ni Noel Galon de Leon
Kasalukuyang naninirahan sa Quezon City, ang mandudula at kuwentista na si Rogelio Braga. Nakapagtapos siya ng kursong Political Science sa Unibersidad ng Santo Tomas at naging miyembro ng Thomasian Writers Guild. Siya ay kasalukuyang miyembro ng The Writers Bloc, Inc., ang grupo ng mga establisado at nagsisimulang mandudula sa bansa, at ng Naratibo, grupo ng mga premyadong kuwentista at nobelista na nagsusulat sa Filipino.
Una nating nakilala si Braga bilang kuwentista. Marami kasi sa mga katha niya ay naunang lumabas at inilimbag sa iba’t ibang publikasyong pampanitikan tulad ng Tomas, The Varsitarian, The Flame, at Ani ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
Nitong mga nakaraang taon, sinubok ni Braga ang pagsusulat ng dula. Naging mabait sa kaniya ang pagkakataon dahil marami sa mga dula niya ay ipinalabas at binigyang buhay sa entablado sa iba’t ibang tanghalan sa bansa. Isa na rito ang Virgin Labfest, ang taunang pagpapalabas ng mga bagong dula sa CCP. Ilan sa mga dula ni Braga ay mula sa kaniyang ‘Ranaw Trilogy”: Sa Pagdating ng Barbaro/ Sa Kiyapakaoma o Mananangga (2007, UP Repertory Company dinirehe ni Nick Olanka), Ang Bayot, Ang Meranao, at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte (2008, UP Repertory Company dinirehe ni Nick Olanka), at So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman (2009, Tanghalang Pilipino dinirehe ni Rikki Benedicto). Samantala, ang kaniyang dulang Ang Mga Mananahi (2009, UP Repertory Company dinirehe ni Paul Santiago) ay kinilala at pinarangalan ng Unang Gantimpala ng Theatre for Peace Writing Competition ng Dulaang UP Baguio noong 2010. Ang kanyang dulang Ang Mga Maharlika ay itinanghal bilang madamdaming pagbasa sa Virgin Labfest noong 2013.
ONGOING: Virgin Labfest 2014: Schedule, Synopses, and Ticket Info
Kalatas: Paano ka nagsimulang magsulat ng dula sa wikang Filipino? Sino-sino ang mga nakaimpluwensiya sa iyo sa pagsisimulang ito?
Braga: Maikling kuwento talaga ang sineryoso kong pag-aralan at dito ako unang nagkaroon ng audience. Sa UST unang nailathala ang mga kuwento ko. Kasapi ako noon ng Thomasian Writers Guild at patnugot sa Filipino section ng The Flame.
Kung may ituturing akong malaking impluwensiya sa akin upang maging isang mandudula siguro si Rene O. Villanueva na iyon. Siya kasi ang tinitingala namin noon na mga bagong kasapi ng Writers Bloc. Kay Rene ko natutunan na tila responsibilidad ko rin na bigyan ng dignidad ang titulo na ikinakabit ko sa aking pangalan bilang isang mandudula.
Siguro matapos kay Rene, naging malaking impluwensiya rin sa akin si Manny Pambid. Siya kasi ang unang kumilala sa akin bilang isang mandudula at sa kanya ko nakuha ang pinakamatatamis na papuri at pinakamatatalas na pagpuna. Siguro kung hindi dahil sa kanya tuluyan ko nang inabandona ang pagsusulat ng dula at ipinagpatuloy na lamang ang pagsusulat ng mga maikling kuwento.
Mahirap ang maging mandudula, sa totoo lang. Ang pagiging mandudula pala ay isang pagpapasya—sa iba nga, pulitikal na pagpapasya. At ang nalalabing panahon pagkatapos ng pagpapasya na ito ay ang pangangatawanan mo na ang tinahak mong landas.
Sa bahay kasi namin Hiligaynon, Tagalog, Waray ang mga salita na ginagamit. Ang Tagalog, sa eskuwelahan ko lang natutunan ang pormal na paggamit sa wika. Nagsusulat ako ng dula sa Pilipino dahil hindi ako marunong mag-Waray, Hiligaynon, Cebuano o anumang wika ng Moro o Tausug. Pero pinapangarap ko na makapagsulat sa Cebuano dahil ginagamit ang wika na ito ng mas nakararami sa Bisayas at Mindanao. Kilala ko kasi ang manonood ko at alam ko sa aking sarili kung para kanino halimbawa ang dula na isusulat ko. Praktikalidad para sa akin bilang mandudula na magsulat sa wika ng aking manonood.
