Mula 1967, itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino ang taunang timpalak sa pagsulat ng sanaysay bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Ang Gawad KWF sa Sanaysay (dating Gawad Surian sa Sanaysay-Gantimpalang Collantes) ay naglalayong mahasa, mabago, at higit pang mapaunlad ang diwa ng wikang Filipino.
Ngayong 2013, ang timpalak sa sanaysay ay pagsulat ng isang kasaysayang pampanitikan na naiiralan ng temang “Wika Natin ang Daang Matuwid.” Ang mga lahok ay maaaring ipadala nang personal o sa pamamagitan ng koreo. Hindi tatanggapin ang mga ipinadala sa e-mail. Sa Hulyo 1, 2013 (Lunes) ang huling araw ng pagpapadala.
Mga Tuntunin
1. Ang Gawad KWF sa Sanaysay ay bukás sa lahat maliban sa mga kawani ng KWF at kanilang kaanak.
2. Ang lahok na sanaysay ay isang kasaysayang pampanitikan na naiiralan ng temang “Wika Natin ang Daang Matuwid.”
3. Kailangang nakasulat sa Filipino ang lahok, orihinal, hindi pa nailalathala, at hindi rin salin sa ibang wika. Marapat na hindi ito magkukulang sa 15 pahina at hindi rin sosobra sa 30.
4. Sapagkat isa itong saliksik sa kasaysayang pampanitikan, marapat ang paggamit at pagbanggit ng sanggunian sa pormang APA (talababa, atbp.)
5. Ang lahok ay kailangang may apat (4) na kopyang makinilyado o kompyuterisado (Font-12, Arial), may dobleng espasyo at isang pulgadang palugit sa bawat gilid na nakaimprenta sa short bond paper (8 ½ x 11 pulgada).
6. Ang soft copy ng lahok ay kailangang ilagay sa isang compact disc (CD) kalakip ng retrato at bionote ng may akda.
7. Hindi patatawarin ang sino mang mahuhúli at mapapatunayang nangopya. Kakanselahin ng KWF ang lahok nito sa timpalak at hindi na muling makasasáli pa sa alinmang timpalak ng KWF.
8. Anumang pasiya ng Lupon ng Inampalan ay pinal at hindi na masasalungat. Lahat ng lahok, nanalo man o natalo, ay hindi na ibabalik sa mga kalahok. Angkin din ng KWF ang karapatang mailathala ang mga nagwaging lahok nang walang bayad sa mga may-akda.
9. Isang lahok lamang ang dapat isumite, nang walang pangalan, pseudonym, o marka ng pagkakakilanlan. Mayroong hiwalay na pormularyo na maaaring i-download sa website ng KWF (http://www.kwf.gov.ph/wp-content/uploads/Sanaysay-2013-Tuntunin-at-Pormularyo.pdf). Ipadala ang lahok (na may apat na kopya), pormularyo ng aplikasyon na may kalakip na larawan ng may-akda, at CD sa:
Lupon sa Timpalak 2013
Komisyon sa Wikang Filipino
2F Watson Bldg., 1610 JP Laurel St.,
Malacañang Complex
San Miguel, Manila
Para sa kaukulang tanong, sumulat sa komfil.gov@gmail.com o tumawag sa (02) 736-2524; 736-2519 at hanapin si Jomar I. Cañega o Leo L. Cantillang. Bisitahin rin ang http://www.kwf.gov.ph para sa karagdagang impormasyon.
Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay ang natatanging ahensiyang pangwika sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas. Itinatag sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 7104 ng 1991, inaatasan itong “tiyakin at itaguyod ang ebolusyon, pagpapaunlad at pagpapayaman pa ng Filipino na wikang pambansa ng Pilipinas, batay sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at iba pang wika.”
Press release mula sa Komisyon sa Wikang Filipino.