Anne Briones Pangilinan (ang katuwang ko sa pagkokoordineyt).

Self-published ang Ang Ikaklit sa Aming Hardin at ang hamong kinahaharap ko ngayon ay ang distribusyon nito. Limitado pa sa kasalukuyan ang mga lugar kung saan ito maaaring mabili. Hindi ko pa kasi kayang ipasok sa malalaking bookstore (na buong Pilipinas ang saklaw) dahil masyadong malaki ang hinihingi nilang consignment fee.

Sa kabila nito, nakatutuwang ibahagi na sa apat na buwan ng pagiging aklat ng Ang Ikaklit sa Aming Hardin at kahit kakaunti pa lang ang mga espasyong nagdi-distribute nito, marami-rami na ang narating na lugar (at hopefully, naabot na bata) ng Ikaklit sa Pilipinas at maging sa labas nito. Marami ang nagpapa-deliver.

Kalatas: Paano ito tinanggap ng mga bata o pamilya na siya ring pangunahing mambabasa ng aklat?

Neri: Masyado pang maaga para malaman ang sagot sa tanong na ito dahil apat na buwan pa lang ang pagiging aklat-pambata ng Ang Ikaklit sa Aming Hardin, at gaya ng nabanggit na, limitado pa ang distribusyon. Ang maaari ko lang ibahagi ay ang ilang feedback ng mga nakabasa na.

Sa totoo lang, ihinanda ko na ang sarili ko sa mga puna o negatibong komento na possible kong matanggap simula pa noong makapagpasya akong i-self publish ang Ikaklit. Kaya medyo nagugulat ako dahil marami ang nag-i-email ng mga positibong komento at pasasalamat, at wala pa akong natatanggap na [negatibo].

Bagaman hindi representatibo ng magiging kabuuang tugon ng mga makakabasa sa Ikaklit dahil masyado pa ngang maaga, napakalaking bagay pa rin ng mga reaksiyong natatanggap ko dahil pinatutunayan nito na handa na ang lipunan natin at ang henerasyon ng mga bata ngayon para pag-usapan ang mga dati-rati’y “sensitibong” usapin tulad ng tinatalakay sa Ikaklit—ang iba’t ibang uri ng pamilya na labas sa tradisyunal partikular sa karanasan ng isang batang may dalawang nanay.

Marami ang mga kabilang sa komunidad ng LGBT ang nagpapahayag ng kanilang pagkatuwa dahil sa wakas ay may ganitong uri na ng aklat-pambata na nagpapakilala sa kapasidad ng LGBT na bumuo ng pamilya nang nakakonteksto sa Pilipinas. Mayroon ding mga magulang na nagbabahagi ng positibong reaksiyon ng kanilang mga anak. Nais ko lang bigyan ng tuon ang isang partikular na komento mula sa pamilyang tulad mismo ng kay Ikaklit. Tuwang-tuwa sila dahil napakahalagang bagay raw ang pagkakaroon ng ganitong aklat dahil bina-validate nito ang pag-iral ng iba pang uri ng pamilya na hindi tinatalakay ng mga teksbuk sa paaralan.

Importante ang gayong validation sa isang bata na lumalaki sa isang pamilyang tinitingnang “iba” ng kasalukuyan nating lipunan.

Kalatas: Maliban sa Ikaklit, ano pang mga proyekto sa kasalukuyan o sa hinaharap ang iyong ginagawa/gagawin para maisulong ang adbokasiya?

Neri: Marami akong adbokasiya at isa lang dito ang pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian at seksuwalidad, na sa tingin ko ay makakamit lang kung mabubuwag ang konsepto ng mga uri.

Kasalukuyan akong nagduduktor sa malikhaing pagsulat at ang aking disertasyon ay pagpapatuloy ng aking tesis masteral. Kuleksiyon naman ito ngayon ng mga historikal na naratibô (historical lesbian fiction). Nahihirapan ako dahil sobrang dami ng kailangang saliksikin pero okey lang dahil marami naman akong natututuhan at iyon ang nais kong ibahagi sa iba sa pamamagitan ng kuwento.

Mayroon din akong pinoproyektong bagong aklat-pambata na may temang kasarian at seksuwalidad. Tungkol naman ito sa dalawang batang magkapatid na nagtataglay ng mga katangiang labas sa estereotipikal na babae at lalaki. Isinisiwalat ito habang tinatalakay ang kulturang Pilipino ng pag-aatang at pangangaluluwa. Ang pamagat ng kuwentong pambata ay Atang sa Kaluluwa nina Apong Salawal at Apong Saya.

Mabibili ang kopya ng Ang Ikaklit sa Aming Hardin ni Bernadette Villanueva Neri sa Ibon Bookshop (114 Timog Ave., Quezon City | (02) 927-7060), Popular Bookstore (305 Tomas Morato Ave., Quezon City | (02) 372-2162), UP Press Bookstore (E. de los Santos St., UP Diliman, Quezon City | (02) 926-6642), Mt. Cloud Bookshop (Casa Vallejo, Upper Session Road, Baguio City | (074) 424-4437), Exile on Main St. Bar & Resto (2428 Leon Guinto St., Brgy. 727, Malate, Manila | (0916) 220-5097), at Room 3149-Faculty Center (College of Arts and Letters, UP Diliman, Quezon City). Para sa iba pang impormasyon at pagpapa-deliver, mag-email lang sa publikasyong.twamkittens@gmail.com.

Sanggunian:
[1] Evasco, Eugene. “Pag-Akda at Pagkabata: Ang Namamayaning Tunguhin at Estetika sa Panitikang Pambata ng Pilipinas.” Humanities Diliman, 2012: 105-144.

Si Christa I. De La Cruz ay ang Ugnayang Pangmadla ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at isa sa mga Pangalawang Patnugot ng Kalatas. Siya ay kasalukuyang nasa programang Sertipiko sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s