Kalatas: Ano ang mga ginagawa mong hakbang upang mas maintindihan at magamit bilang wika sa pagsusulat ang wikang Cebuano?
Braga: Limang taon din akong nanirahan sa Cebu. Pumasok ako sa University of San Carlos ng isang semester at naging mag-aaral sa klase ni Dr. Erlinda Alburo. Nag-ipon ako ng maraming aklat ng tula, dula, at kuwento ng mga manunulat na Cebuano sa kanyang klase. Naghahanap ako ng tiyempo sa kasalukuyan na balikan ang mga aklat na ito. Matapos ang aking pag-aaral, isa sa mga opsiyon ko ay bumalik ng Cebu dahil matututunan ko lamang nang mas mabilis ang wika kung naroroon ako sa lugar kung saan ito ginagamit.
Kalatas: Nagsusulat ka rin ng tula at maikling kuwento, pero bakit dula?
Braga: Hindi ako makata at alam kong hindi ako magiging makata. May mga pagtatangka na sa isang banda kailangan mo nang itigil para sa ikatatahimik ng sarili at ng mga kaibigan at mambabasa—at sa akin, ito ay ang pagsusulat ng tula.
Nagsusulat ako ng maikling kuwento at ngayon ng nobela. Bakit dula? May mga kuwento kasi ako na sa palagay ko mas magiging epektibo kung sa entablado ko ilalahad.
Tulad ng paggamit ng wika, politikal na pagpapasiya rin sa akin ang pagsusulat ng dula. Kaya sa aking mga dula, klaro ang aking mga politikal na posisyon sa isyung tinatalakay. Isyu. Isang partikular na isyu ang nagtutulak sa akin na magsulat ng dula. Madalang na mangyari ito sa proseso ko ng pagsusulat ng prosa.
Pero alam mo nabuburyong na ako sa ganitong paraan ng pagsusulat ng dula. Kaya ngayon iniiwisan ko, sa abot ng aking makakaya, ang magsulat ng dula na politika o isyu ang nagiging inspirasyon. Kaya nakapokus ako ngayon sa pagsusulat ng maikling kuwento at nobela. Alam ko naman na bata pa ako para pag-ibayuhin pa ang pag-aaral sa aking larangan. Mas nakararamdam ako ng higit na kalayaan ngayon sa pagsusulat ng prosa.
Kalatas: Napagsasabay mo ang pagsulat ng mga ito?
Braga: Iba ang disiplina sa pagsusulat ng dula kung ikukumpara sa pagsusulat ng prosa. Sa dula, puwede kong hatiin sa mga eksena at yugto ang kuwento at magkaroon ng iskedyul sa aking pagsusulat. Sa pagsusulat ng maikling kuwento, nobela, at sanaysay—ang mga ito ay humihingi sa akin ng routine. Kapag itinigil ko ang pagsusulat ng isang maikling kuwento nahihirapan na akong makabalik sa momentum matapos ang ilang araw. Sa pagsusulat ng dula, kaya kong tapusin ng isang buwan ang pagsusulat ng isang akda.
Ang una kong dula na naipalabas sa Cultural Center of the Philippines, Maganda Pa ang Daigdig, ay naisulat ko ng ilang gabi sa paghihintay sa ka-opisina sa GMA-Kamuning Station ng MRT. Taga-Philcoa ang ka-opisina ko at doon sa estasyon na iyon kami nagkikita para sabay na papasok sa call center na pinapasukan namin noon. Palagi kasi akong nauuna sa kanya.
Ang So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman ay naisulat ko sa ilang Linggo ng hapon sa Bo’s Coffee sa loob ng Fullybooked sa Ayala Cebu. Sobrang dami ng trabaho ko noon sa call center na pinapasukan ko sa Cebu at Linggo lang ang araw ng aking pahinga. Isang buwan ko yatang sinulat ang dula.
Ang nobela kong Colon, naisulat ko nang bigyan ako ng dalawang linggong leave ng boss ko. Isang madaling araw isinugod kasi ako sa Chung Hua Hospital dahil sa over fatigue sa trabaho kaya binigyan ako ng leave ng boss ko. Sa loob ng dalawang linggo, walang labas-labas sa apartment, dire-diretso, natapos ko ang unang borador ng nobela. Natagalan lang ako sa rebisyon dahil naging abala na muli ako sa trabaho sa opisina pagkatapos.
