News

Talino at paninindigan ni Mabini, tampok sa Tulaan sa Facebook 2014

UPDATED, Marso 6, 2014–Ngayong taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Apolinario Mabini (Hulyo 23, 1864 – Mayo 13, 1903), ibinabalik ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang proyektong “Tulaan sa Facebook,” sa pakikipagtulungan ng Ayala Foundation, Inc., Filipinas Heritage Library, Ayala Museum, JP Anthony D. Cuñada Law Office, University of Santo Tomas Publishing House, at Ateneo de Manila University Press.

Mabini @ 150 Official Logo (http://nhcp.gov.ph/mabini150/)

Mabini @ 150 Official Logo (http://nhcp.gov.ph/mabini150/)

Ang Tulaan sa Facebook ay isang paligsahan ng mga tulang nasa katutubong anyo ng Filipinas. Sa paligsahang ito, itatampok ng mga lahok sa timpalak ang anyong diyona—isang tulang may iisang saknong, may isahang tugma (aaa), binubuo ng tatlong (3) taludtod, at may pitong (7) pantig sa bawat taludtod.

banner5

Mga Tuntunin:

1. Bukas ang paligsahan mula Pebrero 1, 2014 (12:00 n.u.) hanggang Hunyo 30, 2014 (11:59 n.g.) sa lahat ng mga Filipino na naninirahan sa Filipinas o sa labas ng bansa. Hindi maaaring lumahok ang mga tagapangasiwa ng proyektong “Tulaan sa Facebook,” lahat ng kasapi at buong pamunuan ng LIRA, at mga dati nang nagwagi (Overall: Una hanggang Ikatlong Gantimpala at may mga Karangalang Banggit) sa “Tulaan sa Facebook” mula 2010 hanggang 2013. Ang mga monthly winner (maliban sa tatlong nanalo sa overall) ng Tulaan sa Facebook 2013 ay maaari pang sumali.

2. Kailangang orihinal, nasa wikang Filipino, at nasa anyong diyona ang mga lahok. Ang diyona ay isang tulang may iisang saknong, may isahang tugma (aaa), binubuo ng tatlong (3) taludtod, at may pitong (7) pantig sa bawat taludtod. Ang mga tulang ilalahok ay dapat pumapaksa sa buhay at kabayanihan ni Apolinario Mabini.

3. Bago magpadala ng tula, kailangang i-“Like” ang opisyal na Facebook Page ng LIRA: “Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo.”

LINK: https://www.facebook.com/PalihangLIRA

4. Puntahan din ang Facebook Group na “Tulaan sa Facebook 2014” at maging miyembro nito. Ipaskil sa Facebook Group ang diyonang isasali sa timpalak.

LINK: https://www.facebook.com/groups/LIRA.tulaan/

Walang limitasyon sa bilang ng mga diyonang ipapasa. Ang anumang nakapaskil na sa Facebook ay tatanggapin bilang opisyal na lahok, hindi na maaaring dagdagan o bawasan sa pamamagitan ng paglalagay ng kumento. Hinihiling na lagyan ng pamagat ang diyona at huwag palitan ang pangalan sa Facebook para sa buong panahon ng timpalak upang madaling mahanap ang nagbigay ng lahok.

5. Ipapaskil ang limang (5) pinakamahuhusay na tula para sa isang buwan sa Facebook Page ng LIRA tuwing ika-15 ng susunod na buwan. Hindi na maaaring sumali sa mga susunod na buwan ang mga nagwagi na sa mga naunang buwan.

Mga Nagwagi sa Bawat Buwan:
      Pebrero (262 lahok): http://wp.me/p326Rc-Y3
      Marso (464 lahok): http://wp.me/p326Rc-ZI
      Abril (669 lahok): http://wp.me/p326Rc-119
      Mayo (273 lahok): http://wp.me/p326Rc-13q
      Hunyo (113 lahok): http://wp.me/p326Rc-14K

6. Ang mga tulang maipapaskil sa Facebook Page ang pagpipilian ng mga hurado sa huling bahagi ng paligsahan. Pipili ang mga hurado ng tatlong magwawagi mula sa 25 na diyona (Pebrero-Hunyo).

7. Mananatiling pag-aari ng may-akda ang mga tulang magwawagi, subalit may karapatan ang LIRA na ilathala ang mga ito.

8. Ipaaalam sa mananalo ang resulta ng patimpalak bago ihayag ang mga magwawagi sa publiko. Ang resulta ng patimpalak ay ipapaskil sa Facebook ng LIRA sa araw ng kapanganakan ni Mabini, Hulyo 23, 2014.

Makatatanggap ng aklat mula sa University of Santo Tomas Publishing House at Ateneo de Manila University Press ang mga mananalo sa bawat buwan. Tatanggap naman ng Php 4,000 (Unang Gantimpala), Php 3,000 (Ikalawang Gantimpala), at Php 2,000 (Ikatlong Gantimpala) mula sa Ayala Foundation, Inc. at JP Anthony D. Cuñada Law Office, at one-year membership sa Filipinas Heritage Library at Ayala Museum ang mga magwawagi sa huling bahagi ng timpalak.

Para sa iba pang katanungan, magpadala ng e-mail sa palihangLIRA@gmail.com (subject line: Tulaan sa Facebook 2014). Ang tagapangasiwa ng Tulaan sa Facebook 2013 at 2014 ay si Christa I. De La Cruz, kasalukuyang Ugnayang Pangmadla ng LIRA. Katuwang sa proyekto si Noel Clemente.

Ang “Tulaan sa Facebook” ay unang isinagawa noong 2010 kasabay ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng LIRA. Sumunod dito ang “Tulaan sa Facebook 2011: Rizalstrasse,” sa pakikipagtulungan ng Goethe-Institut Philippinen, para sa ika-150 taon ng kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Ang “Tulaan sa Facebook 2013,” sa pakikipagtulungan ng Ayala Foundation, Inc., Filipinas Heritage Library, Ayala Museum, Ateneo Press, at UST Publishing House, ay bahagi ng pagdiriwang para sa taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Andres Bonifacio. Merong 350 na lumahok at 1,280 na mga diyona noong nakaraang taon. Maaaring balikan sa Facebook ng LIRA ang resulta ng Tulaan sa Facebook 2013.

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ay isang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito. Si Phillip Kimpo Jr. ang kasalukuyang pangulo ng LIRA. Bisitahin ang LIRA sa Facebook (/palihangLIRA) at Twitter (@makatangLIRA) para sa iba pang detalye.

E-MAIL: palihanglira@gmail.com
FACEBOOK: https://www.facebook.com/PalihangLIRA
TWITTER: https://twitter.com/makatangLIRA

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s