ni Michael Jude Tumamac
Pinarangalan kamakailan ang aklat pambatang Naku, Nakuu, Nakuu! (Adarna House, 2008) ng Peter Pan Prize, ang prestihiyosong gawad ng International Board on Books for Young People Sweden. Inaasahang gagawaran sina Nanoy Rafel (manunulat) at Sergio Bumatay III (ilustrador) sa Göteborg Book Fair ngayong Setyembre 2013. Una nang nagwagi ang kuwento ni Rafael ng 2008 PBBY Salanga Prize at ang ilustrasyon ni Bumatay III ng 2008 PBBY Alcala Prize at ng Encouragement Prize mula sa Noma Concours for Children’s Picture Book Illustrations.
Upang bigyan tayo ng ideya sa pagbuo nila ng natatanging aklat pambatang ito, malugod na sinagot nina Rafael at Bumatay ang ilang tanong.

Nanoy Rafael, manunulat ng “Naku, Nakuu, Nakuu!”
Kalatas: Saan ninyo nakuha ang ideya para sa kuwento? Ano-ano ang isanaalang-alang ninyo nang sumali sa PBBY Salanga Writer’s Prize?
Rafael: Medyo mahabang kuwento. Unang-unang-unang subok kong sumulat ng panitikang pambata ang Naku, Nakuu, Nakuu! Kung hindi pa siguro ako kinulit ni Ergoe [Tinio] (girlfriend ko pa lang siya dati) na sumali sa PBBY-Salanga, hindi ko pa siguro ito maisusulat. Nagkataon na may call for submissions ang Adarna para sa mga bagong kuwentong pambata, at isa sa paksa ay ang pagkakaroon ng bagong kapatid. Kaya inisip ko, para safe, gagawa ako ng kuwentong kung hindi man manalo sa PBBY ay puwede kong ipasa sa Adarna.
Dalawang bagay lang ang natatandaan ko sa pagsusulat ng kuwentong iyon. Una, na modelo ko ang Sundalong Patpat ni Rio Alma at ang The Red Book ni Barbara Lehman pagdating sa estruktura. At ikalawa, na malaki ang utang na loob ko kay Ergoe, kasi siya ang tumulong sa paghubog at pagpino ng ideya ng kuwento bago ko pa man isulat. (At iyon siguro ang adbentahe ng pagkakaroon ng writer rin bilang jowa: mayroon kang puwedeng kabatuhan ng ideya 24/7, at nawo-workshop na bago mo pa man isulat sa papel.)
Hindi ko alam actually kung sapat na yung sagot ko sa “isinaalang-alang.” Sa totoo lang, hindi ko naman inasahang ako ang mananalo noon, dahil unang-unang kuwentong pambata ko nga ito. Basta sumali lang ako, bahala na kung manalo. Kaya nung nanalo ako sa PBBY, hindi ako makapaniwala. Hanggang ngayon naman, dito sa Peter Pan Prize, pakiramdam ko nakatsamba lang ulit ako. Haha. Pero kasi, alam kong hindi yung Naku ang pinakamaayos kong puwedeng isulat.
Kalatas: Puwede ninyo bang ilarawan ang pinagdaanan ng kuwento hanggang sa nailimbag?
Rafael: Ang korni ng sagot ko dito, kasi parang uneventful naman sa part ko. Nung kinulit ako ni Ergoe na sumali sa PBBY-Salanga, tatlong araw na lang yata yung natitira. Kaya yung paglikha, siguro tumagal lang ng 48 oras (na halos walang tulugan). Tapos nanalo. Tapos inedit nang kaunti ng Adarna (may tinanggal silang ilang passages para mas luminis).
Pero kung buong libro yung pag-uusapan, ang pinakagusto ko yatang bahagi ng proseso ay noong inimbitahan akong sumali sa judging ng PBBY-Alcala entries. Hindi ko mabigyan ng salita yung nararamdaman ko noon nang makita ko yung kuwento kong nare-imagine ng mga ilustrador.
Kalatas: Sa tingin ninyo, ano ang naging papel ng ilustrasyon ni Sergio Bumatay III sa pagbibigay ng buhay sa kuwento ninyo?
Rafael: Nung nakita ko ‘yung illustrations ni Serj, gusto kong maiyak sa tuwa. Ni hindi ko naisip na kayang magsupling ng napakasimpleng kuwento ko ng ganoon kagandang sining. At parati kong sinasabi ito (kahit na ayaw ni Serj, haha), pero sa tingin ko nga napaka-mundane ng kuwento ko at na marami pang bagay doon na puwedeng ayusin, pero naging katangi-tangi ito sa kabila ng mga kakulangan dahil sa mga ilustrasyon ni Serj. Hindi lang maganda ang ilustrasyon ni Serj, maraming bagay rin na hindi masabi ng kuwento ang makikita sa mga ito—‘yung tunggalian sa loob ni Isko, halimbawa, ay makikita sa kulay, sa background elements.