Sa loob ng labingtatlong taon, natutunan ko kung paano maging manunulat at mandudula sa gitna ng mga gawain sa opisina. Natutunan kong disiplinahin ang aking sarili na magsulat nang magsulat sa kahit anong sitwasyon. Kung hindi nagsusulat, nagbabasa ako nang nagbabasa. Ang pagsusulat ay parang trabaho rin kasi sa akin, sinusukat ang performance mo sa iyong productivity, sa output.
Noong 2008, nilisan ko ang Maynila at nagtungo ako sa Cebu para sa trabaho at para na rin matapos ko na ang sinusulat kong nobela. Pagsusulat ng kuwento at pagtutok sa aking nobela kaya ako lumayo sa Maynila. Nais kong isulat ang Urbanidad na malayo sa sentro. Dito kasi sa Maynila, noong mga panahong iyon, napansin ko nauubos ang oras at lakas ko sa pagsusulat ng dula at sa teatro. Nawalan ako ng espasyo para sa pagsusulat ko ng kuwento. Mahalaga kasi sa akin ang espasyo. Naisip ko, baka sa Cebu ko matatapos ko ang tinatrabahong nobela at mapalayo panandali sa pagsusulat ng dula at sa teatro. Limang taon ako sa Cebu. At totoo nga na inilayo ako ng Cebu sa pagsusulat ng dula at binigyan ako ng espasyo para sa aking prosa.
Kalatas: Sa website mong http://www.rogeliobraga.com, nabanggit mo noong Hulyo 25, 2012 ang mga salitang “Tinanong kong muli ang aking sarili, paulit-paulit, kung ginagawa ko nga ba sa kasalukuyan ang dapat kong gawin sa aking buhay. Kung ginugugol ko nga ba ang mga oras ko sa isang gawain na mas makatutulong sa ibang tao, sa aking sarili at sa pagpapadayon ng Sining at Panitikan, ng paglikha.” Dalawang taon na ang nakalilipas, paano mo ito sasagutin ngayon?
Dalawang linggo matapos kong isulat ‘yan inabandona ko ang Cebu at ang aking trabaho para bumalik sa Maynila. Nagtatrabaho ako noon bilang operations supervisor ng isang BPO company sa Cebu at naghihintay ng promosyon. Nalaman na lang ng mga kasama ko sa opisina, agents ko, at mga kaibigan sa Cebu na nilisan ko na pala ang isla nang nandito na ako sa Maynila.
Nangako kasi ako noon sa aking sarili na ilalaan ko na ang aking sarili sa pagsusulat. Pagkatapos ko kasi ng kolehiyo, sabi ko sa sarili ko na hindi na muna ako papasok sa unibersidad, nais kong magtungo sa malalayong lugar, makilala ang mga tao na ang buhay ay nasa labas ng sining at pagsusulat, nasa labas ng Maynila. Ang kuwentista para sa akin kasi dapat palaging nasa lakwatsa, namumuhay sa ‘totoong daigdig’ kasalamuha ang mga taong may konkretong problema sa buhay. Noon kasi nais kong patunayan sa aking sarili na magiging manunulat ako hindi dahil sa ito lang ang kaya kong gawin, kundi dahil nagdesisyon ako na ito talaga ang magiging buhay ko. Kaya nagpunta ako sa iba’t ibang larangan, nagtrabaho sa mga corporate organization. Kaya noong 2012, pakiramdam ko na ito na ang panahon at kailangan ko nang magdesisyon, hindi na rin kasi ako bumabata. At dahil mayroon akong mga alinlangan—dinaan ko na lang sa bigla ang aking sarili.
Ngayong 2014, masasabi ko na napangangatawanan ko na ang mga salitang binitiwan ko halos dalawang taon na ang nakalilipas. Naibalik ko na sa Tapat Publication ang manuskrito ng Colon at inihahanda ko na rin ang manuskrito para sa publikasyon ng koleksiyon ko ng mga dula—ang Ranaw trilogy at Ang Mga Mananahi. Naisulat ko rin Ang Mga Maharlika noong isang taon. Ngayon tinatrabaho ko ang dalawang koleksiyon ko ng aking mga kuwento habang hinahanapan ng rountine sa pagsusulat ng ikalawa kong nobela, ang Urbanidad. At dahil hindi na nga ako nakatali sa trabaho sa isang opisina, nakadalo na rin ako ng dalawang pambasang workshops ngayong taon. At nakabalik na rin ako sa unibersidad at nag-aaral ng masteral sa Comparative Literature.
