Forum / K Magazine

K Magazine: UMPILAN: Panitikang Bikol, Jazmin Llana

Binasa bilang bahagi ng panel sa UMPILAN I: Panitikang Bikol na ginanap sa Natividad Galang Fajardo (NGF) Conference Room, Gusaling Horacio De La Costa ng Pamantasang Ateneo de Manila noong Enero 28, 2013. Ang UMPILAN ay serye ng mga panayam hinggil sa mga panitikan ng Filipinas na inorganisa ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).

Jazmin Llana sa unang UMPILAN (Larawang kuha ni Phillip Kimpo, Jr.)

Jazmin Llana sa unang UMPILAN (Larawang kuha ni Phillip Kimpo, Jr.)

‘May kulo sa ilalim’ – ito ang nais kong sabihin tungkol sa panitikang Bikol. Ang palasak na pakahulugan nito sa aking pagkakaintindi ay ang pagkimkim ng isang lihim na ayaw na ayaw
ipaalam sapagkat nakakahiya o hindi alam ng mismong mayroon nito o ayaw niyang bigyang pansin o tanggapin. Anuman sa dalawang ito ang pag‐uusapan, may lambong ng misteryong bumabalot sa anumang bagay o tao o kalagayan na meron nito na gumigitaw bilang isang ningning na nakahahalina, bagama’t pailalim. Marahil dahil may mga bulkan ang Bikol, may itinatago itong bagsik sa ilalim ng lupa na sumisingaw sa maraming bahagi bilang steam o init kaya may mga hotsprings at pinakikinabangang rekurso ng elektrisidad. Kumukulo sa ilalim ang Bikol at ito ay sumasambulat kapagkaraka.

The heat came like a wave from a furnace, hitting his neck. Too
intense even for the sun. The precipice wall began to shake. He lost
his footing and dangled on a vine. A subterranean thunder rumbled
deep inside the volcano. Suddenly the earth imploded and he fell.
Dazed, he moved his arms and legs, felt no pain but his face stung as
if pricked by pins and his dry lips tasted ash. He grabbed his bolo and sandals and ran. The sun darkened in the sudden rain of ash and
cinders from a cauliflower cloud blossoming above the crater (Paulino
Lim, Jr., Tiger Orchids on Mount Mayon, 1990, 8).

May palagay akong ang ganitong pagkulo sa ilalim ang humuhulma ng sensibilidad na Bikolano, sapagka’t nasa lupang pinananahanan at nasa katawang nananahan dito at humihinga sa ritmo ng mga pagsambulat at di pagsambulat. Nananahan hindi tumatakas o naghahanap ng mas ligtas na pook. Nakikipagpatintero sa tiyak na pinsala. Nakikitalad sa kamatayan. Namumuhay at humuhugot ng lakas sa kapangyarihan ng mga alamat at paniniwala na ukol din sa lupa, bukid man o sapa, lalo na’t ang bukid ay may pangalang Isarog, Masaraga, Bulusan, o Mayon.

Senor Americano, listen to me . . . Look at that beautiful mountain. In the years you have been here you have seen it explode twice and
seen the destruction it has caused, but even at its worst it was
magnificent, awesome in its grandeur. What happens? Why does it
explode? I’ll tell you. Listen to me. This volcano can never be leveled to the ground or bombed out of existence. Nothing can destroy it except its own strength. In one mighty explosion, shattering, final, level itself to the ground, or sink below the earth, smoulder, perhaps die. I say perhaps because it may not die completely. Some life may yet remain that will spark another eruption after many years. (Bienvenido N. Santos, The Volcano, 1965,__.)

Ang kulo ay inaangkin, kahit hindi ito lubos na maunawaan o mayroong pag‐aalangang ito ay unawain. Ang sabi ng antropologong si Fennella Cannell, ang pag‐aaral tungkol sa mga Bikolano raw ay mayroong hatid na ligalig (‘a vexing puzzle for social and political theory’ [Cannell 1999, 1]) sapagkat ayaw nilang magpaliwanag kung ano o sino sila o kaya’y humugot sa kanilang ginagawa ng pananalita kung ano o sino sila (Cannell, 248). Maaaring sabihin na ito’y isang romantikong pagtingin at self‐fetishization, ‘ika nga, sapagka’t ang nagsasabi nito, o umuulit sa sinasabi ni Cannell, ay taga‐Bikol. Subalit inilulugar ko ang aking sarili sa masalimuot na pagitan ng loob at labas at nakikitalad din sa kamatayan ng aking pangangatuwiran.

