Interview

Interview: Maria Milagros Geremia-Lachica

ni Noel Galon de Leon

Ang problema sa sistema ng pagtuturo ng panitikan sa ating bansa ay nakaliligtaan ng marami na ipakilala ang kaluluwa ng isang manunulat labas sa literal na pagbasa ng nakalimbag nitong pangalan. Marami sa mga guro ng panitikan sa kasalukuyan ang kulang na kulang sa pananaliksik pagdating sa pagpapakilala ng mga manunulat na may kaugnayan sa tekstong kanilang itinuturo, kaya lumilitaw ang problema na tila napakahirap isakonteksto ng partikular na akdang tinatalakay sa klase, sa elementarya man, hayskul, at maging sa kolehiyo.

interview_lachica1

Isa sa magandang halimbawa rito ay ang karanasan ko sa mga teksto ni Maria Milagros Geremia-Lachica. Kilala natin siya sa pangalan, pero ang totoo nito, hindi naman talaga natin siya kilala. Kilala natin siya bilang manunulat na Karay-a, pero hindi iyon sapat upang magkaroon ng malalim at matibay na pagdidiskurso sa mga naging ambag nito sa pagpapatatag ng panitikang Kinaray-a. Kung gayon, ang layunin ng panayam kong ito ay may partikular na tuon hindi lamang sa pangalan o paulit-ulit na pagbanggit ng pangalang Maria Milagros Geremia-Lachica sa mga panayam at ilang akademikong papel, kundi pagtuunan din ng pansin ang mismong pinanggagalingan o ang puwersa-lakas ni Maria Milagros Geremia-Lachica bilang manunulat na Karay-a na higit pa sa pagbasa sa kanyang pagiging manunulat na babae.

Kalatas: Kuwentuhan mo kami, paano ka nagsimulang sumulat sa Kinaray-a?

Lachica: Hindi ko maiwasang banggitin ang wikang Ingles sa umpisa dahil ito ang wikang nagbukas ng kamalayan sa pormal na edukasyon ng karamihan sa atin. Sa wikang ito nagsimula ang aking pag-aaral sa matiyagang pagtuturo ng mga madre ng Assumption. Nasa wika ring ito ang pinakaunang leisure reading materials ko. Grade 1 ako nang dumating sa bahay ang isang malaking kahon ng mga libro. Sa halip na telebisyon, ang sampung volumes ng Bookshelf for Boys and Girls at isang set ng Book of Popular Science na may kasamang dalawang higanteng diksyunaryo ang hinulugang-bayad ng Tatay at Nanay para sa aming magkakapatid. Sa umpisa, wiling-wili kami sa pagtingin sa mga litrato at paghaplus sa mapino’t makintab na mga pahina. Nang marunong na kami magbasa, madaling naluma ang aming paboritong volumes na binubuo ng maraming kwentong-pambata, mga tula’t kanta na narinig din namin sa mga madre sa paaralan.

Espesyal ang isang art volume na may mga litrato ng obra maestra ng mga bantog na pintor ng mundo. Hindi namin alam ang tamang pagbigkas ng mga pangalan kaya binibigkas namin ang “g” ni Van Gogh, ang “s” ni Degas o ang “t” ni Monet. Nasa high school ako nang bumili si Tatay ng isang set ng Beginner’s Books para sa aming bunso na Grade I noon. Kaming matatandang magkakapatid ay nagsipag-agawan na rin sa Green Eggs and Ham ni Dr. Zeuss at nakikipagsapalaran na rin sa mga bakasyon ng Berenstein Bears at pamilya ni Haring Babar nang mawala ang kanyang korona. Maliban sa mga libro, may koleksyon kami ng makulay na mga illustrated comics ng Grimm’s at Andersen’s fairytales na unti-unting nadagdagan ng Superman at iba pang super heroes ng Marvel at D.C., Tarzan, Korak, Beetle Bailey, at Archie. Sa college, nag-ipon kami noon ng aking ate para makabili ng Donald Duck comics para sa aming nakakabatang mga kapatid. Medyo negatibo si Nanay dito kasi daw mali-mali ang spelling, tulad ng “unca” para sa “uncle”. Pero sa Donald Duck unang nabasa ng aming bunso ang salitang “skedaddle”. Hinanap niya sa diksyunaryo at napatunayang hindi ito imbento ng mga patong Kano. Magmula noon, nakaukit ito sa bokabularyo naming magkakapatid at pag ginagamit sa mga sulat o e-mails, nagpapabalik ng masayang mga alaala ng aming pagkabata. Tumaas ang presyo ng colored comics pero nadiskubre ni Tatay ang mga black and white klasik komiks sa National Bookstore. Klasiks dahil kwento nila Twain, Hawthorne, Shakespeare, atbp. pero arte’t guhit ng mga Pilipino at Ingles pa rin.

