Books / Review

Review: Salansan ng Makulay na Danas sa Malikhaing Sanaysay ni Jarin

ni Romulo P. Baquiran, Jr.

Anim na Sabado ng Beyblade ni Ferdinand Pisigan Jarin (Visprint, Inc. Pasaya City, 2013)

Anim na Sabado ng Beyblade ni Ferdinand Pisigan Jarin (Visprint, Inc. Pasaya City, 2013)

Mahirap magbukas ng loob sa ibang tao. Ang pinakalihim na tupi ng damdamin ay hindi basta ipinapakita ng Filipino. Kaya nga bihirang mailathala ang sustenidong memoir o lalo pa ang awtobiyograpiya. Mabibilang sa daliri ang akdang Filipino na nasa anyong ito.

Pero sa pagkalathala ng mga bagong aklat sa kategoryang ito, malamang na magkaroon ito ng pagsibol sa kasalukuyan.

Nauna nang mga titulo ang Rebanse (1991) ni Lamberto Antonio, Personal (1999) at (Im)personal (2006) ni Rene O. Villanueva. Maisasama rin dito ang ilang aklat ni Bob Ong tulad ng ABNKKBSNPLAK. Noong isang taon lamang ay nailathala ang Almanak ng Isang Aktibista ni Roland B. Tolentino. At ngayong taon ang Anim na Sabado ng Beyblade ni Ferdinand Pisigan Jarin.

May ilang kabanata ang mga nobela ni Jun Cruz Reyes na tumatawid sa pagiging biyograpiko at ang matiyagang mambabasa ay masusumpungan ito sa kaniyang Etsa-pwera (2000) at lalo na sa Ang Huling Dalagang Bukid (2011).

Magaan ang estilo ni Jarin. Parang barkada lang na kumakausap sa kapuwa barkada. Pero huwag akalaing kumbersasyunal ang paksa. Malayong-malayo. Sa sampung sanaysay sa libro, mayroong parang templeyt ng pag-akit na “Magaan lang ito mga ‘tol.” Pero iyon nga ang mahika ng mga piyesa. Malapit-lapit sa kalagitnaan ng mga kuwento, kapag kapalagayang loob mo na ang awtor, bigla ka na lang kakadyutin ng matinding damdamin. Pinaka-obvious na ang paiiyakin ka o patatawanin. Pero hindi lang naman iyon ang gagawin sa iyo ng mga tsika, tsismis, at pagtatapat ni Jarin.

May trajektori ang koleksiyon: pagsibol ng pagkatao ng awtor. Nagsimula sa kaniyang pagkabata at magtatapos sa pagiging ama. Masalimuot na drama iyan pero naisalaysay ni Jarin sa mga detalyeng tatawagin ngayon ng mga kritiko na nagtataglay ng matinding affect. Tumatagos sa damdamin.

Halimbawa, sa unang sanaysay na “Quinabuangan” (ganda ng pangalan ng kanilang baryo sa Zambales na may reberberasyon sa pakikibaka ng awtor sa buhay), naisakatawan ang pangungulila ng dose-anyos na Jarin sa kaniyang kuyang nag-aral sa Maynila sa ganitong paraan: “May mga pagkakataon nga na madalas kong titigan nang matagal ang larawan ng Luneta sa mga teksbuk ko para lang magkaroon ng tanaw kung saan siya naroroon.”

Sensitibo kasi sa pagpili ng detalyeng isasalansan ang awtor. Malakas ang dramatic sense. Hindi iyong OA kundi iyong tamang-tama lang. Parang paligo-ligoy sa una pero dadating sa punto na mahuhulog ang lahat sa tamang dating.

Matalas kumilala ng taong nakakasalamuha ang awtor. Kaya kapag nagkuwento na siya, napakainteresante ng mga tauhan, mapa-tiya man ito, o lolo, kapitbahay, o mga housemate. At siyempre lalo nakapag dumako na sa kaniyang pinakamamahal na anak.

Mapapasabog ang bahay-luha mo sa kuwento ng kaniyang Tatay (tawag niya sa kaniyang lolo sa ina). Isa itong lider ng banda sa baryo, ang “D’ Pol Pisigan Band.” Natuwa ito kay Jarin dahil sa mga magtitiyo at apo, ang maliit na bata ang may pinakapotensiyal na maging musikero. Napapangiti ang lolo kapag narinig na may musikalidad si Jarin sa paghihip ng trumpet. Pero iba ang inaatupag ng binatilyo kapag nagpeperform: ang magpasiklab sa mga dalaginding (hawak ang pompiyang dahil di pa niya perpekto ang wind instrument). Pero siyempre hanggang ligaw-tingin pa lang siya noon. Hindi na naipagpatuloy ang paglipat ng musika nang yumao si Tatay. Sa burol nito, ganito ang kuwento ng awtor: “Itinayo ko ang trombone ni Tatay sa gitna ng pabilog na porma ng bandang tumutugtog. At upang basagin ang katahimikan at kalungkutan….humiling ako ng isang cha-cha. Binalot ng ringal ng musika at indakan ang huling gabi ng burol ni Tatay habang walang kurap at malungkot kong tinititigan ang trombone ng maestro. Namayapa na ang hininga ng trombone.” Mga ganyang banat ang nakadisenyo sa koleksiyon.

Kapag pinagsama ang mga deskripsiyon sa mga nasa paligid niya at ang kaniyang mga paghusga sa sarili, mabubuo ang isang daigdig na may pait pero may matinding pagtangan sa pag-asa. Kung mayroon mang makikitang paksa ng libro, malamang na ito ay “paano magpakatao.” Itong aklat ni Jarin (na maituturing na kabataan sa totoo lamang) ay kuwento ng kaniyang kamangha-manghang lakbay sa paghanap sa kahulugan ng karanasan.

Ano ang kaniyang natuklasan? Basahin na lang ninyo ang Beyblade.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s