ni Michael Jude Tumamac
Nagbago na si Pilandok.
Ito ang ipinapakita sa bagong komiks na inilabas ng Adarna House noong 2012, sa ilalim ng imprint na Anino. Isinulat at iginuhit ni Borg Sinaban, sinasabing hinalaw ang kuwento sa mga aklat pambatang isinulat ni Virgilio S. Almario at iginuhit ni Kora Dandan-Albano (na inilabas din ng Adarna House). Serye itong pinamagatang Pilandokomiks at ang unang isyu ay ang “Ang Tatlong Sumpa”. (Nang nakita ko ito, natuwa ako dahil may pinupunan itong espasyo sa larangan ng komiks para sa mga bata na isinulat sa wikang Filipino.)
Sa komiks na ito, marami nang nag-iba sa mga katangian ng orihinal na Pilandok na aking nakilala. Nagsimula, halimbawa, ang kuwento sa paghingi ng tulong ng isang ibon kay Pilandok tungkol sa planong pagputol ng Datu ng Hilaga sa mga puno ng dantaong gubat. Sa mga kuwentong bayan, nagigising na lamang isang araw si Pilandok na may naiisip gawin. Halimbawa, naisip niyang dukutin ang reyna ng isang kaharian upang gawin niyang asawa [1]. Sa mga aklat pambatang muling isinalaysay ni Almario, umuusad ang mga kuwento dahil sa may kailangang gawin o kunin si Pilandok na mas inangkop sa batang mambabasa, tulad ng utos ng ina na mamitas ng mangga [2]. Naiintindihan ko na ang pag-aangkop kay Pilandok sa mga aklat pambata ay sa pamamagitan ng pagpili lamang ng mga bahagi ng mga kuwentong bayan na itinuturing na ‘angkop’ sa mga batang mambabasa. Sa komiks, may transpormasyon na si Pilandok bilang isang huwarang bayani, marahil dahil sa pangangailangan na iangkop si Pilandok bilang isang tauhan na maaaring maging modelo ng mga batang mambabasa.
Hinahangaan ko naman si Pilandok dahil sa katangian niyang maging maparaan at malikhain upang lusutan o lutasin ang isang suliranin. Halimbawa, sa aklat pambatang Si Pilandok at ang mga Buwaya, kunwaring binibilang ni Pilandok ang mga buwaya upang makatawid sa kabilang pampang ng ilog dahil nasira ang tulay at binabantayan ito ng mga gutom na buwaya. Sa talâ naman ni Wrigglesworth, magaling na naakit ni Pilandok ang reyna ng isang kaharian sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang ibong magaling umawit sa puno ng mangga. Sa mga orihinal na kuwentong bayan at sa mga aklat pambata, ipinapakita kung paano nag-iisip si Pilandok upang masolusyunan ang kaniyang mga problema. Itong katangian na ito, para sa akin, ang mahalagang mapanitili sa mga muling pagsalaysay o paggamit kay Pilandok. Naipapakita nito sa mga batang mambabasa na may mga kakayahan at paraan upang malampasan nila ang isang pagsubok.
Kaya nakapagtatakang ang unang inisip ni Pilandok sa komiks ay humingi ng tulong sa diwata ng kagubatan. Hindi ko gusto na aasa dapat si Pilandok sa diwata ng kagubatan. Takas ito upang mag-isip ng sariling solusyon o paraan si Pilandok. Binawi naman ito ng komiks dahil hindi natagpuan ni Pilandok ang diwata bagkus nakasalubong niya ang isang matandang tinulungan niya na tumawid sa ilog. Isa itong pagsubok sa katauhan ni Pilandok upang ipakita ang kadalisayan ng loob niya. Pinapatibay nito ang paghulma kay Pilandok bilang ‘huwarang bayani’. Sa dulo ng kuwento, sinagip ng matanda (na siya palang diwata ng kagubatan) ang nahúling si Pilandok. Bagaman, maaaring naipakita ang halaga ng pagtulong sa kapuwa, hindi ba’t pinapaasa lamang nito ang mga batang mambabasa na may laging kapalit sa kabutihan nilang ginagawa?
Hinahanap-hanap ko rin ang galing ni Pilandok sa paghahabi ng kasinungalingan kaya nakaliligtas. Hindi lamang siya basta-basta tinutulungan ng isang diwata, humahabi siya ng salaysay na pinapaniwalaan ng kausap. (Dahil sa galing na ito, kaya isang nakakaaliw na tauhan si Pilandok.) Halimbawa, sa aklat pambatang Si Pilandok sa Kaharian ng Dagat, napaniwala niya ang Datu ng Hilaga na mayroong masaganang kaharian sa ilalim ng dagat, at ang kailangang gawin ng datu ay magpakulong sa kawayang rehas at ilubog sa dagat. Siyempre, ginawa ito ng datu dahil nahuli ni Pilandok ang pagiging sakim ng datu. Sa komiks, nakipagtulungan si Pilandok sa mga kaibigang ibon upang manghulog ng mga bato mula sa langit at inakalang mga bulalakaw ito ng mga kawal na pumuputol ng mga puno. Ginising naman ni Pilandok ang natutulog na amoy ng uruy (rafflesia) upang mangamoy sa kagubatan at itaboy ang mga kawal. Tuwang-tuwa ako na may pagpapakilala sa uruy, ngunit kailangang usisain kung natutulog ba ang uruy (at hindi laging mabaho) at nagigising ba ito kapag tinutugtugan ng kubing?