Kalatas: Paano nakatulong sa iyo bilang manunulat ng dula ang mga palihan? Sa relasyon mo sa ibang mga manunulat?
Braga: Lahat ng mga writing fellowship ko—Ateneo, UST, UP—ay para sa aking fiction. Ang pinakahuling palihan na dinaluhan ko, ngayong Mayo lang, ay sa UST rin pero para sa kritisismo sa sining at humanidades. Ang tanging mga palihan na nadadaluhan ko para sa disiplina sa pagsusulat ng dula ay sa Writers Bloc at sa PETA Writers Pool. Dalawang beses sa isang buwan ang sesyon namin noon na dinadaluhan ko palagi.
Tungkol naman sa relasyon ko sa ibang manunulat—may mga positibo at nurturing na relasyon din naman ako sa kapwa manunulat. Ang iba pa nga ay ititunuturing ko nang personal na kaibigan. Pero as a rule, iniiwasan ko ang masyadong maraming kaibigan na manunulat. Pag marami ka kasing kaibigan, maraming relasyon na pangangalagaan. Nakakapagod. Minsan, imbes na igugol ko na lang sa pagsusulat ang nalalabing oras at lakas ko, napupunta pa sa mga kuwentuhan, sa pagkakaibigan. Hindi naman siguro kailangan ng manunulat ang maraming kaibigan para makapagtrabaho nang maayos. Ang totoo ang kailangan mo lamang ay disiplina, espasyo, pagtuklas, sigasig sa pagbabasa at pagsusulat at siyempre, ang kabuhayan na kung maaari sana hindi sa pagsusulat. Mas nanaisin ko ang pagkakaibigan sa mga taong hindi naman nagsusulat o nasa labas ng panitikan, ika nga. Mas nakatutulong sa akin bilang manunulat ang makihalubilo sa mga tao na ang suliranin ay walang kinalaman sa pagsusulat at sining.
Kalatas: Noong nasa UP Writers Workshop ka, napag-usapan ang Moroismo at Nasyonalismong Pilipino sa tinatapos mong nobela. Ano ang tunggalian, kung meron, ng mga konseptong ito?
Braga: Ang Moroismo ay hindi alternatibo sa Nasyonalismong Pilipino, dapat klaro ‘yan. Ang Moroismo ay isang istruktura at pagtanaw na binubuo ko sa kasalukuyan upang matulungan ko ang aking sarili na mas makilala pa ang aking estetika at proseso sa pagsusulat at upang magkaroon ng alternatibong lente na rin na masusuri natin ang relasyong Moro-Pilipino sa iba’t ibang naratibo na nangungusap ng Moro at ng Bangsamoro struggle.
Malinaw palagi ang posisyon ko sa aking pagsusulat: isa akong Pilipino na nangungusap ng Bangsamoro sa aking akda at ang kinakausap ko ay mga Pilipino na mambabasa at manonood. Matapos kong isulat ang dula na Ang Mga Mananahi—at mas lalo na nang matapos ko ang nobela na Colon—napansin ko na ang posisyon ko at ng aking mga sinusulat ay isang malaking kontradiksiyon. Nangamba ako dahil hindi ko alam kung saan ang lokasyon ng aking mga akda. Una sa lahat, ang Moro at Pilipino ay isa na ngang kontradiksiyon.
2009 ko pa naiisip ang Moroismo ngunit hindi ko ito binabanggit sa publiko dahil sa mga agam-agam at hindi pa ako sigurado sa aking mga obserbasyon. Hanggang sa naglabas na nga ng anunsiyo ang grupong High Chair para sa mga akda na tumatalakay sa Ampatuan Massacre na ilalathala nila sa kanilang website. Ipinadala ko sa kanila ang sanaysay kong Ang Moralidad ng Naratibo. Sa sanaysay itinatanong ko na kung ang karumal-dumal na krimen ba sa Ampatuan ay ‘Naratibo ng Bangsamoro’ o ‘Naratibo ng mga Filipino sa Bangsamoro’. Matapos ang sanaysanay natanggap ko sa aking sarili na ang Bangsamoro ay matagal nang isinasangkot natin sa naratibo ng mga agenda ng Nasyonalismong Pilipino. At ako bilang mandudula ay nakikisangkot din.
