Pagsasalin(g) sa Panitikang Bikol
Binasa bilang bahagi ng panel sa UMPILAN I: Panitikang Bikol na ginanap sa Natividad Galang Fajardo (NGF) Conference Room, Gusaling Horacio De La Costa ng Pamantasang Ateneo de Manila noong Enero 28, 2013. Ang UMPILAN ay serye ng mga panayam hinggil sa mga panitikan ng Filipinas na inorganisa ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).

Kristian Sendon Cordero sa unang UMPILAN (Larawang kuha ni Phillip Kimpo, Jr.)
Sa papel na ito gusto kong paglaanan ng atensyon ang diskurso ng kolonyalismo, Katolisismo at kumbersyon sa pamamagitan ng proseso ng pagsasalin ng Katoliko-Kastilang kabihasnan patungo sa pag-aakda ng rehiyon at kung paano naman isinasalin ang rehiyong ito sa kasalukuyang danas at produksyon ng panitikang kinikilalang Bikol. Sa kasalukuyan, napakaraming mga akdang isinasalin sa Bikol ang lumalabas lalo na sa Burak: An Dahon Na Panrawitdawit, kung saan makikita ang napakaraming salin mula sa mga Griyegong pilosopo, ilang bahagi ng Bibliya, akda buhat sa Tsina at India, mga soneto ni Shakespeare hanggang kay e.e. cummings, at napakarami pang klasikal at mga modernong akda mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Inilabas rin kamakailan ng Ateneo de Naga University Press ang salin ko ng ilang tula ni Rainier Maria Rilke at ni John Donne na binikol naman ni Victor Nierva. Patunay ang Burak sa pamumulaklak ng panitikang ito na nakikipagtagayan sa iba pang manunulat ng daigdig, sa magkakaibang mga panahon.
Bilang tugon sa mga tanong na inihain para sa UMPILAN na ito, gusto kong kilalanin ang naging ambag ng dakitaramon sa kasaysayan ng panitikang Bikol. Hindi ako mangingiming sabihin na ang kasaysayan ng panitikan sa Bikol ay kasaysayan ng pagsasalin, ng pagdakitaram. Hindi isang beses na narinig kong napakanipis pa ng panitikang Bikol lalo na kung ihahambing ito sa ibang panitikan ng ating bayan. Sa kabila ng sinasabing muling pamumulaklak nito mula noong 1999 hanggang sa kasalukuyang panahon, nananatiling manipis ang panitikang Bikol kung ihahambing ito sa iba pang etno-linggwistikong panitikan. Sa ganang akin, matutugunan ang ganitong kanipisan kung muli nating isasaalang ang naging galaw at pagkilos ng panitikan, kasaysayan at lipunang Bikolnon ayon sa poetika ng pagsasalin. Sa papel na ito, gusto kong maghain ng ilang pagmuni-muni sa gawaing ito ng pagsasalin at pagtataya na rin sa ilang inaakala kong maaaring gawin tungo sa higit na pagkilala sa panitikang Bikolnon hindi lamang bilang isang “panitikang rehiyonal” na bumubuo sa “pambansang panitikan” kundi panahon na para higit na kilatisin at suriin ang kumpas at galaw ng panitikang ito ayon sa globalisadong kalagayan at ugnayan ng pagdadakitaram/pagsasalin.
