News

Paggagawad ng ‘Makata ng Taon,’ tampok sa Araw ni Balagtas

araw ni balagtas

Makikibahagi ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pag-aalay sa ika-225 anibersaryo ng kaarawan ng makatang Francisco “Balagtas” Baltazar na gaganapin sa Abril 2, 2013, 7 nu, sa Liwasang Balagtas, Pandacan, Maynila. Pangungunahan ito ni Kgg. Alfredo S. Lim ng Lungsod Maynila kasama ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP), Knights of Columbus, at iba pang organisasyon at panauhin.

Pagkatapos ng pag-aalay sa Pandacan, ang KWF ay magkakaroon ng programang naiiralan ng temang “Talinghaga sa Nagbabagong Panahon” mula 8 nu hanggang 5 nh sa Philippine Columbian Association, PCA Complex, Plaza Dilao, Paco, Maynila. Itatampok sa pagdiriwang ang Panayam Balagtas ni Rogelio G. Mangahas, isa sa mga tungkong bato ng modernismo ng panulaang Filipino, at paggagawad ng Dangal ni Balagtas at ng Talaang Ginto: Makata ng Taon 2013.

Parangal 2013

Sa kauna-unahang pagkakataon, ipagkakaloob ng KWF ang Dangal ni Balagtas sa natatanging institusyon na nakapag-ambag sa pagpapayaman ng panitikan ng Filipinas at/o manunulat at alagad ng sining na nakalikha ng mga akdang nag-iiwan ng bakás o humahawi ng landas sa larangan ng pagsusulat. Pangunahing konsiderasyon ang pagpapamalas ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa Filipino at iba pang wikang panrehiyon o panlalawigan. Isinasaalang-alang din ang mga nalathalang aklat at iba pang akda na pawang kinikilala sa angkin nitong husay, lawak, at lalim, alinsunod sa matalisik na pagtanaw ng mga kritiko at pangkalahatang publiko.

Sinimulan noong 1963 ng dating Surian ng Wikang Pambansa (SWP), ang Talaang Ginto: Makata ng Taon ang pinakamatagal na timpalak sa tula na iginagawad ng pamahalaan sa mga makatang Filipino. Hihiranging Makata ng Taon 2013 si Joselito Delos Reyes, isang makata at guro sa Unibersidad ng Santo Tomas, para sa kaniyang “Sa Madadaling Salita”. Nakamit naman ng tulang “Pagmamahal ng Alikabok” ni John Enrico Torralba ang pangalawang gantimpala at ng “Kagampan, Isang Debosyon” ni Francisco Monteseña ang pangatlong gantimpala habang ang mga akdang “Numinipis na ang Ating Malong, Mahal” ni Ma. Cecilia de la Rosa, “Lagi na at Malungkot sa aming Bayan” ni Mark Joseph Rafal, at “B a l a n s e” ni Rodney Ranario ay mga karangalang-banggit. Ang Lupong Inampalan sa taóng ito ay binubuo nina Fidel Rillo, Michael M. Coroza, at Jose Maria F. Lacaba.

Isang prestihiyosong timpalak na pinangangasiwaan ng ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino, ang Talaang Ginto: Makata ng Taon ay patuloy na nilalahukan ng mga nangungunang makata ng bansa. Ilan sa mga kinilalang Makata ng Taon mula 1963 ay sina Bienvenido A. Ramos, Teo S. Baylen, Rogelio G. Mangahas, Romulo A. Sandoval, Teo T. Antonio, Jesus Manuel Santiago, Lamberto E. Antonio, Edmundo Libid, Virgilio S. Almario, Victor Emmanuel Nadera, Mike L. Bigornia, Fidel Rillo, Tomas F. Agulto, Lilia Quindoza Santiago, Ruth Elynia S. Mabanglo, Cirilio F. Bautista, Ariel Dim Borlongan, Reynaldo A. Duque, Eugene Y. Evasco, Genaro Gojo Cruz, Jerry B. Gracio, at Louie Jon A. Sanchez.

Talinghaga sa Nagbabagong Panahon

Ipinakahulugan ni Lope K. Santos ang “talinghaga” na katumbas ng “misteryo” kapag ikinabit sa “kaisipan,” o kaya’y “metapora” kapag iniugnay sa kataga o pangungusap, at waring sumusunod sa lahok na nakasaad sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Bilang sangkap ng tula, ang talinghaga ani Santos sa kaniyang Peculiaridades de la poesia tagala (1929), ay lumalampas sa mga pakahulugan ng “sinekdoke,” “metapora,” at “metonomiya,” at dumadako sa kabuuan ng retorika at poetika na pawang tumatalakay sa mga kaisipan at sari-saring pamamaraan nito.

