Interview

Interview: John Iremil E. Teodoro

ni Noel Galon De Leon

john iremil teodoro

Ang maganda kay John Iremil E. Teodoro (JIET) bilang manunulat ay totoo siyang klase ng manunulat, walang pagpapanggap, at dahil sa pagiging makatao ng kaniyang mga kuwento sa Hiligaynon, ito marahil ang rason kung bakit tinitingnan siya sa kasalukuyan bilang isang mahusay at progresibong manunulat sa panitikan ng Kanlurang Visayas, sa larangan ng pagsulat ng personal sa pinakapersonal.

Si Teodoro ay isang premyadong manunulat at makata mula sa Maybato Norte, San Jose de Buenavista, Antique. Siya ang pinakakilalang manunulat na Kinaray-a sa ngayon at isa rin sa mga kilalang manunulat sa larangan ng gay literature, patunay ang libro nitong “Kung ang Tula ay Pwedeng Ipambili ng Lalake” at “Anghel sang Capiz.” Limang ulit na rin siyang nanalo ng Palanca. Noong 2007 ay natanggap niya ang National Book Award para sa kaniyang koleksiyon ng mga sanaysay na pinamagatang “Pagmumuni-muni at Pagtatalak ng Isang Sirenang Nagpapanggap na Prinsesa.” Nakatanggap na rin siya ng mga parangal mula sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, at iba pang organisasyon para sa kaniyang mga tula at kuwento.

Maraming dahilan para hangaan ang manunulat na si Teodoro, at bukod sa pagiging tapat at sinsero nito sa mga isinusulat niya, nakikialam din siya sa pinakaimportanteng isyu ng ating bansa sa ngayon: ang pagbuo ng wikang Filipino bilang pambansang wika. Para sa akin, si Teodoro na yata ang pinakamapangahas na manunulat sa Kinaray-a sa kasalukuyan, bukod sa porma at estilo, angat din ang wika niya, payak man ngunit ito ang rason kung bakit ang sarap-sarap basahin ng mga tula at kuwento ni Teodoro, lalo na ang mga tula sa dalawa nitong unang koleksiyon, ang “Binalaybay sa Paghigugma” at “Maybato, Iloilo, Taft Avenue, Baguio, Puerto.”

Kaya talaga namang malaki ang aking kalipay na makapanayam ngayong taon si Teodoro, ang totoo kasi niyan, isa ako sa masugid niyang tagahanga. Noon pa man ay hinahangaan ko na ang talim ng pagsipat at sensibilidad ni Teodoro bilang manunulat. Marami sa kaniyang mga tula at kuwento ay di lamang sumalamin sa estado ng bansa pagdating sa usapin ng kabaklaan, kundi hinawan nito ang kitid na daan sa napakalaking posibilidad ng pagiging higit na tao, bakla man o hindi. Naituwid ng mga tula at kuwento ni Teodoro ang binaluktot na imahen ng pagiging bading sa lipunang Filipino. Sa pamamagitan ng mga salita at pahina ng mga libro niya na tumatalakay sa wagas at dakilang pag-ibig—sa pagitan ng magkaparehong kasarian man o hindi—ay naihain niya nang maayos ang higit na mapagkakatiwalaang identidad ng isang bading na matagal na panahon ring sinikil ng bastardong lipunan. Ngayon, maaari na nating tingnan ang mga bakla sa mas malinaw na lente: parte at palaging magiging parte ng isang tunay na malayang lipunan ang mga bading, dahil ang totoo, may parte ng pagkatao ng bawat indibidwal na nagiging bading tayo, aminin man natin o hindi.

Kalatas: Kuwentuhan mo kami, paano ka nagsimulang sumulat sa Kinaray-a?

Teodoro: Kagagawan ito ni Leoncio P. Deriada, ang aking Tito Leo, na siyang una kong guro sa pagsulat.

