News

Lamberto E. Antonio, gagawaran sa Araw ni Balagtas

Ang sketch ni L.E. Antonio ay gawa ni Albert Gamos at nakuha sa site ng premyadong makata at tagasalin na si Marne Kilates.

Ang sketch ni L.E. Antonio ay gawa ni Albert Gamos at nakuha sa site ng premyadong makata at tagasalin na si Marne Kilates.

Igagawad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang kauna-unahang Dangal ni Balagtas sa makatang si Lamberto E. Antonio sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-225 anibersaryo ng kaarawan ng makatang Francisco ‘Balagtas’ Baltazar sa Abril 2, 2013, 8 nu hanggang 5 nh, sa Philippine Columbian Association, PCA Complex, Plaza Dilao, Paco, Maynila. Kasabay rin nito ang Panayam Balagtas ni Rogelio G. Mangahas, isa sa mga tungkong bato ng modernismo ng panulaang Filipino, at paggagawad ng Talaang Ginto: Makata ng Taon 2013.

Kumikilala sa mataas na ambag sa panitikan, ang Dangal ni Balagtas ay iginagawad sa mga institusyon na nakapag-ambag sa pagpapayaman ng panitikan ng Filipinas at/o manunulat at alagad ng sining na nakalikha ng mga akdang nag-iiwan ng bakás o humahawi ng landas sa larangan ng pagsusulat. Pangunahing konsiderasyon ang pagpapamalas ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa Filipino at iba pang wikang panrehiyon o panlalawigan. Isinasaalang-alang din ang mga nalathalang aklat at iba pang akda na pawang kinikilala sa angkin nitong husay, lawak, at lalim, alinsunod sa matalisik na pagtanaw ng mga kritiko at pangkalahatang publiko.

Bago ang pagdiriwang sa PCA Complex, makikibahagi rin ang KWF sa pag-aalay sa Liwasang Balagtas, Pandacan, Maynila sa ganap na 7 nu. Pangungunahan ito ni Kgg. Alfredo S. Lim ng Lungsod Maynila kasama ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP), Knights of Columbus, at iba pang organisasyon at panauhin.

Ang pagdiriwang ng Araw ni Balagtas ay alinsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 964 ng 1997 na nagtatakda ng ikalawang araw ng Abril ng bawat taon bilang araw ni Francisco ‘Balagtas’ Baltazar at nag-aatas sa Kagawaran ng Edukasyon at Komisyon sa Wikang Filipino na magsagawa ng mga angkop na pambansang palatuntunan at programa sa taunang pagdiriwang ng kaarawan ni Balagtas.

Ang KWF ay ang natatanging ahensiyang pangwika sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas. Itinatag sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 7104 ng 1991, inaatasan itong “tiyakin at itaguyod ang ebolusyon, pagpapaunlad at pagpapayaman pa ng Filipino na wikang pambansa ng Pilipinas, batay sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at iba pang wika.”

Kaugnay na balita: Paggagawad ng ‘Makata ng Taon,’ tampok sa Araw ni Balagtas

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s