UPDATED, Peb. 17, 2014–Inaanyayahan ang lahat sa paglulunsad ng “Kung Saan sa Katawan,” ikalawang aklat ng tula ni Louie Jon A. Sanchez. Samahan ang mga makata ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at mga kaibigan sa sining sa isa na namang gabi ng tula at musika sa Pebrero 18, 2014 (Martes), 7-9 ng gabi, Conspiracy Bar, Visayas Avenue, Lungsod Quezon.
EVENT PAGE: https://www.facebook.com/events/1388220561440609/
May natatanging pagtatanghal mula sa bandang “THE RANSOM COLLECTIVE” (formerly KIAN RANSOM).
“Kung Saan Sa Katawan” READERS:
1. Aldrin Pentero – BIYAHENG FX
2. Marites Rogado – ANG TAGAL KO NA PALANG DI TUMUTULA
3. Paul Camposano – IKAW, SA IYONG ANTOK
4. Paul Castillo – DREAMING WITH A BROKEN HEART
5. En Villasis – VITA SANCTI
6. Joey Baquiran
7. Joel Donato Jacob – GAAN
OPEN MIC:
1. Slac Cayamanda
2. Judd Anthony Labarda
3. Michelle Manese
*Mga kasapi ng SPEAK PHILIPPINES (isang grupo ng spoken word artists).
Ang mga hindi naman makadadalo sa LIRAHAN ay maaaring pumunta sa paglulunsad ng “Kung Saan sa Katawan” sa Pebrero 15, 2014 sa Ateneo de Manila University pagkatapos ng “Kritika Kultura-Ateneo Center for English Language Teaching National Conference: Literature, Region, and the World in K-12.”
—
TUNGKOL SA AKDA
Mula sa pagtalunton sa mapagbulay na panahon ng Kuwaresma, kung saan inilunsad ni Sanchez ang kaniyang matulaing pagninilay at pakikipagniig sa “mga personal na yungib… (at) mga batong moog at bantayog ng mga bait at pagkabatid na matayog” (citation mula sa Gawad Madrigal Gonzales para sa Mahusay na Unang Aklat), itinutuloy ng “Kung Saan sa Katawan” ang salaysay ng makata patungo sa Semana Santa habang inaaruga ang ilang liriko at epikal na pahayag, maging ang bugtong na /sagradong lumbay sa mga ehersisyo ng walang pagmamadaling pananatili./ Nabubuhay sa mapagdiwang na Paskuwa ang bagong kalipunang ito ng tatlong ulit na Makata ng Taon (2006, 2009, 2011) sa Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino.
TUNGKOL SA MAY-AKDA
Si Louie Jon A. Sanchez ang awtor ng “At Sa Tahanan ng Alabok” (2010, UST Publishing House), finalist sa Ika-12 Gawad Madrigal Gonzalez para sa Mahusay na Unang Aklat. Nagkamit ng maraming pagkilala, kabilang ang tatlong gawad na “Makata ng Taón” (2006, 2009, at 2011) mula sa Talâang Ginto. Nagtuturo sa Department of English, Ateneo de Manila University, at tumatayong katuwang na patnugot para sa ugnayang pangmadla ng Kritika Kultura. Tapos ng A.B. major in Journalism sa University of Santo Tomas, at M.F.A. in Creative Writing, with high distinction, sa De La Salle University-Manila. Kasapi ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) at Pangalawang Pangulo ng Linangan sa Imáhen, Retorika, at Anyo (LIRA). Lumaki at nagkaisip sa Lungsod ng Caloocan, ipinanganak siya sa Sta. Mesa, Maynila, at laging bumabalik sa kaniyang ili sa Flora, Apayao. “Kung Saan sa Katawan” ang ikalawa niyang aklat ng mga tula.
TUNGKOL SA LIRA AT LIRAHAN
Ang LIRAhan ay programa ng LIRA na ginaganap tuwing ikatlong Martes ng bawat buwan.
Ang LIRA ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito. Si Phillip Kimpo Jr. ang kasalukuyang presidente ng LIRA. Bisitahin ang LIRA sa Facebook (/palihangLIRA) at Twitter (@makatangLIRA) para sa iba pang detalye.