Culture

Dalawang Panig, Isang Bansa: Filipinas o Pilipinas?

fp

SA PAGLABAS ng Kapasiyahan ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino Blg. 13-19 noong Abril 12, 2013 na nagsasaad ng mungkahing ibalik ang gamit ng “Filipinas” bilang pangalan ng bansa, hati sa dalawang panig ang mga dalubhasa sa wika sa ating–Filipinas o Pilipinas.

LINK: Kapasiyahan…Blg. 13-19 [PDF]

Pinagpasiyahan ito ng Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, kasama ang sampung Komisyoner: Abdon. M. Balde Jr. (Bikol), John E. Barrios (Hiligaynon), Purificacion G. Delima (Iluko), Jimmy B. Fong (Mga Wika sa Kahilagaang Pamayanang Kultural) Jerry B. Gracio (Samar-Leyte), Ma. Crisanta N. Flores (Pangasinan), Lorna E. Flores (Mga Wika sa Katimugang Pamayanang Kultural), Noriam H. Ladjagais (Mga Wika sa Muslim Mindanao), Orlando B. Magno (Sebwano), at Lucena P. Samson (Kapampangan).

logo_kwf

Ang Komisyon sa Wikang Filipino ang natatanging ahensiyang pangwika sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas. Itinatag ito sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 7104 ng 1991 at inatasan ng pamahaalan na “tiyakin at itaguyod ang ebolusyon, pagpapaunlad at pagpapayaman pa ng Filipino na wikang pambansa ng Pilipinas, batay sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at iba pang wika.”

Ayon sa naturang kapasiyahan ng Komisyon, ang pagbabalik ng gamit ng “Filipinas” ay may layuning palaganapin ang opisyal at modernisadong katawagan ng bansa na kumikilala sa kasaysayan at pag-unlad ng pagkabansa nito. Ipinaliwanag ng Komisyon na bukod sa “Filipinas” ang orihinal na pangalang ibinigay ni Villalobos noong 1548 at ginamit hanggang sa panahon ng kampanya para sa kalayaan nina Rizal, Plaridel, Bonifacio, Jacinto, at Mabini, ang pagpapalaganap ng “Filipinas” ay isang bahagi ng mas malawak na kampanyang ortograpiko ng Komisyon.

Sa binuong Ortograpiyang Pambansa (2013), na resulta ng pambansang konsultasyon sa ortograpiyang Filipino noong Marso 11-13, 2013 at serye ng konsultasyon noong Mayo 14-15, 2013, binigyang diin ang kontribusyon ng mga katutubong wika sa pagpapayaman sa wikang Filipino. Idinagdag ang walong letra (C, F, J, Ñ, Q, V, X, at Z) sa noon ay abakadang Pilipino, partikular ang F, J, V, at Z “upang maigalang ang mga kahawig na tunog sa mga katutubong wika.”

logo_swf

Sa kabilang panig naman ay ang mga gustong panatilihing “Pilipinas” ang pangalan ng bansa. Ilan sa mga nangunguna sa pagsusulong nito ang pitong propesor na naglabas ng opisyal na pahayag noong Hulyo 15, 2013 sa pamamagitan ng Facebook Page ng UP Sentro ng Wikang Filipino. Ang UP Sentro ng Wikang Filipino ay isang institusyon sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman na nagtataguyod sa wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo, saliksik at publikasyon, at opisyal na komunikasyon ayon sa tadhana ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, seksiyon 6 at 7 na: “Alinsunod sa mga probisyon ng batas at kung mamarapatin ng Kongreso, gagawa ng hakbang ang Pamahalaan upang simulan at itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang wika ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon.”

Ang dokumentong Pahayag ng mga Propesor at Institusyon sa Unibersidad ng Pilipinas Laban sa Mungkahing Palitan ng ‘Filipinas’ ang Pilipinas Bilang Opisyal na Pangalan ng Bansa ay pinirmahan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Direktor ng UP Sentro ng Wikang Filipino; Dr. Teresita G. Maceda, Tagapangulo ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng UP; Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan ng UP; Dr. Aldrin P. Lee, Tagapangulo ng Departamento ng Linggwistiks; Dr. Vina P. Paz, Tagapag-ugnay ng Larangan ng Wika ng DFPP; Dr. Ramon G. Guillermo, Tagapag-ugnay ng Larangan ng Araling Pilipino ng DFPP; Dr. Pamela Constantino, Miyembro ng Teknikal na Komite sa Filipino ng CHED; at Dr. Jovy M. Peregrino, Dating Direktor ng UP Sentro ng Wikang Filipino.

