Culture

Obituwaryo: Gabriel Garcia Marquez (1927-2014)

ni Louie Jon A. Sanchez

InstagramCapture_d44594e5-e6a7-4257-b452-5b6d4688cad0_jpgIlang henerasyon nga bang edukadong Filipino ang bumasa kay Gabriel Garcia Marquez?

Tantiya ko ay mga apat o lima, kung gagawing muhon ng pagbibilang ang pinakauna niyang aklat, ang Leaf Storm na lumabas noong 1955.  Bakit “edukadong Filipino” ang kaniyang mambabasa?  Sapagkat sa silid-aralan malamang talagang naipapakilala si Garcia Marquez, laging bahagi ng mga silabus, matalik na tinatalakay, o pilit na ipinababasa tulad ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo.  Kung magkikita sina Rizal at Garcia Marquez sa langit, ngayong namaalam na ang tinatawag na “maestro” ng di iilang manunulat na Filipino (sa linggo ng hiwaga pa, ang Semana Santa!), palagay ko’y magkakasundo sila–bukod sa bihasa naman ang bayani natin sa Espanyol, ay baka ikagulat nilang bilang mga nobelista, halos parehas ang kanilang masugid na pagtalakay, lalo na sa mga ugat ng lunggati at dalamhati ng kanilang mga bayan: ang kolonyalismo.  Iniisip ko lamang ang maaaring maging kombersasyon ng dalawa: ikagugulat din kaya nilang matuklasan na required reading silang pareho sa iisang bansa?  Sino kaya sa kanila ang nakababatid?  Gusto kong isipin na ang mayabang na si Rizal ang magwiwika, at nakaaalam (hello, Republic Act 1425?).  Aba, e di hamak naman na may dapat ipagyabang siya kaysa sa awtor ng mahiwagang daigdig ng Macondo mulang Columbia, bagaman magkawangis ang kanilang mga kasaysayan.  Binitay siya dahil sa kaniyang mga nobela.

Datapwa hindi naman kailangan talaga ang mabitay dahil sa mga nobela.  Kahit kailan.  Naging isang dakilang pamantayan lamang natin ito, isang malaking paghahandog, sapagkat wari bang sa isang orisonte ng mga posibilidad, higit na makapangyarihan ang mamatay nang dahil sa iyo habang sakay ng kabayo at sumusugod sa mga kalabang mananakop (napanood ba ninyo ang El Presidente sa Metro Manila Film Festival, ang lunsaran ng lahat ng maaaring maisip na mahika realismo?).  Ngunit ang nobela ang pinaniniwalaang nagparikit, nagpalagablab sa ating rebolusyong 1896.  Panitikan ang kumatha ng mga posibilidad ng paglaya, ng pagiging marangal matapos ng ilang daang taong pagkakadusta.  Siguro’y ganito talaga ang magkaroon ng panteon ng mga bayaning halos lahat ay pawang nagsusulat.  Ang bansang ito ay bansa ng mga manunulat, ano pa mang paggigiit ng ilan na wala tayong kultura ng pagbabasa.  Baka nga kaya hindi na natin pinag-uusapan pa ang “pagbabasa” per se ay bahaging-bahagi na ito ng ating kultura.  O kamalayan.  Kaya rin marahil marami sa ating mga nag-aral ang agad na napukaw ng mga kuwento ni Garcia Marquez, na tumutukoy din sa mga rebolusyon, sa muling pagkakamit ng dangal, sa paglaya sa lahat ng mga paniniil, tulad ng pananakop o ng diktadurya.  Dumatal sa atin ang mga aklat ni Garcia Marquez na nasa kuko tayo ng mahihiwagang pagkawala, pagkakapaslang, ng sobra-sobrang kayamanang kumikinang habang nakatago sa likod ng pinturadong dingding ang nakahihinagpis na mga dampa at barung-barong.  Hindi “mahiwaga” ang kahirapan para sa atin.  Nang mabasa at maituro sa atin si Gabriel Garcia Marquez, naunawaan kaagad natin ang ibig sabihin niya ng salitang “mahiwaga”.

