News

Gawad Balagtas, Gawad Benitez, at Gawad Bucaneg: Ang Mga Pararangalan ngayong 2013

Sa nalalapit na Pambansang Kumperensiya at Kongreso ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), pararangalan ang ilang mga manunulat na nagsusulong sa panitikan ng Filipinas. Ito ay gagawin sa Agosto 31, 2013, 2 n.h, sa Leong Hall Auditorium ng Pamantasang Ateneo de Manila.

Ang pitong pararangalan ng 2013 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ay sina Alice Tan Gonzales (Katha sa Hiligaynon), Grace Hsieh-Hsing Lee (Tula sa Tsino), Francisco T. Ponce (Katha sa Ilocano), Eduardo Jose E. Calasanz (Tula sa Filipino), Rolando B. Tolentino (Katha at Sanaysay sa Filipino), Mario I. Miclat (Katha sa Ingles at Filipino), and Floy Quintos (Dula sa Filipino). Bibigyan din ng Gawad Paz Marquez Penitez si Lina B. Diaz de Rivera at ng Gawad Pedro Bucaneg ang Baguio Writers Group.

Ang Gawad Balagtas ay iginagawad sa nabubuhay na manunulat may malaking naimbag sa panitikan gamit ang alinmang wika sa Filipinas. Ang Gawad Benitez ay para sa mahusay na guro sa panitikan at ang Gawad Buganeg ay para sa grupo o organisasyong pampanitikan.


Alice Tan Gonzales
Katha sa Hiligaynon
Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas 2013

(Larawang kuha ng http://www.thenewstoday.info)

(Larawang kuha ng http://www.thenewstoday.info)

Kumuha ng AB Literature sa La Salle College, Bacolod; MA Literature mula sa Ateneo de Manila University, at PhD in English Studies: Creative Writing mula sa University of the Philippines-Diliman. Kasalukuyan siyang propesor ng panitikan sa UP Visayas. Makailang ulit nang nagwagi sa mga patimpalak ng Carlos Palanca Memorial Awards, Cultural Center of the Philippines, at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Awtor siya ng Sa Taguangkan sang Duta kag Iban pa nga Sugilanon (2009) at May Isa ka Kuring nga Hari kag Iban Pa nga Sugilanon para sa Kabataan (2010).

Kinikilala siya ng UMPIL para “(s)a kaniyang mapang-unawang pagsisiwalat ng mga salaysay ng mga tauhang sumasangkot sa mga tunggalian sa buhay, at pagsasapook ng mga pangyayari sa kuwentong nagpatingkad sa kahulugan ng akda, at pagbibigay tinig sa mga nasa laylayan ng lipunan, at higit sa lahat pag-aangat ng antas ng kasiningan ng katha sa bansa.”

Sipi mula sa isang kuwento ni Alice Tan Gonzales

It would be lovely to watch the fireflies. She looked up at the talisay. She noticed that the sky was full of stars. They were like fireflies in the sky. It was beautiful. There was no moon but the sky was bright. Then someone sat beside her. It was Carding.

“What are you looking at?” he asked.

“The stars. They look like fireflies. But they’re more beautiful,” she answered softly.

“The sky does not run out of stars as long as it’s not cloudy,” Carding remarked.

They were both quiet for along time.

“Where do you plan to work? Will you stay in Bacolod?” Cristy read the anxiety in his voice.

“No. I’ll find work in Iloilo,” she answered.

Silence.

“Will you come back to the farm?” Carding wanted to know.

“If I get invited.”

“Even in summer?”

“Even in summer.”

“Soon I shall invite you.” Cristy felt Carding’s gaze in the dark.

Cristy did not speak immediately. She looked up at the fireflies in the sky. “I’ll wait,” she finally said and stood up.

Together, they returned to Carding’s house where the kerosene lamps were aglow.