CLICK TO ZOOM:

Page 1 of 4

Page 1 of 4

Page 2 of 4

Page 2 of 4

Page 3 of 4

Page 3 of 4

Page 4 of 4

Page 4 of 4

LINK: Pahayag ng mga Propesor at Institusyon sa UP [PDF]

Sa pahayag na pinirmahan ng pitong propesor, sinabing ang “Filipinas” ay “malinaw na isang paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas.” Diumano, “Pilipinas” ang itinawag ni Bonifacio sa ating bansa sa kaniyang tulang “Katapusang Hibik ng Pilipinas” at ni Emilio Aguinaldo sa kaniyang Mga Gunita ng Himagsikan. Wala din daw itong “linggwistik na batayan” dahil ang pagkakaroon ng letrang f sa alpabeto ay hindi sapat na dahilan para “baguhin ang mga salitang ginagamit nang nakararami.”

Opisyal namang sinagot ng Komisyon ang naturang “Pahayag ng mga Propesor” sa pamamagitan ng isang tugon na lumabas sa kanilang Facebook Page noong Hulyo 17, 2013.

NARITO ANG BUONG TUGON:


###

Sagot sa Pitong Propesor ng UP na Laban sa “Filipinas”
mula sa Komisyon sa Wikang Filipino

Naging legalista na ngayon ang sagot ng ilang salungat sa kapasiyahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gamitin ang “Filipinas” at pigilan ang paggamit ng “Pilipinas.” Pitong propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang nagpalabas ng pahayag kahapon (15 Hulyo 2013) na “labag sa 1987 Konstitusyon” ang paggamit ng “Filipinas.” Nakabatay ang kanilang pahayag sa paniwala na “Pilipinas” ang ginamit sa salin ng 1987 Konstitusyon na nakasulat sa Ingles ang orihinal at sa pangyayaring maraming opisyal na dokumento ngayon ang sumunod sa naturang salin.

Ang kanilang pahayag ay hindi lumalayô sa una nang mga argumento na nakamihasnan nang gamitin ng bayan ang “Pilipinas” kayâ hindi kailangan ang “Filipinas.” Walang anumang pahiwatig man lamang ang orihinal sa Ingles ng 1987 Konstitusyon na nagsasaad na dapat isaling “Pilipinas” ang “Philippines.” Sa gayon, nakasalig lamang ang argumento ng pitong propesor ng UP sa naging pagsasalin at sa mga sumunod na paggamit ng “Pilipinas” sa ibang dokumento.

Unang dapat isagot na walang maituturing na opisyal na salin sa Filipino ang 1987 Konstitusyon. Ang ibig sabihin ng “opisyal na salin” ay isang dokumento na may imprimatur halimbawa ng isang awtoridad sa pagsasalin at kayâ siyang dapat sundin ng lahat. Kaugnay nito ang pangyayari na ang lahat ng dokumento ngayong gumagamit ng “Pilipinas” ay bunga lamang din ng pangyayari na iyon ang inakalang opisyal dahil iyon ang ginamit ng mga inilimbag bagaman di-opisyal na salin ng 1987 Konstitusyon. Maidadagdag pang sapantaha na ang unang nagsalin sa 1987 Konstitusyon ay isang taal na “Pilipinista” kaya hindi napagsuri ang implikasyon ng tadhana sa konstitusyon na ang “wikang pambansa” ay “Filipino”—at ang pagpapalit ng pangalan sa wikang pambansa ay mahigpit na kasunod ng naging hinakdal laban sa “Pilipino” noong ginagawa ang 1973 Konstitusyon. (Dapat balikan ang puntong ito.)