Dalawang Agos: Lisboa at Melendreras
Sa Katolikong mundo ng Kabikolan, ang proseso ng pagsasalin ay kasinghalaga ng naratibo ng pag-alis at pagbabalik-loob, ng pagtataksil at pagigiging muling matapat, ng kasalanan at ng kaligtasan, ng madilim na panahon at ng ginintuang panahon. Sa ganitong dichotomy umiikot para sa akin ang kasaysayan ng Bikol, kung saan nananatili pa ring “dakulang tawo” ang institusyon ng Katolikong Simbahan at nakapadron pa rin sa laberinto at bokabularyo ng Katolisismo ang saklaw at sakop ng dominanteng klase ng ganitong pag-iisip at pagpapalakad. Hindi kailangang tawaran at pagtawan ang naging gampanin ng Katolisismo sa proseso ng paglikha ng kamalayang Bikolnon. Para sa akin, mahalagang sipatin ito ng may linaw at hinahon sapagkat maaari itong ituring na isang espasyo ng diskurso. Sa tingin ko, ang Katolisismo ang pangunahing nagpanday sa ganitong uri ng pag-iisip at pag-angkin sa naturang identidad sapagkat namamayani ang isang uri ng Bikol na nasa bakuran pa rin ng Katolikong simbahan. Bagaman may iba pang Bikol na naririyan sa gilid, sa laylayan, na hindi pa masyadong pinagtutunan ng pagbasa. Kailangan naman ng sinumang mananaliksik at mag-aaral na kilalanin na hindi ganoon kadali ang proseso ng kumbersyon o ang pagsasalin ng identidad na Bikolnon at Kristiyano sa kasalukuyang danas ng mga Bikolnon. Kailangan tingnan din na ang Katolikong mundong ito ay mundo ng tagisan at kontradiksyon at makikita ito mula sa mga pang-araw-araw naming pamumuhay hanggang sa aming mga rehiyonal na selebrasyon kung saan sentral na imahen ang Birhen ng Penafrancia na pinipintakasi tuwing ikatatlong linggo ng Setyembre.
Sa Kabikolan, ang imahen ng birhen ay makapangyarihang simbolismo na maaaring paghalawan ng samu’t saring pagmuni-muni sa kung paaano binabasa ng mga Bikolnon ang kanilang mga buhay ayon na rin sa pagdanas ng sistemang Katolisismo. Ngunit hindi ito pamumuhay ayon sa dogmatikong katuruan ng eklesyastikal na hirarkiya, kundi walang sawang pakikibagay ito sa institusyon tulad ng simbahan at gobyerno, ang dalawa sa nanatiling mga pader ng poder sa Kabikolan.
Sa proseso ng kolonyalismo, naging mahalaga ang imprenta at kung paano ito kinasangkapan sa gawain ng ebanghelisasyon. Sa Kabikolan, bago ang Imprenta ng Nuestra Sra. De Penafrancia sa Naga na ipinatayo ni Mariano Perfecto noon lamang 1899, ang lahat ng nasabing publikasyong Bikol (ibig sabihin, mga debosyonal na materyal, mga artes/grammar, diksyunaryo at mga sermones ay inilalathala pa sa Maynila). Maaaring kilalanin ito bilang ang “unang daloy” ng kung paano isinalin sa katutubong idyoma ang katuruan ng simbahan o paano nagpapasakop ang isa’t isa. Compromise ika nga o kontrata ayon kay Vicente Rafael.
Sinasabing ang isa sa mga unang bersyon ng katekismo o Doktrina Kristiyana ay naisulat sa Bikol ni Fray Alonso Gimenez noong 1570. Taong 1647 nang inilabas naman ni Fray Andres de San Agustin ang Explicacion de la Doctrina Cristiana at ang Traduccion al Idoma Bicol de la Doctrina Cristiana del Cardenal Belarmino. Sa loob ng mahabang panahon ganitong mga babasahin lamang ang lalaganap sa Kabikolan na minsan ang tanyag na Cecilio Press ay naglathala pa ng ganitong bersyon noong 1954. Ang ganitong mga babasahin ang humulma sa isang wikang Bikol at Katoliko at mapapansin na ang mga salitang ginamit ng prayle at ipinagpatuloy naman ng sumunod na mga klero at manunulat ay nagmumula sa iba’t ibang lokasyon sa Bikol at maging sa bahaging Katagalogan at Kabisayaan. Bagay na kapansin-pansin kung sisipatin ang maraming salitang ginagamit sa nobena at relihiyosong babasahin, ngunit hindi mo kailanman maririnig sa mga taga-Naga o taga-Legazpi.
