Interview

Interview: Mark Angeles

ni Noel Galon de Leon

Si Mark Anthony S. Angeles ay kilala rin sa cyber alyas na “Makoy Dakuykoy.” May apat siyang indie books [Patikim (2009), Emotero (2011), Threesome (2012), at Lipad ng Uwak (2013)], at isang e-book [Engkantado (2011)].

(Larawan mula sa upworkshop2014.wordpress.com)

(Larawan mula sa upworkshop2014.wordpress.com)

Marami na siyang nakamit na pagkilala sa bansa, kabilang na ang Makata ng Taon (Ikalawang Gantimpala, 2014) at Mananaysay ng Taon (2013) ng Komisyon sa Wikang Filipino, Lampara Books Children’s Story Writing Contest (2012, 2013), Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (2010, 2013), Maningning Miclat Trilingual Poetry Competition (Finalist, 2007), Haruki Murakami Essay Contest ng Japan Foundation (2007), at PBBY-Salanga Prize (Honorable Mention, 2013).

Ang ilan sa kanyang mga tula at maikling kuwento ay mababasa sa iba-ibang antolohiya, katulad ng Likhaan: The Journal of Contemporary Literature, Querida: An Anthology, Under the Storm: An Anthology of Contemporary Philippine Poetry, CCP Ani Literary Journal, at marami pang iba.

Kamakailan lang ay naging fellow si Angeles sa KRITIKA: National Workshop on Art and Cultural Criticism (University of St. La Salle-Bacolod) at sa UP National Writers Workshop (Baguio City). Naging bahagi rin siya ng University of Iowa International Writing Program (2013), IYAS National Writers Workshop (2006), at Iligan National Writers Workshop (2006).

LINK: Mark Angeles’ Poetics / 53rd UP National Writers Workshop, 2014

Kalatas: Paano ka nagsimulang magsulat ng tula sa Filipino? At sino-sino ang mga naging inspirasyon mo sa pagsisimulang ito?

Angeles: Nagsimula akong magsulat sa Filipino noong nasa high school ako. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko sa pagsali sa Lawn Tennis Club noong freshman pa ako. Unang-una, hindi ako marunong maglaro ng lawn tennis. Ikalawa, napakamahal ng raketa (mas mahal pa sa maong) at tennis ball. Nang sumunod na taon, nahikayat ako ng kaklase ko (lalaking kaladkarin?) na sumali sa campus paper. Natuklasan ko roon na marunong pala akong magsulat ng tula kahit paano. Naging inspirasyon ko ang mga tula nina Andres Bonifacio (Pag-ibig sa Tinubuang Lupa), Marcelo H. del Pilar (kasama ang kanyang mga redux), at Ruth Elynia Mabanglo (kontra-imperyalista pa yata siya noon). Buong spread ng diyaryo namin ay mga gawa ko: maikling kuwento sa kaliwa; mga tula sa kanan.

Kalatas: Sa una mong koleksiyon ng mga tula sa Patikim, ano ang naging inspirasyon mo para matapos ito?

Angeles: Naging miyembro ako ng dalawang yahoogroups noon: Pinoypoets at Kilometer 64. Halos linggo-linggo ay may bagong tula ako. Mabuti na lang at may libreng workshop sa mga grupong iyon kaya nahasa ang mga tula ko, kahit paano. Sa loob ng limang taon, humigit-kumulang dalawang daang tula na ang naisulat ko. Pwede nang ilibro. Ipinasa ko ang unang burador ng Patikim sa Youth & Beauty Brigade nina Adam David at Carljoe Javier para sa 100BookProject. Sa kasamaang-palad ay wala silang sapat na pondo. Ipinasa ko ito isang university press. Hindi natanggap. Ayaw pala nila ng mga salitang bastos. May naitabi na akong pera kaya napagdesisyunan kong mag-indie na lang.

Kalatas: Matapos ang una mong koleksiyon ng mga tula sa Patikim, agad itong nasundan ng ikalawa mong koleksiyon ng mga tula sa Emotero, kuwentuhan mo kami tungkol sa librong ito.

Angeles: Ang perang ginastos ko para sa pagpapalimbag ng Emotero ay nagmula sa ipon ko at sa napanalunan ko sa Palanca para sa tula (koleksyong ‘Engkantado’) noong 2011. Noong una, ipinasa ko ang unang burador ng manuskrito sa isang printing press pero kinamatayan na ito ng may-ari. Ambisyoso ang Emotero. Noong una, isang koleksyon lang ito ng isang dadaanin/drabble. Pero nakita ko ang potensyal ng libro at naisip kong halawan ng inspirasyon ang puzzles sa Ulysses ni James Joyce. Marami akong itinanim na puzzles/enigma sa Emotero at ewan kung bakit hindi iyon inusisa ng mga mambabasa. Baka kulang ako sa promotion o masyadong busy ang mga mambabasa sa ibang bagay. Kasama sa enigma ng Emotero ang pagbubukas ng diskurso tungkol sa dagli. Gusto kong talakayin kung ano nga ba ang anyo ng dagli. Kung ito ba ay prose poem, flash fiction, dadaanin, o kung ano man.

