ni Virgilio S. Almario
Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan
Ekslusibo para sa Kalatas
MUKHANG NAUBUSAN NA ng bála ang mga “kaibigan ni Rio” sa Unibersidad ng Pilipinas laban sa panukalang “Filipinas” ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ayon sa aking informant sa UP at sa UST, hinarap naman nilá upang maliitin ang binuo kong UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF) sa pamamagitan ng isang lektura bago matapos ang Buwan ng Wika. Minaliit ang popularidad ng UPDF. Nakaaakit lamang daw ito ng mamimili dahil sa “UP” sa pamagat. Malinaw ding nais kutyain ang kakayahan kong lumikha ng diksiyonaryo dahil hindi naman ako “linguist” at dahil silá ang kahit paano’y may ilang yunit sa leksikograpiya ay silá lamang sa akademya ang may lehitimong kalipikasyon para tumupad sa ganitong tungkulin.
Wala akong interes ngayong makipagpataasan ng ihi sa mga akademisyang “kaibigan ni Rio” sa UP at lalo na sa inudyukan niláng magsagawa ng misyong demolisyon laban sa UPDF. Ikinalulungkot kong higit sanang naging kapaki-pakinabang ang kaniyang komentaryo kung isinagawa ito sa panahong ako mismo ang lantarang naghahanap ng puna sa unang edisyon (2001) ng aking diksiyonaryo at upang matulungan akong magrebisa para sa isang higit na makinis na ikalawang edisyon. Naghintay ako ng komentaryo at patnubay sa loob ng sampung taon. Kayâ hindi maitatatwa ang malisya sa pagdaraos ng lektura ngayong matagal nang nalathala ang ikalawang edisyon (2010) ng UP Diksiyonaryong Filipino.
Ikinalulungkot ko ring naganap ang pagkutya sa akin at sa UPDF dahil sa dalawang masamâng gawain sa pagsusuri—mga krimen na hindi dapat ginagawa ng isang iskolar at akademistang taga-UP. Kayâ nais kong ipaliwanag ang naturang mga pagkakasálang akademiko sa paraang walang bahid uyam o pagmamalaki upang makatulong sa pagwawasto ng kahabag-habag na kondisyon ng pagsusuring kritikal sa aking mahal na unibersidad.
Ang unang krimen laban sa malusog na pagsusuri ay magsimula sa paghahanap ng bútas. Pinakikitid nitó at inuulapan ang pananaw ng tagasuri. Nawawalan ng obhetibidad, at lalo na ng sapat na puwang ang pagsusuri upang pahalagahan ang sinusuri.
Nakakita naman ng inaakalang bútas ang aking tagasuri sa pakahulugan ng “singkahulugan” sa UPDF. Ikinompara niya ang kahulugan ng “singkahulugan” sa pakahulugan ng synonym sa Oxford English Dictionary (OED). At nakita niya ang isang malaking pagkakaiba. Hindi binanggit sa UPDF ang impormasyon sa OED na ang dalawang salitang may magkatulad na kahulugan ay dapat na mula sa iisang wika. Kung nagbuklat pa siyá ng ibang sanggunian ay bakâ nasilip niyang hindi rin binanggit sa Real Academia Española ang naturang kahingian.
Subalit nakatagpo siyá ng inaakalang bútas. Mula dito niya inugat ang hakang pangunahing problema ng UPDF—ang tinatawag niyang “sinonismong walang hangganan.” Sa kaniyang pakiramdam, sinadya ko ang higit na maikling pakahulugan sa “singkahulugan” upang maisagawa ang “padampot-dampot” na paglikom ng mga salita mula sa iba’t ibang katutubong wika ng Filipinas.
Bago ako magpatuloy, nais ko munang banggitin ang ikalawang krimen ng aking tagasuri: Hindi niya binása, o kung binása man ay hindi inunawa, ang aking mahabàng paunang salita hinggil sa mithiin at pamamaraang ginamit sa UPDF. Isang mahigpit na tagubilin ito sa sinumang iskolar. Kung tutuusin, ang higit na mabagsik na pamumuna ay nagsisimula sa pagsisiyasat sa ipinahayag na gawain at tungkulin ng nais punahin. Kung binása niya ang aking paunang salita at sinikap intindihin ay bakâ iba ang naging puntirya at nilalaman ng kaniyang lektura.