Sa pangkalahatan, masasabi kong may mga katangian si Pilandok na nawala sa komiks. Hindi na siya ang trickster hero na kilala sa mga kuwentong bayan–at masasalamin pa ang katangiang ito sa mga aklat pambata ngunit may pag-aankop para sa mga batang mambabasa sa kasalukuyan. Sa tingin ko, napalabnaw ang mga katangian ni Pilandok nang hinalaw mula sa mga aklat pambata (bagaman isang lehitimong gawain) imbes na sa mga orihinal na kuwentong bayan. Kailangan ding usisain ang proseso at pagpili ng hahalawin.
Upang mas maunawaan ang proseso ng paglikha ng unang isyu ng Pilandokomiks, sinagot ni Borg Sinaban ang ilang tanong tungkol sa Pilandokomiks. Si Borg ay isang graphic artist at ilustrador at kasapi ng Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang Ink), ang natatanging organisasyon ng mga ilustrador para sa mga bata.

Self-portrait ni Borg Sinaban
Kalatas: Paano nagsimula ang ideya ng pagbuo ng Pilandokomiks?
Sinaban: Nagsimula ang Pilandokomiks sa kagustuhang palawakin ang mundo ni Pilandok, maipakita ang mga hiwaga at kababalaghan sa ating kapaligiran, at makapamahagi ng magandang istorya sa kabataan. Ang komiks na ito’y para sa mga nakabasa ng mga aklat pambata na isinulat ni Virgilio Almario at iginuhit ni Kora Dandan-Albano, at puwedeng-puwede rin sa mga hindi pa nakakabasa ng mga aklat ni Pilandok.
Kalatas: Maaari mo bang ipaliwanag ang proseso ng publikasyon ng Pilandokomiks?
Sinaban: Unang-una sa proseso sa paggawa ng Pilandokomiks ay ang pagsusulat ng kuwento o iskrip. Nagpresenta ako ng mga istorya na nagpapakilala kay Pilandok at sa kanyang mga pakikipagsapalaran. Pagkatapos makapili, nagpresenta naman ako ng mga disenyo ng mga karakter na lalabas sa komiks. Importanteng mapakita kung sino-sino ang mga karakter na magtutulak sa istorya. Susunod ay ang paggawa ng thumbnails o ang paghihimay-himay ng bawat tagpo. Dito natin makikita ang dami ng pahina at kung ano ang magiging itsura ng ‘scenes’ sa loob ng panel ng komiks. Matapos makumpleto ang thumbnails ay sisimulan na ang pag ‘line art’ o ang pagguhit sa buong komiks. Dito bibigyan ng detalye ang bawat linya ng karakter at mga bagay na kasama sa ‘background’. Susunod ang pagkulay sa bawat pahina. Ito ang pinaka matrabahong proseso sa paggawa, ngunit maari din ito ang pinakamasaya sa lahat! Ang huli ay ang paglalagay ng iskrip sa komiks. Ito ang pag-layout ng mga salita sa mga pahina, kasama rito ang pagsasalaysay, ang iskrip ng mga karakter at ang mga ‘sound effects’.
Kalatas: Paano mo ginamit ang mga aklat pambata tungkol kay Pilandok para sa komiks?
Sinaban: Ang mga aklat pambata ay nagsilbing inspirasyon sa paggawa ng istorya. Ang kumpetisyon sa pagitan ni Pilandok at ng Datu ng Hilaga ang pinakagusto kong tuklasin at gamiting sentro ng kuwento sa komiks. Sinubukan ko ring sundan ang ugali ng mga karakter mula sa mga aklat pambata.
Kalatas: Sa tingin mo, may pinupunan bang kakulangan sa mga aklat pambata ngayon ang paglilimbag ng Pilandokomiks?
Sinaban: Sa aking palagay, hindi lamang sa hanay ng aklat pambata ang pinupunang kakulangan ng Pilandokomiks, kundi sa hanay mismo ng komiks sa Filipinas. Napansin kong karamihan sa komiks ay nakatuon sa mga may edad na mambabasa. Importante ring bigyan ng pagkakataon ang mas nakababatang mambabasa ng komiks na isinulat sa kanilang gulang.
Kalatas: Kailan ang susunod na isyu ng Pilandokomiks? Ano pa ang mga aasahan naming book project mula sa iyo?
Sinaban: Sa kasalukuyan ay nasa mundo pa rin ako ni Pilandok! Kaya’t maaring makita ninyo ulit si Pilandok sa kaniyang susunod na pakikipagsapalaran sa pangalawang isyu bago matapos ang taon!
Sanggunian:
[1] Wrigglesworth, Hazel J. & Ampalid, Ampatuan. (2004). “Si Pilanduk wey ke Datù te Buaya,” The Song from the Mango Tree. Manila: Linguistic Society of the Philippines.
[2] Tingnan ang mga aklat pambatang “Si Pilandok at ang mga Buwaya”, “Si PIlandok sa Kaharian ng Dagat”, “Si Pilandok, ang Bantay ng Kalikasan”, “Si Pilandok at ang Manok na Nangingitlog ng Ginto”, at “Si Pilandok sa Pulo ng Pawikan”.
Si Michael Jude Tumamac ay miyembro ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Bisitahin ang kanyang blog xizuqsnook.blog.com o Facebook page Xi Zuq’s Nook para sa iba pang rebyu ng aklat-pambata.
Pingback: ANG TATLONG SUMPA | Xi Zuq's Nook