Dahil siguro die hard Sharonian ako at adik na mambabasa ng Liwayway, nang mag-umpisa akong sumulat ng mga tula at kuwento noong ako’y nasa haiskul pa lamang sa Antique ay sa Tagalog ako nagsulat. Memoryado ko ang mga linya at kanta sa mga pelikula ni Sharon Cuneta at birhen pa ako nang mabasa ko ang Puto’t Dinuguan at Laro sa Baga ni Edgardo M. Reyes. Wala kasi akong nababasang kahit ano na nakasulat sa Kinaray-a noon dahil sa Assumption ako nag-elementarya ay babad ako sa Ingles sa paaralan. Nagpatuloy ito hanggang haiskul (St. Anthony’s College sa San Jose de Buenavista, Antique) at kolehiyo (University of San Agustin sa Lungsod Iloilo) kung kaya nagsulat din ako sa Ingles.

Nang nasa kolehiyo na ako, 1991 iyon, nagpapadala ako ng mga tulang Ingles ko sa Katolikong magasing HomeLife. Si Tito Leo ang literary editor nito na siya rin ang koordineytor ng Sentro ng Wikang Filipino sa U.P. Visayas sa Iloilo. Nang minsang ni-reject niya ang tula ko, may note siya na bakit di ko raw subukang sumulat sa Kinaray-a at maaari ko siyang bisitahin sa kaniyang opisina sa U.P. upang bigyan niya ng one-on-one workshop. Siyempre hindi ko na pinalampas ang pagkakataong iyon. Dahil estudyante ako ng B.S. Biology sa San Agustin noon, nag-e-eskapo ako sa laboratoryo–ang bestfriend kong si Ooy na isa nang doktor ngayon ang sumasagot sa laboratory manual ko–upang pumunta sa U.P. at mag-workshop kay Tito Leo. Nang libre. Kaya napakalaki ng utang na loob ko sa kaniya.

Dahil din kay Tito Leo, nakilala ko ang isang researcher na taga-Antique sa Center for West Visayan Studies na si Maria Milagros Geremia-Lachica, ang aking Manang Nenen, na isang ring makata. Nagpapa-workshop din ako sa kaniya. Hanggang sa nakilala ko rin ang iba pang mga makata sa Kinaray-a na nauna sa akin tulad ni Ma. Felicia Flores, ang aking Manang Acay, na magaling mag-edit ng tekstong Kinaray-a. Gumaganda lalo ang mga tula ko kapag pinapa-edit ko kay Manang Acay kaya ganoon na lamang ang tiwala ko sa kaniya.

Iyon ang simula ko bilang manunulat sa Kinaray-a. Sa ngayon, adik na ako sa pagsusulat ng tula sa wikang aking kinagisnan at masaya ako.

Kalatas: Kung ikaw ang tatanungin, ano ang istatus ng panitikang Kinaray-a sa mga sandaling ito?

Teodoro: Buhay na buhay ito at maaari pang maging bongga. Bilang patunay ay bisitahin lamang ang blog na Balay Sugidanun ng kaibigan kong si Genevieve Asenjo. Dito nalalathala ang mga likha ng mga bata at di na batang manunulat sa Kinaray-a. Si Manang Nenen ay nagko-kolum dito. Si Genevieve mismo ay may sinusulat na nobela sa Kinaray-a. At mukhang tapos na niya ito at pinapakinis na lamang niya. Ang pang-apat kong libro ng mga tula sa Kinaray-a na Kataw kang Burnham Park ay ilalabas ng University of San Agustin Publishing House ngayong Enero.

Kalatas: Ano ang matitingkad na karanasan mo sa pagsusulat sa Kinaray-a?

