Interview

Interview: Jose Edison Calibjo Tondares

ni Noel Galon de Leon

Isa si Jose Edison Calibjo Tondares sa pinakakilalang manunulat sa Panitikang Kinaray-a sa kasalukuyan. Itinuturing siyang isa sa mga puwersa na kumilala sa gahum ng wika ng mga Karay-a gamit ang kanyang mga binalaybay at mga sugidanun na lumabas sa ilang pambansa at rehiyonal na mga antolohiya. Madalas din marinig at mabasa ang kanyang pangalan sa mga papel na may kinalaman sa pagpapalusog ng panitikang Kinaray-a, lalo na ang mga isinulat ni Dr. Leoncio P. Deriada.

Kalatas: Kuwentuhan mo kami, paano ka nagsimulang magsulat sa Kinaray-a?

tondares

Tondares: Ang pagsulat ko sa Kinaray-a ay nagsimula sa maraming bagay. Kasama na doon ang mga kuwentong pambata ng nanay kong si Lucena Tondares tuwing gabi o di kaya mga kuwentong sundalo ng lolo ko na si Alejo Calibjo isang miyembro ng USAFE noong WWII. Pakiramdam ko, ang mga kuwento ay isang paraan ng pag-aari ng mga karanasan at lahat ng aking kinalakihan. Sumunod doon ang pagkahumaling ko sa mga kuwento ni Arguelles. Malaki rin ang impluwensya ng mga drama sa DYFM, DYKA at DYRP. Dahil sa mga ito, sinubukan kong magsulat noong nasa elementarya ako. Noong nagkukolehiyo na ako sa St. Anthony’s College, sumapi ako sa Anthonian Publication kung saan nakasalamuha ko ang iba pang mga manunulat na piniling sumulat sa Kinaray-a katulad nila Alex delos Santos, Feliro Questorio, at Leah Pagunsan. Malaki rin ang naiambag ni Dr. Leoncio Deriada sa aking pagsasanay sa tamang paraan ng pagsulat. Siya ang naging tatay sa mga workshop naming nagsisimulang sumulat sa Kinaray-a.

Kalatas: Dahil palaging nababanggit ang impluwensiya ni Deriada sa maraming manunulat sa Kinaray-a, maging partikular tayo. Sa anong aspekto ng pagiging manunulat mo nakatulong nang malaki si Deriada?

Tondares: Mga pangunahing bagay at alituntunin lamang sa pagsulat ang itinuro ni Dr. Deriada. Maaaring ito ay napakasimple subalit nabaligtad nito ang maraming maling paniniwala sa malikhaing pagsulat, lalo na sa pagtula. Ito ay isang bagay na sa aking paniniwala ay hindi lamang si Deriada ang kayang gumawa pero si Deriada lamang ang suwail at matapang na nag-udyok sa amin na ipagpatuloy ang pagsulat sa Kinaray-a. Naniniwala ako na higit sa lahat ang impluwensya ni Dr. Deriada sa aking pagiging manunulat ay ang pagpapatuloy ng adbokasiya na palaguin ang wikang Kinaray-a.

Kalatas: Hindi ka lamag sa wikang Kinaray-a sumulat noong nagsisimula ka. Nariyan halimbawa ang ilan sa mga kuwento mong nasa wikang Filipino na lumabas sa Likhaan Journal ng UP. Litaw sa mga ito ang pagpapasok mo ng mga lokal na termino mula sa wikang Hiligaynon at Kinaray-a. Kuwentuhan mo kami tungkol dito.

Tondares: ‘Yung kuwentong Lukring at Tag-Init sa Bakulod ay pawang nasa Visayan-based Filipino. ‘Yung una ay nalathala sa Mantala, at ‘yung pangalawa sa Tag-araw. Di ko maalala kung alin sa dalawa ang nasa Likhaan Journal. Meron pang isa, Carmencita. ‘Yung Lukring, tungkol sa isang taga-bundok na katulong na nagkaroon ng [karelasyong] tomboy [sa] unang salta n’ya sa bayan. ‘Yung Tag-init, tungkol sa isang nakalipas na kabataan. ‘Yung Carmencita, tungkol sa isang matabang kusinera. Sa usaping lenggwahe, naniniwala ako na dapat agresibong pinapasok sa Filipino ang talasalitaang Kinaray-a/Bisaya, sa ganitong paraan lamang natin mapagyayaman ang Filipino, sa paraang hindi lamang Tagalog ang nangingibabaw.

