Books / Review

Review: Ma-me-mi-mumu

ni Xi Zuq

mamemimumu

Nanginginig si Sophia at ang kaniyang pusa na nakaluklok sa isang bahagi ng silid. Ang lilang liwanag ng buwan at ilaw sa labas lamang ang pumapasok sa nakabukas na bintana ng silid. Makikita naman sa silid ang isang matandang orasan, ang hagdan, ang salamin, ang mga nakabiting larawan sa pader at maging isang silip sa kusina.

Ganito ang eksena sa ikalawang spread ng aklat na Ma-me-mi-mumu, na isinulat at iginuhit ni Jomike Tejido at inilimbag ng Tahanan Books for Young Readers (2013). Nahuhuli ng eksenang ito ang karaniwang takot ng mga bata sa dilim–kaya hindi nakapagtatakang sadyang nag-iisa si Sophia sa eksena at nagpapakita ng pagdududa ang kaniyang mukha sa mga bagay sa silid ng sarili niyang bahay. Sa paniwala niya, may mga lumalabas na mga sobrenatural na nilalang sa dilim.

Nagpapatuloy ang pagdududang ito nang pumunta si Sophia sa kusina upang kumuha ng tubig, magbanyo, at nagkukulay hanggang sa napasigaw siya sa takot. Naipon ang takot na ito sa kaniya at sa mga mambabasa dahil sa dahan-dahang paglalarawan ng aklat. Tiyak na maaalala ng mga mambabasa ang mga panahong nag-iiba ang paningin nila sa mga pamilyar na bagay sa kanilang bahay. (Sana lamang ay pinanatili ang madilim na ilaw na ginamit sa naunang pahina upang mas maging makabuluhan ang mga eksena kahit walang tekstong naglalarawan.)

Kung kailan sukdulan at nailabas na ni Sophia ang kaniyang takot, dumating ang kaniyang Lolo Nanding upang saklolohan siya at ipahiwatig sa mga mambabasa na hindi siya nag-iisa. Hanggang sa bahaging ito, hindi ipinagkait ng aklat na makadama ng takot ang bata at ang mambabasa ngunit hindi rin nito hinayaang mamuhay sila sa takot. Kinailangang dumating si Lolo Nanding at tumula tungkol sa maaaring gawin ni Sophia kapag may dumalaw na mga sobrenatural na nilalang. Bagaman maganda rin sanang si Sophia ang makatuklas ng paraan upang mawala ang kaniyang takot, naging mahalaga rin ang papel ni Lolo Nanding upang ipakita sa mga mambabasa na maaari nilang lapitan ang kanilang magulang, guro o sinumang nakatatanda kung may suliranin.

Nakaaaliw ang mga suhestiyon ni Lolo Nanding: kapag may bumisitang tikbalang, bigyan ng tsaa; kapag may nagpakitang kapre, bigyan ng kendi; kapag may siyokoy, makipaglaro ng basaan, at iba pa. Sa bahaging ito ng pagtula ng lolo (na mekanismo ng aklat upang makapagpakilala ng iba’t ibang sobrenatural na nilalang), lumiliwanag na ang ilaw ng mga pahina upang maging hudyat sa pagbabago ng damdamin ng aklat mula sa takot tungo sa aliw, katatawanan o saya kahit na nananatili ang dilim ng gabi. Sinasabayan ang pagbabago ng damdamin, hindi lamang sa ilaw ng mga pahina, kundi maging sa paggamit ng patulang paraan sa teksto na may nakaaliw na nalilikhang tunog dahil sa tugmaan. Ang pagkakalarawan din sa mga eksena ay pinuno ng sari-saring kulay mula sa madilim at malamlam sa mga unang pahina. Dumarami rin ang mga detalyeng ipinapakita–kaya sandamakmak ang matatamis na nakalatag sa harap ng Bungisngis at maraming tumitilapon nang nagbasaan si Sophia at ang siyokoy. Pati ang galaw ni Sophia at ng mga elemento ng ilustrasyon ay nagbago rin mula sa pagiging limitado (nakaluklok) at maingat tungo sa malaya at mapaglaro.

Naging bisa ng aklat na ito, kung sa gayon, ang pag-ugnay sa karanasan ng takot ng mga bata at ang dahan-dahang pagwawaksi nito, gamit ang wika, ilaw, galaw, kulay at iba pang elemento.

Ngunit may mga kailangang tingnan sa ilang elemento ng aklat. Kailangang suriin, halimbawa, kung bakit ang ilan sa mga sobrenatural na nilalang ay may malinaw na pagkakaiba sa katayuan ng buhay nina Sophia at Lolo Nanding. Halimbawa, ang manananggal ay butas-butas at tinapalan ng mga retaso ang pakpak, at madungis at may tagpi-tagpi rin ang suot ng kapre. Sa kabilang banda, patong-patong ang damit nina Sophia (na may laso sa ulo) at Lolo Nanding (na naka-beret at vest).

Kailangan ding tingnan kung bakit hindi mukhang Filipino ang representasyon kina Sophia at Lolo Nanding at maging ang ilang sobrenatural na nilalang kahit na malinaw na patungkol sa paniniwalang Filipino ang pinapaksa. Halimbawa, mahirap na mapagkamalang tikbalang ang nasa aklat o maaari namang mapagkamalang Europeong nagsuot lamang ng salakot ang nuno sa punso.

Dapat ding suriin kung bakit piniling marangya ang bahay at ang buhay ni Sophia. Kung titingnan ang bawat elemento ng bawat eksenang ipinapakita sa iba’t ibang bahagi ng bahay, hindi maikakailang pinapaksa lamang nito ang karanasan ng isang uring panlipunan. Halimbawa, hindi tunay na makakaugnay ang mga batang walang bathtub upang makipagbasaan sa siyokoy, makipagtsaa sa tikbalang kung walang pantsaa, magpakain sa Bungisngis kung walang sandamakmak na matatamis, makipagkantahan sa aswang kung walang videoke at iba pa.

Panghuli, may mga kailangang repasuhin sa wika lalo na at nagiging pilit ang ilang linya dahil hindi suwabe ang mga pahayag at pagtutugma ni Lolo Nanding. Halimbawa: “Pag may kumatok na tikbalang,/ huwag magulantang./ Sa halip, bigyan ng damo at tsaa/ para bumango naman ang hininga!” Ano ang lohika na pabanguhin ang hininga ng tikbalang? Kailangan ding itsek ang paggamit ng “ng” na dapat ay “nang”, tulad sa linyang “ng tabako ay kaniyang iwasan” at “ng siya’y matuwa.”

Maliban sa mga punang ito, hindi nagbabago ang bisa ng Ma-me-mi-mumu na talakayin ang isang karaniwang karanasan ng mga bata at subukang baguhin ito sa pamamagitan ng pagdanas sa pagbabasa ng aklat. May aliw na naidulot si Lolo Nanding na sa mga huling pahina ay kalong-kalong si Sophia at akmang hinahalikan sa pagtulog ng bata. Sino nga ba namang bata ang hindi mawawalan ng takot kay Lolo Nanding, na inilarawan pa ni Sophia bilang “ang galing maglambing.”

Bisitahin ang blog na xizuqsnook.com o Facebook page na Xi Zuq’s Nook para sa iba pang rebyu ng aklat pambata ni Xi Zuq.

Advertisements

One thought on “Review: Ma-me-mi-mumu

  1. Pingback: Ma-me-mi-mumu! | Xi Zuq's Nook

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s