Sa ganitong proseso ng pagsasalin ng Katolisismo tungo sa isang Katolikong Bikol at ang pre-Hispanikong Bikol tungo sa wikang Espanyol, namumukod tangi ang mga obra ng Fransiskanong prayle na sina Fray Marcos de Lisboa at Fray Bernardo Melendreras . Si Marcos de Lisboa ang nagsulat ng Vocabulario de la Lengua Bicol na nanatiling pinakakomprehensibong repositoryo ng mga pre-kolonyal na bokabularyong Bikol. Tatlong edisyon ang nailabas simula noong 1754, pangalawa noong 1755 at ang depinitibong edisyon noong 1865 sa panahon ng Dominikanong obispong si Francisco Gainza. Ang diksyunaryong Lisboa ang pinakamatagumpay na instrumento ng paglikha/ pagpapangalan sa kung ano ang Bikol na lalong umigting sa panahon ni Gainza, sa huling dekada ng ikalabing-siyam na siglo, dala ng samu’t saring pagbabago sa Europa at sa Maynila.
May pagkaantala nga lamang na masasabi, ngunit ganoon pa rin naman, ang nangyari sa Bikol dhil kinasangkapan ang diksyunaryo para sa mga prayle at misyonerong na kailangang matuto ng katutubong wika ng kanilang pinagmimisyonan na matagumpay na isinakatuparan ni Gainza sa pamamagitan ng publikasyon at edukasyon sa seminaryo, kung saan manggagaling ang maraming manunulat na Bikolnon, mula kina Jose Maria Panganiban, Tomas Arejola at ang iba pang katutubong ilustrado na makakapagsulat ng ilang akda sa Bikol, dahilan sa ang seminaryo ang naging isa sa lunduyan ng mga taal na intelektwal.
Maliban sa diksyunaryo ni Lisboa, muling inilathala rin sa panahon ni Gainza ang pinakasikat na bersyon ng katekismo sa Bikol ni Fray Domingo Martinez, nobena at kasaysayan ng Mahal na Birhen ng Penafrancia at ang mga misteryo at himala ng Birhen ng Santo Rosario sa Maynila. Ibinahagi rin ni Gainza ang kanyang proyekto ng pangangalap, paglikom at paglathala ng mga sermones na nasa wikang Bikol upang matugunan ang pangangailangan ng mga paring maging dalubhasa sa wika ng mga katutubo. Inilathala noong 1866 ang apat na tomo na Coleccion de Sermones en Bicol. Sa panahon din ni Gainza, nabigyan ng salin ang Pasyon Bicol mula sa popular na bersyon nito sa Tagalog. Tulad ni Gaspar Aquino de Belen, isang laiko din ang nagsalin ng pasyong ito, ang capitan municipal ng Polangui, si Tranquilino Hernandez na nag-aral din sa seminaryo ng Naga. Dahil hindi bihasa sa wikang Tagalog, sinabing hindi lubos na nakakanta ng ilang mga Bikolano ang orihinal na Tagalog kaya pinipilit na lamang basahin ito nang ilang marunong magbasa. Kaya masasabing isang malaking kaganapan ang pagkakasalin nito sa Bikol noong 1866 sa panahon ni Gainza.
Kung naging kanonisado ang diksyunaryo ni Lisboa, may isang Fransiskanong prayle naman, si Fray Bernardino Melendreras ang nagsulat ng mga tula sa Kastila tungkol sa Kabikolan, kabilang na ang kontrobersyal na Kristiyano-epikong Ibalon (Mojares). Ilang mga pag-aaral na ang ginawa sa epiko ng Ibalon, mula sa katipak na tula ng Ibalon na sinulat ni Melendredras na sinipi ni Fray Jose Castano para sa kanyang Breve Noticia na bahagi naman ng mas malawak na proyekto ni Wenceslao Retana ang Archivo Oriental. Sa kasalukyan, may pag-aaral ni Zeus Salazar tungkol sa isang takip ng libingan banga mula diumano sa Libmanan, na ayon kay Salazar ay ang maaaring sityo ng lupain ni Handyong. Hindi ang Albay, kundi nasa Libmanan ang Ibalon. Isang kontrobersyal na isyung hanggang ngayon ay pinag-uusapan pa rin sa ngalan lalo na ng turismo, pulitika at kalakaran. Tunay na malayo na ang naabot ng paglilipat-lipat ng teksto ng Ibalon mula sa mga pag-aaral nina Realubit, Calleja-Reyes at Salazar na patuloy pa ring itinataguyod ang isang identidad at kamalayang nakaugat sa pagiging Bikolnon. Sa akda ng tatlong eskolar malinaw ang pangangailangan magtatag ng isang kabihasnang may malalim na kamalayan sa pre-hispanikong kalagayan at may ganitong birtud ang kasaysayan ng mga Bikolnon na sa loob ng matagal na panahon ay pilit pa ring binubura ng mas makapangyarihang uri ng historgrapiyang laging nakakakiling sa sentro o sa pambansa.