Kalatas: Lumalabas na pangangailangan ito, lalo na kung ikaw ay manunulat mula sa rehiyon. Nagkakaroon ng malay na pag-ambag sa tinatawag nating wikang pambansa ang ganoong paraan ng pagsulat sa karanasan mo. Ano ang hanggahan ng pagpapahiram ng mga salita mula sa ibang wika? Ano ang naitutulong nito halimbawa sa isang partikular na akda?

Tondares: Hindi buo ang paniniwala ko sa wikang Filipino. Para sa isang katulad ko na napabilang sa pamilya ng mga taong malaki ang malasakit sa probinsyang kinalakihan, mapang-api ang Filipino. Ang paggamit ko ng mga salitang Kinaray-a ay pitik sa kabalintunaan ng pagpipilit na gamitin ang isang wikang di laganap sa Pilipinas kaysa isang halos sa Luzon lamang di ginagamit. Aminado ako, artipisyal ang paggamit ng Visayan-based Filipino lalo na kapag mga pandiwa ang hinihiram. Hindi natural ang lumalabas na pagbasa o pagbigkas. Totoo, pwedeng umasa na sa kagagamit nito ay magiging natural na rin s’ya balang araw, pero mas gugustuhin ko na bigyang pansin na lang natin ang paggamit ng mga katutubong wika at hayaang ang naturalesa ng daynamikong wika ang mangibabaw ayon sa natural na karanasang sosyal ng mga tagapagsalita nito.

Kalatas: Palagi nating naririnig ang konsepto ng ‘Visayan-baced Filipino’ kina Teodoro at Asenjo, mga manunulat rin na Karay-a. Paano at saan nagsimula ang adbokasiya na iyan?

Tondares: Ito ay isa sa mga adbokasiya ni Dr. Deriada na sinimulan noong pagkatapos ng EDSA. Ito rin ang uri ng Filipino na ginagamit ko pero sa palagay ko, ang katuturan nito ay ang higit na pansin na binibigay sa Kinaray-a. Kung adbokasiya ang pag-uusapan, isang tasa at isang balde ang labanan. Natutuwa ako na si Teodoro at Asenjo, may tasa na, may balde pa.

Kalatas: Saan mo kinukuha ang inspirasyon mo sa pagsulat?

Tondares: Sa karanasan ko at sa karanasan ng ibang tao. Nakakatuwa kung paanong ilang bagong mundo ang nalilikha ng isip natin dahil sa ating mga karanasan.

Kalatas: Alam nating likhang isip ang mga tatlong kuwentong nabanggit, pero meron ba itong pinaghanguang kuwento na narinig mo sa iba o naging karanasan ng mga kakilala mo?

Tondares: Opo, pawang hango sila sa totoong buhay. Minaniobra lamang upang magkaroon ng bagong anyo, takbo, kuwento upang sa huli ay makapagtulay sa bagong kahulugan.

Kalatas: Marami sa iyong mga binalaybay at sugidanon ay naglalaro sa konsepto ng pagiging lokal, o pagkakaroon ng local color, iyong mga tagpo na pamilyar sa uma. Sinasadya ba ito?

Tondares: Sumusulat tayo ayon sa karanasan at kamalayan natin. Karamihan sa mga katha ko noon ay ganoon nga ang tema. Sinasadya? Sadyang wala lang akong mapagpilian dahil iyon ang naging limitasyon ng akin karanasan at kamalayan.

Kalatas: Ano ang konsepto mo ng lokal na kulay (local color) bilang isa sa mga paraan ng pagsulat ng sugilanon?

Tondares: Mahalaga ang lokal na kulay sa pagdala ng isang mambabasa sa bagong lugar. Ito ang nagbibigay ng turismo sa panitikan.

