ni Noel de Leon
Bukod sa elegante at malambing na wika, totoo namang mabaskog rin ang Hiligaynon bilang panitikan, pinatunayan ito ng kuwentong Si Matapunay, ang Ati nga Bata! (Si Matapunay, ang Batang Ati!) sa bagong libro ni Genevieve L. Asenjo, ang Mabaskog nga Hiligaynon 1: Reading and Writing in the Mother Tongue kasama sina Isagani R. Cruz bilang koordineytor at Angelita G. Santos bilang konsultant. Ang libro ay inilimbag ng C&E Publishing na naglalayong magamit bilang tulong ng mga guro at magulang sa pagtuturo ng mother-tongue-based multilingual education program (MTBMLE) sa wikang Hiligaynon.
Ang libro ay binubuo ng iba’t ibang tradisyunal na tula at awiting-bayan mula sa panitikang Hiligaynon, nariyan ang Bisan Tamon Ati (Kahit Kami’y Ati) na mula pa sa makasaysayang Maragtas; Ang Kasaysayan ng Sampung Datu ng Borneo ni Pedro Alcantara Monteclaro; Ang Bilin, Ang Akon Abyan (Ang Aking Kaibigan); Tan-awa, mga Pispis (Tingnan, mga Ibon); at Mag-isip kag Magkolor (Magbilang at Magkulay). Nariyan din ang mga sikat na ambahanon o awiting-bayan na sumikat noon sa Panay: ang Dandansoy, Ang Diutay nga Damang (Ang Maliit na Gagamba), Maghirupay Kita (Magmahalan Tayo), Tuburan (Balon), Igso-on sa Tabok Nayon, at Iloilo ang Banwa Ko. Kasama rin sa libro ang ilang halimbawa ng luwa (loa) at paktakon (bugtong) na magpapakilala sa mga batang mambabasa sa mayamang tradisyon at kultura ng taga-Panay. Narito ang isang halimbawa ng luwa:
Didto sa amon sa Calinog,
May kapre nga nagakatulog,
Ginpitik ko iya itlog,
Daw lingganay katunog!
Doon sa amin sa Calinog,
Mayroong kapreng natutulog,
Pinitik ko kanyang itlog,
Daw kampana katunog!
(akin ang salin)
Malaki ang magiging pakinabang ng pagsisimula ng librong ito para sa programang MTBMLE sa Hiligaynon, bukud sa tinipon nito ang mahahalagang akdang pampanitikan para sa bata, iniangat rin ng libro ang kalidad ng mga librong pambata na iniimprenta sa labas ng Maynila. Kapansin-pansin ang gaan at dulas ng wika sa pag-uusap ni Matapunay at ng kanyang mga magulang at bagong kaibigang kulay bulawan ang buhok. Kung mapapansin, tila umaayon sa itinakdang estetika ng Manila Critics’ Circle kung paano higit na mapauunlad ang produksyon ng mga libro sa panitikang pambata: mula sa maganda at malinis na pagkaimprenta, sa gamit ng papel, sa gamit ng kulay sa mga karakter, hanggang sa debuho ng bawat detalye ng mukha at pananamit ng mga tauhan, tila alam na alam ni Raymund C. Ariola ang kanyang tungkulin bilang ilustrador.
Sa ngayon tila ito pa lamang at ang koleksiyon ng maikling kuwento ni Alice Tan Gonzales, ang May Isa Ka Kuring nga Hari (May Isang Pusang Hari), ang maaaring magamit sa pagtuturo ng MTBMLE sa Hiligaynon. Tila hinahamon pa rin ang marami sa mga manunulat sa dilang Hiligaynon na magsulat at makiisa sa patuloy na pagpapalusog ng panitikan ng mga bata sa Kanlurang Visayas.
Patunay ang librong ito sa maunlad at patuloy na profesyunalisasyon ng mga akdang pambata sa labas ng Maynila, ang mga ganitong klaseng gawain ang magpapaunawa sa marami nating mga kabataan na hindi lamang ito simpleng pag-alam o pagpapakadalubhasa sa kinagisnang wika, bagkus ang malay na pag-unawa sa ating kultura at panitikang katutubo, bilang Ilonggo, bilang Filipino.
Si Noel de Leon ay estudyante ng Master of Education Major in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Visayas. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya. Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com
nice book, keep it up ma’am! 🙂
nice one Jeric!
salamat po sa magandang review:)
san makakabili ng aklat na ito?
Makipag-ugnayan na lang po sa C&E Publishing na naglimbag ng aklat. http://www.cebookshop.com/
839 EDSA, South Triangle, Quezon City
C&E Publishing, Inc. Head Office
929-5088 (loc. 121) / 352-3458
customerservice@cebookshop.com