News

Tulaan sa Facebook 2013: Mga Nagwagi para sa Setyembre

fbicon-sponsors

UPDATED–Ikinagagalak ianunisyo ng mga tagapangasiwa ng “Tulaan sa Facebook,” isang proyekto ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), ang limang nagwagi para sa buwan ng Setyembre. Makakakuha sila ng libro galing sa University of Santo Tomas Publishing House at Ateneo de Manila University Press.

HIBIK NI BONIFACIO BAGO BAWIAN NG BUHAY

Huling hiblang hininga,
Hiling ng hihimlay na:
Humalik ang hustisya!

—Joel Costa Malabanan

ANG DALIT SA BALINTAWAK

Ang pag-gitaw sa gapos
Kapural sa pagtubos
Sigaw ang unang signos

—Anthony Diaz

IKAW SA IYONG MGA KAAWAY

Sa lura’t mga halik
At sa paninibasib
Hindi ka natigatig.

—Christian Guzman

ANDRES: ISA RING MAGBUBUKID

Pataba sa himagsik
Ang dugo mong hinasik
Bunga’y hitik na hitik!

—Omar V. Tolosa

SI BONIFACIO, NAGMUMULTO

Tanikalang kaladkad
ang pamukaw sa lahat
ng nahimbing nang dilat.

—Juancho Marco Plata

NOTE: Unang naideklarang isa sa mga nanalo si Gexter Lacambra ngunit na-double check ng mga tagapangasiwa na nasa listahan siya ng kasapi ng LIRA. Nasa tuntunin ng timpalak na hindi maaaring sumali ang mga kasapi ng organisasyon.

Pinalitan ito ng lahok ni Juancho Marco Plata.

Ang Tulaan sa Facebook ay isang paligsahan ng mga tulang nasa katutubong anyo ng Filipinas. Tampok sa mga lahok ang anyong diyona—isang tulang may iisang saknong, may isahang tugma, binubuo ng tatlong taludtod, at may pitong pantig sa bawat taludtod. Bahagi ito ng pagdiriwang ng taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Andres Bonifacio.

Ang limang pinakamahuhusay na tula para sa bawat buwan (monthly winners) ang pagpipilian ng mga hurado sa huling bahagi ng timpalak (Nobyembre). Gagawaran ang tatlong magwawagi ng Php 3,000, Php 2,000, at Php 1,000 galing sa Arts and Culture Division ng Ayala Foundation, Inc. Makakakuha rin ang tatlo ng isang taong membership sa Ayala Museum at Filipinas Heritage Library.

Ang namili ng limang diyona para sa buwan ng Setyembre ay si Charles Bonoan Tuvilla, kasapi ng LIRA. Naging fellow siya ng IYAS writing workshop noong 2008 at nagkamit ng mga parangal mula sa Don Carlos Palanca at Maningning Miclat foundations.

Ang Tulaan sa Facebook ay bukas mula Hunyo 15, 2013 hanggang Okt. 31, 2013 sa lahat ng mga Filipino na naninirahan sa Filipinas o sa labas ng bansa. Bago maglahok ng tula, kailangang i-”Like” ang opisyal na Facebook Page ng LIRA: “Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo” (https://www.facebook.com/PalihangLIRA) at puntahan ang Facebook Group: “Tulaan sa Facebook 2013.” (https://www.facebook.com/groups/tulaan/).

TUNTUNIN: http://wp.me/p326Rc-GF

Para sa iba pang katanungan, magpadala ng mensahe sa Facebook Page ng LIRA. Ang tagapangasiwa ng Tulaan sa Facebook ay si Christa I. De La Cruz, kasalukuyang Ugnayang Pangmadla ng LIRA. Katuwang sa proyekto si Noel Clemente.

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito. Si Phillip Kimpo Jr. ang kasalukuyang pangulo ng LIRA.

MONTHLY WINNERS

Hunyo-Hulyo: http://wp.me/p326Rc-MK
Agosto: http://wp.me/p326Rc-Pw

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s