Books / K Magazine / Review

K Magazine: Review: Bugtong, Bugtong 2

ni Michael Jude Tumamac

1st Issue_REVIEW_Isang Araw na BugtunganKamakailan, inilabas ng Tahanan Books for Young Readers ang ikalawang koleksiyon nila ng mga bugtong. Pinamagatang Bugtong, Bugtong 2, 15 taon muna ang dumaan mula nang ilabas nila ang unang bolyum na tinipon ni Rene O. Villanueva at may dibuho ni Daniel P. Tayona. Sa kasalukuyang bolyum, tanging si Tayona na lamang ang nagtipon at naglagay ng ilustrasyon dahil na rin sa pagyao ni Villanueva.

Sa ilang ulit na pagbabasa ng koleksiyon at pagpipilit sa isang kaibigan na sagutin ang mga bugtong, marami akong bagay na nagustuhan dito at may iilang hindi naman. Hinati ko sa dalawang kategorya ang aking mga komentaryo tungkol sa aklat. Ang una ay tungkol sa ilustrasyon, na masasabing kalahati na ng aklat dahil sa maiiksi naman ang mga bugtong, at ang mga isinama mismong bugtong.

Ang Bisa ng Ilustrasyon

Pinatunayan ng ilustrasyon ni Daniel P. Tayona ang bisa ng ilustrasyon sa pangkalahatang dating ng isang aklat. Sa buong koleksiyon, nagkaroon ng isang daloy ang mga ilustrasyon ng mga bugtong (na bagay na mahirap na gawin lalo pa at talaga namang hindi magkakaugnay ang marami sa mga bugtong). Nabigkis ito ni Tayona sa pamamagitan ng pagguhit sa mga eksena sa isang araw sa búhay ng isang aso.

Una, magandang ideya ang paglalagay ng isang aso bilang sentro ng ilustrasyon ng aklat. Bukod sa nakatutulong ito sa pagbibigkis ng mga bugtong, tiyak na kagigiliwan ito ng mga batang mambabasa. Tulad sa mga aklat na may kuwento, maaaring umangkla ang mga batang mambabasa sa pagsubaybay sa asong tauhan upang masimulan at matapos ang koleksiyon. Nakatutuwa pang may deskripsiyon sa hulíng pahina tungkol sa pinagbatayang totoong aso na si Oskar.

Sa pagsunod kay Oskar, matutuklasan ng mga mambabasa ang isang kuwento, ang paglalahad ng mga eksena sa isang pangkaraniwang araw sa búhay ni Oskar. Nakatutulong ang ganitong disenyo ng ilustrasyon sa pagbibigay ng oportunidad sa mga batang mambabasa na magkaroon ng kani-kaniyang danas sa pagbabasa ng koleksiyon at sa paghubog sa kakayahan nilang mag-ugnay ng mga eksena at humabi ng kuwento. Sa aking sariling nahabing kuwento, nagsimula ang araw ni Oskar nang magising dahil sa ingay ng batingaw. Hudyat din ito ng pagsisimula ng araw ng mga amo ni Oskar (na marahil ay mag-asawa). Sa mga sumunod na pahina, nasubaybayan ni Oskar ang pagbibihis at pagkain ng agahan ng lalaking marahil ay magtatrabaho. Malilipat naman ang tuon sa babae nang lumabas na si Oskar (at marahil sa pag-alis ng lalaki). Sa pagliliwaliw ni Oskar, naipakilala ang mga sagot sa bugtong ng langit, ulan, mga hayop, mga halaman at iba pa. Mapapansin naman ang pag-usad ng panahon nang umulan at kinailangang isilong ng babae ang mga sinampay (na marahil ay nilabhan niya sa umaga). Malapit nang magtapos ang araw nang pumasok na si Oskar upang paliguan at linisan. Inihahanda naman ng babae ang magiging hapunan sa pagdating ng lalaki. Ang mga bugtong ng gamugamo, paniki, at orasan ang humuhudyat na gabi na (at marahil tapos nang kumain si Oskar at ang mag-asawa). Natatapos ang aklat na ipinapakitang natutulog na si Oskar upang ilarawan ang bugtong ng panaginip: “Bugtong, bugtong ni Juan/ ang kasagutan ay sa umaga malalaman”.

Naging mabisa ang pagtuhog sa mga bugtong sa pamamagitan ng kuwento sa ilustrasyon. Napagtabi-tabi nito ang mga bugtong na may kaugnayan ang mga sagot sa isa’t isa. Halimbawa, ang mga bugtong tungkol sa salamin, aparador, kamiseta, pantalon, sinturon, sapatos at zipper ay nabigkis ng eksena sa paghahanda ng lalaki upang umalis. Ganoon din sa mga pagkain tulad ng itlog, bibingka, mais, saging, rambutan at papaya nang kumakain na ng agahan. Sa pagliliwaliw naman ni Oskar sa labas, sunod-sunod na ipinakilala ang iba’t ibang hayop at halaman. Ang ganitong organisasyon ay makatutulong sa mga batang mambabasa na sagutan ang mga bugtong dahil nabibigyan sila kahit papaano ng ideya tungkol sa takbo ng mga sagot. (Dagdag pa, nakaaaliw din na kailangang itapat sa salamin ang mga nakasulat na sagot upang matuklasan ito.)