Ngunit maaari din namang sarado na ang kaniyang pang-unawa hinggil sa mithiin ng UPDF. Wika ko na noon, bilang lagom, nag-aadhika ang UPDF ng isang diksiyonaryo para sa mithing wikang pambansa na may pangalang “Filipino” sa 1987 Konstitusyon. Sa aking introduksiyon, ipinaliwanag kong ang mithing “Filipino” ay hindi Tagalog bagaman isinasaalang-alang ang Tagalog bilang puso o pangunahing korpus ng wikang pambansa. Ngunit alinsunod na rin sa tadhana ng 1987 Konstitusyon, kailangang yumabong ang “Filipino” mula sa pangunahing korpus nitóng Tagalog at sa pamamagitan ng paglalahok mula sa mga katutubong wika ng Filipinas. Sa ilalim ng ganitong patnubay, ang lahat ng katutubong wika ng Filipinas ay bahagi ng “Filipino.” Sa gayon, hindi kakatwang ituring ang isang salitang Ilokano, Ilonggo, o Mëranaw bilang singkahulugan ng isang salitang Tagalog sa loob ng wikang pambansa. Hindi rin kakatwang ituring ang isang salitang Ingles o Espanyol na singkahulugan kung ginagamit ito ng mga mamamayan ng Filipinas sa mga sitwasyon at pook na Filipino.
Binubulag siyá, palagay ko, ng nakamihasnang paniwala na ang Filipino ay Tagalog at kayâ dapat tumanggap lamang ng singkahulugan mula sa wika ng mga Tagalog. Ni hindi niya naisip na nakinabang ang Ingles sa mga salita mulang Griyego, Latin, Pranses, Aleman, at iba pang isinahog upang yumaman ang luma’t makitid na bokabularyong Anglo-Saxon.
Bakit daw may mga wikang higit na maraming entri kaysa ibang mga wikang katutubo ng Filipinas? Hindi iyon kasalanan ng metodolohiya ng UPDF. Sa halip, dapat niyang nakuro sana na palatandaan iyon ng hindi pantay na saliksik sa mga wika ng Filipinas. Kayâ ako mismo ang umaamin na kulang na kulang pa ang UPDF. Para itong panimulang rehistro pa lamang ng wikang Filipino at dapat palaguin pa sa mga darating na edisyon. At kung nakapananaig ang Ingles o Espanyol, palatandaan din iyon ng naging hilig ng mga mamamayan ng Filipinas nitóng nakaraang panahon na higit na magsumigasig mag-ipon ng bokabularyong Ingles o Espanyol bilang sagisag ng mataas na edukasyon.
Bakit daw higit na maraming entri sa botanika kaysa ibang disiplina? Kasalanan ba ng UPDF na higit na maraming lahok hinggil sa mga halaman at punongkahoy ang mga batayang sangguniang diksiyonaryong Tagalog? Hindi ba’t isang indikasyon ito hinggil sa limitadong antas ng kaalaman ng mga Filipino hinggil sa batas at ibang disiplina? Ang diksiyonaryo ay talaan lamang ng antas ng karunungan ng mga gumagamit ng wika. Sa halip ipangkutya sa UPDF, dapat sanang ginamit niya ang kaniyang kantitatibong pagsusuri upang ipanukala ang mga dapat na direksiyon ng edukasyon sa wikang Filipino.
Hindi ko iniisip na maliwanagan siyá ng aking paliwanag. Kapag naganap iyon, magtataksil siyá sa kaniyang panimulang lunggati sa paghamak sa UPDF. Ang higit na mabigat, malilinawan din niya kung bakit “Filipinas” ang dapat maging pangalan ng bansang may wikang pambansang tinatawag na “Filipino.” Higit na mainam para sa kaniya na hamakin ang UPDF dahil ginawa ng isang makatang aliwan ang pagbabása ng diksiyonaryo at hindi ng isang doktorado sa lingguwistika, o historyan, o tituladong iskolar. Dapat lamang niya akong kutyain dahil lubhang mapangarapin. Nakaririmarim kung hindi man nakaiinggit na paniwalaan ang tulad ko sa kaniyang lipunang akademiko. Malulubos naman ang paghanga ko sa kaniya at sa mga kasáma niyang “mga kaibigan ni Rio” kapag nailathala na nilá ang isang tiyak na wastong monolingguwal na diksiyonaryo sa wikang Filipino. Umaasa ako, alang-alang sa kaganapan ng Filipino at sa muling-pagkatha sa Filipinas.
Ferndale Homes
17 Setyembre 2013
diksyunaryo = talahulugan. 🙂