Kalatas: Ano ang masasabi mo sa ilang palagay ng mga kritiko na marami raw sa mga sugilanon mula sa labas ng sentro ang nananatili bilang sugilanon na pambukid lamang? Isa sa kanilang mga rason ay dahil hindi nagiging natural ang paggamit ng lokal na kulay sa pagsusulat.

Tondares: Totoo, ang [Agta] ay mananatiling Agta subalit ang mundo ng Agta ay hindi umiikot sa mundo ng mapusyaw ang balat. Ang mga kritikong nag-iisip tulad ng nabanggit mo ay kailangan pang magpalawak ng kanilang pag-unawa upang matunton na ang sentro ng panitikan ay kung saan nagsisimula ang kuwento.

Kalatas: Kung gayon, paano tinitingnan ng sentro sa kasalukuyan ang mga akda mula sa labas nito? Partikular ang panitikan ng mga Karay-a?

Tondares: Natutuwa ako na ang panitikan sa labas ng Kinaray-a ay patuloy na lumalago. Ganun pa man, maraming mga hakbangin ang nangyayari ngayon para pagtibayin ang Kinaray-a. Isa na rito ang pagbuo ng St. Anthony’s College ng isang Taramdan sa Gramarya Kinaray-a.

Kalatas: Kuwentuhan mo kami tungkol sa Taramdan sa Gramarya Kinaray-a?

Tondares: Sa mauna-unahang panahon, nagkaroon ng isang malawakang pagsusuri ng balarila ng Kinaray-a. Mapapansin na ang mga naunang pamantayan sa Kinaray-a ay halos lahat sa ortograpiya at sa simpleng pagbabanghay ng pandiwa. Ngayon, nakabuo ang SAC ng isang referensya sa halos lahat ng bahagi ng wikang Kinaray-a. Ang kagandahan nito ay ang pangkat na kinomisyon para buuhin ito ay galing sa mga hanay ng mga lingwistiko at manunulat. Sinasaayos na ang referensyang ito para gawing aklat.

Kalatas: Maliban sa mailimbag sa mga antolohiya, ano-ano pa ang matitingkad mo na karanasan sa Panitikang Kinaray-a?

Tondares: Dahil sa ang pagsusulat sa Kinaray-a ay isang adbokasiya, ang maging bahagi ng panahon ng pag-usbong ng mga batang manunulat sa Kinaray-a ay naging pinakamatingkad kung karanasan bilang manunulat sa Kinaray-a. Nabubuhay ako sa panahon kung saan ako ay nagiging saksi ng unti-unting pagbabago ng anyo at ng pagtingin naming mga Karay-a sa aming sarili, wika man o pagkatao.

Kalatas: Sino-sino ang kontemporaneo mo sa pagsusulat sa Kinaray-a at mga dapat kilalanin bilang manunulat na may malaking ambag sa paglago ng Panitikang Kinaray-a?

Tondares: Sa mga nag-aaral ng panitikang Kinaray-a, kilala na sina Alex delos Santos at Milagros Geremia Lachica ngunit dapat ring kilalanin sina Randy Tacogdoy, John Iremil Teodoro, Ma. Aurora Salvacion Autajay, Linda Arnaez Lee, Genevieve Asenjo, at ang mga mang-aawit na sina Noel Alamis, Samuel Cesar Rubido, Florentino Egida Jr., Romeo Amerila, at Dante Beriong. Kung pagbabasehan ang dami ng trabaho sa Kinaray-a, masasabi kong sila ngayon ang mga pinaka-aktibong manunulat at mang-aawit sa Kinaray-a banda dito sa Antique. Dapat maitala na rin sa mga pahina ng kasaysayan ng muling pagbangon ng Kinaray-a ang halos di nababanggit na ambag ng mga NGOs sa pagpapalago ng Kinaray-a. Ang pagtuturo nila ng mga konsepto ng makabagong pag-unlad sa Kinaray-a ay nagbibigay ng panibagong sigla dito bilang wika ng ekonomiya, samakatuwid mas kabit at pangunahin sa araw-araw na buhay at komunikasyon ng mga tagapagsalita nito. Dapat din kilalanin ang naging ambag ng DYKA sa panitikang Kinaray-a sa larangan ng drama sa radyo. Sa cyberspace, ang http://www.dungugkinaray-a.com ang nangunguna bilang purong kinaray-a na website. ang http://www.balay-sugidanun.com ay naglalathala din ng mga artikulo sa Kinaray-a.