Kalatas: Ano ang mga aasahan naming book project mula sa inyo sa hinaharap?
Rafael: Mayroon akong isinusulat na nobelang pang-YA, at siguro iyon ang pagtutuunan ko ng pansin sa mga susunod na buwan at taon.
—

Sergio Bumatay III, ilustrador ng “Naku, Nakuu, Nakuu!”
Kalatas: Paano ninyo naisip ang estilo na gagamitin sa kuwento ni Nanoy Rafael? Ano-ano ang isanaalang-alang ninyo nang sumali sa PBBY Alcala Illustrator’s Prize?
Bumatay: Inaral kong mabuti ang kuwento ni Nanoy at inilagay ang sarili sa paanan ng pangunahing tauhan na si Isko. Naranasan ko din ang mga pinagdaanan ni Isko kaya inisip ko kung ano ang mga puwede niyang maisip. Ang unang kong naisip ay ang paglaruan ang kanyang mga guniguni at doon nagsimula ang ideya ko para sa estilo ng kuwento. Pinagbuhusan ko ng pansin ang pagka-surreal ng ilustrasyon para makatawag-pansin at magkaroon ng interes ang mambabasa.
Kalatas: Puwede ninyo bang ilarawan ang proseso ng paglika ng ilustrasyon sa kuwento hanggang sa mailimbag?
Bumatay: Mahabang proseso at oras ang pinagdadaanan ng mga ilustrasyon ng buong libro. Nag-uumpisa ang ilustrasyon sa pag-unawa ng kuwento. Pagkatapos, gagawa ng research sa kung anumang kailangan at naaayon sa kuwento. Halimbawa, minsan sa kung anong uri ng mga damit, edad at itsura ng mga tauhan, at tagpuan. Marami akong ni-research sa Naku, gaya ng kulay ng itlog ng gagamba, mga tuta, mga anak ng iba’t-ibang hayop, chart ng pagbubuntis ng isang ina, detalye ng bahay, mga laruan, patterns, at iba pa.
Dito na rin papasok ang pagdisenyo ng mga tauhan. Ilalagay ang mga ideya sa thumbnails o maliliit na plano ng mga drowing ng bawat pahina at minsan sa isang book dummy. Kapag pasado na ang dummy sa editor o publisher, uumpisahan na ang paglikha ng mga orihinal na ilustrasyon sa anumang medium na babagay sa kuwento. Pagkatapos makulayan ang ilustrasyon, maaari na itong ipadala sa publisher para sa disenyo at layout ng buong libro bago nila ibigay sa isang imprenta.
Kalatas: Kung may isang elemento ng aklat ninyo ang masasabi ninyong katangi-tangi, ano ito?
Bumatay: Bawat libro ko ay may sariling katangian dahil pinagbuhusan namin ito ng kakayahan at sikap. Bawat ilustrasyon ay pinag-isipan para mapaganda at maging katangi-tangi. Minsan, ang ilustrasyon ay naiiba sa inaasahan o nakasanayan nang estilo para sa kuwento. Dahil mas gusto ko ang madetalyadong ilustrasyon para may balikan ang mambabasa, may mga naka-drowing ding hindi mababasa sa kuwento. Minsan din ay ibang-iba ang interpretasyon ng ilustrasyon ko sa mababasa para mabigyan ng oportunidad ang mambabasa na buksan ang kaniyang imahinasyon.
Kalatas: Ano pong bagay ang nagpapatangi sa inyong paraan ng ilustrasyon na wala sa ibang ilustrador?
Bumatay: Inaayon ko ang istilo ng ilustrasyon sa diwa ng kuwento sa aking perspektibo. Sa mga ilustrasyon ko, may inilalagay din akong mga positibong salita na nagsisilbing aral o tanda para maimpluwensiyahan ang mambabasa, sinasadya man o hindi.
Kalatas: Ano po ang mga aasahan naming book project mula sa inyo sa hinaharap?
Bumatay: Sana makapaglimbag na din ako ng mga sariling libro na kapuwa ako ang nagsulat at ang nag-illustrate, at sana magustuhan din ng mas maraming mambabasa.
Si Michael Jude Tumamac ay miyembro ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Bisitahin ang kanyang blog xizuqsnook.blog.com o Facebook page Xi Zuq’s Nook para sa iba pang rebyu ng aklat-pambata.
Pingback: NANOY RAFAEL AT SERGIO BUMATAY III | Xi Zuq's Nook