News

Obituwaryo: Reynaldo Duque, kuwentista at makata sa Filipino, Ilokano, at Ingles, 67

Isa na namang dakilang haligi ng panitikan ang namaalam.

Sumakabilang buhay dahil sa kidney failure ang iginagalang na kuwentista, nobelista, at makata sa Filipino, Ilocano at Ingles, na si Reynaldo A. Duque, 67.

Iniwan niya ang napakaraming pamanang pampanitikan tulad ng tulang epikong “Candon,” na nagwagi ng Unang Gantimpala sa Centennial Literary Awards noong 1998, at maging ang mga kilalang pitak na “Angkel Sam” at “Centerly, Manong!” Katangi-tangi ang kaniyang kauna-unahang kalipunan ng mga kuwentong “Bagani Ubbog,” na maluwalhating pumaksa sa primal na nasang-pangmanunulat–ang pagbabalik at pagharaya sa bayan.

Lagi’t laging binabalikan ni Duque ang kaniyang bayang Candon, Ilocos Sur, kung saan ipinoook niya ang tunay na bayang Bagani Ubbog bilang isang bayang buhay at pinananahanan ng mga tauhang naghahanap ng sarili sa isang lunang liglig man sa ligalig ay umaahong larawan ng katutubong kulay.

Noong 1998 din, kasabay ng pagkapanalo para sa “Candon”, ay naiuwi niya rin ang karangalang “Makata ng Taon” mula sa Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino. Sa mahabang tulang “Awit ng Dugo: Bayang Dakila, Bayang Malaya”, ginising niya sa tula ang kausap na inang bayan upang silayan ang bansang nabuo, 100 taon matapos ihibik ang mithing lumaya mula sa kolonisador:

ito’y dalit na dagubdob ng mga siglo.

kaya’t ngayong gabi, mutya kong paraluman
aahon ako mula sa iyong sinapupunan
at harahahin ko ang alindog ng iyong katawan
na idinuruyan ng karagatang pasipiko sa silangan
at kinakandili ng dagat tsina sa kanluran.

Matapos ng maraming taon ng pananalo sa Don Carlos Palanca Memorial Awards, naiuwi ni Duque ang Hall of Fame noong 2003. Kabilang sa mga akda niyang nagwagi ng Unang Gantimpala sa Palanca ay ang “Kandong” (Maikling Kuwento, 1980), “Ang mga Tatoo ni Emmanuel Resurreccion” (Dulang May Isang Yugto, 1986), “Colorum” (Maikling Kuwento-Iluko, 1997), “Ysabelo” (Maikling Kuwento-Iluko, 2001), “Leon, 15” (Maikling Kuwento-Iluko, 2003), at “Apong Simon” (Maikling Kuwento, 2003). Dalawang kuwentong nag-unang gantimpala sa iisang taon ang nagdala sa kaniya ng pagkilala.

Nitong pagpasok ng bagong siglo, hanggang bandang kalagitnaan ng mga taong 2000, naging mahalagang tungkulin ni Duque ang ipagpatuloy ang tradisyon ng lathalain at panitikan sa magasing Liwayway. Naging malapit si Duque sa maraming manunulat na baguhan at beterano, dahil sa pagtangkilik ng magasin sa kanilang mga pagpapasa. Siya ang kauna-unahang Ilokanong umupong punong-patnugot ng magasin.

Di iilang nobela at maikling kuwento ang nailathala niya sa Liwayway, pati na sa kapatid nitong magasin sa Ilocano, ang Bannawag. Sari-saring komiks din ang naisulat ni Duque, at ilan sa mga ito ay lumabas sa Gospel Komiks, kung saan siya naglingkod na patnugot.

Naging pangulo siya ng GUMIL Filipinas mulang 1991 hanggang 1993. Noong 2001, iginawad sa kaniya ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas.

Nakaburol si Duque sa Holy Trinity Memorial Chapel sa Sucat, Paranaque. Magtatanghal ng isang pagpupugay para sa kaniya ang GUMIL at UMPIL, sa Abril 13, 2013, 8:30 n.g.

Itinakda ang cremation ni Duque sa Abril 14, 2013.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s