Kalatas: Sino ang mga inspirasyon mo, at mga personalidad na nakaimpluwensya sa klase-estilo ng panulat mo ngayon?

Lachica: Masasabi kong si Nanay ang unang humubog ng aking malikhaing pagsusulat. Pagkatapos ng homework, kaming apat na magkakapatid noon (nadagdagan pa kami ng dalawa) na nasa iba’t-ibang baitang sa elementarya ay pinapakomposo ng simpleng liham sa mga lolo’t lola, mga kapamilya’t kaibigan ng aming mga magulang. Ito marahil ang pinakauna kong writing workshop—pagsusulat sa pormat ng isang simpleng liham sa Ingles. Sa umpisa, dinidiktahan kami—dalawa o tatlong sentences lang pero nang medyo sanay na, taga-edit na lang si Nanay. Pag malapit ang Christmas, kinokopya namin ang mga drawing at greetings ng mga lumang card at ito ang pinapadala ni Nanay. Gustong-gusto ko ang pagkopya ng drawing pero natutuwa ako sa pagkopya ng greetings, lalo na kung may rhyme o tugma. Sa paulit-ulit, saulado ko na ang mga greetings. Natuto na rin akong gumawa ng sariling greetings hanggang sa ako na ang tagasulat ng mga homemade cards namin at mga captions sa likod ng mga family pictures. Laro ito sa mga salita na gustong-gusto ko. Dito marahil nagsimula ang aking pagsusulat ng mga maigsing tula sa Ingles. Sa high school, hindi ako sumulat pero tuwang-tuwa sa pagbasa ng mga paperback romance novels. Negatibo dito ang ninong kong principal. Dapat daw classic literature ang babasahin namin at hindi itong mga “trashy romance” na tinatawag, kaya nagtatago kaming mga babaeng magklasmeyts kung magbabasa nito sa campus. Sa palagay ko, nakatulong naman ito sa pagsusulat ko ng mga tula sa Ingles hanggang kolehiyo. Pangalawang taon ko sa UPV nang na-publish ng Women’s Magazine ang isang rhyming love poem ko (epekto marahil ng aking trashy literary diet) at tuwang-tuwa ako kahit sasabihing filler lang sa pinakahuling pahina ang aking tula. Naging Comparative Lit. major ako at sa Japanese lit na klase, pinasulat kami ng haiku. Nagustuhan ko ang pagkasimple ng haiku, ang gahum ng ilang salita sa pagpahayag ng matinding damdamin o pagkuha ng isang munting litrato. Sumulat din ako ng mga haiku hangga’t naubos ang pasensya ko sa kabibilang ng 5-7-5 na syllables bawat linya.

