Books / Review

Review: Anong Gupit Natin Ngayon?

ni Michael Jude Tumamac

review_anong gupit

Na hindi pa siya tinatanong ng kaniyang barberong ama na “Anong gupit natin ngayon?” ang bumagabag kay Eboy. Nagtataka rin siya kung bakit simula pagkabata ay hindi na nagbago ang ayos ng kaniyang buhok. Lagi siyang nagpapantasya ng mga gusto niyang ayos: may napakahabang patilya, makapal na kulot, kulay berde at patusok, at gulo-gulo na parang pugad ng ibon. Sa dulo ng aklat, nakita niya ang sariling nakaharap sa isang salamin sa barberya. Tinanong siya ng kaniyang tatay, “Anong gupit natin ngayon?… Gupit binata ba, iho?” Umoo siya at pumikit. Pagmulat ng kaniyang mga mata, nakita niya sa salamin ang isang napakalaking ngiti.

Payak lamang ang kuwento ni Russell Molina na tinumbasan ng mapaglarong ilustrasyon ni Hubert Fucio ngunit matapat sa pagkabata ng tauhan. At marahil isa ito sa mga dahilan ng paggawad ng Philipine Board on Books for Young People (PBBY) sa kuwento ng Salanga Writer’s Prize at sa ilustrasyon ng Alcala Illustrator’s Prize noong 2012. (Inilimbag ito ng Adarna House sa taon ding iyon.) Idinakila nga ng aklat ang bata sa pamamagitan ng pagkilala sa kaniyang pangangailangan, kuryosidad at paglaki. Ipinakita rin ng kuwento ang napakayamang imahinasyon ng bata nang mag-isip siya ng iba’t ibang ayos ng buhok.

review_anong gupit_pbby

Nakatutuwa pang tinutumbasan (at hinihigitan pa nga sa ilang pahina) ng ilustrasyon ang imahinasyon ng bata ayon sa teksto. May mga idinagdag si Fucio na napakaraming detalye na nagpapayaman sa kuwento. Sa katunayan, nang ipinabasa ko ito sa ilang bata, pinagpiyestahan nila ang mga pahina sa pamamagitan ng larong hanapan ng bagay (lalo na sa unang pahina). Ngunit hindi maipagkakamali na magulo ang ilustrasyon sa dami ng detalye. Sa katunayan, napagsanib ng ilustrasyon ang yaman ng mga detalye at ang pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa bawat pahina.

Russel Molina, manunulat

Russel Molina, manunulat

Ang pagtatampok naman sa gawain ng amang barbero ang isa pang yaman ng kuwento. Idinadakila nito ang panggugupit bilang isang dakilang propesyon – ayon pa nga sa kuwento, madalas na mahaba ang pila ng mga parokyanong nagpapagupit sa amang barbero. Upang maidakila ang pagiging barbero, napagtagumpayan ni Molina ang paglalaro sa ‘wika’ ng mga barbero. Pinakapaborito ko ang umuulit na mga tumutugmang linyang: “Hugis-palong, korteng sombrero,/ mukhang payong, gupit sundalo.” Sa nibel naman ng talinghaga, itinuring din ang pangugupit bilang isang proseso ng pagbabago (ng bagong pagkatao o búhay), lalo na sa mga linyang nagsasabi kung paano ngumingiti ang mga kostumer pagkatapos magupitan. May magaang pakiramdam na naidudulot ang pagpapagupit at, sa kaso ng batang tauhan, senyales ito ng pag-usad niya sa panibagong yugto ng kaniyang paglaki. Ngunit hindi rin ipagkakamaling seryoso at walang búhay ang pagkakasalaysay ni Molina dahil hitik na hitik ang teksto ng pagpapatawa at pang-aaliw!

Hubert Fucio, ilustrador

Hubert Fucio, ilustrador

Naidakila pa ang daigdig ng panggugupit sa ilustrasyon ni Fucio. Nahuli ng kaniyang napiling estilo ang bawat hibla ng buhok sa mga pahina ng aklat. Kitang-kita sa ilustrasyon ang bawat hiwa, daloy, likot, kulot, tuwid at iba pang detalye ng mga buhok – sa ibabaw man ng ulo ng tao, sa kilay, bilang balahibo, sa balat ng tupa at maging sa mga ibon. Matagumpay na naitawid ng estilo ng ilustrasyon ang kuwento tungo sa isang biswal na karanasan para sa mga mambabasa.

Isang napakaganda at huwarang aklat pambata ang “Anong Gupit Natin Ngayon?” dahil itinatanghal nito ang daigdig ng mga bata at ang panggugupit bilang dakilang propesyon (at sa pag-iwas sa nakamihasnang burges na representasyon ng mga bata sa maraming aklat pambata) sa teksto man o sa ilustrasyon.

Si Michael Jude Tumamac ay miyembro ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Bisitahin ang kanyang blog xizuqsnook.blog.com o Facebook page Xi Zuq’s Nook para sa iba pang rebyu ng aklat-pambata.

One thought on “Review: Anong Gupit Natin Ngayon?

  1. Pingback: ANONG GUPIT NATIN NGAYON? | Xi Zuq's Nook

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s