Review

Review: Sa Pagitan ng Monasteryo at ng Mundo

ni Kriscell Largo Labor

Aparisyon (Vincent Sandoval. 2012)

Aparisyon (Vincent Sandoval. 2012)

Taóng 1971, pumasok sa Adoracion si Sister Lourdes (Jodi Sta. Maria). Doon nakilala niya si Sister Ruth (Fides Cuyugan-Asensio), ang Mother Superior; si Sister Vera (Raquel Villavicencio) na katuwang ng Mother Superior; at si Sister Remy (Mylene Dizon), ang extern ng Adoracion, siyang may pahintulot na gumawa ng mga transaksiyon sa labas ng kumbento. Hindi naging lingid kay Sister Lourdes ang búhay ni Sister Remy, na mayroon itong kapatid na ipinadukot dahil itinuring na kalaban ng pamahalaan at naging bahagi ng kanilang mga transaksiyong panlabas ang palihim na pagdalo sa mga pulong ng diskontentong taong bayan. Hanggang sa minsan silang abutan ng gabí sa gubat at hinarang ng tatlong lalaki. Nagulo ang kumbento at nangamba ang bawat isa.

Gayon na lamang ang kakintalan ng lunan ng pelikula at ang naging interaksiyon ng mga tauhan dito. Ipinalilitaw ng juxtaposition ng loob ng monasteryo at ng labas ng monasteryo, ng mundo, ang nagaganap na tunggalian sa kuwento—simbolo ng kontrast ng katahimikan at kaguluhan. Ulit-ulit itong lumilitaw sa paglalarawan ng mga tauhan sa magugulong pangyayari sa labas ng kumbento at sa proteksiyong ibinibigay sa kanila ng kumbento laban sa mga tukso at gulo ng mundo. Ikinintal marahil ito, higit sa lahat, ng eksena ng pagbisita ng ina at kapatid ni Sister Remy sa kaniya upang ipaalám, habang nakapagitna ang mga rehas ng tarangkahan ng monasteryo, na dalawang buwan nang nawawala ang kaniyang kapatid. Kung paanong nagkakagulo na sa labas ay tahimik na tahimik pa rin sa monasteryo.

Sa pagitan ng mundo at monasteryo, ng gulo at kapayapaan, ay ang gubat. Ang gubat ng alinlangan. Ang gubat na naging dahilan ng pagkaligaw ni Sister Lourdes sa kaniyang paghahanap sa Adoracion. Ang gubat na nagpahamak sa kaniya. Ang gubat na naging saksi sa mga yapak nina Sister Ruth at Sister Vera nang gabíng mangyari ang krimen. Ang gubat na naging lunan din ng mga kuwentong bayan at ng mga dakilang akda ng Filipinas—ng Ibong Adarna, ng Florante at Laura, ng Noli at Fili, at iba pa—bilang simbolo ng pagsubok, paglilihim, kabiguan, tagumpay, hiwaga, at pag-asa.

Nang naging malinaw sa liwanag ng buwan ang panganib na dulot ng gubat, ng sa simula’y gubat lamang ng alinlangan, unti-unting natinag ang pinaniniwalaang kaayusan sa monasteryo. Ang pilit na paglalagay nina Sister Ruth at Sister Vera ng hanggahang maghihiwalay sa monasteryo at sa mundo— ang pag-utos nila kay Sister Remy na manatili sa kumbento upang hindi masangkot sa gulo sa labas, upang maprotektahan ng monasteryo; ang pagtanggi ni Sister Vera na maisulat sa peryodiko ang nangyari kay Lourdes; ang pagsusunog ni Sister Ruth ng mga diyaryong mayroong headline tungkol sa Martial Law; ang kawalan ng pagkukusang makipagtulungan at maging agresibo upang makamit ni Lourdes ang katarungan—ay unti-unting pinaninipis ng gubat na umuusig sa kanila. Ang nagulo nang kaayusan ng monasteryo ay ikinintal naman ng eksena ng paglalakad ng buntis na si Lourdes sa pasilyong punô ng mga rebulto ng santo. Tila paghimok sa mga ito sa kaniyang napala sa pagpapakabanal.

Sa pelikula, nagkaroon ng dinamikong papel ang gubat bilang lunan. Sa simula bilang lugar na nagpapanggap na tagapaghatid lamang ng mga tauhan sa kani-kanilang destinasyon. Kalaunan bilang marahas na elemento sa kuwento. At ang huli ay bilang tagapag-usig sa mga tauhan. Sa huling papel na ito, masasabing ang gubat ay naging simbolo rin ng konsensiya ng mga tauhan—isang madilim, mapanglaw na aspekto ng pagiging tao.

Sa bandang huli ay mahihiwatigan ang maparikalang paggigiit ng paghihiwalay ng monasteryo at ng mundo nang usigin ng kani-kanilang gubat, ng kani-kanilang konsensiya, sina Sister Ruth at Sister Vera bilang mga bulag, pipi, at binging saksi sa gabí ng paggahasa.

Si Kriscell Largo Labor ay nakapagtapos ng BA Political Science sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, kasalukuyang Ingat-Yaman ng LIRA, at isa sa mga Pangalawang Patnugot ng Kalatas. Maaari siyang kontakin sa tantiyado@gmail.com o bisitahin sa http://tantiyado.wordpress.com.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s