Sa ganang akin, nais kong tingnan ang kalakaran ng pagsasalin sa ugnayang Lisboa-Gainza at Melendredras-Castano-Retana, bilang dalawang larawan ng nangyaring pagsasalin sa Bikol. Layunin ko ring ipakita na hindi na sapat na laging nauuwi sa isang simplistikong pagbasa na ang rehiyonal na panitikan ay laging pumapaloob sa diskurso ng pambansang panitikan. Komplikadong ang simula ng Panitikang Bikol, dahil na rin sa poetika ng pagsasaling itong nagsimulang maganap noong kolonyal na panahon. Mapapansin na ang unang agos ay ang pagsasalin ng Kristiyanismong kahulugan sa katutubong idyoma, ang ikalawang agos naman ay ang pagsasalin ng katutubong idyoma/kabihasnan tungo sa dila ng mananakop. Sa kaso ng popular na Pasyon, ang Tagalog ang pinagmumulang tekstong isinalin sa Bikol na itinataguyod naman ng simbahan.
Dito nagkukrus ang ang landas ng dalawang ilog. Sa pamamagitan ng ganitong pagtingin, gusto ko ring hamunin ang sarili ko at ang kapwa ko mga manunulat sa Bikol na tingnan ang poetikang ito ng pagsasalin upang maunawaan natin ang konteksto at mga pagbabago sa wikang sinasabi nating Bikol.
Kung may pragmatikong pangangailangang tinutugunan ang diksyunaryo ni Lisboa sa panahon ni Gainza, ang pagsusulat naman ni Melendreras ng mga tula tungkol sa Bikol ay isa uri rin ng pagsasalin mula sa oral na tradisyon patungo sa pagsusulat. Kay Melendreras, lumilitaw ang estetikong pangangailangan na maisalin sa kanyang wika ang kulturang maaaring tawagin o tingnan nating katutubong Bikol. Anuman ang resepyon natin sa salitang katutubo, kailangan nating tingnan na hindi rin ganoon kadali ang pagtumbas sa katutubo bilang puro, dahil ang mismong teksto ng Ibalon ay hindi na rin masasabing “purong” Bikol dahil nasa wikang Kastila ito nakatitik at may salik na rin ng estilo ng pagsasalaysay katulad ng kinagisnang kultura ni Melendreras. Sa pangangailangan magtaguyod ng identidad na Bikolnon, kinakasangkapan ang “epiko ng Ibalon” upang ilatag ang pre-hispanikong kalagayan ng Kabikolan, ang naratibo ng nakaraan bago ang mga mananakop. Sa ngayon, nagiging malaking “kultural na gawain” ito sa Albay bilang tugon na rin na sa kawalang nangyayari sa Camarines Sur, maliban sa away ng Lola-Anak-Apo, ang telenobela ng probinsya. Inihahanda ko ang isang papel upang tukuyin ang nagiging pagkilos ng sinasabing gawaing kultural at turismo sa Albay at Camarines, samantalang nanatiling bukas na mga espasyo ng pag-aaral ang mga kaganapan sa Norte, Sorsogon, Catanduanes at Masbate.