Kaya mayroong dalawang naratibo—ang dalawang naratibo na ito ay magkalingkis sa samu’t saring relasyon. Siguro mas maiging ilarawan ang relasyon na ito na dominasyon at kontradiksiyon. Ang Moroismo, para sa akin, ay ang lunan kung saan nagtatagpo ang dalawang naratibo na ito na nasa anumang uri ng relasyon.
Pero heto naman ang napapala ko ngayon na pinag-aaralan ko ang Moroismo at ang kanyang posibilidad: malungkot pala na trabaho ito, malungkot na paglalakbay. Malungkot dahil unti-unti mo ring binabasag ang mga paniniwala na matagal mo nang pinanghahawakan. Malungkot dahil wala kang kasama sa paglalakbay.
Sa unang papel na naisulat ko sa Moroismo, nadiskubre ko na ang mga kinikilala ko noong lehitimong ‘Naratibo ng Bangsamoro’ ay marapat na ring pagdudahan. Halimbawa ang aklat na Bangsamoro: A Nation under Endless Tyranny ni Salah Jubair. Kanon sa Bangsamoro struggle ang aklat na ito. Ngunit kung susuriin gamit ang postkolonyal na lente sa pagbabasa ng aklat, nahinuha ko na Kakanluranin din ang premise ng aklat at may mga bahagi ito na nagiging complicit sa agenda ng Nasyonalismong Pilipino. Isa sa malaking pagkakamali ng aklat ay ang saliwang pagbasa nito at pag-unawa sa Nasyonalismong Pilipino. Nasyonalismo din kasi, bilang ideyolohiya, ang premise ng aklat. Ganoon din ang The Moro Armed Struggle in the Philippines: The Nonviolent Autonomy Alternative ni Macapado A. Muslim. Ninanais ng aklat ni Muslim ang isang ‘alternatibo’: ang pananatili ng mga institusyong kolonyal sa Pilipinas na nagsisilbi sa interes ng oligarkiya pero hiling ng aklat na palawigin ang akses ng mga Moro sa mga kolonyal na institusyon na ito. Gamit ang lente ng Moroismo, napansin ko ang lantad na pribilehiyo na itinatakda ng aklat sa Kolonisasyon ng Estados Unidos kung ikukumpara sa Kolonisasyon ng mga Pilipino sa mga Moro—pero hindi para bakahin ang kolonyalismo bilang ideologiya, bilang isang mapanupil na sistema ng dominasyon.
Ngayon na may usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno at ng MILF, saan ang lokasyon ng aking mga akda? Malungkot dahil maging ang inaakala kong ‘kakampi’ na mga kapatid na Muslim na nasa loob ng unibersidad ay magiging kapanalig ko sa pagbuo ng Moroismo. Ngayon nauunawaan ko na ang papel ng edukasyon bilang isang mabisang istruktural na pamamaraan ng dominasyon, dahil ang agenda nito ay tumatagos sa balat, pumapasok sa kaluluwa, sa kasaysayan, maging sa pagtingin sa saysay ng pagkatao at sarili, epistemolohikal. Kung humihiling ng paglaya sa kolonisasyon ng Pilipinas ang mga lider ng Bangsamoro struggle bakit hindi isinasama sa pagkilos ang dekolonisasyon ng mga diskurso ng Bangsamoro sa loob ng mga akademya sa Pilipinas? At nakapanlulumo na ang unang mga pagpuna sa aking proyekto ay hindi sa aking diskurso—kundi sa aking pagkatao at pananampalataya. Ngayon ko naranasan na ang pagsusulat talaga ay isang napakalungkot na pakikisangkot sa daigdig. Na marapat lang na ang manunulat ay hindi lamang autonomous—dapat independent at self-sufficient. At pangangatawanan ko ito habang ako ay nabubuhay at nagsusulat.
Patuloy akong magsusulat. At ipagpapatuloy ko ang pag-aaral at pagbuo sa Moroismo. Ang Bangsamoro sa akin ay parang isang salamin na hawak ng isang Pilipino. Ngunit sa nagdaang panahon, kahit sa panahon natin ngayon kung sino pa ang may hawak ng salamin siya pa ang nagtatakda kung paano niya makikita ang repleksiyon ng kanyang sarili. May pag-asa ako: sa darating na panahon ang Moro na ang may hawak ng salamin—at ang nakikita niya na repleksiyon ay ang kanyang sarili. Ito ang Moroismo. Siguro.