Hindi si Gabriel Garcia Marquez ang magpapakilala sa daigdig ng dalumat ng mahika realismo kundi ang higit pang nakatatanda sa kaniyang Cubano na si Alejo Carpentier.  Si Carpentier ang magpapaliwanag na ang lo real maravilloso ay isang uri ng panulat na nakatindig sa kasaysayan at heograpiyang Amerika Latina.  May mga katotohanang nananahan sa lugar na ito na iisiping “kakaiba” at “kakatwa”, lalo na ng mga taga-labas na Kanluranin.  Kanluran ang guro ng daigdig sa pagkamakatotohanan, sa berosimilidad ng panitikan.  Kailangang katanggap-tanggap ang pangyayari sa isang katha, sapagkat “inilalarawan” nga ng panitikan ang daigdig.  Ngunit papaano kung ang daigdig mo, wika nga ng isa kong guro sa panitikan, ay mundo kung saan may masukal na gubat na inuulan ng tatlong taon? (Manood ka ng National Geographic channel at matutuklasan mong ganito pala ang lagay ng Amazon).  Papaano kung ang mundo mo ay pinamamahalaan ng mga pinaganong diyoses at mga pamahiin?  Papaano kung ang mundo mo ay katulad ng kay Garcia Marquez na lumalaboy pa ang mga multo kasama ng mga buhay?  May daigdig ding ganito ang idolo ng lawreado ng Nobel na si William Faulkner (na lawreado rin ng Nobel).  Naaalala ba natin si Emily Grierson na taga-Yoknapatawpha, ang likhang daigdig ni Faulkner?  Naaalala ba natin ang kaniyang mga lihim sa lumang bahay na yaon na ilang ulit umalingasaw at nangamoy-bangkay?  Ngunit hindi itinuring iyon na mahiwaga ng mga taga-Yoknapatawpha, hindi tulad ng mga tao sa Macondo ni Garcia Marquez, na sumaksi nang may mangha sa unang pagkakita sa lamig-liyab ng isang bloke ng yelo.  Para sa kanila, kakatwa at tila baliw si Emily.  Kayrami-raming Emily sa mga nobela ni Garcia Marquez, tulad ng paborito kong si Remedios, ang Maganda, mulang One Hundred Years of Solitude, na biglang-biglang iniakyat sa langit habang nagtitiklop ng mga nakasampay na kobrekama.  Ngunit wala silang sakit, at hindi sila baliw, tulad ni Emily.

Hindi kaya, ang lo real maravilloso, ang mahiwaga, ay umiiral sa lahat ng kulturang nasisiil, o ibinubukod ng paninging pang-Unang Daigdig at Kanluranin, ng paninging binulag na ng tiwali at matuwid na paglalahad matapos ang laksang digmaan at paglilimas ng buhay? Isang kislap-diwang natutuhan ko sa pagtuturo ng mga kuwento ni Gabriel Garcia Marquez, o kahit nina Jorge Luis Borges at Carlos Fuentes, ay ang katotohanang hindi mahiwaga sa mga lokal ang mahiwaga para sa dayuhan. Mapagtakda rin kung gayon ang etiketang mahika realismo sapagkat itinatatak ito sa akda sang-ayon sa kaunawaang Kanluranin, na may kapangyarihang magpakalat, maglako ng mga sulatin, o magtalaga sa mga aklat sa mga inaagiw na eskaparate ng paglimot. Sumikat ang mga tulad ni Garcia Marquez, o ng mga tulad ngayon ni Haruki Murakami, dahil sa tinging-Kanluranin, sila ay “kakaiba”. Ang hindi batid ng mga tagapagtalaga nila, ito ang kanilang tugon at rebelyon laban sa pagkakatalaga bilang paksa ng kaibhan, ng malaong tinawag na eksotisismo, na kung mamalasin nang maigi ay subersibong despamilyarisasyong ng mga nakamihasnang tingin sa buhay, at kasaysayan. May ibinubunyag si Garcia Marquez na mga lisyang paningin sa pamamagitan ng pagpapahiwaga, ng pagtutubog sa katotohanan sa hiwaga. Matagal na tayong nakaligta sa haraya, sa pagbaling sa imahinasyon upang sumalok ng makapagpapagunita. Malaon na tayong inilayo ng industriya, politika, at kongkista sa bugtong na mga bagay. May kani-kaniya tayong mga siglo ng soledad na kailangang batahin at isalaysay, sang-ayon sa kasaysayan. Kailangang hanapin natin ang kaligtasan, gaano man kahaba ang panahon.