Ang Traslacion Bilang Traduccion
Mula sa isang payak at nasa gilid na debosyon ng mga cimarrones, ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Penafrancia ang isa sa pinakamalaking aparato ng pagkilanlan sa mga Bikolnon. At matagumpay itong naisakatuparan lalo na noong panahon ni Gainza na muling kinatha ang kasaysayan ng debosyon sa Mahal na Ina. Sa panahon ni Gainza hindi na lamang limitado sa mga cimarrones ang debosyon, dahil sa kanyang publikasyon, naging mas matagumpay ang kanyang kampanya na lalong palawakin ang nakakaalam ng debosyon sa Birhen ng Penafrancia. Ayon kay Gerona: “Since its inception, the devotion had always been associated with the marginalized, the downtrodden, the social outcasts and the indio population. With the rise of the middle class, the Penafrancia, which used to be an object of popular piety increasingly fell under the auspices of the city and provincial aristocracy.”
Ang ganitong pagsasalin ng bagong kahulugan sa imahen ng birhen ang isa sa tinitingnang dahilan ng ilang antropologo kung bakit may laging nagaganap na tensyon sa tuwing ililipat ang imahen ng Ina mula sa kanyang “tahanan” sa Francia patungo sa katedral. Kung gayon ang traslacion ay nagiging akto ng pagsasalin ng kapangyarihan. Mula sa dating pagkilala nito bilang patrona ng mga cimmarones, nagiging reyna na ito ng katedral. Ang paglilipat na ito ng imahen ng Ina patungo sa katedral na tumatayong simbahan ng obispo ng Nueva Caceres ay makahulugang pagbabago sa simbolikong kahulugan ng imahen ng birhen.
Sa tala ni Gainza, ipinagpatuloy niya lamang ang tradisyonal na paglilipat sa birhen dahil na rin sa hindi na kaya ng simbahan sa Francia ang parami nang paraming mga deboto ng Ina. Ngunit kung titingnan ang pinakdahilan kung bakit nagkaroong ng unang traslacion muli nating makikita ang kamay ng insititusyonal na simbahan sa pagkontrol sa selebrasyong kaugnay ng pagpipintakasi sa Penafrancia: “Gainza did not only endow the Penafrancia with a respectable chapel but also strengthend the devotion with a more orderly celebration. The novenary to the Virgin of Penafrancia was probably started since the first years of introduction of this pious devotion. But “to remove bad practices”, according to Bishop Gainza, Bishop Manuel Grijalvo, an Augustinian who assumed the office of the 24th bishop of the diocese of Caceres from 1848 until 1861, decreed on 16th August 1853 that the said novenary be held from Saturday to Thursday afternoon at the cathedral and the rest at the Penafrancia shrine. It was this change of venue of the novenary, which obviously began the colorful tradition of the traslacion and the fluvial procession.”
Sa selebrasyon ng Penafrancia, nagiging sentral na imahen din ang kalsada mula sa kapilya sa Francia patungo sa katedral sa Nueva Caceres at kung paano muling ibinabalik ang imahen sa pamamagitang ng isang prusisyon sa ilog ng Naga. Nais kong gamitin ang imahen ng Penafrancia at ang mga espasyong dinadaanan ng birhen, bilang sityo rin ng negosasyon, ng sigalot na pangangailangang masalat ang katawan ng Ina na tumatayong imahen ng identidad ng mga Katolikong Bikolnon. Dagdag pa na ang buong kaganapan ng debosyon ay nagaganap sa panahong nasasaling ang imahen ng birhen, dahil sa ganitong paraan lamang maaaring maisalin ang birtud, ang grasya at makumpirma ang panata ng deboto. Kung ang paglilipat sa katedral ay kilala sa Kastilang katawagan dito, ang pagbabalik naman ng imahen sa kanyang tahanan ay mas kilala sa lokal na katawagan nito—sakay. Makahulugan sa akin ang katawagang ito lalo na kung titingnan ang traslacion bilang paglilipat mula sa kamay ng mga cimaronnes patungo sa kamay ng ng mga nasa katedral. Pagpapalit ng kapangyarihan. Kung gayon ang pagbabalik sa katutubong wika ay ang pagbabalik din ng imahen ng Ina sa kanyang tahanan at nagiging simboliko ang ilog ng Naga para sa ganitong prusisyon dahil na rin sityo ang ilog ng katutubong paniniwala. Kung ang rota ng traslacion ay nasa kalsadang tinukoy ng mga Kastila, ang pagbabalik ng imahen ay sa pamamagitan ng sinaunang ilog.