Mahaba ang kwento ko tungkol sa Ingles dahil mabigat ang impluwensya ng wikang ito. Itinabi ang katutubong wika dahil sa wikang Ingles na isinubo sa karamihan sa atin mula pagkabata sa edukasyong pormal. Dahil siguro hindi pinag-aralang pormal, ang Kinaray-a ay naging wikang pambibig lamang na ang tanging silbi ay sa araw-araw na pamumuhay. Marahil, ang pagiging utilitarian na aspeto lamang ng ating katutubong wika ang ating alam at nakilala. Lumaki tayong nakinig sa mga katutubong kwento na nagbigay sa atin ng auditory experience. Isang magandang halimbawa dito ang “Olayra: Prinsesa kang Dagat” na sinulat ni Russell Tordesillas at binasa sa radyo sa Antique. Patok na patok ang seryeng ito sa Kinaray-a noong nasa high school ako. Magkaklase’t magkaibigan ang anak ni Tay Russell na si Acay Elma at ang aking ate. Madalas mapadaan si Tay Russell sa aming bahay. Siya ang bisitang makapahinto ng lahat ng mga ginagawa namin sa bahay dahil sa kanyang mga kwento tungkol sa mga binasa niyang mga libro o di kaya “teasers” sa kasunod na kabanata ng kanyang serye. Para sa akin, si Tordesillas ang pinakaunang manunulat sa Kinaray-a, hindi nga lang naimprenta ang kanyang mga nobela. Sayang at walang mga grant o patimpalak noong panahon ni Tordesillas. Ang mga manuskrito na sa sulat-kamay niya’y pinapangalagaan ngayon ng Center for West Visayan Studies ng UP Visayas (maaaring basahin ang detalye tungkol kay Tordesillas na sinulat ni Alex de los Santos sa Dungug Kinaray-a Inc). Nakakaaliw ang eksperyensyang dulot ng pakikinig sa inang wika ngunit importante ang visual experience, ang pagkakita ng pagsama-sama ng mga letra’t salita sa pagbuo ng isang tula o kwento. Upang mananatiling buhay ang isang wika, kailangang isulat ito upang mabigyang laman sa papel o sa electronic format. Hindi sapat ang paggamit lang o pagbigkas. Salamat na lamang at dumating si Sir Leo Deriada. Pinamulat niya sa akin na dapat nga isulat ang Kinaray-a.

[LINK: Ugsad kang Kinaray-a: Chapter 3 (Ikarwa nga Bahin)]

Nagtatrabaho na ako noon sa Center for West Visayan Studies (CWVS) ng UPV bilang isang research associate. Nakilala ko si Sir Leo sa writers workshop ng Sumakwelan, ang grupo ng mga manunulat sa Hiligaynon na aktibong naghahanap ng mga bagong miyembro. Kasama ko ang isa pang taga-Antique, si Alex de los Santos. Dahil nga walang sumusulat sa Kinaray-a at walang grupo kung kaya humantong kami ni Alex sa Hiligaynon workshop. Sumulat din kami sa Hiligaynon at pina-guilty to the max kami ni Sir Leo tungkol sa hindi paggamit ng Kinaray-a sa aming mga tula. Pagkatapos ng workshop, halos araw-araw na bumibisita si Sir Leo sa opisina, maingay, nagtatanong, nanghahamon. Kung ang Kinaray-a ay ginagamit araw-araw sa radyo, sa transaksyon ng mga negosyo, sa sermon ng mga pari, bakit hindi sa pagsusulat ng mga tula? Ito ba ay wika lamang ng mga tagabukid o mga buki, mga buang, mga katulong? At huwag daw problemahin ang spelling basta isulat kung ano ang tunog at umpisahan na. Sa pangungulit ni Sir Leo, inumpisahan ko nga.

Nakailang workshop na rin ako kay Sir Leo noon bago ko sinulat ang aking entry para sa CCP poetry writing grant. Natuto akong maglinis, magputol ng ilang salita o linya kung hindi nakakatulong sa ideya. Hindi na ako masaya sa istriktong pormat na gumagamit ng rhyme at meter. Nais kong pakawalan ang mga salita’t linya hangga’t sa matapos, maisalita ang ideya. At hindi ako susulat tungkol sa pag-ibig. Bakit? Dahil hindi mabura sa aking isipan ang isang munting tulang Ingles na may tugma at naging filler yata sa isang magazine.

Kalatas: Itinuturing ka bilang isa sa mga haligi ng panitikang Kinaray-a, para sa iyo ano ang maituturing mo sa iyong mga akda na nagkaroon ng mahalagang ambag sa pagpapalusog ng panitikan ng mga Karay-a?