Kalatas: At nito lang huling taon ay muli ka na namang naglabas ng bagong koleksiyon ng iyong mga tula, Threesome, ano ang pagkakaiba ng koleksyon na ito sa dalawang una mong libro?

Angeles: May tatlong bahagi ang Threesome: mga tula ko sa Filipino, Ingles, at mga salin sa Filipino ng mga tulang Ingles. Kakaiba rin ang tema ng mga tula ko sa Threesome kumpara sa mga inilabas ko sa Patikim. Medyo transgressive na ito. Gusto kong kwestiyunin ng mga mambabasa ang psyche ng middle class sa pamamagitan ng paglalahad ng mga naratibo. Gusto kong buksan ang ilang mga tanong kung ano ang mangyayari sa mga may kiwang sa panahon ng strategic stalemate (sa larangan ng digmang bayan). Ang huling bahagi ng koleksyon ay nagbubukas din ng diskurso tungkol sa pagsasalin kaya may mini-essay rin ako sa huling pahina.

Kalatas: Nagsusulat ka rin ng mga kritisismo at rebyu, paano at bakit ka nasabak sa ganitong klase ng pagsusulat?

Angeles: Oo. Sa tingin ko, kailangang magsulat ng mga kritisismo at rebyu. Nagtatangka pa lang ako kaya paumanhin kung may pagka-sampay-bakod. Autodidact kasi ako. Gusto kong intindihin ang mga bagay-bagay para maliwanagan na rin. Gusto ko ring ibahagi sa iba ang mga natutunan ko at mas madaling iparating iyon kung nasa anyong sanaysay ang laman ng utak at saliksik ko.

Kalatas: Bilang makata, ano sa tingin mo ang kasalukuyang sitwasyon ng Panitikan ng Filipinas, partikular sa pagsulat ng tula sa wikang Filipino?

Angeles: Nagagamit ang teknolohiya para sa pagpapaunlad at pagpapalaganap ng tulang Filipino. May tinatawag na tayong textula o iyong magte-text barrage ka ng mga tula mo. Marami nang nagpu-post ng mga tula nila sa Facebook at wattpad. Marami na rin ang nahihilig sa Fliptop (“makata” na rin ang tawag sa mga nagba-battle rap) at slam poetry. May mga nagsusulat pa rin ng tugma’t sukat at para sa mga baguhan, hinihingi ng pagkakataon na pag-aralan ang tamang tugmaan. Nagagamit na rin ang tula bilang statement sa t-shirt at pati sa pagba-blind item. Kulang na lang ng kabataang kritiko.

Kalatas: Maliban sa tatlong koleksiyong ito ng iyong mga tula, ano pa sa tingin mo ang naging mahalagang ambag mo sa pagpapalusog ng panitikan ng Filipinas bilang kontemporaneong manunulat?

Angeles: Hindi ko alam kung makabuluhan ang mga ambag ko. Mga mambabasa at kritiko na ang makakapagsabi noon. Gusto ko lang subukang patunayan na magagamit ang kahit anong inobasyon sa pagtula para sa panlipunang pagbabago.

Kalatas: Sino-sino ang kontemporaneo mo sa pagsulat, at paanong naiiba ang klase ng panulat mo sa kanila?

Angeles: Mahirap nang magsalita. Ang gusto kong mapansin ay kung ano ang pagkakapareho namin ng mga kakontemporanyo ko. Sa tingin ko, hindi pwedeng ilayo ang mga tula ko sa mga tula nila kasi nga pareho naman ang batayang anyo—tula. Nag-eeksperimento lang ako para mapatunayan ko na “workable” o may bisa pala ang mga inobasyon na ginagamit nila sa mga temang gusto kong patagusin. Siyempre masaya na makaugnay ka.

Kalatas: Para sa iyo, ano ang kahalagahan ng tula sa kontemporaneong lipunan?

Angeles: Naitatawid ng tula ang damdamin ng mga tao. Kasama na rito ang mga awit. Pansinin ang pagdagsa ng mga tula at antolohiya ng mga tula matapos ang pagdapurak ni Yolanda. Marami rin ang tumutula para sa bawat isyung panlipunan. Hindi na lang basta makasarili ang tula at manunula.

Kalatas: Dahil season na naman ngayon ng workshop sa pagsulat, bilang manunulat na hinubog rin ng pag-attend-attend sa mga ganitong klaseng gawain, ano ang maipapayo mo sa mga batang manunulat?

Angeles: Noon, hindi ako naniniwala sa mga palihan. Masama ito dahil natatalo ako ng ego ko. Siyempre kailangan ko rin ng payo mula sa mga taong may pambihirang karanasan sa pagtula at iba pang disiplina. Sabi ko nga, kapag hindi dumadaloy ang tubig sa kanal, babaho ito at magiging burak. Ipunin lahat ng mga matututuhan sa mga palihan, timbangin at pulutin ang mga nararapat.

