News

Tulaan sa Facebook 2013: Mga Nagwagi para sa Oktubre

fbicon-sponsors

Ikinagagalak ianunisyo ng mga tagapangasiwa ng “Tulaan sa Facebook,” isang proyekto ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), ang limang nagwagi para sa buwan ng Oktubre. Makakakuha sila ng libro galing sa University of Santo Tomas Publishing House at Ateneo de Manila University Press.

HABANG NAGLALAKO ANG BATANG TONDO

Nagbuntis sa isipan
ang planong himagsikan,
kasama ng pamaypay.

—Lorenzo A. Fernandez Jr.

CONSEJO DE GUERRA: NOW SHOWING

Na ako ay nilitis
Ay isang obrang tsismis
Ng elitista’t burgis.

—Noel Castillo

SINO ANG TUNAY NA TRAYDOR?

Supremo ang taguri
Ngunit ika’y nasawi
Sa kamay ng kasapi.

—Majestyy Roque

LUPANG HINIRANG

Supremo ang nagduyan
Upang sa pagpalahaw
Ang bayan ay tumahan

—Robin L. Amodia

SI ANDRES, MAKATA

Sa plumang pinaluha
May umagos na tula
Sa bayang pinagpala.

—Frank Rivera

Ang Tulaan sa Facebook ay isang paligsahan ng mga tulang nasa katutubong anyo ng Filipinas. Tampok sa mga lahok ang anyong diyona—isang tulang may iisang saknong, may isahang tugma, binubuo ng tatlong taludtod, at may pitong pantig sa bawat taludtod. Bahagi ito ng pagdiriwang ng taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Andres Bonifacio.

Ang limang pinakamahuhusay na tula para sa bawat buwan (monthly winners) ang pagpipilian ng mga hurado sa huling bahagi ng timpalak (Nobyembre). Gagawaran ang tatlong magwawagi ng Php 3,000, Php 2,000, at Php 1,000 galing sa Arts and Culture Division ng Ayala Foundation, Inc. Makakakuha rin ang tatlo ng isang taong membership sa Ayala Museum at Filipinas Heritage Library.

Ang namili ng limang diyona para sa buwan ng Oktubre ay si Dr. Edgar Calabia Samar. Siya ay nakatanggap na ng mga pagkilala sa iba’t ibang pambansang timpalak tulad ng Don Carlos Palanca Awards for Literature, PBBY-Salanga Writer’s Prize, NCCA Writer’s Prize for the Novel, Gantimpalang Collantes sa Sanaysay, at Gawad Surian sa Tula. Naging fellow siya sa International Writing Program ng University of Iowa noong 2010. Ang kanyang mga kathang “Sa Kasunod ng 909” (UST Publishing House, 2012) at “Halos Isang Buhay: Ang Manananggal sa Pagsusulat ng Nobela” (UST Publishing House, 2012) ay kinilala sa National Book Awards ngayong taon.

Ang Tulaan sa Facebook ay nagsimula noong Hunyo 15, 2013 at nagtapos noong Okt. 31, 2013. Para sa iba pang katanungan, magpadala ng mensahe sa Facebook Page ng LIRA. Ang tagapangasiwa ng Tulaan sa Facebook ay si Christa I. De La Cruz, kasalukuyang Ugnayang Pangmadla ng LIRA. Katuwang sa proyekto si Noel Clemente.

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito. Si Phillip Kimpo Jr. ang kasalukuyang pangulo ng LIRA.

TUNTUNIN: http://wp.me/p326Rc-GF

MONTHLY WINNERS
Hunyo-Hulyo: http://wp.me/p326Rc-MK
Agosto: http://wp.me/p326Rc-Pw
September: http://wp.me/p326Rc-QI

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s