Interview

Interview: Dominic Agsaway

ni Michael Jude Tumamac

Paparangalan sa Hulyo 16, 2013 ang ilustrador na si Dominic Agsaway. Siya ang gagawaran ngayong taon ng Alcala Illustrator’s Prize ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY) dahil sa mahusay na pagguhit ng kuwentong Ngumiti si Andoy. Bukod sa nagtapos sa Unibersidad ng Santo Tomas, kasapi siya ng Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang InK). Malugod niyang sinagot ang ilang tanong tungkol sa pagguhit para sa mga bata at sa pagdiriwang ng National Children’s Book Day.

Dominic Agsaway, ilustrador ng 'Ngumiti si Andoy'

Dominic Agsaway, ilustrador ng ‘Ngumiti si Andoy’

Kalatas: Paano ninyo naisip ang estilo na gagamitin sa kuwentong Ngumiti si Andoy?

Agsaway: ‘Yung estilong ginamit ko ang karaniwang ginagamit ko na ngayon sa aking mga ilustrasyon. Sinusubukan kong gamitin ang parang print style noong 1800. Ginawa ko lang na mas moderno sa pamamagitan ng paggamit ko ng kalahig ng manok sa makulay na gouache paint para maiangkop sa librong pambata.

Kalatas: Puwede ninyo bang ilarawan ang proseso ng paglika ng ilustrasyon sa isang kuwento?

Agsaway: Nagsisimula ako sa pagnamnam ng personalidad ng mga tauhan. Sinusubukan kong ilagay ang sarili ko sa mga damdamin nila para magbigyan ng buhay ang mga ito sa ilustrasyon. Dito ko pa lamang magagawa ang hitsura ng bawat tao sa kuwento.

Susunod ay ang paggawa ng thumbnails ng kuwento. Nilulugar ko rin ang sarili ko sa loob ng sitwasyon na parang lumalabas ako ng kuwarto. Minsan literal akong lumalabas ng bahay at pumupunta sa lugar kung saan puwedeng ilagay ang kuwento. Katulad nitong Ngumiti si Andoy, naglibot-libot ako dito sa mga bayan sa amin at tumambay sa mga parke para obserbahan ang paligid. Ang paglabas at pakikisalamuha ay nakatutulong nang malaki sa paghubog ng angkop na ilustrasyon.

Kapag nagawa ko na lahat iyon, ine-enjoy ko ang sarap ng pagguhit habang nakikinig ng musika. Minsan kailangang patay ang TV at nakatago ang mga gadget na may video games para maging produktibo ako.

Ilustrasyon ng 'Ngumiti si Andoy'

Ilustrasyon ng ‘Ngumiti si Andoy’

Kalatas: Ano ang natatangi sa inyong paraan ng ilustrasyon?

Agsaway: Ang mga obra ko ay binigyan ko ng buhay mula sa isang pinakamurang bolpen na pinagyaman ng damdamin, tiyaga, ligaya at kaukulang oras. Ang paraan ko ng ilustrasyon ay isang technique na aking hinasa simula noong humawak ako ng bolpen na Apache noong ako’y tatlong taong gulang at ang pagtanggap ko sa mga payo at komentaryo ng aking mga mentor, kaibigan, kamag-anak at ng ibang taong gustong magbigay ng reaksiyon.

Kalatas: Ano ang mga pinakapaborito ninyong aklat pambata?

Agsaway: Ang dami kong gustong aklat pambata. Simula [noong] bata ako, paborito ko na ang Pulang Dragon, Terengati at Kamatis ni Peles. Kahit paulit-ulit sa aking basahin ng aking mga ate at mga kuya, at kahit noong ako na mismo ang nagbabasa, hindi ko pa rin pinagsasawaan basahin ang mga ito. Noong lumaki na ako, nagustuhan ko ang Og Uhog, Mahiyaing Manok at Bakit Matagal ang Sundo Ko? na gustong-gustong pakinggan ng mga pamangkin ko habang binabasahan ko sila.

Sa lahat, pinakapaborito ko talaga ang Where the Wild Things Are. Natutuwa ako sa pagkakalog ng kuwento at mga ilustrasyon ni Maurice Sendak.

Kalatas: Ano ang mga aasahan naming book project sa inyo sa hinaharap?

Agsaway: Maraming parating na libro na aking iginuhit at isinulat ng mga mahusay na manunulat. May libro tungkol sa magkakapatid (hindi ito drama, hehe), kuwento ng batang maloko, isang kapana-panabik at kakaibang kuwento tungkol sa napapanahong usapin sa kalusugan.

Si Michael Jude Tumamac ay miyembro ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Bisitahin ang kanyang blog xizuqsnook.blog.com o Facebook page Xi Zuq’s Nook para sa iba pang rebyu ng aklat-pambata.

Isinulat ni Tumamac ang kuwentong Ngumiti si Andoy na nagwagi ng Salanga Writer’s Prize ng Philippine Board on Books for Young People ngayong 2013.

Advertisement

One thought on “Interview: Dominic Agsaway

  1. Pingback: DOMINIC AGSAWAY | Xi Zuq's Nook

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s