Culture

Culture: Ang Alamat ng Wikang Filipino

ni Virgilio S. Almario
Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan
Ekslusibo para sa Kalatas

KUNG MAMARAPATIN, isa itong personal na gunita tungkol sa isang napakadramatikong yugto sa kasaysayan ng Wikang Pambansa. Ito ang ilang taon bago ang kumbensiyong konstitusyonal noong 1972. Niyanig noon ang Surian ng Wikang Pambansa ng iba’t ibang uri ng protesta. Una ang mga sulating kontra-Pilipino na gaya ng kay Geruncio Lacuesta simulang 1964 na “purista” ang Surian at dapat dagdagan ang mga titik ng abakada upang madaliang tumanggap ng mga hiram na salita mulang Espanyol at Ingles. Ikalawa, ang tahas na habla ni Kongresista Inocencio Ferrer ng Negros Occidental, mulang 1963 hanggang 1970, na tumututol sa pagpilì sa Tagalog bilang batayan ng Pilipino. Ikatlo, ang paglabas ng Maugnaying Talasalitaan ng Lupon sa Agham sa pangunguna ni Gonzalo del Rosario na umimbento ng mga salitang pantapat sa mga katawagang pang-agham at teknolohiya, isang gawaing higit na nagpatindi sa paratang na “purista” ang wikang tinatangkilik ng Surian at ng pamahalaan.

Mula sa mga pangyayaring ito, at ibang mga katulad, ay sumulpot ang panukalang “Filipino” upang ipalit sa “Pilipino.” Pangunahing proponent nitó si Dr. Ernesto Constantino at ilang guro sa UP na naniniwala sa tinatawag niyang universal approach upang lumikha ng isang wikang pambansa mula sa amalgamasyon ng mga wika ng bansa. Una kong narinig ang bagay na ito sa kamanunulat na Rogelio Sicat na katulong noon ni E. Constantino sa pagsulat ng konsepto ng “Filipino.” Sasamahan ko sana si Roger sa krusada ngunit bago maganap iyon ay kumalas siyá sa grupo ni E. Constantino. Naramdaman daw niya, sumbong ni Roger, na may motibong politikal ang grupo. Mukhang gusto niláng agawin ang pamumunò sa Surian mula kay Direktor Ponciano B.P. Pineda. Kaibigan naming manunulat si Ka Ponsing at kasama ako sa mga manunulat na pumasok sa Malacañang upang itaguyod ang paghirang sa kaniya kapalit ni Jose Villa Panganiban.

(Naalaala ko sa puntong ito ang mahigpit din noong tunggalian nina Lope K. Santos, na isang manunulat, at Cecilio Lopez, na isang doktorado sa lingguwistika, upang maging pinunò ng Surian bago magkadigma. Disipulo ni Lopez si E. Constantino at alagad ng panulat ang katangian ni Ka Ponsing. Sa panahong ito, marami nang ibang tapos sa lingguwistika at kumikilos para sirain ang pamanang balarila ni Lope K. Santos. Isa sa kanila si Dr. Alfonso Santiago ng Philippine Normal College noon at pumoposisyon din kontra balarila at tuntunin sa ortograpiya ng Surian.)

Inabutan ng kumbensiyong konstitusyonal ang sigalot. Naging aktibo ang naturang mga pangkatin sa debate hinggil sa wikang pambansa. Tulad ng dapat asahan, naging tagapagtanggol si Ka Ponsing ng Pilipino at ng Surian. Masuwerte siyá at tinangkilik siyá ni Blas Ople, isang malapit na tagapayo ni Pangulong Marcos noon, at ipinalalagay kong siyáng bumalasa sa kinalabasan ng mga tadhanang pangwika sa 1973 Konstitusyon. Sa isang banda, nagtagumpay sina E. Constantino. Bininyagang “Filipino” ang bubuuing wikang pambansa. Ngunit isinaad din sa pangkalahatang tadhana ng saligang-batas na mananatiling isa sa mga opisyal na wika ang Pilipino hábang hinihintay ang pagsilang sa Filipino.

Sa maikling salita, nanatili si Ka Ponsing sa Surian at kahit nang buwagin ito at palitan ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (1987) at hanggang magkaroon ng 1987 Konstitusyon at itatag ang Komisyon sa Wikang Filipino (1991). Samantala, pinapasok ni Ka Ponsing ang mga tinawag kong mga “Linggwistadero” sa Surian bilang mga konsultant. Nagresulta ito ng isang bagong tuntunin sa ortograpiya noong 1976, na labis kong tinutulan at hindi sinunod ng maraming manunulat sa Liwayway at Balita. (Ito palagay ko ang simula ng pagbabà ng awtoridad ng Surian hanggang sa totoong sumadsad bilang KWF.) Nagresulta din ito ng pagpapaaral ng lingguwistika sa mga kawani ng Surian at ng pagdami ng mga gurong gradweyt sa naturang programa. Ang mga ito ang magtataguyod bilang mga titser at bilang mga awtor ng teksbuk sa bagong tuntuning ortograpiko. Kahit si Ka Ponsing ay nagbago ng ispeling sa pagsulat at nakilingguwistika sa mga forum pangwika. Gayunman, retoke lang kung bagá ang lahat dahil ang mga patakarang pangwika ng Surian ay hindi nagbago at walang naging pagkilos upang maghunos ang Pilipino tungo sa Filipino.