Teodoro: Nang madiskubre ko ang angking ganda at galing nitong wikang aking kinagisnan sa Antique. Nagsusulat din kasi ako sa Hiligaynon, Filipino, at Ingles. Ngunit iba ang high na nararamdaman ko kapag nakakasulat ako ng tula o kuwento sa Kinaray-a. Siguro dahil wala nang pagsasalin na nangyayari sa utak ko habang ako’y nagsusulat. Hindi ako nangangapa sa mga salitang gagamitin ko. Almost automatic na rin ang grammar ko rito. Mas naipapahayag ko ang aking sarili sa Kinaray-a. Kaya mas masarap magsulat. Pareho kasing banyagang wika para sa akin ang Tagalog at ang Ingles.

Kahit na nandito na kami ngayon nakatira ng Tita ko at mga kapatid sa Pasig, Kinaray-a pa rin kami mag-usap sa loob ng bahay. Kahit ang aso kong si Aljur ay Kinaray-a ang wikang naiintindihan. Sigawan mo siya ng “labas” ay hindi niya magi-gets. Dapat “gwa” ang isigaw mo sa kaniya.

Ang apat na taong gulang pamangkin kong si Juliet, talagang matatas mag-Kinaray-a. Dahil sa yaya niya noon at sa mga kalaro niyang pinsan sa Antique, may mga “malalalim” siyang mga Kinaray-ang alam na natatawa kami kapag ginagamit niya. Sayang nga at dadalhin na siya ng nanay niya sa Sweden ngayong taon at doon na siya mag-aaral. Nagwo-worry kami ni Tita na baka makalimutan niya ang Kinaray-a. Kaya pinapa-promise namin si Mimi, ang nanay niya, na kahit doon sa Sweden ay sa Kinaray-a sila dapat mag-usap sa loob ng bahay. Gusto ko balang-araw, kung malaki na si Juliet (Kasi marami talaga akong tula na “for adults only.”), ay mababasa niya ang mga tula ko sa Kinaray-a.

Samakatwid, ang pagsusulat ko sa Kinaray-a ay talagang bahagi ng buhay ko. Hindi ako nakikiuso lang. O kaya dahil hindi umuubra (nanalo ng award o nalalathala) ang mga sinulat ko sa Filipino at Ingles kung kaya nagsusulat na lamang ako sa Kinaray-a.

Kalatas: Bukod sa pagiging gay liberationist sa iyong mga isinusulat, ano pa ang adbokasiya mo bilang manunulat na Filipino

Teodoro: Gawin ang wikang Filipino bilang tunay na wikang pambansa ayon na rin sa sinasabi ng ating Konstitusyon. Dapat i-develop ang Filipino sa tulong ng mga katutubo at rehiyonal na wika. Hanggat mas Tagalog pa ang Filipino, hindi nito kayang pagbuklurin ang buong bansa.

Adbokasiya ko rin ang pangangalaga sa kalikasan. Ngayong nasa Miriam College na ako nagtuturo, talagang bahagi na ito ng pamumuhay ng mga taga-Miriam. Nagsimula ang kamalayan kong ito nang mag-volunteer ako sa Bandillo ng Palawan Foundation sa Lungsod Puerto Princesa noong 1998 hanggang 2001. Isa itong NGO na ang adbokasiya ay pangangalaga sa kalikasan at sa karapatan ng mga katutubo na talaga namang magkaugnay.

Gusto ko ring maging aktibo sa pagbabantay laban sa kurapsiyon sa pamahalaan. Kasama siyempre sa mga adbokasiyang ito ay ang ginagawa ko sa larangan ng edukasyon. Kaya siguro naging guro ako upang kung ano man ang mga mga halagahang pinaniniwalaan ko ay agad ko itong masusulong sa loob ng klasrum.

Bilang kritiko, pinag-aaralan at pinapalaganap ko rin ang literatura ng Kabisayaan partikular ang Literaturang Hiligaynon.

Ang mga adbokasiya kong ito ang nilalaman ng aking mga blog na www.jieteodoro.blogspot.com, www.bantaytvatpelikula.blogspot.com, at www.literaturanghiligaynon.blogspot.com.