Ang paghahanap ng talinghaga sa nagbabagong panahon ay nangangailangan ng reoryentasyon ng isip at loob tungo sa paraan ng pagkatha o pagtula sa panig ng awtor. Maaaring ito’y magbunga ng muling pagtuklas sa bisa ng ligoy at pahiwatig, kahit ang paraan ng paglalahad o paglalarawan ay salát sa mabubulaklak na pamamahayag. Upang maisagawa ang gayon, kinakailangan ang masusing pagsubaybay sa kalakaran ng lipunan, ang malalim na pag-unawa sa wika at sa sining ng pagkatha o pagtula, at ang pagpapahalaga sa talino at sensibilidad.

Hinahámon din ang modernong mambabasa sa paraan ng pagsagap at pagtanggap ng mga talinghaga. Ang talinghaga ay hindi pagkaing isusubo at siyang magdudulot ng awtomatikong kimikong reaksiyon sa tiyan o utak ng konsumidor. Ang madla, bilang aktibong konsumidor, ay kailangang manghimasok sa sumasapit na kaisipan upang maipalagay itong talinghaga. Ito’y sapagkat sa pagitan ng pandama at utak ay may bistay na sumasala sa mga salita at konseptong pumapaloob sa tao. Ang bistay na ito, kung hihiramin ang dila ni S.V. Epistola, ay may kaugnayan sa ating kultura kung hindi man pagka-Filipino.

Napapanahong itampok ang konsepto ng “talinghaga” sa pagdiriwang ng Araw ni Balagtas 2013 sapagkat si Balagtas yata ang humigit sa pagpapakahulugan nito sa pamamagitan ng kaniyang mga tula at dula na tinumbasan ng modernisadong Tagalog. Sa hinaba-haba ng Florante at Laura (1861), ni isang salita ay walang banggit sa “talinghaga,” at lilitaw lamang ito sa gaya ng madulaing tulang Kahapon, Ngayon, at BUkas (1903; 1913) ni Aurelio Tolentino. Ginamit ni Tolentino ang “talimhaga” na ang \m\ ay lumilitaw na alofon ng \ng\ kung hindi man \n\, at waring kombinasyon ng mga katagang “talim” at “hiwaga.” Ipagpalagay mang matalim na hiwaga ang talinghaga, ang hiwaga ay mahihinuhang mahuhugot sa mga kagila-gilalas na pagtatampok at pakikipagsapalaran ng mga tauhang may diwaing bayani, sa pagpapamalay ng kahanga-hangang kaligiran ng pagkabayan, at sa masinop na pagkasangkapan sa mga salita at diskurso ng Katagalugang ang pakahulugan ay sumasaklaw sa buong Kapuluan.

Habang nagbabago ang panahon, ang talinghaga ay kusa, kung hindi man mapipilitan, na magbago dahil ito ang inaasahan ng publiko sa mga manunulat nito.

Higit na magiging dinamiko ang pagluluwal ng talinghaga kung aktibo ang interaksiyon ng manunulat at ng madlang mambabasa, na hindi mangangahulugan ng laging pagsunod o pagsuko ng manunulat sa nais o panlasa ng madla, o kaya’y malimit sa paggigiit ng eksentridad ng manunulat para ipakitang angat siya sa hanay ng madla. Ang madla bilang kritiko ay malaki ang maitutulong sa manunulat sa kaniyang pagkatha; samantalang ang manunulat ay makatutulong sa madla na makatalon nang pabalik-balik sa dimensiyon ng konsumidor at manlilikha tungo sa layuning pataasin ang kamalayan ng lahat. Ang manunulat, gaya ni Balagtas, ay mananatiling ilahás, naisin man natin o hindi, na pana-panahong susuway sa kumbensiyon upang itanghal ang talinghaga sa sariwang anggulo at pagdulog, at pagkaraan ay magtakda ng kaniyang bagong kumbensiyong gigibain naman ng susunod na henerasyon.

Ang pagdiriwang ng Araw ni Balagtas ay alinsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 964 ng 1997 na nagtatakda ng ikalawang araw ng Abril ng bawat taon bilang araw ni Francisco ‘Balagtas’ Baltazar at nag-aatas sa Kagawaran ng Edukasyon at Komisyon sa Wikang Filipino na magsagawa ng mga angkop na pambansang palatuntunan at programa sa taunang pagdiriwang ng kaarawan ni Balagtas.

Ang KWF ay ang natatanging ahensiyang pangwika sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas. Itinatag sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 7104 ng 1991, inaatasan itong “tiyakin at itaguyod ang ebolusyon, pagpapaunlad at pagpapayaman pa ng Filipino na wikang pambansa ng Pilipinas, batay sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at iba pang wika.”

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s