Kalatas: Sa palagay mo, kailangan bang kumuha ng kursong malikhaing pagsulat o sumailalim sa palihan ang nagsisimulang manunulat? Bakit?

Tondares: Ang pagsasanay sa mga kursong malikhaing pagsulat at sa mga palihan ay malaki ang maitutulong sa mga nagsisimula na manunulat. Ito ay nagpapakilala sa kanila sa mga pormal na istruktura ng pagsulat at sa mga teyorya tungkol dito. Maliban pa d’yan, dito nararanasan ng mga nagsisimula ang pait at saya ng pakikisalamuha sa iba’t ibang uri ng kapwa manunulat. Subalit sa palagay ko, sa mga nais magsulat sa Kinaray-a, mas higit na importante ang maisapuso ang malay ng wikang Kinaray-a. Si Linda Arnaez Lee at Ma. Felicia Flores ang sa palagay ko ang pinaka-Kinaray-a ang kamalayan sa mga manunulat sa Kinaray-a ngayon gayon pa man, dapat tayong manatiling bukas sa makabagong paggamit ng Kinaray-a.

Kalatas: Kung babalikan ang mga akdang lumabas nitong huling dekada sa Kinaray-a, masasabi na hindi lamang lima o 10 ang mga manunulat sa wikang ito. Ano ang pakiramdam mo bilang manunulat na Karay-a na hanggang sa mga sandaling ito ay wala pa ring kategorya para sa sarili ninyong panitikan sa Palanca?

Tondares: Para sa akin, ang Palanca ay isang hegemonic devise para panatilihin sa urban center at sa akademya ang karapatang kumilala kung sino ang pinakamagaling na manunulat o hindi. Ang totoong tagapagkilala ng panitikan, ay ang komunidad na kinabibilangan ng mga taong lumilikha nito. Kung kakayanin ng Palanca na kilalanin ang mga lokal na pamantayang panitikan at ang mga karanasang Karay-a na lumilikha ng Panitikang Kinaray-a, maaaring ito ay magiging mahalaga sa mga manunulat sa Kinaray-a at habang hindi pa, hayaan na lang natin ang Palanca sa sarili nitong mundo. Hindi nabubuhay ang Kinaray-a sa Palanca kundi sa mithiin ng mga Karay-a na panitilihan ang kanilang wika na buhay at ang kanilang mga karanasan at pag-asa na di-mamaratyun.

Kalatas: Ano ang opinyon mo sa usaping self-publishing, independent publishing, at e-publishing na nagkakaroon na ngayon ng puwang sa mundo ng panitikan at mundo ng publishing?

Tondares: Sa usaping self-publishing, independent publishing at e-publishing, ang sagot ko ay nasa tanong na sino ba ang may karapatan na sabihin sa atin ang kung ano ang pwede at di natin pwede ilathala? Ang paglalathala ngayon ay di na usaping pagbebenta ng libro at peryodiko. Wala na rin ang panahon kung kailan ang mataas na kaalaman ay pag-aari lamang ng iilang tao. Mas malawak ang sakop ng teknolohiya at edukasyon ngayon. Kaya nga mapalad ang mga manunulat ngayon dahil mas may kapangyarihan silang panghawakan ang kanilang produkto.

Kalatas: Ano ang mga dapat asahan ng mga tagahanga mo sa iyo ngayong 2014?

Tondares: Sinasaayos namin ng ilang kasama ang taramdan sa Gramarya Kinaray-a para sa Kinaray-a sa Antique. Inaasahan namin na magiging palasandigan ito ng tamang paggamit ng Kinaray-a at makatulong sa paggamit ng tumanduk na wika sa mga paaralan.

Si Noel Galon de Leon ay estudyante ng Master of Education Major in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Visayas. Nagtuturo sa University of the Philippines High School in Iloilo. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya. Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s