Review

Review: Ang Paghahatol sa Bahay ng Dugo

ni Christa I. De La Cruz

Sa loob ng teatrong nilukoban ng dilim, ipinamalas ng Tanghalang Ateneo ang sariling pagpapakahulugan sa Oresteia—isang trilohiya ng mga Griyegong trahedya na isinulat ni Aeschylus at itinanghal sa Athens noong 458 BC. Ang Oresteyas ay isang makapukaw-damdaming pagbubukas ng ika-35 taong tagdula ng grupong panteatro ng Pamantasang Ateneo de Manila. Sa panulat ni Jay Crisostomo IV at sa direksiyon nina Ricardo Abad at Myra Beltran, binalikan ang kuwentong umikot sa madugong pagpaslang ng mga magkakadugo at, sa huli, ang paghahatol ng lupa, langit, at loob.

(Larawang kuha ni Crissy Agay, Tanghalang Ateneo.)

(Larawang kuha ni Crissy Agay, Tanghalang Ateneo.)

Sa isang tanong nagsimula: puti o itim? Kasabay ng pamamahagi ng mga bato na magkaibang kulay sa mga manonood, binigyang introduksiyon ang isinasakdal—si Orestes, anak ni Agamemnon, Hari ng Argos. Isang pagpapakita ng ebidensiya ang dulang may dalawang yugto at ang lahat ng tao sa tanghalan—sa entablado man o sa mga upuan—ang itinalaga sa simula bilang lupong tagahatol sa kasalanan: pinatay ni Orestes ang sariling inang si Klytemnestra.

Sa bersiyon ni Crisostomo, idiniin ang kuwentong umaapaw sa dugo at pinalilibutan ng paghihiganti sa pamamagitan ng diyalogong hindi lang basta isinalin sa Filipino ngunit pinabigat ng mga salitang iniangkop sa mga makapangyarihang tauhan ng dula. Halos pa-kanta ang mga linya ni Orestes sa tuwing nasasadlak sa pagkalito. Hindi rin maikakaila ang galit sa talim ng mga linyang binitawan ng mga tauhang may sari-sariling dahilan sa paghihiganti. Sa paglalaro sa mga himig na ito, tila dinala ang mga manonood pabalik sa dating kaharian ng Argos—isang naghihingalong bayan na napaliligiran ng rehas (pisikal man o hindi).

Ngunit, dahil sa kabuluhang ito na ipinangako ng panulat at iniharap na kahusayan sa hawak ng wika, madaling nakita ang kalabisan sa sunod-sunod na malulutong na mura at mga linyang nawawala sa sinusundang kuwerdas na sandaling nagtapon sa manonood pabalik sa bakal na upuan ng Rizal Mini-Theater. May mga pagkakataon din na ang mga monologo ni Elektra ay nakapagpabagal sa takbo ng eksena.

(Larawang kuha ni AJ Tabangay, Tanghalang Ateneo.)

(Larawang kuha ni AJ Tabangay, Tanghalang Ateneo.)

Mahalagang naging kaakibat sa panhihikayat sa mga manoood na pumasok sa nakaririmarim na Bahay ni Atreus ang Koro. May kanya-kanyang hinaing ang mga “mabababang uri” ng kaharian: dalamhati ng inang inialay ang anak sa digmaan, gutom ng aliping tinapakan ng makapangyarihan, at takot sa kahahantungan ng patuloy na paghahari ng reyna. Katulad ng piniping pagdurusa na naririnig—o di ipinaririnig—sa kahit saang lipunan, ang kanilang pananaghoy ang nagbigay ng bigat sa panig ng hustisya sa paghihiganti laban kay Klytemnestra. “Wala bang pakialam sa amin ang mga manunood ng dula?” sambit ng isa sa grupo ng mga tagapagsilbi sa palasyo. Lagi’t laging maririnig at makikita ang kanilang pakikipag-usap labas sa entablado na isang pagpapaalala na, katulad ng mga tao sa Athens, bahagi ang mga manonood ng pagsasakdal sa ginawang kasalanan. Bahagya namang gumagaan ang argumento sa tuwing sabay-sabay na nagsasalita ang Koro at labis na nagbibiro sa manonood ang bawat isa.

Kasabay ng ritmo ng mga salita ang sayaw na kumumpleto sa kahusayan ng produksiyong ito. Napaigting sa mga galaw na binuo ni Beltran para sa Koro ng tanghalan ang bawat emosyon sa dula—ang galit sa bawat hakbang ng paa, ang pagkalumbay sa salitan ng mga kamay, at pati ang libog sa pag-ikot ng baywang. Ang mga kilos na ito ay sinabuyan ng pulang ilaw sa disenyo ni Jonjon Villareal at sinabayan ng misteryo ng musika ni Teresa Barrozo.

Matapos maging bahagi ng mundong binuo ng Ang Oresteyas, isang tanong pa rin ang naiwan: puti o itim? Sa kontemporanyong tanghalan na walang kamay ng mga diyos at diyosa ng mitong Griyego, kanino nga ba manggagaling ang hatol?

Ang Oresteyas Poster

Itinanghal ang Ang Oresteyas mula Hulyo 10, 2013 hanggang Hulyo 26, 2013 sa Rizal Mini-Theater, Faber Hall, Pamantasan ng Ateneo de Manila.

Ang mga nagsipaganap ay sina Nicolo Magno at Paul Jake Paule bilang Orestes, Frances Makil-Ignacio at Lesley Leveriza bilang Klytemnestra, Brian Sy at Bok Pioquid bilang Agamemnon, Delphine Buenacamino at Miela Sayo bilang Elektra, Joanna Lerio at Opaline Santos bilang Kassandra, Joseph dela Cruz at Ian Lomongo bilang Agistos, at Arvin Trinidad bilang Plyades. Nagpalitan sa bahagi ng Koro sina Angelique Basa, Raflesia Bravo, Guilbert Codog, JP Dayao, Rico Duran del Rosario, Joe-Nel Garcia, David Magbanua, Merdin Mojica, Leonides Pena, Randy Solis, Katherina Salta, at Glyssa Soriano.

Ang susunod na dula ng Tanghalang Ateneo, Ang Bacchae (sa direksiyon ni J.K. Anicoche), ay ipalalabas sa Setyembre 5-21, 2013 sa Blackbox Theater. Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan kay Gel Basa sa 0917-6309097 o tanghalangateneo@gmail.com. Bisitahin din ang Tanghalang Ateneo sa Facebook.

Si Christa I. De La Cruz ay ang Ugnayang Pangmadla ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at isa sa mga Pangalawang Patnugot ng Kalatas. Siya ay kasalukuyang nasa programang Sertipiko sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s