Grace Hsieh-Hsing Lee
Tula sa Tsino
Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas 2013

gawad_grace lee

Isinilang sa Shanghai at lumaki sa Taiwan, matagal nang naninirahan sa Filipinas si Grace Hsieh-Hsing Lee, pangunahing makata sa komunidad na Tsinong Filipino. Marami sa kaniyang mga akda ang humango ng tema sa kaniyang mga karanasan bilang etnikong Tsinong namumuhay sa Filipinas. Namumukod tangi ang kaniyang mga tula tungkol sa mga bayaning Filipino, kasama sina Tandang Sora, Gabriela Silang, Lapu-Lapu. Nakapaglabas na siya ng pitong koleksiyon ng mga tula, sanaysay at salin. Naisama na rin ang kaniyang mga akda sa maraming antolohiya sa loob at labas ng Filipinas. Nagwagi siya ng mga parangal mula sa mga komunidad na Tsinoy sa Filipinas at sa Taiwan.

Kinikilala siya ng UMPIL para “(s)a kaniyang mga tulang tumatawid sa dalawang kalinangan at sa malawak na panahon sanhi ng pagnanais na maunawaan ang sarili, hindi lamang para sa sarili kundi para sa dalawang komunidad na kaniyang kinabibilangan—ang Filipino at Tsino. Higit na yumayaman ang pananaw-sa-daigdig ng kaniyang dalawang mambabasa dahil sa kaniyang mga akda.”

Kalye Ongpin

Nasa Chinatown ang Kalye Ongpin.
Tuwing naiisip ko ang Tsina
Sa Ongpin nagpupunta.

Sa Ongpin nagpupunta para bumili ng tradisyunal
Na gamot Tsinong pumapawi sa sintomas at sanhi ng sakit,
Pumapawi sa malalim ang pagkakaugat na pangungulila sa bayan.
Sa Ongpin bumibili ng katas ng lemon na inianunsiyong
Lumilinis sa puso at nagpapalamig sa init-katawan,
Pumapawi sa galit dala ng pagkaduhagi ng bayan at tahanan.

Sa Ongpin nagpupunta para kumain ng lutong Tsino,
Daig ng isang pares na chopstick ang isang pluma
Sa pagdurugtong sa matandang-matandang historya.
Sa Ongpin nagpupunta para uminom ng tsaang Oolong,
Daig ng isang tasang tsaa ang ilang patak ng asul na tinta
Sa pagbalangkas sa mahabang-mahabang kultura.

Sa Ongpin nagpupunta para basahin ang magugulong karatulang Tsino,
Sa Ongpin nagpupunta para tignan ang mga di kilalang mukhang Tsino,
Sa Ongpin nagpupunta para makinig sa mga usong kantang Tsino,
Sa Ongpin nagpupunta para tumapak sa maruruming kalsadang Tsino.

Tuwing naiisip ko ang Tsina
Sa Ongpin nagpupunta,
Nasa Chinatown ang Kalye Ongpin.

Ang Chinatown ay hindi nasa Tsina,
Ang Chinatown ay hindi Tsina.


Francisco T. Ponce
Katha sa Ilokano
Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas 2013

gawad_francisco ponce

Tubong Napo, Magsingal, Ilocos Sur, nakatira siya at kaniyang pamilya sa Ewa Beach, Hawaii mulang 1970. Ginawaran na siya ng Most Outstanding Writer ng Kalayaan-Philippines International Hawaii noong 2004 at ng Pedro Bucaneg Award ng GUMIL Filipinas noong 2008. May dalawa siyang kalipunan ng mga katha na pawang unang nalathala sa Bannawag: Bin-i ti Biag (Seedlings of Life, 2004) at Sabong ti Biag (Flower of Life, 2006). Sa kaniyang pagtanggap ng Gawad Bucaneg, kinilala ang kaniyang “mahusay na pagkukuwento hinggil sa karanasang Ilokano.”