Lachica: Hindi pa ako tapos, kaya hindi ko alam ang sagot dito. Pero sa palagay ko, mahalaga na isalin sa Kinaray-a o inang wika ang ginawang pormal na mga pag-aaral tungkol sa ating kultura. Halos lahat ng mga research papers tungkol sa ating kultura ay sa wikang Ingles na mababasa at pinag-aaralan ng mga iskolar sa buong mundo. Mahalagang ambag ito sa seryosong pag-aaral at kailangan ng mga estudyante para sa grado o ng isang guro para sa thesis. Pero ang masaklap, hindi yata ito alam ng mga taong-bayan na puno’t ugat nitong mga pag-aaral. Hindi masama ang ating taimtim na pag-aaral ng wikang Ingles dahil mahalagang kasangkapan ito sa ating pakikipag-ugnay sa global na komunidad. Pero ang pagsasalin ng mga pag-aaral tungkol sa ating kultura ay isang paglingon sa ating katutubong wikang napabayaan dahil sa wikang Ingles. Nais kong gamitin itong mga ginawang pormal na pag-aaral sa Ingles at isalin sa Kinaray-a upang maibalik ang katutubong kaalaman sa ating mga kababayan o kasimanwa.

Ang turing na isa sa mga haligi ng panitikang Kinaray-a ay dahil sa nauna lang akong nabigyan ng grant sa pagsusulat sa inang wika at nakilala. Opisyal na binasbasan ng CCP ang wikang Kinaray-a noong 1989 nang nanalo ang aking entry, “Lupa kag Baybay sa Pinggan” sa poetry writing grant. Magmula noon, hindi mapigilan at walang makakapigil ng pagtubo ng panitikang Kinaray-a. Makita at mabasa ito sa mga lumabas na mga libro, mga blogs at online site tulad ng Balay Sugidanun at Dungug Kinaray-a. Malusog ang Kinaray-a dahil sa pagsisikap ng maraming manunulat at malikhaing mga taong nagmamalasakit sa wikang ito.

[LINKS: Balay Sugidanun || Dungug Kinaray-a]

Kalatas: Una mong koleksyon ng mga tula ang “Ang pagsulat–bayi = Writing is–woman: Poetry in Kinaray-a,” kuwentuhan mo kami kung paano mo natapos ang koleksyong ito.

Lachica: Itong una’t kaisa-isa kong kolekyon ay tinagpi-tagping mga luma at bagong tula bago ako umalis ng Panay at nang maninirahan na dito sa America. Paano nabuo, saan ko hinugot ang aking mga ideya? Noong ikaapat na taon ko sa kolehiyo, naging propesor ko sa Literary Research ang dating UPV Chancellor, Dr. Dionisa A. Rola. Binigyang diin ni Prof. Rola ang kahalagahan ng pagtipon at pag-aral ng oral literature at mga katutubong kwento o folklore ng ating isla, kaya naging topiko ito ng aming group thesis. Napagkaisahan ng aming grupong magkolekta ng mga paktakun o mga bugtong ng Antique. Ang paglibot sa mga bayan at kabarangayan ng Antique, ang pakikipag-usap sa mga taong-bayan at pakikinig sa kanilang mga bugtong at kwento ay naisama lahat sa aking bangko ng mga alaala kung saan kumuha ako ng mga ideya’t inspirasyon sa aking pagsusulat. Nang magtrabaho ako sa CWVS, lalong lumaki ang pondo sa aking bangko ng mga alaala dahil sa mga ginawang pag-aaral ko sa kultura ng Panay.

Magmula noong 1997 pagdating ko dito sa America, zero ang aking malikhaing pagsusulat, Ingles man o Kinaray-a. Paghanap ng trabaho, pag-adjust sa nakakaibang kultura, temperatura at buhay-pamilya ang aking pokus. May munting negosyo kami ng mga classic rock tshirts, used vinyl records at related accessories. Wala akong kaalam-alam sa classic rock noon at nahirapan ako sa pagbabantay ng tindahan, lalo na kung may magtatanong tungkol sa mga banda, sino ang gitarista, drummer, unang album, atbp. kaya pinag-aralan ko. Nagbasa ako ng mga libro’t magazines, nagpatugtog ng mga LP records at nanood ng mga concert videos na hinalungkat ng aking asawa; mula kay Chuck Berry, hanggang sa Woodstock at Metallica na siyang pinakasikat noong pagdating namin dito. Nagbabad ako sa classic rock at blues na nagbukas ng tilang nakakaibang mundo at nagdala ng mga bagong tula sa akin. Nang mag-umpisa ang asawa kong gitarista sa pakikipag-jam sa mga local na musikero, naging masaya akong roadie, tagabitbit, tagapalakpak at kritiko sa kung saang bar dito. Noon, pareho kami ng aking asawang naghahanap ng aming malikhaing daan—siya sa kanyang mga blues riff sa gitara at ako naman sa pagsusulat. Binalikan ko ang mga karanasang ito sa aking pagbuo ng ilang mga tula.