Magandang ulitin sa bahaging ito ang kuwento ng isang matanda na’t retiradong empleado ng KWF. Noon daw mapagtibay ang 1987 Konstitusyon ay sumangguni ang Post Office sa KWF kung dapat isunod sa wikang “Filipino” ang pangalan ng bansa at ilimbag na “Filipinas.” Ang sagot diumano ng komisyoner noong Andrew Gonzalez ay “huwag, dahil magastos.” Kapag nilimi ang sagot ng komisyoner, hindi bawal gamitin ang “Filipinas.” Ayaw lamang niyang sundin ang lohika ng sumasangguning Post Office, dahil ipinangangamba niya ang mangyayaring gastos kaugnay ng mga kailangang iwastong dokumento.

Kung totoo ang kuwento, sayang na pagkakataon. Noon pa sana naiwasto ang lahat ng dapat iwasto ngayon. At mas nakatipid pa sana.

Sa pagpapatuloy, alin ba sa mga limbag na salin ngayon ng 1987 Konstitusyon ang “opisyal na salin” kaya dapat sundin ng lahat? Marahil, ito ang sinangguni ng pitong propesor dahil doon nila sinipi ang sumusunod na bersiyon ng Artikulo XIV, Seksiyon 6:

Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.Samantalang nililinang ito, ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang wika.

Halos kahawig ito ng isang bersiyon sa internet, maliban sa puwesto ng kuwit sa ikalawang pangungusap:

Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang wika.

Ngunit ibang-iba ang kayarian ng pangungusap sa dokumentong “Palisi sa Wika ng Unibersidad” na inilabas ng Sentro ng Wikang Filipino, UP noong direktor nito si Prop. Teresita G. Maceda:

Ang pambansang wika ng Pilipinas ay Filipino. Habang ito’y nabubuo, patuloy itong pauunlarin at pagyayamanin batay sa mga umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang wika.

Bakit nangyayari ang ganitong pagkakaiba sa salin? Pinakasimpleng sagot ang pangyayari na walang opisyal na salin. Ang tatlo nating halimbawa ay pawang mga orihinal na pagsasalin alinsunod sa naging pagbasa sa orihinal na Ingles ng 1987 Konstitusyon.

Labag ba sa gayon sa 1987 Konstitusyon ang paggamit ng “Filipinas”? Kung labag, dapat unang-unang litisin ang pangalan ng pinakamalaki at pinakamatandang organisasyon ng mga manunulat sa Ilokano—“GUMIL Filipinas.” Ngunit kaugnay ng GUMIL Filipinas ang pangyayaring maraming gumagamit ng nakasulat at nakalimbag na “Filipinas” sa Kailokuhan, Kabisayaan, at kahit sa Kabikulan. Lihis at laban ito sa paniwala ng munting pulutong ng “Pilipinilyo” na dominante ang Tinagalog na “Pilipinas” sa labas ng Katagalugan. Dapat nilang isipin na sinusunod lamang sila ng mga pobreng guro sa Filipino at ito ang itinuturo sa silid-aralan dahil iyon ang nakalimbag sa teksbuk at iyon ang itinuturo sa kanila sa kolehiyo. At hindi ito bunga ng matagal na talakayan at “malayang palitan ng mga ideya.”

Kung hindi rin nila napapansin, matagal nang ginagamit ang “Filipinas” sa mga aklat na limbag ng SWF UP. Katunayan, ang UP Diksiyonaryong Filipino, na likha at proyekto ni Tagapangulong Virgilio S. Almario, ay promotor ng “Filipinas” hindi lamang sa ispeling kundi maging sa diwa nitong pagpapayaman sa wikang Filipino sa pamamagitan ng mga katutubong wika ng bansa. Dahil dito, kaya pinuri ito sa PDI (14 Hulyo 2013) ng kolumnista mulang Mindanao na si Antonio Montalvan II. Kung hindi rin alam ng pitong propesor, iginiit ng UP sa pamamagitan ni Chancellor Saloma na “pag-aari” ito ng UP sa kabila ng paggigiit naman ni Almario sa kaniyang karapatan bilang manlilikha. Kung ayaw ng UP ang “Filipinas,” bakit gusto ng UP na angkinin ang diksiyonaryo ni Almario?