Kinikilala siya ng UMPIL para “(s)a kaniyang pagiging dalubhasa sa nobela, maikling akda, at tula na nagsilbing saksi sa mga pang-araw-araw na buhay ng mga kapuwa niya Ilokano, nagpanatili ng kanilang mga kinagisnang magagandang gawi na dahilan upang makilala ang identidad na Ilokano maging sa isang banyagang pook.”

Isang Habi sa Buhay ni Segundina De Dios
(Maysa a Linabag iti Biag ni Segundina De Dios)

Nagsimula nang mahinog ang iyong mga buhok gayong nangingislap pa rin ang angking kagandahan. Napakalayo na ng panahong nagpaalam ka sa inyong pook na Napo. Noong nasa Hawaii ka, madalas mong iniisip ang kahirapang iniwan mo. Ang kahirapang siya namang tulay mo upang magsumikap.

Pinagkaitan mo ang iyong sarili ng pagkakataong magliwaliw sa mga parke at aplaya o mamasyal sa iba’t ibang estado ng Amerika gaya ng iba mong kalahi. Ang kaalwanan lamang ng iyong ina at mga kapatid ang iniisip mo, kung kaya wala kang ibang inatupag kundi trabaho.


Eduardo Jose E. Calasanz
Tula sa Filipino
Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas 2013

gawad_calasanz

Nagtapos ng BA Philosophy sa Ateneo de Manila University, at ng araling gradwado—Diplôme d’Etudes Françaises, Licence de Philosophie, Maîtrise de Philosophie, at Diplôme d’études approfondies en Philosophie sa Université d’Aix-Marseille, France. kasalukuyan siyang Assistant Professor ng pilosopiya at Associate Dean for Academic Affairs, ng Loyola Schools, Ateneo de Manila University. Bukod sa napakaraming akdang pilosopiko at pampanitikan, isang hinahangaang monumento ng panulaang Ateneo ang kaniyang aklat ng tula na Nagdaraang Hangin (1991).

Kinikilala siya ng UMPIL “(s)a kaniyang mga tula na nagpahiwatig at nagpahayag, sa paraang malalim at masining, ng paghanap ng indibidwal at ng tao sa kahulugan ng pag-iral. Naisakatawan ng kaniyang natatanging poetikong wika ang masalimout na mga pagtatanong at pagkatuklas ng manunulat sa mga bagong daan para sa kamalayan.”

Talisay, Cebu
(para kay Manny Dy)

Malambing dito ang paghaplos ng alon
Sa dalamapasigan: sinlambing ng pagpaalam natin
Sa tag-araw ng ating buhay.
Sino ang makapagsasabi kung saan
Nabubuhay, saan humahantong
Ang daloy ng mga pangyayari,
Ang bawat pagtupad at pagkabigo ng sarili?
Naisip kong baka alam
Ng mga isdang nakahanay sa buhangin
Ang tanging sagot sa ating suliranin.
Kaya nakadilat ang mata nila
Sa sandali ng pagkamatay:
Hanggang dito na lang ba?

Hindi maaring ipinid
Ang bukas na pagtataka.

Ngunit sa kabila ng aking pagdidili-dili
Patuloy pa rin ang pag-alon ng dagat.
May sariling pagkumpas ang awit ng tubig.
Wala tayong magagawa
Sa pamimingwit ng tadhana.
Namnamin ang bawat patak ng alak
At luha.
Ibulsa ang kalungkutan.
Halikan ang hangin.