Dapat din paláng isaalang-alang ang papel ng aktibismo sa dramatikong panahong ito. Naging wika ng mga rali at demostrasyon ang Pilipino, at kung tutuusin ay isang makapangyarihang salik na bumigo sa muling pagpapairal ng Ingles at susi sa pagpapatibay ng isang patakarang bilingguwal sa pambansang edukasyon. Ang aktibismo ang rurok ng paggamit ng Pilipino bilang wika ng pagbabagong panlipunan at pampolitika.

Naging galít-batî naman ang relasyon namin ni Ka Ponsing, lalo na nang hayagang manawagan ang UMPIL sa estandardisasyon at hayagan kong tuligsaan ang ilang tuntunin sa bagong ortograpiya ng Surian. Ngunit ipinagtanggol ko siyá sa mga banat nina Santiago at Ka Vito Santos. Pinayuhan ko siyáng maglabas ng makapal na diksiyonaryong monolingguwal bilang legacy bagaman ako rin ang isa sa mga bumanat sa naging produksiyon.

Inabutan kami ng kumbensiyon para sa 1987 Konstitusyon sa ganitong alanganing relasyon. Sa kumbensiyon, muling naging aktibo ang mga katunggali niya, lalo na ang grupong E. Constantino. Masisinag sa tadhanang pangwika ng 1987 Konstitusyon ang tagumpay ng paglalakad nina E. Constantino. At alam kong ipinagmalaki nilá ito sa buong UP kung hindi man sa mga pambansang kumperensiyang pinagsalitaan nilá. Ipinanganak sa 1987 Konstitusyon ang wikang Filipino. Ngunit isa itong wika na Filipino lamang ang pangalan ngunit Pilipino ang nagtataguyod na angkan. Nais itong maging ulila ng mga kontra-Pilipino na kagaya ng DILA. Samantala, hindi ko na narinig ang universal approach ni E. Constantino. Nang imungkahi kong palitan ang pangalan ng aming kagawaran sa UP at gawing “Kagawaran ng Filipino at Panitikan ng Filipinas” ay ipinagpilitan ng mga kagrupo ni E. Constantino na mas mainam panatilihin ang Espanyol na “Departamento” at ang Pilipino na “Pilipinas.” Hindi ko maintindihan ang lohika ng kanilang pasiya. Basta iyon daw ang kanilang preference at waring magmula noon ay hindi lohika kundi preference lamang ng naghaharing grupo ang sinusunod na tuntunin sa ispeling. Sa kabilang dako, iyon din ang dahilan kung bakit hindi nilá maiintindihan ang lohika ng aking kampanya para sa estandardisasyon at saligang pangkasaysayan ng bawat tuntuning ortograpiko. Nagtuturo silá ng language planning ngunit mukhang ayaw din niláng pinakikialaman ang takbo ng wika. Descriptivists daw kasi silá. Gustong-gusto ko ang inisyals ng aming kagawaran DFPP—“deaf” (DF) na “pipi” (PP) pa.

Inaasahan kong hindi nilá maiintindihan ang panukalang Ortograpiyang Pambansa ng KWF. Unang-una, nagmula sa pamumunò ko. (Jok onli!) Repeat, unang-una, dahil hindi nasasaklaw ng kanilang planong “Filipino” ang implikasyong rebolusyonaryo ng tadhana sa Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng 1987 Konstitusyon na payabungin at paunlarin ang Filipino sa pamamagitan ng mga wikang katutubo ng Filipinas. Kayâ noon pa, interesado lamang silá sa mga “baryasyon at varayti” ng Pilipino sa palengke, sa kalye, sa tabloyd, sa wikang bakla, jejemon. Sa lahat ng nakatatawang ituro sa klase. Sa lahat ng kakatwa. Ayaw niláng ilarawan man lamang ang kailangan at nararapat na paglalahok ng mga matipuno at katutubong salita mula sa mga buháy na wika ng bansa. Nakalulungkot isiping palalakihin at aalagaan ngayon ng KWF ang Filipino bilang wikang pambansa sa kabila ng pagtutol at pagsalakay ng mga ninong at ninang nitó sa binyag.

Patawad kung maraming mali at laging pabor sa akin ang gunitang ito. Ito ang problema kapag tulad nina Aguinaldo at Enrile ay matanda na ang gumugunita.

Ferndale Homes
17 Hulyo 2013

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s