Kalatas: Paano mo tinitingnan bilang mahalagang ambag ng panitikan sa kabuuan ang mga kuwentong may kinalaman sa mga usapin ng sexualidad at pagiging personal, halimbawa ang koleksiyon mo ng maikling kuwenro sa librong Anghel sang Capiz at Kung ang Tula ay Pwedeng Pambili ng Lalaki?

Teodoro: Paulit-ulit ko ngang nababasa at naririnig mula sa iniidolo kong si J. Neil C. Garcia ang kasabihang, “What is personal is political.” Paniniwala naman talaga ito ng mga feminista at ng mga mulat na bading na manunulat. Kaya hindi ako takot na magsulat tungkol sa sarili kong mga karanasan.

Bagamat isang personal ang pakikipagtalik para sa isang bading, isa rin itong panlipunan na uri ng seksuwalidad sapagkat apektado ito control mechanism ng homophobic na lipunan. Sa pamamagitan ng literatura at iba pang uri ng sining, lagi’t laging pampubliko ang pakikipagtalik sapagkat harapang paglaban ito sa ipokritong lipunan na ayon pa sa mga feministang Pranses ay may ideolohiyang “compulsory heterosexuality.” Kaya kung marami mang tsupaan sa mga tulang bading sa bansa, ito ay dahil binubuwag o hinahamon nito ang pag-iisip na sa pagitan lamang dapat ng babae at lalaki ang pakikipagdyug-dyugan.

Oo nga’t karamihan sa mga tula ko sa librong Kung ang Tula ay Pwedeng Pambili ng Lalaki ay batay sa sarili kong mga karanasan. Pero may mga tula rin dito na base sa karanasan ng ibang mga bading. Kahit na personal ang mga tulang ito, naiuugnay ito sa karanasan ng iba pang mga bading. Nauugnay rin ito sa kasaysayan ng bansa, mga kasaysayan na nakaugat sa mga partikular na lunan halimba ng Metro Manila, ng Lungsod Iloilo, ng Lungsod Baguio, at ng Palawan. Mga lugar na pinuntahan at tinirhan ko.

Ang limang kuwento naman sa Anghel sang Capiz ay mga kuwentong produkto ng aking imahinasyon. Kaunti lamang ang mga personal kong karanasan sa librong ito. Mga kuwento ito ng mga bading na karakter at ng lipunang ginagalawan nila. Personal lamang ang mga kuwentong ito dahil personal na paniniwala ko ang kung anuman ang isinusulong ng mga kuwentong ito pagdating sa buhay bading.

The fact that nasulat ko ang mga kuwentong ito ng pag-iibigan ng dalawang lalaki, bagamat hindi perpekto kasi wala naman talagang perpekto sa tunay na buhay, ay sapat na itong kontribusyon upang maihayag ang isang bagay na pilit itinatago ng ipokrito nating lipunan. Naisulat ko na ang mga kuwento ng pag-ibig na ito, e, di nandiyan na.

Kalatas: Ano ang konsepto mo ng panulat erotika/erotiko?

Teodoro: Ito ang paksang tinalakay ko sa Tabaon 2011 sa Cebu noon. May papel akong sinulat tungkol dito na nalathala sa aking blog. Ang pinakabuod ng sinabi ko roon ay ang erotica upang hindi maging porno ay dapat nasa konteksto ng pagmamahalan. Dapat ang sex o katawan sa isang likhang-sining ay ginagawa ng tao at katawan ng tao. Kahit maraming tsuktsakan sa isang kuwento o pelikula, dapat buo ang karakter at may angko na motibasyon ang mga karakter na itong nagtsu-tsuktsakan.

Kalatas: Dahil regular kang umuupo bilang panelist sa San Agustin Writers Workshop, Iyas National Writers Workshop, at Iligan National Writers Workshop, ano sa tingin mo ang hinaharap ng panitikan ng Kanlurang Visayas mula sa mga pinakabatang mga manunulat sa mga wikang Hiligaynon, Kinaray-a, at Aklanon na sumasailalim sa mga palihang ito?