Kalatas: Iyon namang mga manunulat na nagsusulat sa Ingles, paano mo sila papayuhan?

Angeles: Nagsusulat din ako ng mga tula sa Ingles dahil gusto ko ring kausapin ang mga nagbabasa ng tulang Ingles. Sana ikuwento nila ang naratibo ng kanilang bayan, hindi lang kung paano sila magsunog ng pera.

Kalatas: Iyon namang mga manunulat sa rehiyon, iyong mga di nakapagsusulat sa Filipino, halimbawa, iyong mga manunulat sa Akeanon at Kinaray-a?

Angeles: Hanga ako sa mga marunong magsulat sa wikang wala sa mga sinasabing nangungunang wika ng bansa. Sana huwag ninyong lubayan ang pagsusulat sa inyong wika. Pag-aralan ang wikang ito para hindi mamatay o masakop ng mga dominanteng wika. Hindi ito pangangaral, kundi pagpapasalamat talaga na nariyan kayo at nagsusumikap sa kabila ng maraming impuwensiyang panlabas.

Kalatas: Pangangailangan ba ang pagsasalin, halimbawa kung ikaw ay manunulat sa rehiyon?

Angeles: Kailangang magsalin para maintindihan ang mga naratibo. Paraan na rin ito ng pagpapahalaga sa mga wika sa rehiyon. Napakaraming wika sa Pilipinas at hindi monopolisado ng ilang wika ang lahat ng salita na magbibigay-kahulugan sa mga mithi at mga bagay na mahalaga sa atin bilang mga indibiduwal at/o pangkat.

Kalatas: Ano ba ang esensya ng pagsasalin para sa iyo? Halimbawa, naiisip mo na ba ngayon na isalin sa wikang Ingles ang dalawa mong koleksiyon para mas magkaroon ka ng mas malawak na mambabasa?

Angeles: Kasama ako sa mga nagsalin sa Ingles ng mga tula ni Rogelio Ordoñez sa ilalabas niyang bagong libro. Hindi ko pa naisip na isalin ang mga tula ko sa Ingles dahil may mga tula rin ako sa Ingles. Gusto ko sanang maging ars poetica ko ang tula kong ‘Third World’. Kung may magsasalin man para ilabas sa ibang bansa, bakit hindi? Masaya rin kasi ako na nasalin na sa dalawang dosenang wika ang tula kong ‘Sa Pagitan Natin’.

Kalatas: Maliban sa mailimbag sa mga antolohiya at paglilimbag ng sariling libro, ano-ano pa ang matitingkad mo na karanasan sa panitikan?

Angeles: Ang hirap magtaas ng bangko dahil tiyak na tataasan din ako ng kilay ng mga mas mahaba ang resume kesa sa akin lalo na iyong mga nasa akademya. Ni wala kasi akong Masteral units. Basta nagpapatuloy lang ako sa pagpapasa ng mga akda ko at suwerte ko na kapag napansin ang mga ipinaglalaban ko.

Kalatas: Ano ang opinyon mo sa usaping self-publishing, independent publishing, at e-publishing na nagkakaroon na ngayon ng puwang sa mundo ng panitikan at mundo ng publishing?

Angeles: Masaya mag-self publish ng aklat dahil kontrolado mo ang layout from cover to cover. Ganyan ang karanasan ko. Isa pa, kapag hindi mo nagustuhan ang papel na ginamit at cutting ng aktwal na libro pwede mong isauli sa printing press. Kailangang may humamon sa pamantayan ng mainstream at malakihang publishing houses. Pera lang talaga ang kalaban mo rito. Abonado pa ako sa tatlong koleksyon ko pero ayos na iyon. Basta may “say” ako bilang artist at political animal.

Kalatas: Ano ang dapat asahan ng mga mambabasa mo sa iyo ngayong 2014?

Angeles: Maraming lalabas na libro ngayong 2014. Kasama na ang novella (“nobelita” ang tawag ko para baklita talaga) kong Gagambeks. Sinubukan kong ikasal ang politika at pop culture. May mga lalabas din akong aklat pambata. Puro mainstream ang mga ito. Gusto kong lumawak ang readership ko para maitawid ko rin ang mga indie book ko. May iba pa akong manuskrito na handa nang i-publish kaya malamang makabalik din ako agad sa self-publication. May bi-monthly column ako sa Pinoy Weekly at tumutulong sa poetry section ng bulatlat.com. Tumutulong din ako sa mga grupo tulad ng Ungazpress at Kataga para maibahagi ko rin ang mga napulot ko sa iba.

Si Noel Galon de Leon ay estudyante ng Master of Education Major in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Visayas. Nagtuturo sa University of the Philippines High School in Iloilo. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya. Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s