Ngunit higit sa hiwaga, at pagbaling sa salimuot ng kasaysayan, gusto kong isipin na marami sa atin na umibig kay Garcia Marquez, ay umibig sa kaniyang malungkuting pag-ibig at mangingibig (malapit-lapit ito sa sinasabing malungkuting salamisim sa ating panitikan ni Virgilio S. Almario).  Sa paborito kong nobelang Love in the Time of Cholera, mahabang-mahabang panahon ang hinintay ng isang Florentino Ariza para sa kaniyang minamahal na si Fermina Daza.  Tubog ang ating imahinasyon sa mga tagisan sa pag-ibig mula pa sa mga epiko, kung kaya’t hindi na katakatakang maging isang kapanapanabik na sapalaran ang hayaang pakasalan ang minamahal ng ibang lalaki, at maghintay hanggang ang babae ay maging balo at malaya.  Mahiwaga, hindi ba?  Ngunit para sa lalaking ito, na laksang babae ang ikinama habang naghihintay, walang ibang pag-ibig ang maaaring tumupad sa kaniyang buhay.  Walang panlulupaypay ang dapat na humadlang, kahit ang sakit na kolera.  Sinaksihan niya ang buhay ng kaniyang liyag, at kahit katandaan at kamatayan ay hindi siya napatahan.  Ano nga ba ang amoy ng kamatayan?  Sa bungad ng nobela, sumasabog sa hangin ang tila ba alingasaw ng walang-katugunang pag-ibig, at ang kamatayang nasaksihan ng karakter ay nagpabaling sa kaniya sa sarili niyang mortalidad.  Mortalidad, malungkot na mortalidad din ang papaksain ng marami niyang nobela, tulad ng The Autumn of the Patriarch, at ng Chronicle of A Death Foretold, na tigib sa mahihiwagang pahiwatig at panaginip, habang inaalam ng tagapagsalaysay ang dahilan ng pagkakapaslang sa isang Santiago Nasar.  Krimen ng kahalingan ang dahilan ng kaniyang pagkakapatay, at matutuklasan ito sa paurong, pabalik-balik na pagsasalaysay ng nobela.

Sinasabing higit na sulong tayong mga Filipino sa maigting na pagpapahiwaga ng ating realidad.  Naririyan ang But For the Lovers ni Wilfrido Nolledo, na hinggil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Filipinas, at tinatayang higit na mas nauna kaysa sa boom ng mahika realismo sa Amerika Latina.  May mga kuwentong mahiwaga rin si Edilberto Tiempo, na kamakailan ay ipinagdiwang ang sentenaryo.  Ngunit hindi natin maitatatwa ang matinding impluwensiya ni Garcia Marquez sa marami nating kuwentista at nobelista.  Hindi ko nasang magmunakala nang deretsahan, ngunit hindi nga ba nakagagawa na rin sa kasalukuyan ang mga tulad ni Rosario Cruz Lucero ng mga kuwentong mahiwaga ngunit talagang politisado’t tulad ng kay Garcia Marquez ay matalim sa pagsuri ng kasaysayan gamit ang alternatibong bisyon?  Naaalala ko ang sabi ni Carpentier: mahiwaga lamang ang daigdig na nililikha nila para sa mga tagalabas.  May sariling hiwaga ang Negros ni Lucero, maging ang Negros ni Vicente Garcia Groyon na kabukod ng mahika realismo ng Amerika Latina.  Ngunit patuloy na nagtatagpo ang dalawang daloy dahil sa halos magkatulad na kasaysayan.  At papaano pa kung isasama pa si Macario Pineda at ang kaniyang mga kahanay?  Hindi nga ba ang daigdig ng Makiling na tanging may malinis na budhi ang makararating ay isa nang hiwagang ating-atin, noon pa mang panahon ni Rizal (na may isinulat na mahiwagang “reportage” hinggil dito sa La Solidaridad.)  Sa mambabasa ngayon, ang biglaang pagkawala ng karakter ni Pineda na si Sanang sa hulihan ng nobela, at ang kaniyang epikal na paghihintay kay Edong, sa ngalan ng pagsubok na bigay ng Mariang Makiling, ay mala-Garcia Marquez ang hibo.  Ngunit ang Ang Ginto sa Makiling ay lumabas sa Aliwan noong 1947, nang halos magda-20 taon si Garcia Marquez at nagsisimulang magsulat.