Maaaring sabihin na isang patunay ng pag‐aalangang maipaliwanag ang sarili ay ang pagtangging bumuo ng iisang standard or padron ng ortograpiyang Bikol. Hindi ibig sabihin na hindi ito napag‐uusapan o kaya’y may pagkakaisa rito. Sa huling Pagsurat Bikolnon, isa ang isyung ito ng ortograpiya na mainit na tinalakay, sapagka’t may ilang mga pagsusumikap na makabuo ng sistema ng pagbabaybay o ‘ispeling, grapema, at pagsisilaba’ tulad ng pagsisikap ng grupong Parasurat Bikolnon. Makikita sa kanilang Facebook page ang isang powerpoint ng nabuong ‘Giya sa Ortograpiyang Bikol’ na hango sa aklat na may ganito ring pamagat na inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino nitong nakaraang taon. Isang magandang pangyayari at pag‐usad, lalo pa’t hindi naisin ng mga nagsagawa nito na ipasawala ang maraming wika sa rehiyon at ipagpilitan ang iisang wika lamang, lingua franca man o hindi. Naging mainit ang talakayan sa Pagsurat Bikolnon dahil sa pangangailangan ng pagtuturo ng wika sa programang MTB‐MLE sa elementarya. Ano nga naman ang ituturo at paano ito ituturo? Ang pagkakaroon ng maraming lenggwahe at diyalekto ay may dalang praktikal na suliraning kailangan ng lunas. Subali’t ang dalang panganib ng iisang standard ng ortograpiya, ayon kay Vic Nierva ay ang pagkakawala ng mga tataramon o lenggwaheng hindi makakasunod sa standard o masasakop nito—tulad na lang kung ang ‘arong’ na tawag sa bahay ng ilang Bikolano ay pipiliting ibaybay bilang ‘harong’ na siya namang gamit sa ilang mga pook. At hindi pa napag‐uusapan diyan ang mga tataramon o lenggwaheng ibang‐iba sa ginagamit ng mga sentro tulad ng Naga at Legazpi—halimbawa ay ang Rinconada na tataramon mi ni Kristian (lenggwahe namin ni Kristian).

Sumasang‐ayon ako kay Vic Nierva sa pagsasabing ang pagbaybay o ortograpiya ay problema lang naman ng mga gumagamit ng wika sa pasulat na paraan, hindi ng mga komunidad na nagsasalita ng wika at nagkakaunawaan sa paraang pasalita sa araw‐araw nilang buhay (Nierva, Makuapo ni Handyong, 2012). At kung itutuloy ko ang pangangatwiran, sasabihin kong ang paggamit ng wika na pasulat sa paraang hatid ng mga mananakop at siyang namamayani at marka ng kapangyarihan ay siyang pinakamalakas na bakas ng pagiging sakop o ng kolonisasyon. Hindi tuluyang nasakop ang mga Bikolano at ang patunay nito ay ang pagiging buhay ng mga tataramon na hindi nakasulat. Nagkukumahog tayong maisulat ang mga ito, malapatan ng disiplina ng standard na paggamit, pagpirmi sa mga ibig sabihin, pagbaybay, at lohika ng isang istruktura na madaling maunawaan. At bakit nga hindi? Ang sistema ng pagkakatuto sa mga paaralan ay sa paraang dikta ng kulturang nakasulat na syang marka ng pagiging sibilisado, ng kalinangan. At sinasang‐ayunan natin ito at madalas nating banggitin na ang ating mga ninuno ay may kulturang nakasulat at ito’y patunay na sila/tayo ay may angking kalinangan bago pa man dumating ang mga mananakop. Ay, nais kong magbahagi ng salungat na pag‐iisip at sa gayong paraan ay mag‐alok ng paliwanag sa ‘kulo’ ng panitik Bikolnon.