Rolando B. Tolentino
Katha at Sanaysay sa Filipino
Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas 2013

(Larawang kuha mula sa upworkshop2011.wordpress.com)

(Larawang kuha mula sa upworkshop2011.wordpress.com)

Tapos ng MA in Philippine Studies, major in Philippine Literature sa De La Salle University, at PhD in Film, Literature, and Culture sa Critical Studies Division, School of Cinema-Television, University of Southern California, Los Angeles. Pangunahing awtor ng maraming aklat sa kritisismong pampanitikan at teoryang pangkultura sa Filipinas, kabilang na ang Gitnang Uring Fantasya at Materyal na Realidad: Politikal na Kritisismo ng Kulturang Popular (2010), Pag-aklas/Pagbaklas/Pagbagtas: Politikal na Kritisismong Pampanitikan (2009), Sipat-Kultura: Mapagpalayang Pagbasa, Pag-aaral at Panunuri ng Panitikan (2007), at Sa loob at labas ng mall kong sawi/kaliluha’y siyang nangyayaring hari: Ang Pagkatuto at Pagtatanghal ng Kulturang Popular (2001). Kilala rin siyang kuwentista at awtor ng Almanak ng Isang Aktibista (2011), Sakit ng Kalingkingan: Dagli sa Edad ng Krisis (2005), Ali*bang+Bang at iba pang kwento (1994, 2003), Sapinsaping Pag-ibig at Pagtangis, Tatlong Novella ng Pagsinta’t Paghinagpis (1999), at Fastfood, Megamall at iba pang kwento sa pagsasara ng ikalawang milenyum (1999).

Kinikilala siya ng UMPIL para “(s)a kaniyang mga naratibong may matalas na komentaryong panlipunan, nagsusulong ng kamalayang makasarian at makauri habang nagtataglay ng nakalulugod na kabaguhan at eksperimentasyong pormal; at sa kaniyang mga pagsusuring naglalantad ng sistematikong opresyong sosyal at nagpapakahulugan sa paraan pagsanggalang sa karapatan ng nakararami.”

Mula sa “A.”

Sa aking panaginip, madadatnan kitang nakatungo ang iyong ulo sa hita’t nag-aantay, matapos ng tatlong oras sa baitang sa hagdang pimakamalapit sa pintuan ng bahay; mapupungay ang iyong mga mata’t maamong ipapadantay ang iyong buhok at mukha sa aking kamay na kanina’y may bitbit na bag ng groserya; hindi ka iimik, nakapikit na sinasalat ng iyong mukha ang aking palad.

Sa aking panaginip, yayayain mo akong tumabi’t dumantay sa iyong hapong katawan; yayakapin kita’t hahalikan na parang sanggol na nangangailangan ng pagmamahal; hahayaan mong mabasa ko ang iyong mga panaginip, mapakinggan ang alingawngaw sa tibok ng iyong puso; ako ang magmamatyag habang ikaw ay nahihimbing; iduduyan ka ng yapos at dampi ko sa mga bilog na buwan at maririkit na bituin, ng mga alon at kabibe, ng pagliliwanag matapos ng matagal at malungkot na kadiliman.

Sa aking panaginip, hahablutin mo ang aking siko para matapat ang aking labi sa iyo; hahalikan mo ako na parang wala nang bukas; sasamsamin mo ang aking likido, at ako rin naman sa iyo; hahayaan mong gabayan ng iyong dila ang lahat ng bahagi ng aking bibig, papasok sa aking kaluluwa; kikilalanin mo ako bilang ako, at ako naman, ikaw bilang ikaw—walang labis at walang kulang; maghahalikan tayo hanggang sa mamanas ang ating mga labi.


Mario I. Miclat
Katha sa Ingles at Filipino
Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas 2013

(Larawang kuha mula sa upworkshop2011.wordpress.com)

(Larawang kuha mula sa upworkshop2011.wordpress.com)

Naglingkod na dekano ng University of the Philippines Asian Center at associate ng UP Likhaan: Institute of creative Writing. Ginawaran noong 2006 ng National Book Award ang kaniyang aklat na Beyond the Great Wall. Ilan pa sa mga aklat niya ang Secrets of the Eighteen Mansions (2010, 2011), at Pinoy Odyssey 2049 (2005). Premyado rin siya ng mga gantimpala mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards at Nick Joaquin Literary Awards. Isa siyang foreign expert sa Philippine Section ng Ministry of Radio, Film, and Television ng People’s Republic of China mula 1971 hanggang 1986.