Pinapaniwalaan na bago pa man ang traslacion, malalim na ang koneksyon ng Ina sa ilog kung kaya magpasahanggang ngayon, inaabangan pa rin ng mga Bikolnon ang prusisyon sa ilog dahil ito rin ang panahon na ang maruming tubig ay nagiging benditado. Malawak na ang ganitong pag-aaral tungkol sa singkretikong katangian ng ating mga Kristiyanong ritwal, sa akin, gustong kong tingnan ang ganitong poetika ng paglilipat at pagbabalik, ng traslacion at sakay bilang representasyon sa kong ano ang palagay ko sa partikular na uri ng wikang ginagamit sa Kabikolan ngayon, isang uri ng wika na patuloy na binubuo at sinasalin at bagaman may bahid ng kolonyalismo, kinakailangang tingnan ng mga Bikolnon ang ganitong uri ng kasaysayan bilang bahagi ng inaakdang panitikang higit na pumapailalim sa diskurso ng lokal na histograpiya.
Kailangang tandaan rin na hindi na rin lang naman limitado ang imahen at sakay sa ilog ng Naga. Sa kasalukuyan, nasaksihan at nabalitaan ko na ang ilang sakay ng Penafrancia mula sa dagat ng Garchitorena hanggang Hawaii, sa isang irrigation canal sa Iriga hanggang sa ilog Danube sa Europa pati na sa San Francisco Bay. Sa akin, ang ganitong pagkilala at pagturing sa Ina ay makahulugan upang tingnan natin kung paano itinatanghal ang pagiging Bikolnon gamit ang debosyon sa identidad at idyoma na nakapaloob sa imahen rin ng Ina.
Sa pagbubukas ng imprenta sa Naga noong 1890, hindi na nakakapagtaka na nakapangalan sa Mahal na Birhen ng Penafrancia ang imprentang pag-aari ni Mariano Perfecto. Ang huling Obispo ng Caceres ang umimbita kay Perfecto na noon ay may malago ng negosyo sa Iloilo na muling bumalik sa Nueva Caceres at magtayo ng imprenta sa kanyang diyosesis.
Ilan pang Mahahalagang Tala
Magtutuloy-tuloy ang mga pagbabago sa kamalayan sa Kabikolan dala ng ekonomikal at politikal na mga pangyayari ng huling bahagi ng ika-19 siglo hanggang sa pagpasok ng mga bagong mananakop. Sa pagpasok ng mga Amerikano, higit na mapapalakas ang rehiyonalismo-nasyonalismong kamalayan sa Kabikolan dala na rin ng mga publikasyong isinalin sa Bikol. Ang mga pagsasaling ito ng mga awit at corridos sa Bikol ay tinitingnan kong pagpapalakas sa kakayahan ng wikang Bikolnon. Isang uri ng Bikol na malapit sa konstruksyon ng Katolikong simbahan dahil marami sa mga manunulat at tagasaling ito ay nag-aral sa seminaryo ng Naga. Patuloy pa ring naglabasan ang mga nobena at debosyonal na materyal kasabay ng paglalathala ng Bibliya sa Bikol noong 1914. Naglathala rin ang imprenta sa Naga ng mga publikasyon katulad ng Almanaque at Kalendariong Bikol na kinakapalooban ng samu’t saring materyal at impormasyon mula sa horoscopes at listahan ng mga piyesta, folk medicine atbp. Sa panahon ng mag Amerikano lalong lumakas ang rehiyonalismong kamalayan lalo na ng kinilala ang Birhen ng Penafrancia bilang “regional patroness” noong 1924. Patunay na nananatiling malakas ang impluwensya ng Katolikong simbahan sa Bikol kahit na nagbago na ng mga gwardya. Ang mga susunod na dekada 1930-1950 ay tataguriang “ginintuang panahon ng panitikang Bikol”, at hindi maisasantabi ang halaga ng gawaing pagsasalin maging sa panahon na ito. Maantala lamang ng giyera ang produksyon ng mga dramatikong pagtatanghal ngunit patuloy na maglalabas ng mga babasahing Bikol hanggang dekada 60.