Maaalalang si Vicente Rafael ay nagtatalakay kung paanong ang Tagalog ay isinalin sa istrukturang Romano na para sa Kastila ay siyang tama, marka ng kalinangan at kabutihan, at pinaglaho ang sinaunang Baybayin na bakas ng pagka‐pagano at pagiging barbaro (Rafael 1993).

An Dila Ta
ki Ben Escoto

Wara ka dapat ikangalas
Kun maaraman mo na sa Masbate
Diri iligal an pag‐ismagol
O sa Catanduanes, magtinawa ka
Kun nano kay diri ngun‐a magyurukso
Kun wara pa pag‐bilang sayo‐duwa‐tuyo
Ayaw kalula kun sa Sorsogon
Haputon mo an kabulig kun ano siya
Simbagon ka “amo,” nan relaks lang
Ayaw kataranta, kun sabihan ka
Sa Miraya na magpanik, umula ka,
Nan ayaw pag‐hibi kay maka‐uli ka
Pag minunda ka pasine‐pasiton
Sadi Rinconada, o ispelingan
Ka sa Camarines Norte san
Mississippi na puro “ay.”

Kay maski an dayo makaaram
San namit san pusit nan pili
Uminom sin kape na buhos
Kumaon pinangat nan sinanglay
An dila ta pa man gihapon
An makasabi kun nano kaharang
An sili na iaayon sa mga tula ta,
Tula na oragon.

(Sagurong, 50.)

Mayaman ang kontemporanyong pagsurat Bikolnon dahil sa paggamit ng mga tataramon na hindi nakasulat, mga lenggwaheng sabihin na nating hindi pa napipirmi ng ortograpiya o iisang pag‐unawa sa kanilang istruktura at ang kulturang nakakabit sa mga tataramon na ito ay primarily oral, pasalita. Kailangang makita at ituring ang kalagayang ito bilang isang yaman, hindi sagabal o negatibo. Speech versus text. Malaya at buhay ang una; ang pangalawa’y tigil at patay na. Performance versus script. Hindi maikakahon ang una; ang pangalawa’y mailalagak sa baul. Repertoire versus archive. Sa pagpapaliwanag ni Diana Taylor na isang Latina, kailangang pahalagahan o may halaga ang dalawa lalo na sa kasalukuyan, subalit huwag kailanman kalilimutan na ang pananakop ay isinagawa sa pamamagitan ng pagsasawala sa at pagmamaliit ng mga kulturang pasalita, ng mga gawaing may kasingbigat na halaga sa paghulma ng alaala at pagbuo ng kaalaman ng lipunan tungkol sa sarili at mundo. Nakalagak sa mga tataramon na hindi nalapatan ng mga panuntunan ng mananakop ang yaman ng kaalaman at pag‐iisip ng mga Bikolano, lampas o higit pa sa maaaring makita sa Vocabulario ni Lisboa. Ito ang nagbibigay tining at saysay sa mga panulat nina Kristian Cordero at Frank Penones sa tataramon na Rinconada, ni Ben Escoto at Eduardo Uy sa tataramon na Gubatnon o isa sa mga lenggwaheng Masbateno, ni Rodel Anosa sa Masbateno at Gerry Rubio sa tataramon sa Catanduanes, o Jun Balde sa Oasnon, Raffi Banzuela at Jun Belgica sa Albay, at Jimple Borlagdan sa tataramon ng Tabaco.

Writing that is always a process of making.
Not fixed but fluid.
Not in the past perfect but present progressive.
Writing that is always a kind of performance.
Performative writing.
Writing that does not just reflect the world but creates and constructs it, makes it new.
Irruptive writing.
Lumalabas ang kulo. Bumubulwak. Sumasambulat.

Hindi ko sinasabing hindi ito nagagawa kung ang salitang ginagamit ay may nakasulat nang grammar o baybayin. Ang sinasabi ko’y kailangang palalimin ang pagtanto at pagpapahalaga sa mga tataramon na hindi pa nakasulat at ariin itong yaman na pinanggagalingan ng birtud, ng kapangyarihan ng panulat, na dahil sa kawalan ng standard, ay nananatiling isang alok, hindi tigil, maaaring basahin hindi lang sa isang paraan, maaaring baguhin, aktibo, buhay. Hindi katakataka na ang mga obrang ito ay nagkakaroon ng higit na halina kapag sinasalita, itinatanghal, ipinapalabas. Tulad na lang nitong tula ni Rodel Anosa na mas kilala sa tawag na Roda. (Gusto ko talagang basahin ito, paumanhin kay Roda, kahit di hamak na payak ang aking pagbasa, kung ikukumpara sa kanya.)