Teodoro: Mas magaling ang mga batang sumusulat sa mga rehiyonal at katutubong wika sa ngayon dahil nakatapak sila sa lupain ng Filipinas. Mas nakaugat sa ating pagiging Filipino ang kanilang mga sulatin. Ito ang wala sa karamihan sa mga batang nagsusulat sa Ingles ngayon. Kadalasan, gusto ko silang hilahin pabalik sa Filipinas. Maaari akong maakusahan na nativist. E, ano ngayon? Dapat nga maging nativist tayo kung ang ibig sabihin nito ay ang pagiging makakatutubo o uunahin ang sariling atin bago ang sa dayuhan. Kailangan nating maging nativist lalo na pagdating sa pagsasanay sa mga batang manunulat. Ang hirap kasi sa mga batang manunulat sa Ingles ngayon, lumulutang sa kawalan ang kanilang mga sinusulat. Dapat humalik naman sila sa lupa at sumisid sa karagatan ng Filipinas kung may time.

Hindi ko nilalahat ang mga batang manunulat sa Ingles ha. Halimbawa nandiyan si Rolly Jude Ortega na naging fellow sa Cornelio Faigao Memorial Writers Workshop (dalawang beses na akong naging panelist dito) noong 2012 at sa Iligan noong 2013 na taga-Sultan Kudarat. Ang dalawang maikling kuwento niya sa Ingles ay nakaugat sa lugar kung nasaan siya nanggaling. Obsess siya sa tema ng kontemporaring babaylanismo. Sa kaniyang kuwento ay kinukuwistiyon niya ang bisa at awtentisidad nito sa isang paraan na walang panghuhusga o pang-aalipusta. Mahusay din siyang magsulat sa Ingles.

Subalit iba pa rin talaga ang mga nagsusulat sa sariling wika. Katulad na lamang ng third year high school na fellow sa Iligan Workshop noong 2012 na si Sittie Urdoja Madale Magayoong na nagsusulat sa Mëranaw. Taga-Lungsod Marawi siya at ang kaniyang mga tula ay tungkol sa Lawa Lanao. Mayroon siyang tulang pambata na kinakanta na ang persona ay isang nakatatandang kapatid na inaawitan ng oyayi ang dinuduyang bunsong kapatid. Ang kanilang ina ay hindi na makakauwi dahil sa mga karahasan sa kanilang paligid.

Taong-tao ang mga persona sa mga tula ni Sittie. Ito ang wala sa maraming manuskrito ng mga batang manunulat sa Ingles ngayon. Ayon nga kay Merlie Alunan, ang tula ay “human speech.” Mas tao ang mga batang manunulat na nagsusulat sa mga katutubo at rehiyonal na wika. Siguro dahil ang wikang ginagamit nila ay talagang nakaugat sa kanilang pagkatao, sa kanilang kaluluwa.

Kung ang mga pambansang palihan na dinadaluhan ko ang pagbabasehan, masasabi kong tunay na panahon na ito ng mga rehiyon pagdating sa pambansang panitikan. Kasama rito siyempre ang mga literatura sa Aklanon, Hiligaynon, at Kinaray-a. Nakikita ko ring patapos na ang panahon ng pagsusulat nating mga Filipino sa wikang Ingles. Kung ang mga gawa, ugali, at sensibilidad ng mga batang manunulat sa Ingles ang pagbabasehan, mukhang naghihingalo na nga ang Philippine Literature in English.

