News

Tulaan sa Facebook 2013: MGA NAGWAGI (overall)

nov

Ikinagagalak ipahayag ng mga tagapangasiwa ng Tulaan sa Facebook at pamunuan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang mga nagwagi sa paligsahan ng mga tulang nasa anyong diyona (tulang may iisang saknong, may isahang tugma, binubuo ng tatlong taludtod, at may pitong pantig sa bawat taludtod) para sa taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Andres Bonifacio. Babasahin ang tatlong diyona sa LIRA Fellows Night 2013 sa Disyembre 3, 2013, 7-9 n.g. sa Conspiracy Bar, Visayas Avenue, Quezon City.

Unang Gantimpala:

ANDRES: ISA RING MAGBUBUKID
Pataba sa himagsik
Ang dugo mong hinasik
Bunga’y hitik na hitik!

—Omar V. Tolosa
(nagwagi noong Setyembre)

Ikalawang Gantimpala:

SI ANDRES, MAKATA

Sa plumang pinaluha
May umagos na tula
Sa bayang pinagpala.

—Frank Rivera
(nagwagi noong Oktubre)

Ikatlong Gantimpala:

SI BONIFACIO, NAGMUMULTO
Tanikalang kaladkad
ang pamukaw sa lahat
ng nahimbing nang dilat.

—Juancho Marco Plata
(nagwagi noong Setyembre)

Makatatanggap ang tatlong nagwagi ng Php 3,000, Php 2,000, at Php 1,000 galing sa Arts and Culture Division ng Ayala Foundation, Inc at karagdagang Php 1,000 bawat isa mula sa JP Anthony D. Cuñada Law Office. Makakakuha rin ang tatlo ng isang taong membership sa Ayala Museum at Filipinas Heritage Library.

Nagsimula noong Hunyo 15 at nagtapos noong Oktubre 31, higit 350 na tao ang lumahok sa “Tulaan sa Facebook 2013” e-group at halos 1,280 na diyona ang naipasa para sa paligsahan. Bawat buwan ay namili ng limang pinakamahuhusay na tula ang mga huradong kasapi ng LIRA: Enrique Villasis para sa Hunyo-Hulyo, Phillip Yerro Kimpo para sa Agosto, Charles Tuvilla para sa Setyembre at Dr. Edgar Calabia Samar para sa Oktubre. Makatatanggap ng libro galing sa University of Santo Tomas Publishing House at Ateneo de Manila University Press ang 20 na lahok. Ang mga ito rin ang pinagpilian ng mga hurado para sa huling bahagi ng timpalak.

Ang mga hurado ng Tulaan sa Facebook 2013 ay ang mga premyadong makata na sina: Dr. Rebecca T. Añonuevo (propesor ng malikhaing pagsulat at panitikan sa Miriam College, 2013 SEAWrite Awardee, 2013 National Book Awardee); Dr. Romulo P. Baquiran Jr. (propesor sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, 2011 SEAWrite Awardee, 2003 & 2011 National Book Awardee); at Dr. Michael M. Coroza (direktor ng Taunang Palihang Pampanulaan ng LIRA, propesor sa Unibersidad ng Ateneo de Manila, 2007 SeaWrite Awardee, 2009 Ani ng Dangal Awardee).

Nagpapasalamat ang mga tagapangasiwa ng Tulaan sa Facebook na sina Christa I. De La Cruz, Ugnayang Pangmadla ng LIRA, at Noel Clemente sa mga naging bahagi ng paligsahan.

TUNTUNIN: http://wp.me/p326Rc-GF

MONTHLY WINNERS
Hunyo-Hulyo: http://wp.me/p326Rc-MK
Agosto: http://wp.me/p326Rc-Pw
Setyembre: http://wp.me/p326Rc-QI
Oktubre: http://wp.me/p326Rc-Rs

Kasabay ng LIRA Fellows Night 2013 ang pagbebenta ng mga aklat na iniambag ng mga kasapi at kaibigan at ng LIRANG PILAK (isang antolohiya ng tula na inilunsad noong 2010 bilang pagdiriwang ng ika-25 taon ng LIRA). Ang maiipong pera mula sa mga mabebenta ay ipararating sa mga kababayang nasalanta ng bagyong Yolanda. Kung nais mag-ambag sa book sale, mag-iwan lang ng mensahe sa pahinang ito o Facebook Page ng LIRA. #ReliefPH #YolandaPH (RSVP: https://www.facebook.com/events/201062800081487/)

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ay isang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito.

https://twitter.com/makatangLIRA
https://www.facebook.com/PalihangLIRA

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s