Kalatas: Nabanggit rin ang usapin ng pagbuo mo ng isang makatotohanang babaeng Moro sa nobela, at ayon kay Cruz-Lucero, hinahanap niya ang literary history at literary tradition ng paglalarawan ng babae, kung paano sila kumikilos, at kung paano sila naghihiganti. Paano mo binigyang buhay ang isang babaeng Moro sa nobela mo?
Kahit noon maingat ako sa paggamit ng cultural references sa aking mga akda na tumatalakay sa Moro at Mindanao. Hindi ko nga pinapayagan na gumamit ng mga katutubong musika ng mga Moro sa produksiyon ng aking mga dula. May malaki akong pagkasuya at pagdududa sa mga ‘cultural show’ na mula at patungkol sa mga taga-Mindanao at Sulu.
Literary history at literary tradition ng kababaihang Moro? Natatandaan ko na suhestiyon ito ni Ma’am Chari dahil isa sa malaking problema ko sa pagrebisa ng nobela ay kung may sensibilidad ba ng babae ang pangunahing tauhan. At malaki ang naitulong ni Ma’am Chai hindi lamang sa akin kundi sa mga kasama ko na fellow sa palihan. Naalala ko na may mga suhesitiyon din si Luna Sicat-Cleto kung paano pa pakikinisin ang tauhan sa nobela.
Problematiko para sa akin ang humanap sa Moro literary history at tradition ng babaeng Moro para sa aking tauhan. Una, ang Colon ay tungkol sa paghahanap ng identidad ng isang babaeng ipinanganak na Moro ngunit pinalaking Pilipino—mas malaki kasi ang papel ng identidad na bubuuin pa lamang kaysa na naging konkreto at tanggap nang identidad sa naratibo ng nobela. Ikalawa, ito ang kontensiyon ko sa Moroismo: ang literary history at tradition ba ng Moro ay talagang Moro? May malaki akong pagdududa sa history at tradition na ito kaya magiging mahirap para sa akin na gumamit ng kasalukuyang cultural references.
Kalatas: Ano-ano ang mga matitingkad mong karanasan sa pagsulat ng dula?
Braga: Minsan dumalo ako ng rehearsal ng dula ko na Sa Pagdating ng Barbaro. Dahil UP Repertory ang magpapalabas ng dula sa Cultural Center of the Philippines para sa isang festival, sa Vinzon’s ang rehearsal. Habang nagre-rehearse ang grupo nanood ako. Si Angeli Bayani yung gumanap sa isa sa mga tauhan. Kung paano ko na-imagine sa pagsusulat ang tauhan na ginagampanan niya sa dula, nakikita ko ngayon sa aking harapan at buhay na buhay. Ang galing. Pati paggalaw ng mga mata, pagbuntong-hininga, pananahimik sa pagitan ng mga salita. Doon ko natanggap sa sarili ko na totoo na ito, hindi lang hobby o phase ang pagsusulat ko ng dula.
Noong 2008, nagkaroon ng palabas ang dula na Ang Mga Mananahi. Tungkol ang dula sa mga babaeng Tausug at sa naging partisipasyon nila sa struggle noong 1970’s. Pagkatapos ng palabas may lumapit sa aking kapatid na Muslim sa lobby. Bumati siya ng sala’am. Nagulat ako nang bigla niya akong niyakap at nagpasalamat nang nagpasalamat sa akin. Patuloy ang pasasalamat niya habang patuloy din ako sa pasasalamat sa kanya sa panonood ng dula. Malaki ang guwang sa pagitan ng mandudula at ng manonood. Nariyan ang dula, ang mga artista, ang palabas at ang entablado sa pagitan nilang dalawa. Pero ang paglapit ng manonood sa mandudula at mangahas na tumawid sa mga guwang, marahas pala iyon. Marahas dahil may kinukuha ito sa mandudula—kinukuha pala nito sa mandudula ang kanyang dula, na ang dula ay hindi na pala sa kanya. Napakabigat na responsibilidad.
Sa direksiyon ni Tim Dacanay | College of St. Benilde (Manila) | 2012
Sa pagsasaliksik ko para sa isang dula na isusulat nakilala ko at nakausap nang personal si Jivin Arula sa anibersaryo ng Jabidah Massacre sa Corregidor. May isang bahagi ng programa sa anibersaryo na nagsalita ang kinatawan ng MILF. Pagkatapos niyang magsalita may sumigaw ng “Walang kapayapaan kasi walang kalayaan!” at sinundan ng “Takbir!” ng ilang kalalakihan. Doon nabuo sa akin ang dulang Ang Mga Mananahi. Doon ko natanggap sa aking sarili na ang Bangsamoro struggle ay ang pinakadakilang kritisismo sa kalabisan at kakulangan ng Nasyonalismong Pilipino. Na sa panahon na may nais nang magsalita ng ‘kalayaan’ o mang-usig dahil sa kawalan nito—bakit ko ipipinid ang aking sarili at hindi makikinig?
