Books / Review

Review: Kataw kang Burnham Park

ni Noel Galon de Leon

Kataw kang Burnham Park

Ang Kataw kang Burnham Park ang ikaanim na koleksiyon ng mga binalaybay ni John Iremil E. Teodoro, inilathala ng University of San Agustin Publishing House sa siyudad ng Iloilo. Binubuo ito ng 53 na mga binalaybay sa Kinaray-a at may ilang salin sa Cebuano nina Jessrel E. Gilbuena, Karla Quimsing, Ritchel G. Dorotan, at Merlie M. Alunan na siya ring nagbigay ng introduksiyon.

Katulad ng inaasahan, madarama sa bawat binalaybay ang lugod ng pagiging makata ni Teodoro, nananatili ang konsepto ng higit na pagiging tapat sa karanasan, personal man o hindi. Humahabi ang makata ng mga ordinaryong karanasan sa lipunang Filipino, iyong lantad at di lantad na karanasan mula sa sentro pabalik sa gilid-gilid nitong kalibutan upang igiit ang sarili sa tinig na higit na makatao. Sa pagbasa ng kaniyang mga binalaybay sa koleksiyong ito, muling ipinadarama sa atin ni Teodoro ang lugod ng “nagapaangga nga ambon”[p.3] ng Baguio, ang nakakubling gahum ng Guimaras mula sa mga korales at kristalisadong tubig nito, ang “mahipës kag maambëng nga Balay Kalinëngan sa Bacolod” [p.xi], maging ang pagmantsa ng “dugu nga nagadapya sa mayami nga hangin” [p.28] sa siyudad ng Pasig hanggang sa Rosario kung saan siya naninirahan.

Sa pagiging unibersal ng tema ng mga binalaybay sa koleksiyong ito mahihinuha na nakilatis nang maayos ni Teodoro ang kalibutan, gayun din ang mismong sarili bilang bading na makata sa Kinaray-a na patuloy na nananalig sa pangako ng kalibutan para sa mga tulad niya na “ginasipalan ang paghigugma” [p.13]. Bagaman ang tuon ay nasa usapin ng pag-ibig, nakikisimpatya ang mga binalaybay nito partikular sa pag-ibig ng dalawang lalaki para ipasundayag ang angking yamang biswal ng makata sa mga karanasan niya sa paggalugad sa sarili. Dahil dito ay mas lalong tumibay ang paninindigan ni Teodoro bilang makata, iyong higit na mulat at may pinaninindigan sa usapin ng kasarian at seksuwalidad. At dahil sa bagong kamalayang ito ng makata, mas higit na lumilinaw ang lugar at espasyo ng bading sa lipunang puspos ng de kahon o stereotypical na pag-unawa sa karanasan at pagiging kumbensiyonal:

Pamensara rën lang nga hamot ang dugu kang binalaybay
nga nagapanalaytay sa akën kaugatan.
Sa rëm-an sa aga sëlngën ko ikaw nga nagaparigos.
Sëlngën ko ikaw nga nagailis,
nga nagabëtang kang dyel sa imong buhok.
Sëlngën ko ikaw it diretso sa imong mga mata
sa pagduhol ko kanimo kang pira ka panig nga kuwarta.
Kon manggaranën lang daadako
bëkët lang amo ka ria ang itugro ko kanimo
hay man-an ko nga wara it presyo
ang kalipay ngadulot kang imong mga hikap,
këpkëp, harëk, kag yuhëm.
Magakaptanay kita it alima sa pagguwa sa akën kuwarto
asta sa elebeytor, asta sa labi kang hotel.
Magasarig ikaw nga indi ako maghibi.
Pira rën ka laki ang ginsëlëng ko
nga nagapanaw paraye kanakën.
Hëëd, ginsëlëng ko asta sa kaënën sanda
kang kasanag kang karsada.
Amo dya ang silot kanakën tëngëd
ginasipalan ko ang paghigugma. [13]

Isa na namang selebrasyon para kay Teodoro bilang makata ang koleksiyong ito. Sino ang mag-aakala na mababasa natin ang ilan sa mga pinakamapangahas na binalaybay ni Teodoro sa ilalim ng isang publikasyong pinamumunuan ng mga pari? Iyong mga usapin na umiinog sa buhay ng isang bading, mangingibig na bading, maging ang kasawian at mga tagumpay ng isang bading sa loob at labas ng kaniyang mga binalaybay, dahil ang totoo ay may mga “paghigugma nga indi mahingadlan” [18] sa konteksto ng realidad sa ating lipunan.

Itinataguyod ng koleksiyon hindi lamang ang pagbabalik o ang pangangailangan ng pagbalik sa puno’t dulo ng ating pagbalay ng mga tinaga, hinahamon rin tayo ng koleksiyong ito na alamin ang kabuluhan ng ating pag-iral sa kalibutan, sinasalamin ito sa binalaybay na “Sirëm sa Villa Igang” na may “kinahanglan ko rën magsindi kang kandila / Kag mangadi para sa kalinëngan kang akën dëghan,” [27] na pagkatapos nating danasin ang kapusukan nitong kalibutan at ng bawat nating pagkatao ay umuuwi pa rin tayo sa edipisyo ng ating hunahuna, hindi para humingi ng tawad o ikahiya ang sarili, kundi upang magpasalamat sa karanasang ating natunghayan habang nakikipagsapalaran. Ang totoo kasi n’yan, tayo lamang at ang “paghigugma nga indi mahingadlan” ang tanging makapagliligtas sa bawat kamatayan ng ating mga binalaybay.

Makikita sa kabuuan ng koleksiyon ang bisa ng pagsipat at pag-unawa ni Teodoro sa konsepto ng malayang taludturan, ang koneksiyon nito sa kontemporaneong kamalayan na higit na mulat dahil naisasapahina ang mga paksang may kinalaman sa isyu ng homoseksuwal kaya hindi nagiging isyu.

Mababasa rin ang panayam kay John Iremil E. Teodoro dito sa KALATAS.

Si Noel Galon de Leon ay estudyante ng Master of Education Major in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Visayas. Nagtuturo sa University of the Philippines High School in Iloilo. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya. Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s