Kinikilala siya ng UMPIL para “(s)a kaniyang mga kathang bihasang naglalangkap ng siste at ng payak na katotohanan upang mailarawan ang balighong daigdig, at sa kaniyang marubdob na pagdulog sa napiling mga paksa, napapangingibabawan niya ang mga mga balakid at nakalikha ng mga maningning na akdang mahalagang ambag sa panitikang Filipino.”

Mula sa maikling kuwentong “Ay! Kablentong”

Masaya naman ang naging buhay namin sa Tubod. Distributor nga si Papa ng Tycoon Cigarettes, nurse naman sa health center si Mama. Isang dapithapong tumalilis ako ng bahay at nagpuntang mag-isa sa plaza, narinig ko ang tsismis.

“Maganda partnersip ng mag-asawang iyan. Pagnatisiko ka sa Tycoon, dun sa narses ka magpainíksiyun,” sabi ng nagkokomentaryong Maranao, sabay tapon sa akin ng mga balat ng binusang mani. Hindi na ako umangal. Buti na itong mapagkamalang bariles na basurahan kaysa mabisto nilang ako ang anak ng kanilang pinag-uusapan.

May isa pa akong natutunan sa Mindanao. Madaling sabihing “our Muslim brothers,” mahirap unawain pag natatapunan ka na ng pinagkainan. Buti na lang nakaalis ako nang hindi nila napapansin. Madilim na. Tumawid ako ng daan. Sarado na ang botika nina Cuneta. Naglakad ako sa direksiyon nina Quibranza. Nasa harap ako ng bahay ng mga Ignacio nang may nasalubong akong dalawang mamang nakayuko. Bigla akong sinukluban ng sako.

Ay! Kablentong. Kinidnap nila ako. Dinala ako sa taniman ng strawberry at pinyang Hawaii. Ito na pala ngayon ang kuta ni Kamlon. Sabi na nga ba ni Papa, may mga lugar na hindi dapat pinupuntahan. Sa pakikinig ko ng tsismis sa plaza, na-Petak Tundok ako.

Sigaw ng kidnapper, “Gapos ka diyan, hangga’t hindi nagbabayad ang Papa mo!”

Sa gitna ng taniman, isang alaala ng dating gubat ang iniwan ni Papa: ang punong higerang daho’y kulay pupas; dito ako ginapos na kahabag-habag, isang pinag-usig ng masamang palad.

Naiwang mag-isa, naaawa sa sarili, naalala ko sina Papa, Mama at Kuya. Napahiyaw ako:

Sa loob at labas, ng bayan kong sawi
kaliluha’y siyang nangyayaring hari,
kagalinga’t bait ay nalulugami
ininis sa hukay ng dusa’t pighati.


Floy Quintos
Dula sa Filipino
Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas 2013

gawad_floy

Nag-aral sa Ateneo de Manila, at UP High School, nagtapos ng B.A. Journalism sa UP College of Mass Communications. Nagsulat ng maraming lathalain sa mga pahayagan at naging managing editor ng Metro Magazine. Creative consultant siya ng GMA Network, at freelance director. Nagsulat ng halos 20 dula, kabilang ang Gironiere (1985), El filibusterismo (1991), And St. Louis Loves Dem Filipinos (1992), Fluid (2005), Shock Value (2006), Isang Panaginip na Fili (2008), Atang (2008), Ang Kalungkutan ng Reyna (2009), Suor Clara (2010), Fake (2011), Ang Nawalang Kapatid (2011), An Evening at the Opera (2011), at Collection (2013). Naging direktor na rin siya ng malalaking produksyon, mulang grand opera (Eugene Onegin, Die Fledermaus, Cavalleria Rusticana, La Traviata para sa UST Conservatory of Music at Cultural Center of the Philippines; La Boheme para sa Philippine Opera Company) hanggang mga obra maestra (A Streetcar Named Desire/ Flores para los Muertos ni Tenesse Williams, salin ni Orlando Nadres, Kudeta ni Mustafa Mastura, kapwa para sa Tanghalang Pilipino).

