ni Michael Jude Tumamac
Malugod na pinaunlakan ni Eugene Evasco ang ilang tanong tungkol sa panitikang pambata. Bukod sa napakaraming kuwento at tulang pambatang naisulat, isa ring kritiko, guro at mananaliksik ng panitikang pambata si Evasco. Pinarangalan na rin siya ng iba’t ibang gawad para sa pagsusulat at paglilimbag ng mga aklat pambata. Narito ang maikling panayam sa kaniya.

Eugene Evasco, kritiko, guro at mananaliksik ng panitikang pambata
Kalatas: Paano ninyo ipagdiriwang ang National Children’s Book Day?
Evasco: Natakda ang pagpunta ko sa UP Baguio upang magbigay ng panayam sa panitikang pambata para sa NCBD. Kaugnay din nito, maglalaan ang aking klase sa Pan Pil 165 (Panitikang Pambata sa Pilipinas) ng isang araw upang panoorin ang kanilang video interbyu sa mga pangunahing manunulat pambata ng bansa.
Kalatas: Ano ang mga paborito ninyong aklat o akdang pambata?
Evasco: Nananatiling paborito ko ang mga sumusunod: “Mayroon Akong Alagang Puno” ni Carla M. Pacis, “Ang Unang Baboy sa Langit” ni Rene O. Villanueva, “Si Duglit, Ang Dugong Makulit” ni Luis Gatmaitan, “Cat Painter” ni Becky Bravo, “Sundalong Patpat” ni Virgilio S. Almario, “Araw sa Palengke” ni May Tobias-Papa, “The Mats” ni Franz Arcellana, at “Brothers Wu and the Good Luck Eel” ni Fran Ng.

Federico (Aklat Adarna: Tahanan, 1997)
Kalatas: Ano ang mga hindi ninyo makalilimutang karanasan sa paglalathala ng mga aklat pambata?
Evasco: Hindi ko malilimutan ang pagkakalathala ng una kong aklat pambata noong 1997 na “Federico.” Walang tatalo sa pakiramdam na makita ang panganay na aklat.
Kalatas: Ano sa tingin ninyo ang kasalukuyang kalagayan ng panitikang pambata sa Filipinas?
Evasco: Mabagal ang pagbabago dahil namimihasa pa rin ang mga mambabasa at tagapaglathala sa anyo ng picture book na naratibo. May ilang mga pagtatangka sa pagbabago gaya ng pag-usbong ng tulang pambata, children’s book apps, at ang picture book biography, pero hindi pa rin ito naghahawan ng bagong landas sa nasabing larangan.
Kalatas: Ano pa po ang mga kailangan upang mapalago ang panitikang pambata sa bansa?
Evasco: Kailangan ng mas maraming anyo at mas pangahas pang mga paksain. Kailangan ding huwag mamihasa sa paulit-ulit na pormula sa pagkukuwento. Kailangan pa ng higit na sigasig sa kritisismo at sa pagrerebyu ng mga aklat pambatang nalalathala. Dapat ding patnubayan ang ilang tagapaglathala kaugnay sa book design, editing, at sa pagsasalin. Bukod pa rito, kailangan ng mas matinding marketing at pagpapakilala ng mga aklat pambata ng bansa sa ating mga bookstore.
Kalatas: Ano po ang mga aasahan naming book project sa inyo sa hinaharap?
Evasco: Asahan ang paglalathala ng aking ikalawang aklat ng mga tulang pambata. May ilalabas din akong mga bagong picture book mula sa Lampara Books at sa Vibal Foundation.
Si Michael Jude Tumamac ay miyembro ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Bisitahin ang kanyang blog xizuqsnook.blog.com o Facebook page Xi Zuq’s Nook para sa iba pang rebyu ng aklat-pambata.
Pingback: EUGENE EVASCO | Xi Zuq's Nook
Pwede po bang makahingi ng kopyang sinulat na tula ni Ginoong Eugene Evasco na pinamagatang “Ang Maisisilid sa pandama” para po ito sa proyekto namin sa filipino. salamat po 🙂
Hi, Joshua! Wala po kaming kopya, sa kasamaang palad.
ano po ba ang pinakasumikat at hindi sumikat sa mga akda ninyong tungkol sa panitikang pambata
Pingback: Project AKLAT #1 : Ang Barumbadong Bus |
Pwede po b makahingi ng short story ng gawad palanca award ni eugene y.evasco,noong 2014