Ang isa pang napapansin ko sa mga palihang ito ay ang ginagamit na Filipino ng mga batang manunulat ay mas Tagalog pa talaga lalo na iyong mga nakatira at/o nag-aaral sa Metro Manila. Mukang malayo pang maging tunay na pambansa ang “Filipino.” Kaya hindi ko masisisi ang mga kaibigan kong Waray at Sebwano na inaaway ako dahil sa pagpo-promote ko ng Filipino. Naniniwala kasi akong dapat magkaroon tayo ng isang wikang komon bilang bansa at ito ang “Filipino” na nakasaad sa ating Konstitusyon. Kulang na lamang ay tawagin nila akong traidor bilang Bisaya. Pero alam kong hindi nila ito gagawin dahil alam naman nilang bonggang-bongga ang mga nasulat ko sa Kinaray-a at Hiligaynon. At may nasulat na rin akong balak sa Sebwano na nalathala sa magasing Bisaya. Ang Nanay ko na taga-Digos, Davao del Sur ay Sebwano ang kinagisnang wika kung kaya nananalaytay sa kaugatan ko ang wikang ito.

Kalatas: Sa dami ng mga writing workshop na dinadaluhan mo bilang panelist, ano ang pinaka-memorable mo na karanasan sa mga ito? At Bakit?

Teodoro: Ang makasama ang mga iniidolo at minamahal kong manunulat sa loob ng ilang araw kada taon tulad nina Merlie Alunan, Christine Godinez-Ortega, Elsie Coscolluela, Hope Yu, Erlinda Alburo, Alice Tan Gonzales, Isidoro M. Cruz, at marami pang iba.

Memorable din para sa akin ang makabasa ng magagaling na manuskrito mula sa mga batam-batang manunulat. Bilang panelist, hindi lamang ako ang nagtuturo kundi natututo rin ako mula sa mga fellow at mga co-panelist ko. Sa kada palihan na aking salihan ay marami akong natutuhan. Mas nagiging magaling akong manunulat. Mas nagiging Filipino ako. Mas nagiging tao ako.

Mas nagiging klaro din sa paningin ko ang kalagayan at kinabukasan ng literatura sa ating bansa.

Kalatas: Dahil malapit mo nang matapos ang doktorardo mo, mayroon bang nagbago sa pagtingin mo sa usapin ng literatura o pagsusulat habang sumasailalim sa programa?

Teodoro: Siguro dahil 38 na ako nang mag-umpisang mag-Ph.D. klaro na sa akin kung ano ang paningin ko sa literatura at malikhaing pagsulat. Naging mas klaro, mas malawak, at mas malalim na ang mga paniniwalang ito sa ngayon. At siguro mas naging maingat na akong manunulat at kritiko sa ngayon dala ng akademikong disiplina.

Kalatas: Sa libro mong Anghel sang Capiz, sinasabing historikal ito sa panitikang Hiligaynon dahil ito ang kauna-unahang libro na tumalakay sa makulay na buhay ng pagiging bading, wala ba noong sumusulat sa Kinaray-a o sa Hiligaynon ng mga ganitong klase ng kwento? Kung wala, ano kaya ang mga pangunahing rason sa tingin mo?

Teodoro: Unang-una, magkaibang wika ang Hiligaynon at Kinaray-a. Ang libro kong Anghel sang Capiz ay nasa Hiligaynon at may salin sa Filipino. Kung kasaysayan ng Literaturang Hiligaynon ang pag-uusapan, ang libro kong ito ang unang kalipunan ng mga maikling kuwentong direktang tumatalakay sa kabadingan.

Sa kasaysayan ng Literaturang Hiligaynon, halos wala akong nababasang may tema ng kabadingan. Halimbawa sa mga nobela ni Magdalena Jalandoni at Ramon Muzones ay parang wala. Parang lang kasi hindi ko pa naman nababasa lahat. Ang mga matandang manunulat na pinag-aaralan ko tulad nina Maria Luisa Defante-Gibraltar, Quin Baterna, at Teodulfo Naranjo ay parang wala rin. Si Leoncio Deriada, may mga maikling kuwentong may tema ng homosexualidad subalit nasa Filipino at Ingles ang mga ito. Ang unang kuwentong nabasa ko na may temang lesbian ay ang maikling kuwento ni Alice Tan Gonzales na Isa ka Pungpong nga Rosas na nanalo ng Palanca noong 1997. Kaya masasabing historikal ang Anghel sang Capiz sa ganitong pananaw.