Mula sa “Suor Clara” (2010)

CLARA: Wala akong pinagsisisihan. Buhay ako, mahal kong Obispo, tumatanda pero buhay. At kahit na makasalaNang babae ang tingin mo sa akin, patuloy kong bubuksan ang sarili ko sa lahat ng karanasan. Lahat, Salvi…At kapag humarap na ako sa Diyos at tinanong niya kung ano ang mga kasalanan ko, sasabihin ko sa kanya,”Poon ko, napakarami. Hindi mabilang. Pero eto, nakaharap ako sa iyo, Siguro naman, ang isang kasalanang nagawa ko—kung kasalanan man ang lumaban at mabuhay at maging bukas ang loob sa lahat ng karanasan—siguro nama’y ang isa dun sa mga kasalanang iyon, ang nagdala sa akin sa harap mo, Poon ko.”

At kung di man niya ako maiintindihan, maiintindihan ako ni Santa Monica at ni San Agustin.

Labis kong ikatutuwa yun.


Lina B. Diaz de Rivera, PhD
Gawad Paz Marquez Benitez 2013

gawad_de rivera

Retiradong propesor ng Reading Education sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Humawak ng iba’t ibang posisyon sa akademya at mga palathalaan ng teksbuk. Nagbigay na rin ng sarisaring lektura sa iba’t ibang panig ng Filipinas at daigdig. Siya ang nagdisenyo ng programang doktoral ng Reading Education sa UP, at awtor rin ng mga aklat, kabilang na ang The Lighter Side of the Saints (2013) at The Anvil Guide for Teaching Filipino Novels in English, Anvil Publishing (2012).

Kinikilala siya ng UMPIL para “(s)a nakaraang mga dekada, sa masiglang tanglaw nitong mahal na guro, naging kasiya-siya ang larangan ng pagkatutong magbasa para sa maraming mag-aaral at pagtuturo ng pagbabasa para sa ilang salinlahi ng guro dahil sa kaniyang mapagkalingang gabay. Walang sawang nagbahagi siya ng kaniyang talino at kaalaman sa iba’t ibang institusyon kaya nagkaroon ng malawakang bisa ang kaniyang simulain, bukod pa sa paglalathala ng mga aklat sa pedagohiya at mga akdang pambatang sumusuhay sa kaniyang bisyong pang-edukasyon.”


Baguio Writers Group
Gawad Pedro Bucaneg 2013

gawad_baguio

Higit na yumabong ang literatura sa lungsod dahil sa marubdob na pagtataguyod ng Baguio Writers Group (BWG) magmula pa noong dekada otsenta at hindi nanghinawa ang kasapian nito na buhayin ang simulaing pansining hanggang sa kasalukuyan. Tulad ng kanilang tagumpay na naisagawa sa maraming taon, nangangangako ang samahan ng lalong pagsusulong ng panulat at pagpapapahagala ng malikhaing akda, kabilang ang ibang kaugnay na arte para sa mas malawak na bilang ng tagasubaybay. Sa pamamagitan ng mga talakayan at pagtatanghal at publikasyon, nahihikayat ng samahan kapuwa ang manunulat at mambabasa na pasiglahin ang literaturang Filipino sa Baguio.

Advertisements

2 thoughts on “Gawad Balagtas, Gawad Benitez, at Gawad Bucaneg: Ang Mga Pararangalan ngayong 2013

  1. Pingback: Bonifacio bilang Manunulat: Isang Pagpapahalaga’t Pagkilala. | Cyber Isko - The Student Publication of University of the Philippines OU

  2. Pingback: Remembering Bonifacio as a Writer | Cyber Isko - The Student Publication of University of the Philippines OU

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s