Salamat sa Internet at nadugtungan ang aking malikhaing koneksyon. Nagpasigla sa akin ang mga emails noon ng mga kaibigang manunulat tulad nila Alex, Genevieve Asenjo, John Iremil Teodoro, Tom Talledo at Maragtas Amante. Ikapitong taon ko dito, 2004 nang matanggap ko ang e-mail ni John tungkol sa kumpetisyon para sa writing at book grant ng Fray Luis de Leon Creative Writing Institute ng University of San Agustin. Dahil gusto ko ring bumalik sa pagsusulat at may book grant pa, sinubukan ko uli. Nanalo sa Filipino si Genevieve at ako naman sa Kinaray-a. Inumpisahan ko ang pagbuo ng aking koleksyon na may 60 na mga tula. Kabahagi dito ang “Lupa kag Baybay sa Pinggan” na unpublished koleksyon ko para sa CCP noon. Bawat isa sa mga tula sa koleksyon ay isinalin ko sa Ingles. Nakalimutan ko na kung bahagi ng grant ito pero bagong lipat ako noon sa opisina ng clinical research. Alam ng aking medical director ang tungkol sa aking pagkapanalo ng book grant at nag-request siya ng English translation para naman daw maintindihan niya ang aking kultura.

Kalatas: Kung papansinin, partikular ang tema ng koleksyon mo sa usapin ng pagiging babae, sinadya ba ito, o sa ganitong klase ng panulat mo gustong makilala?

Lachica: Hindi ko sinadya pero tungkol saan nga naman ang susulatin ko kung hindi yung pinakaalam ko na topiko, ang pagiging isang babae, nanay, asawa at taong may puso’t utak. At dahil walang sumusulat sa Kinaray-a ng mga ganitong tema, e di sige na nga. Ang koleksyon ko ay isang pagbibigay-pansin sa babae, sa produkto ng kanyang utak at hindi lamang ng kanyang matres.

Kalatas: Para sa iyo, ano ang pagpapakahulugan mo sa salitang feminista?

Lachica: Siya ang babaeng aakyat sa silya sa pagpalit ng pundidong bombilya sa kanyang kusina, hindi dahil sa kaya niya itong gawin ngunit dahil kailangang palitan upang hindi siya magluluto sa dilim. Kung sakaling may lalaking mag-alok ng tulong sa pagpalit ng sinabing bombilya, ang feminista ay hindi tatanggi. Magpapasalamat siya sabay ang isang matamis na ngiti.

Kalatas: Sino-sino ang kontemporaryo mo sa pagsulat sa Kinaray-a?

Lachica: Ang mga kontemporyo ko: Alex de los Santos, Felicia Flores, Jose Edison Tondares, Gerardo Antoy, Leah Marlie Pagunsan at Moi Magbanua. Sa inisyatibo ni Alex, nanalo kami ng NCCA venue grant at masayang umakyat sa Arts Center ng Mt. Makiling. “Gus-abanay” ang tawag namin sa matinding pag-workshop ng mga tula nang bawat isa. Napag-usapan naming dapat may grupong manunulat sa Kinaray-a, kaya may Tabig Hubon Manunulat Antique. Walang eleksyon ng mga opisyales pero nangako kaming pito na susulat sa Kinaray-a. Pagbaba namin, naging aktibo ang Tabig sa mga workshops sa Antique sa tulong ni Sir Leo. Lumitaw ang mga bago, mas bata at magagaling na mga manunulat. Sunod-sunod na nanalo ng mga grants at premyo ang mga manunulat sa Kinaray-a hangga’t sa lumabas ang special Kinaray-a issue ng Ani, ang literary journal ng CCP. Nagkahiwa-hiwalay ang Tabig nang dumating ang di-maiwasang mga responsibilidad sa buhay.

Kalatas: Ano ang matitingkad na karanasan mo sa pagsusulat sa Kinaray-a?

