Books / Review

Review: Ang Bonggang-bonggang Batang Beki

ni Noel Galon de Leon

Ang Bonggang Bonggang Batang Beki

Nakaaaliw nang bongga si Adel, ang pangunahing karakter ni Rhandee Garlítos sa bago niyang kuwentong pambata na may pamagat na Ang Bonggang-bonggang Batang Beki (LG&M Corporation, 2013). Naghahain ito ng bagong pananaw sa pagsulat ng kuwentong-pambata sa Filipinas sa kasalukuyan—iyong labas sa kung ano ang tradisyon at itinuturo sa loob ng klasrum. Bagaman ang paraan ng pagkukuwento ay nakaangot [Hil., nakakabit] pa rin sa pagiging simple ng mga salita at istruktura, mapapansing motibasyon ni Garlítos ang paggigiit ng sariling pananaw sa seksuwalidad at kasarian ng isang bata na nabubuhay sa kontemporaneong lipunang Filipino. Halimbawa, nang sabihin nitong “Beki nga kami, pero kami ang mga bonggang-bonggang batang Beki,” sa partikular na linyang ito, inamin ni Garlítos ang kaniyang dahilan kung bakit niya kinatha ang kuwento, at ito nga ay upang hawanin ang espasyong matagal ring hindi napag-uusapan sa paggawa ng kuwentong pambata sa ating bansa. Sa pagsisimula ng kuwento, sinikap ipakilala ni Garlítos si Adel bilang isang ordinaryong batang nahihilig sa ilang bagay na nakapagdudulot sa kaniya ng kasiyahan: “Pink na sapatos, pink na medyas, pink na shorts, at pink na pitakang may pusang kulay pink din.” Bagaman hindi tahasang sinasabi, lumilitaw rito ang konsepto ng pagkukumpara kay Adel sa ibang bata, na ang pagiging materyalistiko ay normal sa kanilang edad, kaya di talaga naiiba. Sa simula pa lamang ng kuwento ay dalawang tanong na agad ang binitiwan ni Garlítos, “Ano bang meron sa pink na gustong-gusto ni Adel?” at “Bakit paborito ito ng kapatid kong bunsong lalake?” Ang dalawang tanong na ito ang magiging puwersa para makausad ang kuwento. Kailangang matuklasan ng tagapagsalaysayay na si Mico, kuya ni Adel, ang sagot sa mga tanong upang mas maunawaan niya si Adel bilang bata, bilang kapatid, at bilang tao. Sa pag-usad ng kuwento, maiintindihan natin na punong-puno pa pala ito ng subplot. Matutuklasan natin bilang mambabasa na lumalaki si Adel na walang pigura ng isang ina o babae at na mayroon siyang konsepto ng paglisan ng isang mahal sa buhay dahil sa kamatayan. Sa pagbanggit ng, “Sa halip na makipaglaro sa labas, mas madalas pumipirmi at gumagawa ng trabahong bahay si Adel. Kahit hindi iutos, siya ang naglalaba, naghuhugas ng pinggan, at nag-aayos ng hardin” ay tila naiistiryotayp ang pagkatao ng isang masipag na batang bading na nasa loob lang ng bahay at naiiwan para gawin ang mga trabahong-bahay dahil wala ang nanay. Sa pagkakataong ito, si Adel bilang bida ay naiimadyin natin bilang isang partikular na tao, nakikita na natin siya bilang sarili natin, o kapatid, o kaklase, o kakilala, o bilang isang batang Filipino.

[LINK: Pabalat at mga larawang-guhit ni Tokwa Penaflorida para sa ‘Ang Bonggang-bonggang Batang Beki’]

Ang totoo, hindi naman talaga bago kung titingnan ang ginawang paglalathalang ito ni Garlítos. Kung susulyapan ang panitikang Kanluranin, marami-rami na ang naisulat na tumatalakay sa ganitong tema. Nariyan halimbawa ang aklat pambata ni Linda de Haan at Stern Nijland na King and King at ang William’s Doll ni Charlotte Zolotow. Hindi man nalalayo ang kuwentong ito ni Garlítos sa mga kuwentong nabanggit ay may pagtatangka pa ring maging una dahil bago ito sa larangan ng pagsulat para sa bata lalo ating bansa. Napapanahon ang panitikang ito dahil napag-uusapan ngunit walang kasiguraduhan kung buong puso bang tatanggapin o mananatili pa ring binabasa nang patago. Kung gayon, bakit kailangang basahin pa rin si Garlítos? Dahil malinaw na nasaisakonteksto ni Garlítos bilang manunulat ang awtentikong karanasan ng isang batang Filipino sa loob ng pamilyang Filipino at lipunang Filipino. Sa madaling sabi, kakambal ng kuwentong ito, hindi ang simpleng usapin ng pagiging bading o malambot ng bata, kundi ang kultura, sensibilidad, at ang paraan kung paano sa mga sandaling ito tinitignan ng lipunan ang mga katulad ni Adel.

Si Noel Galon de Leon ay kasalukuyang nagtuturo ng Filipino sa UP High School sa Iloilo, UP Visayas. Dito rin niya kasalukuyang tinatapos ang kaniyang M.A sa Filipino. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya tulad ng Pilandokan, samahan ng mga kritiko at iskolar ng panitikang pambata sa Filipinas. Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s