[At bakit nga ba nakaligtaan kong talakayin si Nick Joaquin?  Siya na may masugid na pagbabalik-tanaw sa Maynilang wala na, sa Maynila na pinaram ng kabaguhan at digmaan?  Hindi nga ba ang mga kuwento niyang tulad ng “The Summer Solstice”, “May Day Eve”, maging ang nobela niyang The Woman who Had Two Navels, ay nagpapakita ng kahiwagaang nananatili kahit pa sakop na’t umiibig sa pagkakasakop ang ating lahi?  Ano nga ba nangyari kina Doña Lupeng at Don Paeng kundi isang muling pagpapasakop sa iwinaglit at demonisadong kulturang wari bang dungan na bangon nang bangon?  Isinasayaw ng madla ang kapistahan ni San Juan Bautista ay itinatanghal naman ang isang primal at sinaunang hangad na maganap ang pagkababae.  Ang huling tagpo nina Lupeng at Paeng ay pagbabalik sa sinaunang kaayusan kung saan ang lalaki’y nakapahinuhod, at ang babae’y nagpapahalik ng kaniyang paa.  At kina Doña Agueda at Don Badoy Montoya, na unang nagtagpo sa salamin?  May sinasabi si Jaqcues Lacan hinggil sa mirror stage at sa kakayahan ng maliliit na bata na matutuhan ang sariling obhetibasyon, ang makita ang sarili bilang kabukod.  Hindi kaya hindi rin lamang saglit ng pagninilay ang kanilang pagtatagpo kundi pahimakas na rin sa trahedya ng pagsulong ng kanilang “kuwento ng pag-ibig”?  Namalas na nila bilang obheto ang lahat ng hindi nila nais sa makakasama, makakatuwang sa buhay—at nagkatotoo ang lahat, kahit sa una’y dinilaan ng kandila ng pamahiin ang pa-sulyap.  Hindi na natin ipagtatanong pa ang babaeng “may dalawang pusod”—at sinsero ito sa pagiging alegoriko.  Ganyan kahalaga si Joaquin sa pagtatatag ng tradisyon ng kahiwagaan, at nararapat lamang paglaanan ng nakapagsasariling talakay.]     

Sa kasalukuyan, maraming nobelista at kuwentistang Filipino ang malamang ay nagbasa ng Gabriel Garcia Marquez dahil pinilit sila ng guro, o talagang napaibig sa awtor.  Aminin man nila o hindi, maaaring isa ang taga-Columbia sa nakapagkumbinse sa kanilang dapat silang sumulat, ng nobela o kung ano man.  Uunahin ko na riyan si Edgar Calabia Samar, sa kaniyang mga nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog at Sa Kasunod ng 909.  Sa Walong Diwata, binabanggit niya sa paraang tuwiran at pagpaparunggit si Garcia Marquez, habang pinapoproblema sa kaniyang pangunahing tauhan ang pagsulat ng nobela sa higit na bagong paraan (ito ang kaniyang anxiety of influencesa sosyorealistang tradisyong itinatag ni Rizal), ang pagkilala sa sarili, at paghanap sa lumayas na ina.  Hindi rin maaaring hindi banggitin ang isa pang nobelistang buo ang pag-amin sa pagsamba kay Garcia Marquez, si Alvin Yapan, na sumulat ng mga nobelang Ang Sandali ng Mga Mata at Sambahin ang Katawan.  Nakalugar sa Bikolandia ang Ang Sandali ng Mga Mata, at kinakasangkapan niya rito ang mito ng Ibalon, ng Inang Peñafrancia, at ng mga multong gala nang gala, habang binibigyang-saysay ang kasaysayan ng rehiyon sa mahabang panahon ng digmaang-bayan at kabaguhan.  Si Gina Apostol, bago ang kaniyang The Revolution According to Raymundo Mata, at The Gun Stealer’s Daughter, ay may isang maikling kuwentong nag-aala-mahika realismo at nagaganap mismo sa bayan ni Imelda Marcos, ang nuno ng kasobrahan.  Ang kuwentong ito, ang “A Tall Woman From Leyte”, ay nagbabalik sa isang mito ng pagbubuwis-buhay habang itinatayo ang mahabang tulay ng San Juanico, at ang sumpang “pangangaliskis” ng hita ng Unang Ginang dahil sa proyektong ito na tila nakagambala sa mga espiritu ng dagat.  Marami-rami pang dapat banggitin, tulad ni Jun Cruz Reyes na mayroong Etsapuwera, isang mahaba’t mahiwagang pagkakasaysayan ng isang tauhang bumabaling sa historia at kuwentong-bayan, ngunit hindi naman paghahambing talaga ang punto ko rito.  Ang sinasabi ko lamang: hindi naging mahirap na maging impluwensiyal si Garcia Marquez para sa panulat sa Filipinas dahil nga ipinababasa siya (at nabibili kahit papaano ang mga aklat) sa kontemporeneong panahon, at nagkukuwento ng halos kamukhang kasaysayan.  Masdan na lamang ang bagong Ang Banal na Aklat ng mga Kumag ni Allan Derain.