Naiwan na ng panahon ang mga “Pilipinilyo” ng UP. Maaaring progresibo noong panahon ng Amerikano ang pagsisikap nina Lope K. Santos para palaganapin ang abakada at itanghal ang Tagalog na batayan ng wikang pambansa. Ito ang ugat ng wikang “Pilipino” at ng pangalang “Pilipinas” para sa bansa. Ngunit niyanig ang Surian ng Wikang Pambansa sa habla noong magtatapos ang dekada 60 hinggil sa “purismo.” Makitid diumano at Tagalog lamang ang batayan ng “Pilipino.” Dininig ito ng 1973 Konstitusyon sa pamamagitan ng pagtawag na “Filipino” sa wikang pambansa. Kinatawan sa gayon ang “Filipino” ng bisyon para sa isang tunay na pagkakaisa ng mga wikang katutubo at pagkakaisa ng mga rehiyon at pangkating etniko sa isang bansang dapat tawaging “Filipinas.” Nasa “F” ng Filipino at Filipinas ang tunog na maririnig sa mga wika ng Cordillera, Tiboli, Bilaan, Mëranaw, Tausug, at iba pa na wala sa dila ng mga Tagalog.

Ang bisyong ito ang nais itampok ng KWF sa pagpapalaganap ng Ortograpiyang Pambansa at habang inaasikaso ang iba pang mga tungkuling pangwika na pinabayaan ng nakalipas na mga pinuno ng KWF. Ang bagong Kalupunan ng KWF ay binubuo ngayon ng mga eksperto, guro, at manunulat na totoong kumakatawan sa mga wika ng bansa at nakahandang maglingkod sa kapakanan ng Wikang Pambansa at ng bayan. Nitong Marso 2013 lamang ito ganap na nabuo. Ngunit nagtakda na ito sa sarili ng mga gawain at proyekto para pasiglahin ang pagpapalaganap sa Filipino. Sa darating na linggo, halimbawa, tinatangkilik nito ang kumperensiyang Ambagan—isang kongkretong aktibidad para magtulong-tulong ang mga eskperto sa paglalahok ng mga salita na magpapayaman sa Filipino. Inaanyayahan ang lahat sa 25-27 Hulyo sa Ambagan na gaganapin sa Ateneo de Manila University.

###


Sa kasalakuyan, tinitimbang pa ng Malacañang kung dapat ngang maging “Filipinas” ang pangalan ng bansa. Sa isang panayam sa Radyo dzRB, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte “Let us see what the various sectors’ reaction will be.” Ang Komisyon ay handang makipag-usap sa Pangulo hinggil sa bagay na ito.

LINK: Language body wants ‘Pilipinas’ changed to ‘Filipinas’ (The Philippine Star)

Filipino sa Pilipinas, Filipino sa Filipinas? Ilang linggo na ring usapin ito sa lokal na telebisyon, diyaryo, blogs, Twitter, Facebook, Youtube, at iba pang daluyan ng midya. Hindi na limitado sa mga propesor at dalubhasa ang usaping ito, kundi ng kahit sinong may pakialam sa wika, sa kasaysayan, at, higit sa lahat, sa bansa. Nakikisangkot ang taumbayan.

Nagsisimula ang lahat sa pagtatanong.

Para sa ibang tanong sa paggamit ng “Filipinas,” basahin ang Tanong-Sagot hinggil sa “Filipinas” (FAQ) na inipon ng Komisyon.

LINK: Tanong-Sagot hinggil sa “Filipinas”

Halimbawa, ito ang isa sa mga Tanong-Sagot:

Tanong: Dapat bang gawing “Unibersidad ng Filipinas” ang “Unibersidad ng Pilipinas”?

Sagot: Tulad ng sagot sa naunang tanong, hindi dapat baguhin ang pangalan ng “Unibersidad ng Pilipinas.” Depende sa magiging pasiya ng mga taga-UP. Hindi rin apektado ng resolusyon ang inisyals na “UP” dahil Ingles ito at hango sa pangalang Ingles na “University of the Philippines.” Kaya “yU Pi” ang bigkas sa inisyals. Kung sa Pilipino ito, dapat na “U Pa” ang bigkas.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s