Nagsimula ring magkaroon ng iba pang intelektwal na personahe mula kay Mariano Perfecto, susunod sina Goyena del Prado ng Albay, (na isasalin sa Ingles ni Maria Realubit mula sa Kastila) at Luis Dato na bagaman kinikilala bilang isa sa mga unang manunulat sa Ingles sa Filipinas ay patuloy din namang nakibaghagi sa paglinang ng wikang Bikol. Sa panahong ito rin naging bukambibig ang buhay at gawa ni Jose Rizal na isinalin na rin sa Bikol. May 23 salin ng Mi Ultimo Adios.
Hindi rin madaling usapin ang paglikha ng ortograpiyang Bikol at kung paano kakaharapin ang multilingwalismo ng rehiyon. Ganunpaman, nanatiling matatag ang isang uri ng Bikol na malapit sa simbahang Katoliko dala na marami sa mga publikasyong nagiging mayor na mga teksto ay relihiyoso pa rin ang laman. Itinatag naman ang Academia Bicolana isang samahang naglathala ng Sanghiran Bikol noong 1927, upang maging publikasyon ng mga akdang Bikol. Isang agenda rin ng samahan ay upang pag-usapan ang mga isyu sa ortograpiya na usapin pa rin hanggang sa ngayon ng mga manunulat at iskolar sa Bikol. Nanatili ang impluwensya ng mga Perfecto na nagpopondo sa publikasyon at ng Katolikong simbahan sa Academia dahil sa may mga kasapi itong pari. Naging kontrobersyal naman ang paglabas ng isang gabay sa pagbabay ng Sanghiran dahil na rin sa may ilang pari at personaheng hindi matanggap ang ginawang mga pagbabago sa pagbabaybay ng mga kasamahan nin Padre Dimarumba. Naging hayag na kritiko ng Academia ang ilang pari naman sa Albay.
Sa panahon ng mga Amerikano rin nagsipaglabasan pa ang ibang babasahing naglalathala rin ng mga akdang Bikol, o madalas ay nagpapalit lang ng pangalan ang publikasyon o kaya nama’y management. Ang ganoong pagyabong ng publikasyon ay kasabay naman ng paglago ng ekonomiya dala ng global na demand para sa abaka, na hindi rin naman mapanghahawakan (sustainability) ng mga Bikolnon, dahil na rin sa napakaraming salik na tinalakay na rin sa seminal na pag-aaral ng Amerikanong historyador na si Norman Owen sa librong Prosperity Without Progress. Sa palagay ni Owen, hindi enterprising ang mga Bikolnon at maluho dahil na rin sa kalagayan at kamalayang pinapapakilos pa rin ng Katolikong sensibilidad at ang patuloy na pag-iral ng pyudal na sistema. Kaya rin marahil, mamatay-mabubuhay ang mga pahayagan at lathalaing maaari sanang makapaglathala ng panitikan ng rehiyon. Sa isang rehiyong tataas at bubulusok, walang panahon para tugunan ang sining ng pagsasalin at panitikan at dala na rin ito marahil ng malawak pagpapakilala ng global na kultura ng mga Amerikano pagpasok ng dekada 50. Sa kabila ng mga ganoong krisis katulad ng giyera at ang patuloy na paglaganap ng kahirapan dala ng kawalang pagbabago sa pyudal na mga kaayusan sa Kabikolan, may mga tao at pagkilos na nanatiling naglaan ng pondo at panahon para sa mga pag-aaral at publikasyong tungkol sa kasaysayan, wika/panitikan at kulturang Bikol.