(Babasahin ang Desiderio ni Rodel Anosa.)

Sina Frank Penones at Kristian Cordero ay nagpasimula ng isang pag‐aanyo na isinisingit sa mga salita ng Standard Bikol ang mga salitang Rinconada, bago pa man sila bumuo ng mga tula na gamit talaga ang Bikol Rinconada. Napagaya na rin nga ako, kahit sa kokonti kong naisulat. Para sa akin ito ay isang anyo rin ng ‘pagsambulat ng kulo’ sa panulat o ‘irruption’ in the text. Ang tataramon na nasa gilid, nasa ilalim, ay bumubulwak paibabaw o pagitna, nailalahad o ipinapakita, ipinaparinig sa espasyo ng lingua franca ang dati ay wala, o isinawala. Isang malinaw at mabagsik na pagsambulat ng kulo. Isang gawaing may dalang ligalig. Subali’t hindi lamang sila ang gumagawa nito sa mga obrang nakasulat sa Bikol, anumang Bikol ‘yan. Pati na rin ang mga nagsusulat sa ibang wika tulad ng Ingles ay kakikitaan din ng ‘paniningit’, maaaring sabihing the politics of insertion.

Sa panulat ng pilosopong si Alain Badiou, ang gawaing ito ang nagpapalitaw sa katotohanan, kapag ang dating hindi nakikita ay nakikita na, marahil ay sa isang iglap, maaaring mawala uli, subalit pinanghahawakan ng mga nakakita o nakarinig nito. Maaaring sabihing paraan lamang ito ng pagbubuo at pagtitimo ng istilo sa panulat, subali’t higit pa riyan ang naiisip ko, sapagka’t mahirap magsinungaling sa panitik. Sa pananalita ni Badiou, ito’y ‘fidelity’ o ‘militant commitment’ sa nakitang katotohanan; sa aking pangangatwiran sa papel na ito, ito ay pagpapahayag ng pag‐ibig at pagpapatotoo sa pagiging Bikolano, hindi lang sa turing kundi sa katawan at katauhang binuo at kinalinga sa lupa ng Bikol. Sumasambulat ang kulo. May dalang ligalig.

(Babasahin ang Perdon ni Marne Kilates.)

Kung kaya sa tanong na ano‐anong aasahan sa panitikang Bikol sa hinaharap, ang aking sagot ay ang patuloy na pag‐imbulog ng panitikan dahil sa pagdami ng mga nagsusulat sa sarili nilang wika, isang gawain ng pagtuklas din ng sarili at pagmimina sa yaman ng kaalamang nakalagak sa alaalang buhay sa lenggwahe, sa mga pagkilos o gawain—makasining man o praktikal na paggalaw o trabaho, tulad halimbawa ng paghahabi ng abaka, o pagkuha ng pulot pukyutan, o pagtatanim ng pili o apay (gabi), o panghuhuli ng isdang kwaw. Ang mga ito tulad ng sabi ni Diana Taylor ay mga mnemonic devices na kasingbisa ng mga nakasulat na dokumento o mga libro sa paglilipat ng kaalaman at kakanyahang bayan at kolektibong pag‐iisip. Kailangan nga lang matutunan ng parasurat na Bikolano na siya ay bahagi ng dinamikong pagsulong ng buhay ng komunidad, nakikibahagi, nagbabahagi, hindi isang mesiya na may tangan ng salitang magliligtas sa sambayanan.

