Culture

Culture: Gumamit ba ng “Pilipinas” si Bonifacio?

ni Virgilio S. Almario
Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan

pilipinas_filipinas_almario

NAIS KONG IHANDOG ang munting ulat na ito para sa pagsulong ng “bait at muni” ng ilang Pilipinilyo na tulad nina Lakandupil C. Garcia, Ferdinand Llanes, Lilia Quindoza-Santiago, Aurora Batnag, at Rolando de la Cruz. Laban sa kanilang mababaw na saliksik at makitid na pananaw, imposibleng gamitin ni Andres Bonifacio ang kanilang “Pilipinas.”

Una, ang “Pilipinas” ay produkto ng pagsulat alinsunod sa abakadang Tagalog na pinalaganap ni Lope K. Santos at mga kapanalig na Tagalista nitóng ika-20 siglo. Batay ito sa “Estudios sobre la lengua tagala” ni Rizal na sinulat niya noong nása Dapitan siyá ngunit nalathala lamang sa La Patria noong 30 Disyembre 1899 at matagal na noong pataksil na pinaslang ang Supremo.

Ikalawa, at laban sa kanilang dinaskol na saliksik, “Filipinas” ang ginamit sa titulo ng tula ni Bonifacio na nakikilahok sa sagutan nina Hermenigildo Flores at Marcelo H. Del Pilar. Patunay dito ang isang sipi ng nakalimbag na tula ni Bonifacio na nása koleksiyon ni Emmanuel Encarnacion at inilabas sa Aklat Adarna sa librong Ang Pamana ni Andres Bonifacio (1997). Ang totoo, ang pamagat ng tula ni Bonifacio sa kopya ni Encarnacion ay “Hibik ng Filipinas sa Ynang España” at inilimbag noong Disyembre 1896. Ang sapantaha ko, isinunod ang pagpapamagat sa kumalat din noong pamagat ng sagutang patula nina Flores at Plaridel. Sa kabilang dako, patunay ang limbag na sipi hinggil sa maraming bagay at isa na dito ang pangyayari na popular ang tula ni Bonifacio at nagkaroon ito ng iba’t ibang bersiyon at paraan ng pagkopya sa panahon ng Himagsikang 1896. Mapatutunayan pa ang paggamit sa “Filipinas” kahit sa hanay ng mga manghihimagsik kapag sinaliksik ang mga hojas volantes sa panahong iyon.

Ikatlo, ang mas gustong tawag ni Bonifacio sa ipinupundar niyang malayang bansa ay “Katagalugan.” Kayâ malimit itong lumitaw sa mga dokumentong Katipunero, pati na ang ugat na “Tagalog.” Sa isang limbag na sipi ng pormularyo sa pagsapi sa Katipunan, binanggit ang “Tagalog” nang may asterisko at ipinaliwanag sa talababa na “Sa salitang tagalog katutura’y lahat nang tumubò sa Sangkapuluang ito; sa makatuid, bisayà man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din.” Ang sipi ng pormularyo ay nása koleksiyon din ni Encarnacion at inilathala sa Aklat Adarna noong 1997. Inulit kong ilathala at ipaliwanag ang mga ito sa pag-aaral kong Panitikan ng Rebolusyon(g 1896) na nagkaroon na ng dalawang edisyon (CCP, 1993 at UP Press, 1997). Siyempre, hindi ko mahihintay na binasa ito ng mga Pilipinilyo. Mahirap namang isulong muli ngayon ang mithing pangalan ng bansa sa tingin ni Bonifacio dahil sa naging takbo ng kasaysayan.

Ikaapat, at ito ang higit na mahalaga ngayon, hindi naintindihan ng mga Pilipinilyo ang rebolusyonaryong espiritu sa likod ng pagbago sa pangalan ng pambansang wika mulang “Pilipino” tungo sa “Filipino” sa mga Konstitusyong 1973 at 1987. Sinagot noon ng 1973 Konstitusyon ang protesta laban sa “puristang” gawain ng Surian ng Wikang Pambansa at ng patuloy na pagiging Tagalog lamang ng “Pilipino.” Ninanais sa gayon sa pangalang “Filipino” ang pagbubukás ng wika sa pagiging “pambansa” ng katangian nitó. Nilinaw ito sa 1987 Konstitusyon sa pamamagitan ng atas na dapat pagyamanin at paunlarin ang Filipino sa pamamagitan ng mga katutubong wika ng Filipinas. Ang titik “F” sa Filipino at sa Filipinas ay higit kaysa pagbabalik sa kasaysayan. Manapa, isang pagtataguyod ito sa pambansa at bagong makabansang mithi ng 1987 Konstitusyon sa pamamagitan ng paglalahok sa mga tunog, kasama na ang “F,” na matatagpuan sa maraming wika ng bansa ngunit wala sa abakadang Tagalog.

Tulad ng pahayag ng Komisyon sa Wikang Filipino kamakailan, naniniwala ako na may progresibong diwa ang abakada at ang “Pilipino” nang ipaglaban nina Lope K. Santos ang isang wikang pambansa batay sa isa sa mga katutubong wika ng Filipinas. Ngunit pinatunayan ng mga protesta noong dekada 60 na hindi sapat ang “Pilipino” upang itapat sa nagbabagong pambansang kamalayan. Filipino ang naging sagot upang payapain ang mga protesta. Ang panukala ngayong “Filipinas” ay isang nararapat na hakbang tungo sa kaganapan ng espiritung rebolusyonaryo ng Filipino. Upang maisigaw natin, wika nga ng isang blogger, na: “Filipino ako, Filipino ang wika ko, Filipinas ang bayan ko!”

PAHABOL: Nais ko ring buksan ang mga may blaynder na matá ng ating mga Pilipinilyo sa katotohanan na maraming gumagamit ng “Filipinas” sa kabila ng pagpapaturo ng “Pilipinas” sa mga paaralan. Isang ehemplo ang pangalang “GUMIL Filipinas” ng pinakamalaking organisasyon ng mga manunulat na Ilokano. Isa pa ang salin na “Unibersidad ti Filipinas” ng UP Baguio. Ang totoo, tumingin lamang silá sa internet at makakatagpo silá ng mga paggamit ng “Filipinas” kahit ng hanay ng Katagalugan.

Ferndale Homes
17 Hulyo 2013

Ang sanaysay na ito ay unang lumabas sa Facebook ng Komisyon sa Wikang Filipino

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s