Sa pagpasok ng dekada 60 hanggang 80, nagpatuloy ang mga nasabing publikasyon sa Bikol sa pamamagitan ng Cecilio Press na itinatag ni Gaudencio Cecilio. Dating empleyado si Cecilio sa Liberia Mariana ng mga Perfecto. Sa panahon ng Cecilio Press nagpatuloy na maglabas ng mga nobena at ilan mga mga salin partikular ang mga gawa nina Antonio Salazar at Rosalio Imperial. Si Imperial na naging alkalde na ng Naga ay nakapagsalin diumano ng mga akdang katulad ng William Tell, Sohrab and Rustum, Evangeline, Iliad, Robinson Crusoe, Moby Dick, Hamlet, Merchant of Venice, Les Miserables, Three Musketeers, Count of Monte Cristo, Robin Hood, Othello, The Prince and the Pauper. Kilala si Imperial sa pagsasaling-anyo ng mga akdang ito patungo sa corrido. Ilan sa mga ginawa niyang corrido ay ang Romeo and Juliet, ang dalawang nobela ni Rizal, ang Ibalon at ayon sa Bikols of The Philippines ni Realubit, may isinulat din si Imperial na The Study of the New Constitution Made Easy in Corrido Form.
Ang pagsasa-korido ng mga babasahing ito ay patunay na tinatangkilik pa rin ng marami sa mga Bikolnon ang ganitong estilo at anyo ng panulat maging sa huling bahagi ng dekada 70. Ang Cecilio Press na pag-aari ni Gaudencio Cecilio na isa rin sa mga tauhan ng mga Perfecto ang namayagpag sa mga panahong ito hanggang sa nagsulputan na rin ang iba pang babasahin sa Bikol. Matatandaan din na sa panahong ito ganap na naisakatuparan na ang mga liturgical reforms dulot ng Vatican II at muli kakasangkapanin ng simbahan ang “vernacular” ang lokal na idyoma sa pagsasalin ng Bikol na patuloy na kinakatoliko. Di nga lang sarado.
Sanggunian:
Gerona, Danilo. The Hermeneutics of Power: Colonial Discourses in the Christian Conversion of Kabicolan (1600-1850). Dissertation, University of the Philippines- Diliman, 2005.
___________. From Epic to History: Introduction to Bicol History. Naga City: AMS Press, 1990.
___________. Our Lady of Cimarrones: The Peñafrancia Devotion in Spanish Kabikolan, (1710-1898). Canaman: Bikol Historical Research Center, 2010.
Lobel, Jason at Tria, Wilmer Joseph. An Satuyang Mga Tataramon. Naga City: Lobel and Tria Publishing, Inc., 2000.
Lumbera, Bienvenido. Writing the Nation/Pag-aakda ng Bansa. Quezon City: University of the Philippines Press, 2000.
Realubit, Maria Lilia. Bikols of the Philippines: History, Literature and General List of Literary Works. Naga City: AMS Press, 1983.
_________________. “Contemporary Bikol Literature” in Philippine Studies, Vol. 38, Fourth Quarter, Joseph Galdon SJ ed. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1990. 501-527.
Reyes, Jose Calleja. Bikol Maharlika. Manila: JMS Press, 1992.
Salazar, Zeus. Liktao At Epiko: Ang Takip Ng Tapayang Libingan Sa Libmanan, Camarines Sur. Quezon City: Palimbagan ng Lahi, 2004.
Santos, Paz Verdades. Hagkus: Twentieth-Century Bikol Women Writers. Manila: De La Salle Univeristy Press, 2003.
Si Kristian Sendon Cordero ay kilalang makata, kuwentista at eskolar mula sa Kabikolan at kasalukuyang nagtuturo sa Pamantasang Ateneo de Naga. May-akda ng tatlong kalipunan ng mga tula sa Rinconada, Bikol at Filipino at isang salin ng mga piling tula ni Ranier Maria Rilke sa Bikol “Minatubod Ako Sa Diklom” (ADNU Press, 2011). Nagawaran na ang kanyang mga akda ng pagkilala mula sa Premio Arejola, Palanca, Gawad Colantes, 6th Madrigal-Gonzales Best First Book Award, 2007 NCCA Writers Prize at 2009 Maningning Miclat Poetry Prize. Nakatakdang maglabas ng dalawang koleksyon ng tula sa Bikol at Filipino “Canticos: Apat na Boses” (University of Santo Tomas Publishing House) at “Labi” (ADMU Press).
Related post: UMPIL holds forum on Bikol lit