Ang mga kailangang abangan at tulungan ay kung paanong ang pagsurat Bikol ay hindi titigil sa pagsusulat at paglathala kundi dadalhin ang mga isinulat sa mga buhay na entablado ng mga komunidad at ipaparinig, ipakikita ang panulat bilang paggawa, at bubuhaying muli ang mayamang tradisyon ng sinauna na ang paghabi ng mga salita, rawitdawit man o osipon, o iba pa, ay pasalita, dinamiko, kung hindi man lubos na ispontanyo. Ginagawa na ito ng ilang mga batang makata, ng grupo ni Jason Chancoco sa Versosimo, ni Niles Jordan Breis sa pagtatanghaltula, ni Alvin Yapan at iba pang gumagawa na ng mga pelikula, ni Richard Madrilejos, Jimple Borlagdan at grupong ABKAT sa Albay sa kanilang pagtanyog sa radyo, at ni Merlinda Bobis na itinatanghal bilang dula ang kanyang nobela. Si Doods o Dr. Paz Verdades Santos ang higit na may kaalaman sa marami pang ibang balita dahil sa kanyang patuloy na pag‐aaral ng panitikang Bikol bilang iskolar at kritiko.

Sanggunian:
– Badiou, Alain. 2005. Handbook of Inaesthetics. Translated by A. Toscano. Stanford: Stanford University Press.
– Badiou, Alain. 2008. Conditions. Translated by S. Corcoran. London and New York: Continuum.
– Badiou, Alain. 2008. Rhapsody for the Theatre: A Short Philosophical Treatise. Theatre Survey 49 (2):187‐238.
– Cannell, Fenella. 1999. Power and intimacy in the Christian Philippines. New York: Cambridge University Press.
– Kilates, Marne. 2012. Pictures as Poems and Other (Re)Visions. Manila: University of the Philippines Publishing House.
– Komisyon sa Wikang Filipino. 2012. Giya sa Ortograpiyang Bikol. Albay: Opisina kan Gobernador kan Albay.
– Lim, Paulino Jr. 1990. Tiger Orchids on Mount Mayon. Quezon City: New Day Publishers.
– Nierva, Victor Dennis T. Hurop‐hurop sa ortograpiyang Bikol 2012. Available from http://www.aponihandiong.blogspot.com/.
– Parasurat Bikolnon. 2012. Giya sa ortograpiyang bikol presentation aug.7 2012.pptx Version History. http://www.facebook.com/groups/172073846155836/478497102180174/.
– Rafael, Vicente L. 1993. Contracting colonialism: translation and conversion in Tagalog society under early Spanish rule. Durham and London: Duke University Press.
– Santos, Bienvenido N. 1986. The Volcano. Quezon City: New Day Publishers.
– Santos, Paz Verdades M., and Kristian Sendon Cordero. 2011. Sagurong: 100 na Kontemporanyong Rawitdawit sa Manlain‐lain na Tataramon Bikol. Manila: Pamantasang De La Salle.
– Santos, Paz Verdades M. 2010. Mga Agi‐agi nin Literatura sa mga Tataramon na Bikol. In Maharang, Mahamis na Literatura sa mga Tataramon na Bikol, edited by P. V. M. Santos. Manila: Vee Press, Vibal Foundation and De La Salle University.
– Taylor, Diana. 2003. The archive and the repertoire: Performing cultural memory in the Americas. Durham and London: Duke University Press.
– Taylor, Diana. 2001. Staging Social Memory. In Psychoanalysis and performance, edited by P. Campbell and A. Kear. London and New York: Routledge.

Si Jasmin Llana ay kasalukuyang guro sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University – Manila. Aktibo sa larangan ng teatro at iskolar ng Performance Studies, siya ay kabilang sa Executive Council ng Komite sa Sining Panteatro ng Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA). Kasama sina Frank Penones at Tootsie Jamoralin, sinimulan niya ang Pagsurat Bikolnon, ang kumperensya ng mga Bikolanong manunulat noong taong 2000, muling pinangunahan ang pagpapatuloy nito noong 2004, at naging katulong sa pag-oorganisa ng kumperensya noong 2012. Nalathala na sa ilang babasahin ang kanyang mga tula at ang kanyang mga akademikong papel naman sa ilang dyornal tulad ng Performance Research ng Routledge. Tumanggap ng pagkilala mula sa International Federation for Theatre Research noong 2008 (Helsinki Prize) at Performance Studies international noong 2010 (Dwight Conquergood Award).
Related post: UMPIL holds forum on Bikol lit

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s