Review

Review: Sa muling pagbalik Sa Wakas

ni Christa I. De La Cruz

*WARNING: MAY CONTAIN SPOILERS.

Tumingin ka sa sulok ng iyong kuwarto o sa ilalim ng iyong kama. Meron bang kahon ng mga liham na hindi na naipadala, mga retrato ng dalawang nakangiting mukha, at singsing na ibinalik sa iyo noong gabing umalis siya? Kung wala naman, maaaring narinig mo na ang litanyang ito mula sa kaibigang lunod sa kalungkutan, sa pelikulang romantic-comedy, o sa isang kanta–“may jacket mong nabubulok sa sulok na inaalikabok na sa lungkot, may panyong ilang ulit nang niluhaan, isang patak sa bawat beses na tayo’y nasaktan” (Kuwarto).

Fred Lo bilang Topper at Justine Peña bilang Gabbie (Larawang kuha ni Mariane Abuan.)

Fred Lo bilang Topper at Justine Peña bilang Gabbie (Larawang kuha ni Mariane Abuan.)

Maaari ring narinig mo na ito sa makailang ulit na panonood ng Sa Wakas, dulang isinulat nila Andrei Nikolai Pamintuan at Mariane A.R.T. Abuan, noong nagsimula itong ipalabas sa PETA Theater Center noong Abril 13, 2013. Sa ganitong pamilyaridad nakaangkla ang dula, sa emosyong may taglay na katapatan, sa katotohanang maaaring maging daan para muling pag-isipan ang mga pagkakataong nawala dahil “di hinawakan” at dumulas dahil “di iningatan” (Hintay).

Isang dulang nagtatampok ng musika mula sa mga pinasikat na kanta ng bandang Sugarfree noong nakaraang dekada, nagsimula ang Sa Wakas sa eksena ng pagwawakas ng mga relasyon, mga pag-iibigang tinalikuran. Ano ang saysay ng isang dulang nagsimula sa wakas? Dahil, katulad ng maraming mapapait na kuwento, hindi dito nagsimula ang lahat. Minsan, sa wakas lang muling makikita ang lahat ng pagsisimula.

Nasa gitna ng kuwento si Topper, isang retratista. Katulad ng pananatili niya sa gitna ng pisikal na espasyo ng entablado, nasa gitna rin siya ng maraming bagay–ang makagapos-sining na trabaho sa advertising at ang mapagpalaya ngunit walang katiyakang freelancing; ang pagtanggap sa mga responsibilidad ng pagtanda at ang kalayaan ng pagkabata; at ang nanlalamig nilang pagsasama ni Lexi, isang doktor na nakatuon sa pag-angat sa karera, at ang mainit nilang ugnayan ni Gabbie, isang manunulat sa magasin na malay sa pagkakamaling ginagawa. Hindi rin maitatanggi ang pagpapakita ng mga problema nila Topper at Gabbie bilang mga alagad ng sining–ang matagal na pagdating ng pera, ang puso sa sining na minsan ay nawawala, at ang mga kompromiso sa paglikha.

Vic Robinson bilang Topper at Kyla Rivera bilang Gabbie (Larawang kuha ni Mariane Abuan.)

Vic Robinson bilang Topper at Kyla Rivera bilang Gabbie (Larawang kuha ni Mariane Abuan.)

Ito ang mga tunggaliang kinahaharap ng mga tinatawag na “20-something,” lalo na ang mga nagsisimulang artist, sa panahong ito. Ang pananatili sa gitna, ang pananatili sa pagkalito–isang tunggaliang pamilyar sa henerasyong minsan ding naging musika ng buhay ang kantang “Hari ng Sablay.” Isa ito sa mga kalakasan ng dula dahil, higit sa pagiging tauhan, sila ay tao. Kung hindi man si Topper, maaaring minsan ka na ring naging Lexi na sumubok isalba ang pag-ibig na nagpupumiglas o kaya’y naging Gabbie na huminging panindigan ang piniling pag-ibig. Malay ang kuwento sa maaaring gasgas nang daloy ng relasyong third-party. Sa katunayan, sinabi pa ni Gabbie sa isang eksena “Ano tayo nakikiuso? Kabit-movie? Teleserye?” at nakatulong ang kamalayang ito para maging katangi-tangi ang dula. Sa halip na abangan kung sino ang pipiliin ng bidang lalaki, mas ipinaabang ng dula kung ano ang gagawin ni Topper nang kailangan na niyang harapin ang mga pananagutan. Mas nabigyang-pansin ang pakikipagkilala ng mga manonood sa bawat tauhan–nakasama natin sa panonood ng paborito niyang pelikula si Gabbie, nalaman natin kung saan tumatambay si Lexi tuwing gabi, at nasaksihan natin ang malapit na relasyon ni Topper sa kanyang kuya. Nabantayan sa kuwento ang pagbabago ng bawat isa na angkop sa pagkakakilala sa kanila kaya naman naging buo ang bawat karakter.

