News

Tulaan sa Facebook 2013: Mga Nagwagi para sa Hunyo-Hulyo

fbicon-textfill-boni

Ikinagagalak i-anunisyo ng mga tagapangasiwa ng “Tulaan sa Facebook,” isang proyekto ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), ang limang nagwagi para sa unang buwan ng paligsahan. Makakakuha ng libro galing sa University of Santo Tomas Publishing House at Ateneo de Manila University Press ang mga nagwagi at babasahin ang mga diyona sa LIRAHAN sa Agosto 20, 2013, 7-9 n.g. sa Conspiracy Bar, Visayas Avenue, Quezon City.


Oryang, Oryang, mahal ko!
Dikdikin aking buto
Ibudbod sa sugat n’yo.
German Villanueva Gervacio


ANG MGA WALANG PANGALAN

Kada tulog mo’t gising
Ikaw ay si Andres din
Sa sarili mong giting.

Juancho Marco Plata


ABANIKO NI BONIFACIO

Ang abanikong hawak
matapos iwasiwas
ay gulok na matalas.

Louise Vincent B. Amante


BONIFACIO: BARYANG SAMPUNG PISO

Ako ay nainsulto
Nang put’lan n’yo ng ulo’t
Naging ‘sang sampung piso.

John Michael D. Cruz


PAGGUNITANG ANDRES

Pag di ibig mapukol,
ibong ayaw masukol;
lilipad, walang gatol!

Jay Parfan


Ang Tulaan sa Facebook ay isang paligsahan ng mga tulang nasa katutubong anyo ng Filipinas. Tampok sa mga lahok ang anyong diyona–isang tulang may iisang saknong, may isahang tugma, binubuo ng tatlong taludtod, at may pitong pantig sa bawat taludtod. Bahagi ito ng pagdiriwang ng taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Andres Bonifacio.

Ang mga lahok para sa huling dalawang linggo ng Hunyo ay isinama sa pagpipilian para sa buwan ng Hulyo. Ang limang pinakamahuhusay na tula para sa bawat buwan (monthly winners) ang pagpipilian ng mga hurado sa huling bahagi ng timpalak (Nobyembre).

Ang namili ng limang diyona para sa buwan ng Hunyo-Hulyo ay si Enrique S. Villasis, isang makatang LIRA. Siya ay nagwagi na sa iba’t ibang pambansang timpalak katulad ng Maningning Miclat Poetry Award noong 2011 at Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2006, 2011, at 2012. Kasalukuyan siyang manunulat para sa ABS-CBN.

Ang Tulaan sa Facebook ay bukas mula Hunyo 15, 2013 hanggang Nob. 15, 2013 sa lahat ng mga Filipino na naninirahan sa Filipinas o sa labas ng bansa. Bago maglahok ng tula, kailangang i-”Like” ang opisyal na Facebook Page ng LIRA: “Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo” at puntahan ang Facebook Group: “Tulaan sa Facebook 2013″.

TUNTUNIN: https://www.facebook.com/notes/linangan-sa-imahen-retorika-at-anyo/tulaan-sa-facebook-2013-updated/605266386159235

Para sa iba pang katanungan, magpadala ng mensahe sa Facebook Page ng LIRA. Ang tagapangasiwa ng Tulaan sa Facebook ay si Christa I. De La Cruz, kasalukuyang Ugnayang Pangmadla ng LIRA. Katuwang sa proyekto sina Noel Clemente at Conrad Nuyles.

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito. Si Phillip Kimpo Jr. ang kasalukuyang pangulo ng LIRA.

2 thoughts on “Tulaan sa Facebook 2013: Mga Nagwagi para sa Hunyo-Hulyo

  1. Pingback: Tulaan sa Facebook 2013: Mga Nagwagi para sa Agosto | KALATAS: Philippine Literature, Culture, & Ideas

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s