Lachica: Katatapos ko lang sa pag-type noon ng aking mga tula para sa CCP entry nang dinampot ng aking anak ang isang pahina. Apat o limang taon pa lamang siya noon ngunit nag-uumpisang mag-aral ng mga tunog at pagbibigkas ng mga letra sa Iloilo Montessori. Unti-unti niyang binigkas ang mga letra, binasa nang buo at tuwang-tuwa sa pagsabing naintindihan niya ang sinulat ko. Parang ilaw ito sa aking utak. Mabilis na naintindihan kaagad ng isang bata ang aking sinulat, kahit literal level nga lamang. Hindi na kailangan ang paglarawan sa isip ng isang bagay at paghanap ng katumbas dahil alam niya ang kanyang inang wika.

Kalatas: Ano ang konsepto mo ng regional writing?

Lachica: Regional writing ang tawag sa panulatan na gumagamit ng dayalekto o iba’t-ibang wika ng Pilipinas na hindi Tagalog. Isa ring dayalekto ang Tagalog ngunit kung ginamit itong framework o balayan ng ating pambansang wika, dahil sa ito ang wika sa sentro ng pamahalaan ng ating bansa at marahil ito rin ang wikang may pinakamaraming manunulat at mga naimprentang mga babasahin noon.

Ang pinakatanging kaibhan ng regional writing ay sa wikang ginagamit. Ang tema, istilo o teknik ay isang malawak at personal na posibilidad para sa manunulat.

Kalatas: Ano ang opinyon mo sa usaping self-publishing o independent publishing na nagkakaroon na ngayon ng puwang sa mundo ng panitikan at mundo ng publishing?

Lachica: Kung hindi ka nakasandal sa pader ng unibersidad na may simpatiya sa mga manunulat at walang proyekto o grant ang gobyerno na maaaring magbigay ng suporta sa manunulat, malamang na ikaw nga ang mag-award ng book grant sa sarili mo. Boto ako dyan. Ano pa nga ba ang magagawa mo? Sa ngayon siguro, writer-friendly na ang mga publishing companies at may mga financial options sila para sa mga self-grantees. E ano kung balang araw, nakita mo lamang ang libro mo sa isang kahon sa ukay-ukay o sa flea market? Huwag mag-alala, nabigyang laman mo na ang bunga ng iyong utak at iyan ang pinakamahalaga. May mga planta na rin ng recycling na magbigay-buhay uli sa mga papel na ginamit ng iyong libro kung sakaling makunsensya ka.

Kalatas: Para sa mga batang nagsusulat sa Kinaray-a, ano ang maipapayo mo sa kanila?

Lachica: Ang mga batang manunulat ngayon ay masigasig at mas matapang sa kanilang pagsusulat. Mas nakakaalam sila kung ano ang kanilang gagawin. Basta magbasa at magbasa sila sa kahit anong wikang maintindihan/makaya nilang basahin at gawin ang pagsusulat sa inang wika.

Kalatas: Ano ang mga dapat na asahan sa iyo ngayong 2014? Kuwentuhan mo kami tungkol sa iyong mga proyekto at mga plano pa.

Lachica: Pinakamabunga para sa akin ang nakalipas na 2013. Naging guest Kinaray-a blogger ako sa Balay Sugidanun ni Genevieve Asenjo umpisa nong Enero. Bumalik din ang aking pagkahilig sa drawing na gumagamit ng mouse at stylus sa aking tablet at hindi na lapis at krayola. Noong Hulyo, binuksan naman ni Richie Pagunsan ang website ng Dungug Kinaray-a. Inumpisahan ko dito ang pagsulat ng kwento ng aking pagkabata, ang kwento ni Amo kag Bao. Paulit-ulit itong narinig naming magkakapatid noon sa aming Tatay. Maraming bersyon ito at katatapos ko lang ng ika-lima. Isa na lang at tapos na ang aking debosyon sa Amo kag Bao. Maaasahang susulat ako—tula, kwento o pagsasalin—ngayong 2014.

[LINKS: Balay Sugidanun || Dungug Kinaray-a]

Si Noel Galon de Leon ay estudyante ng Master of Education Major in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Visayas. Nagtuturo sa University of the Philippines High School in Iloilo. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya. Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com.

Advertisement

One thought on “Interview: Maria Milagros Geremia-Lachica

  1. Pingback: Interview: Jose Edison Calibjo Tondares | KALATAS: Philippine Literature, Culture, & Ideas

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s