Kalatas: Saan mo madalas kinukuha ang inspirasyon mo sa pagsulat ng dula? Halimbawa sa dula mong Ang Bayot, Ang Meranao, at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte?
Braga: Ang dula na Ang Bayot, Ang Meranao, at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte ay bahagi ng aking ‘Ranaw Trilogy’ kasama ang Sa Pagdating ng Barbaro at So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman. Ang mga dula na ito ay mula sa aking personal na karanasan sa Lanao del Norte at sa pagsasaliksik tungkol sa usapin ng Bangsamoro struggle. Kinikilala ko kasi na ang Bangsamoro struggle ay isang lehitimong struggle para sa kapayapaan at kalayaan. Ngunit Pilipino ako na nangungusap ng Bangsamoro sa aking mga akda. Naging matingkad sa akin ang kontradiksiyon na ito at marahil ito rin ang inspirasyon ko sa aking mga dula.
Ang Bayot, Ang Meranao, at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte ay tungkol sa istruktural na diskriminasyon at marhinalisasyon ng mga Meranao sa Lanao del Norte at kung paano nananahimik ang ating mga institusyon sa ganitong realidad sa ating mga lipunan. Ang imahe ng habal-habal ang nag-udyok na talakayin ko ang isyu ng lugar. Tungkol ito sa dalawang lalaki na pinag-uusapan ang kanilang mga sitwasyon sa kani-kanilang mga lipunan. Nagkataon na ang isang lalaki ay bayot at ang isa naman ay Meranao.
Ngunit sa pinakahuli kong dula nitong 2013, umiwas na muna ako na talakayin ang mga paksa na nakasanayan ko nang talakayin sa mga dula na naisulat. Kinatha ko ang dula na Ang Mga Maharlika na nasa dalawang yugto. Tungkol ang dula sa sekswal na relasyon nina Marcos at Dovie Beams. Tungkol ito sa sex at kay Marcos na madalang nating marinig o mabasa. Nais kong tangkain na i-humanize si Marcos at makisangkot sa proyekyong ‘Marcosian mythmaking’ ng pamilya Marcos at ng kanilang makinarya. Sapantaha marahil ang genre ng dula na ito. Binasa ang dula sa isang festival noong isang taon sa Cultural Center of the Philippines. Sa ngayon, naghahanap ako ng isang matapang at alternatibong grupo o festival na kayang isampa sa entablado ang Ang Mga Maharlika.
Kalatas: Ano sa tingin mo ang sitwasyon ng teatro sa bansa? Ano-ano ang mga pangunahing problema na kinahaharap natin sa larangan na ito ngayon?
Braga: Hindi yata ako ang pinakatamang tao na tanungin ukol sa sitwasyon ng teatro sa bansa dahil mas maigi na tanungin natin ang mga iskolar na nag-aaral sa kasaysayan at sa sitwasyon ng teatro sa bansa.
Masasagot ko ito marahil ito sa pagdalumat ng mga ‘ninanais’ ko bilang isang mandudula. Siguro mas magiging makulay pa at punong-puno ng buhay ang panulaan sa bansa kung magkakaroon ng mas maraming benyu para sa mga alternatibo at mapangahas na mga piyesa.
Sa karanasan ko, sa mga laboratory festival matatagpuan ang mga ganitong klase ng mga pagtatangka mula sa mga nagsisimula at beterano nang mga mandudula. Sa mga laboratory festival kasi, nakapokus sa dula—hindi sa mandudula.
Mas makatutulong din marahil kung lilimatahan ang pagkontrol ng gubyerno sa mga benyu na inilaan para sa mga mandudula. Likas sa pamahalaan na isulong ang agenda nito ng nasyunalisasyon at pagpapaunlad ng ilang sektor sa ating lipunan. Pero sa pagpapalawig ng kapangyarihan ng pamahalaan sa pagkontrol, nalilimitahan ang oportonidad para maging mapangahas ang mga akda, tumuklas ng mga bagong pamamaraan ng pagkukuwento sa entablado nang walang pasubali. Napapatahimik ang mga boses na hindi sumasang-ayon sa agenda ng gubyerno.