Ngunit hindi lamang sa katha talagang mahusay si Gabriel Garcia Marquez.  Mahusay siya sa prosa.  Period.  At nakasangkapan niya ang tinig niya bilang mamamahayag—yaong tila may sapat na layo, may kawalang-kinikilingan, buo at matapat ang pahayag—upang likhain ang mahihiwagang daigdig na nakilala natin sa Macondo, o saan mang lupalop naroon ang kaniyang mga peregrino, tulad ng pinakaguwapong lalaking natagpuang nalunod sa karagatan, o ng matandang puta sa Barcelona, na nag-akalang ang kaniyang mga panaginip ay nagpapahiwatig ng kaniyang kamatayan.  Siyempre, matapos niyang turuang lumuha ang kaniyang alagang aso at puntahan siya sa kaniyang magiging puntod, hindi si Kamatayan ang kumalawit sa kaniya kundi ang mapagnasang titig ng isang matipunong binatilyo na nagpasakay sa kaniya sa minamaneho nito, isang maulang hapon.  Mamamahayag si Garcia Marquez na naglahad din ng tunay na mga kuwento, tulad ng sa News of A Kidnapping kung saan sinundan niya ang salaysay ng ilang biktima na sabay-sabay na dinakip ng pangkat ng drug cartel at itinago nang ilang buwan.  Inilahad niya itong parang katha, at kinathang may mithing maging matapat sa lahat ng detalye.  Walang pagitan ang katha at sanaysay kay Garcia Marquez dahil pawang mga anyo ito ng prosa na daluyan ng kaniyang pagsaksi at pagsasalaysay.  Maestro siya ng salaysay, saan mang lupalop, sapagkat nauunawaan niya ang pinakabuod ng pagkatha, at paglikha: isa itong paraan ng pagsasadaigdig, at ang Salita, bagaman siya ngang kauna-unahan, ay hindi lamang ang lumilikha, kundi ang nagsasalaysay ng kasaysayan.  Kapwa espasyo at panahon ang salita sa mahiwagang pagsasakataga ni Garcia Marquez.  Kung kaya diyos din siya ng mga panimulang kataga, lalo na sa mga nobela.  Masdan na lamang ang gayuma ng mga ito:

Love in the Time of Cholera: “It was inevitable: the scent of bitter almonds always reminded him of the fate of unrequited love.”

One Hundred Years of Solitude: “Many years later, as he faced thefiring squad, Colonel Aureliano Buendia was to remember thatdistant afternoon when his father took him to discover ice.”

Chronicle of A Death Foretold: “On the day they were going to kill him, Santiago Nasar got up five thirty in the morning to wait for the boat the bishop was coming on.”

Batid niya kung saan tayo ilulugar habang nagbabasa: sa kaibuturan ng isang malaong naghihinagpis sa pag-ibig, sa sandali ng gunita habang nakaabang ang kamatayan, sa isang umagang nagbabadya ng madugong umaga.

Sa kaniyang memoir na Living to tell the Tale, na hindi na yata nagawang madugtungan dahil sa pagkakasakit kamakailan ng dementia (ay, kaysaklap!  siya pang laging nakatuon ang mithi sa paggunita ang nakakalimot!), palaging tema ang paggunita, at pagkasangkapan ng kaniyang personal na kasaysayan sa kaniyang mga kuwento, lalo na sa One Hundred Years of Solitude.  Papaano nga ba ang mabuhay upang magsalaysay, upang magkuwento nang magkuwento—gamitin ang lahat ng paraan, pati na ang pelikula at teleserye, na siya ngang kaniyang ginawa?  At sa harap ng pagkakasakop at pagkakapahinuhod ng makabagong anyo ng pang-aapi, ano ang dapat na gawin? Ang sabi niya noong tanggapin niya ang Premyong Nobel noong 1982: “In spite of this, to oppression, plundering and abandonment, we respond with life. Neither floods nor plagues, famines nor cataclysms, nor even the eternal wars of century upon century, have been able to subdue the persistent advantage of life over death.”  “On a day like today,” wika pa niya, habang binibigkas ang kaniyang Lekturang Nobel, “my master William Faulkner said, “I decline to accept the end of man.”  Babatiin kaya siya ni Rizal, sakaling magkita sila, saan mang langit-langitan, dahil sa paninindigang ito, na marahil, paninindigan din ng ating bayaning nobelista?  Interesanteng pagpukulan ito ng munakala, lalo’t kung iisipin, kapwa natin binabasa ang dalawa sa salin, malayo sa orihinal na wika nilang kapwa hiram, sapagkat sinuso sa mananakop, ngunit nilinang upang maging mabisang pantugon sa mapanlinlang at mapanlupig na kolonyal na kasaysayan.

Dito nagtatagpo ang kanilang palad, na palad din ng mga taga-Columbia, at taga-Filipinas.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s