Sa organisasyon pa lamang, hindi na maitatanggi ang galing ni Daniel P. Tayona sa pagguhit. Malinis at malinaw naman ang mga imaheng ipinapakita at hindi kulang sa pang-akit ng matitingkad na kulay. Sa maraming pahina, mapaglaro rin ang mga eksena: si Oskar na pilit na hinahabol ang isang tutubi, si Oskar na nakasuot ng sombrero, o si Oskar na naghahalungkat sa bayong ng mga gulay at iba pang sangkap na ihahanda sa hapunan. Natawa rin ako sa ilustrasyon sa bugtong ng itlog na nakatingin si Oskar at isang ibon sa pagbiyak ng itlog para prituhin.

Kahigpitan sa Pagpili

Hati naman ang palagay ko sa mga isinamang bugtong sa koleksiyon. Sa isang banda, sinubukan ng nagtipon na maging masaklaw ang panahong pinagkuhanan ng bugtong at gawing batis ng mga bugtong ang bibig ng taumbayan. Kaya may mga bugtong na gumagamit ng talinghaga at may mga sagot na hindi na marahil alam ng mga bata sa ngayon (tulad ng batingaw, gilingan at banig) at mayroon namang tumutukoy sa mga pang-araw-araw nilang nakikita (zipper, bandila at orasan). Kitang-kita rin sa maraming bugtong ang pagbabagong dala ng mga mananakop, tulad ng bugtong tungkol sa ulan: “Buhok ni Adan/ hindi na mabilang”.

Sa kabilang banda, iminumungkahi ko ang mahigpit na pagpili ng mga bugtong. Una, maaaring maging batis ang mga sinulat ng mga fraile para sa ilang katutubong bugtong at yaong naimpluwensiyahan ng mga Espanyol. Mayroon namang mga bugtong mula sa iba’t ibang pangkat etniko sa bansa. Mayroon ding mga makabagong bugtong na sumasabay sa pagbabago ng lipunan. Sa gayon, mas masaklaw at mas mayaman ang mga kasamang bugtong.

Pangalawa, bigyan ng halaga ang anyo at mga sangkap ng bugtong. Halimbawa, mahalaga para sa akin ang sukat at tugma ng isang bugtong—lalo na ang tugma. Sa mga bata, mainam na kasangkapan sa pagpapakilala sa tunog ng ating wika ang magkakatugmang salita. Sa aking karanasan bilang guro, nagigiliwan ng mga estudyante ko ang magbugtungan kahit hindi nila naiintindihan ang maraming salita at hindi kilala ang sagot sa bugtong dahil naaaliw sila sa tunog ng mga magkatugmang linya. Kaya hindi ko nagustuhan ang bugtong sa sinturon (“Hindi tao, hindi hayop/ pumupulupot sa tiyan mo”) o sa aparador (“Hindi tao, hindi hayop/ nagsusuot ng plantsado”) o sa garapata (“Madilim na bundok/ hayop na walang buto”).

Hinahanap ko rin sa kagandahan ng isang bugtong ang talinghaga na naglalarawan sa iisang bagay. Dahil sa pagbabago ng panahon, maraming mga katutubong bugtong ang nagkaroon ng iba pang sagot. May mga ginawa naman na hindi masyado pinag-isipan ang paglalarawan o talinghagang gagamitin. Sa mga ganitong pagkakataon, kailangang higpitan ang pagpili. Mag-aaway, halimbawa, ang mga bata kung batya lamang ang puwedeng sagot sa bugtong na “Hindi tao, hindi hayop/ kung uminom ay salup-salop” o kung hindi puwede ang sampayan bilang sagot sa bugtong na “Hindi pari, hindi hari/ nagdadamit ng sari-sari.” Nakalilito naman ang bugtong ng pantalon: “Dalawang pinitpit na suman,/ nagmula sa singit at ‘di baywang./ Mag-ingat ka katawan,/ at baka ka mahubuan.”

Sa pangkalahatan, nagustuhan ko ang Bugtong, Bugtong 2 dahil sa galing ng ilustrador sa pagpapayaman ng aklat at sa layunin ng mga naglimbag na ipakilalang muli ang bugtungan sa mga bata sa kasulukuyan. Sa tingin ko naman, kinailangan pa ng mahigpit na pagpili sa mga bugtong na isinama sa koleksiyon.

Si Michael Jude Tumamac ay miyembro ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Bisitahin ang kanyang blog xizuqsnook.blog.com o Facebook page Xi Zuq’s Nook para sa iba pang rebyu ng aklat-pambata.

3 thoughts on “K Magazine: Review: Bugtong, Bugtong 2

  1. Pingback: BUGTONG, BUGTONG 2 | Xi Zuq's Nook

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s