Siyempre nasundan na ito ngayon. Ang kaibigan kong si Felino S. Garcia, Jr. ay nakapaglathala na ng dalawang koleksiyon ng mga maikling kuwento sa Hiligaynon na may tema ng kabadingan: Sa Pagtunod sang Adlaw (2011) at Idolo: Mga Sugilanon sang Gugma kag Pagbiya (2012). Ikinararangal ko na ako ang sumulat ng introduksiyon sa dalawang librong ito.

May mga batang manunulat na rin na ini-explore na ang homosexualidad sa kanilang mga akda tulad nina Marcel Milliam at Early Sol Gadong.

Kalatas: Ano ang mga dapat na asahan sa iyo sa pagtatapos ng taon at pagpasok ng 2014? Kuwentuhan mo kami tungkol sa iyong mga proyekto at mga plano pa.

Teodoro: Patuloy pa ring magsusulat. Ang papel naman talaga sa lipunan ng mga manunulat ay ang magsulat, maging tagapag-ingat ng kolektibong memorya ng bansa.

Marami akong manuskrito ng mga libro–dalawang koleksiyon ng maikling kuwento sa Filipino, isang koleksiyon ng mga maikling personal na sanaysay, isang koleksiyong ng mga tulang Filipino, at isang koleksiyon ng mga sanaysay tungkol sa Filipino bilang Pambansang Wika. Bukod dito, marami na rin akong mga rebyu sa Ingles ng mga libro at pelikula na nalathala sa GMANEWS Online at Philippine Daily Inquirer na dapat ko na sigurong i-compile sa isa o dalawang libro. Kung kailan magiging libro ang mga ito ay hindi ko alam. Ang tamad ko kasi pagdating sa ganitong gawain. Mas gusto ko lang kasing magsulat agad at pakiramdam ko dagdag trabaho na para sa isang manunulat ang mag-asikaso ng paglalathala ng sariling libro. Parang pagsasayang ito ng oras at lakas. Siguro kailangan ko ng sekretarya, research assistant, o editor para dito.

Palabas ngayong Enero 2014 ang pang-apat kong libro ng mga tula sa Kinaray-a, ang Kataw kang Burnham Park. Excited ako sa librong ito dahil ang hinahangaan at ang minamahal kong si Merlie Alunan ang sumulat ng introduksiyon sa Sebwano. Yes, sa Sebwano! At kasama pa sa librong ito ang ilang salin niya ng mga tula ko sa Sebwano. May ilan ding isinalin sa Sebwano sina Ioananes Arong, Jessrel Gilbuena, Karla Quimsing, at Richel Dorotan. Kaya ito talaga ang tunay kong librong “Bisdak” o “Bisayang Daku,” o bigtime/siga na Bisaya. Mga tula sa Kinaray-a na may ilang salin sa Sebwano.

Pero siyempre, ngayong 2014 ay priyoridad ko ay ang aking disertasyon. Tungkol ito sa mga babaeng manunulat sa Hiligaynon mula kay Miguela Montelibano hanggang kay Genevieve Asenjo. Kung may tiyak man akong proyektong susulatin ay ang disertasyong ito. At excited na ako. Ito kasi ang tipo ng libro na susulatin ko talaga kahit hindi ako nag-Ph.D.

Si Noel Galon de Leon ay estudyante ng Master of Education Major in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Visayas. Nagtuturo sa University of the Philippines High School in Iloilo. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya. Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com.

Advertisements

6 thoughts on “Interview: John Iremil E. Teodoro

  1. Pingback: Interview: Maria Milagros Geremia-Lachica | KALATAS: Philippine Literature, Culture, & Ideas

  2. Pingback: Review: Kataw kang Burnham Park | KALATAS: Philippine Literature, Culture, & Ideas

  3. Pingback: Interview: Jose Edison Calibjo Tondares | KALATAS: Philippine Literature, Culture, & Ideas

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s