Books / Review

Review: Ang Bonggang Bonggang Batang Beki

ni Xi Zuq

Ang Bonggang Bonggang Batang Beki

Kahanga-hanga ang paglabas ng aklat pambatang pinamagatang Ang Bonggang Bonggang Batang Beki. Isinulat ito ni Rhandee Garlitos, iginuhit ni Tokwa Salazar Peñaflorida, at inilimbag ng LG&M Corporation (2013) sa ilalim ng imprint na Chikiting Books. Itinatanghal nito ang effeminacy o pagiging malambot ng batang lalaki bilang isa sa mga karanasan o realidad ng mga batang Filipino.

Ang pagtatanghal na ito ay ipinapakita sa iba’t ibang paraan. Una, binigyan si Adel (ang bidang bata) ng isang pamilyang mapagkalinga–ng isang kuya (na siyang tagapagsalaysay ng kuwento) at isang ate na umiintindi sa mga katangian at kagustuhan ng kanilang bunsong kapatid, at lalo na ng isang amang kinikilala ang katauhan ni Adel. Nakatutuwa pang ipinagtanggol ng tatay si Adel nang minsang nainis si Tito Braulio (sundalong kapatid ng tatay) dahil masyadong malambot si Adel kaya nahihirapan siyang turuang lumangoy.

Ngunit ipinakita rin ni Garlitos na sa pagtatanghal ay hindi kailangang perpekto ang binibidang tauhan. Sa halip, inisa-isa ang mga galing at gilas ni Adel, tulad ng kasipagan nito at hindi pagpapaapekto sa panunukso ng ibang tao, at ang mga ‘kahinaan’ niya, tulad ng madaling pag-iyak sa pinapanood na teleserye at takot sa ilang insekto at hayop. Sa katunayan, nagtago pa nga si Adel nang malamang inimbita sa kaarawan ng kaniyang tatay si Tito Braulio. Naipapadama nito na isang totoong bata at tao si Adel.

Hindi naman pumalya si Peñaflorida sa pagguhit sa pink at masayang mundo ni Adel–paalon-alon na estilo ng lilang buhok, makukulay na mga gamit, malikot na ‘kilos’ ni Adel at iba pa. Nagagawa naman niyang patimpihin ang kasiyahan tulad ng mga pahinang nagpapakita ng takot si Adel dahil sa pagdating ni Tito Braulio at ang mga palatuksong kambal na anak nito. Sa katunayan, humahanga ako sa sinadyang biswal na pag-iiba sa mapagkalingang pamilya ni Adel dahil panay kurba ang mga ginamit habang tuwid o malakahon naman sa pamilya nina Tito Braulio.

May ilang katanungan namang kailangang ihain sa aklat. Una, hindi matiyak ang kahalagahan ng kuya bilang tagapagsalaysay ng kuwento. May mga pahina pang nakakalimutan kong ang kuya pala ang nagsasalaysay at pangatlong punto-de-vista ang ginamit. Ano ang magiging pagkakaiba kung hindi siya ang nagsalaysay kung wala naman siyang tuwirang ginawa upang mapausad ang balangkas ng kuwento maliban sa pagiging tagamasid?

Pangalawa, gaano katibay ang mekanismong ginawang batayan ng ‘katapangan’ ni Adel nang mapaamo niya ang asong humahabol sa dalawang anak ni Tito Braulio? Maliban sa nakatutuwang isipin na iniligtas ni Adel ang mga nananukso dahil sa kaniyang katauhan, ano pa ang pinapatunayan ng eksenang ito? Talaga bang naging ganoon kadali sa mata nina Tito Braulio at mga anak nito na maging katanggap-tanggap si Adel? Kinailangan ba talagang maging ‘matapang’ siya upang maging katanggap-tanggap o mas magandang tinanggap siya dahil sa angkin niyang katangian? Magbabago ba ang pananaw ni Tito Braulio sa ‘matapang’ na si Adel kung alam pa rin niyang malambot ito sa iba pang panahon?

Bilang pangwakas, kapuri-puri ang aklat na ito dahil sa paghahamon nito ng mga paksang maaaring talakayin sa mga aklat pambata. Binibigyan nito ng puwang ang mga pinipiping karanasan na hindi ‘katanggap-tanggap’ ayon sa ating lipunan batay sa mga namamayaning ideolohiya. Kaya mahalaga, para sa akin, ang salitang “fierce” sa magandang salin ng aklat na ito: The Fierce and Fabulous Boy in Pink!

Bisitahin ang blog na xizuqsnook.com o Facebook page na Xi Zuq’s Nook para sa iba pang rebyu ng aklat pambata ni Xi Zuq.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s