Vic Robinson bilang Topper at Caisa Borromeo bilang Lexi (Larawang kuha ni Mariane Abuan.)

Vic Robinson bilang Topper at Caisa Borromeo bilang Lexi (Larawang kuha ni Mariane Abuan.)

Ang mga tunggalian at pagbabago ng bawat tauhan ay dahan-dahang ipinahayag sa dulang gumamit ng di-linear na pagkukuwento. Napaglaruan sa pinaghabihabing pagbabalik-tanaw ang gitnang pinaikutan ng pagsisimula ng wakas at pagwawakas ng simula. Sa pagpapalitan ng mga eksena, tila naihanay para sa mas madaling pagkukumpara ang naging relasyon ni Topper kay Lexi at kay Gabbie. Halimbawa, may eksenang ipinakita ang kawalang interes ni Topper na sumama sa sosyalang reunion ni Lexi sa kanyang mga kaibigan at, sa kabilang banda, isang eksenang simpleng kuwentuhan nina Topper at Gabbie hanggang halos tapusin na nila ang sinasabi ng bawat isa dahil na rin sa pagtutugma ng kanilang interes. Nakahanay din sa pagkakasunod-sunod ng di sunod-sunod na pangyayari ang noon at ngayon ng bawat relasyon. Umikot ang unang yugto sa mga eksena ng pag-aaway samantalang ang ikalawang yugto naman ay nakatuon sa matatamis na pagtatagpo.

Kaakibat ng ganitong pagtitimbang sa oras ang paghahambing sa espasyo. Ang pangunahing hitsura ng entablado ay isang apartment na nilipatan nila Lexi at Topper. May bahaging minsan ay nagiging bar, studio, o exhibit space. Madalas na nasa magkabilang panig ang dalawang babae na marami ding pagkakaiba sa kanilang pagkatao. Si Lexi, ay madalas nasa kaliwa kung nasaan din ang tila mas masikip na bahagi ng entablado samantalang si Gabbie ay mas madalas nasa kanan na isang sofa/kama lamang. Ginamit din ang pagpatay-sindi ng ilaw sa iba’t ibang bahagi ng entablado lalo na sa mga eksenang kinailangang nasa iisang espasyo ngunit wala sa iisang oras ang mga tauhan. Sa likod ng mga ito ay ang mas nakaangat na bahagi na ginamit bilang rooftop ng isang gusali sa Makati. Sa rooftop na ito ipinaramdam ang ganda ng mundong nasa ibaba dahil, sabi nga sa eksena, maraming kuwento sa likod ng mga gusaling balot ng salamin, mga simula-gitna-wakas sa likod ng mga bintana ng kahon-kahong apartment.

Ensemble (Larawang kuha ni Mariane Abuan.)

Ensemble (Larawang kuha ni Mariane Abuan.)

Nasa entablado rin ang bandang nagbigay ng bagong ritmo sa mga kanta ng Sugarfree. Ang mga halos klasiko nang kanta ay nakatulong para mapaigting ang emosyong nangyayari sa entablado. Naging akma ang bawat kanta sa bawat eksena na tila bang ginawa ang mga kanta para sa dula at hindi vice-versa–maliban na lang sa bagong kantang isinulat ni Ebe Dancel na “Bawat Daan” na espesyal na ginawa para sa Sa Wakas.

Sa pagtatagni-tagni ng oras, espasyo, ilaw, karakterisyasyon, at mga kanta sa kuwento, naisalamin ng dula ang bahagi ng buhay na puno ng pagkalito at ang kahalagahan ng pag-ako sa mga kinalabasan at kalalabasan ng mga pagpapasiya. At, higit sa lahat, ang Sa Wakas ay para sa mga nagmahal, nasaktan, at, sana, sa mga patuloy pa ring magmamahal.

Mapapanood pa ang huling apat na pagpapalabas ng Sa Wakas sa PETA Theater Center, No.5 Eymard Drive, New Manila, Quezon City ngayon (Abril 27, 2013) at bukas (Abril 28, 2013). Mula sa Culture Shock Productions sa pakikipagtulungan ng FringeMNL, ang Sa Wakas ay sa direksiyon ni Andrei Nikolai Pamintuan, kasamang isinulat ni Mariane A.R.T. Abuan, at nilapatan ng musika ni Ejay Yatco. Ang mga artista ng Sa Wakas ay sina Fred Lo at Victor Robinson III, bilang Topper; Caisa Borromeo at Laura Cabochan, bilang Lexi; Kyla Rivera at Justine Peña, bilang Gabbie. Isang ensemble naman ang kinabilangan nila Abi Sulit, Lucia Kristina Francesca M. David, Hans Dimayuga, at Cassie Manalastas. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang http://sawakas.com/.

Si Christa I. De La Cruz ay ang Ugnayang Pangmadla ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at isa sa mga Pangalawang Patnugot ng Kalatas. Siya ay kasalukuyang nasa programang Sertipiko sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s