Mas yayabong din ang pagsusulat ng dula kung magkakaroon ng mas marami pang mga lehitimong kritiko ng mga ipinalalabas na dula. Mas maraming kritiko na may alam sa kumbensiyon ng teatro at sa pagsusulat ng dula bilang mga sining at larangan. Iyong mga kritiko na mulat at malay sa tradisyon ng panulaan sa ating bayan/banwa. Iyong mga kritiko na totoong nagmamalasakit sa ating teatro at sining ng teatro. Mahirap kasi na magkaroon lang ng mga mamerang kritiko na limitado sa kanilang ‘class’, mga kaibigan, posisyon at kapangyarihan na sila rin mismo ang nagtatakda, at politika ang diskurso nila ng teatro at mga palabas—o masaklap, wala naman pala talagang diskurso. Wala kasing klarong delineation sa theatre scene sa Pilipinas kung sino nga ba ang tunay na kritiko sa isang nagmamagaling lang na reviewer.
Kalatas: Sino-sino ang mga kasabayan mong mandudula na sa tingin mo ay panahon na rin para mabasa? Ano-ano ang pagkakaiba mo sa kanila bilang mandudula?
Braga: Kilala naman marahil sina J. Dennis Teodosio at Allan Lopez. Napapanood lang kasi natin sila at ang magaganda nilang mga likha sa mga laboratory festival at sa mga university theatre production. Si Teodosio hinahangaan ko sa range ng mga isyu na tinatalakay ng kanyang mga akda. Ang gaan ng pagtakalay niya sa mga isyu at kaya niyang isangkot ang mga manonood sa kanyang diskurso. Klaro at malinis rin ang istruktura ng kanyang mga dula. Si Lopez naman, nasa kabila ng spectrum. May demands ang kanyang akda ng suya, paglilimi, at intelektwal na pakikisangkot mula sa manonood. Kahanga-hanga ang paghahabi ni Lopez ng mga dayalogo ng kanyang mga tauhan. Siguro wala naman talagang dalawang mandudula ang magkapareho. Hinahangaan ko ang sigasig, ang disiplina, tapang, at eksperimentasyon nina Lopez at Teodosio sa kanilang mga dula.
Nagkaroon din ako ng interaksiyon kina Jim Raborar at Annaliz Cabrido, mga mandudula mula sa Koronadal, sa South Cotabato. Ang Apat sa Taglamig (AST) ang nagpapalabas ng kanilang mga dula sa Mindanao; isyung nasyunal ang tinatalakay ng kanilang mga akda pero nakapokus pa rin sila sa sensibilidad at karanasan ng kanilang lokal. Siguro kung may isang bagay na nakatutulong sa aking estetika sa mga akda nina Cabrido at Raborar ay ang kakayanan nilang patingkarin sa kanilang mga akda ang sensibilidad at naratibo ng mga nasa labas ng diskurso ng Bangsamoro sa Mindanao.
Kalatas: Napasama na sa maraming antolohiya ang mga akda mo, paano ito nakatulong sa iyo bilang manunulat?
Braga: Positibo at negatibo. Pero mas maraming positibo. Dahil nailathala nga, nagkaroon ng madaling akses ang publiko sa aking mga akda. Nagulat na lang ako na ipinalabas na pala sa Bohol ang dula ko at nasa Youtube pa. Ipinalabas na pala sa Zamboanga City ang isa kong dula at pinalitan pa ang pamagat. May mga mag-aaral na nage-email sa akin at nagpapatulong sa interpretasyon ng kuwento ko na takdang aralin nila sa klase. At dahil nakasanayan ko na ang mailathala sa mga dyornal at anthology, nawala sa akin na kailangan ko palang magkalibro.
Ngayon, abala ako sa pagkalap ng mga kuwento ko na nailathala na sa iba’t ibang dyornal kasama ang mga bago kong katha para sa dalawang koleksiyon. Dalawa ang koleksiyon ko ng mga maikling kuwento—ayon sa napansin kong estetika at estilo ng aking mga kuwento sa mga nagdaang taon. Abala rin ako sa paglalathala ng Tapat Publication ng nobelang Colon na matagal nang nabinbin dahil sa mga gawain kong wala namang kinalaman sa pagsusulat tulad ng pagkayod para kumita. Excited ako sa una kong nobela. Nasa rebisyon din ako ngayon ng apat kong dula para sa isang publikasyon—ang Ranaw Trilogy at Ang Mga Mananahi. At dahil full-time na akong nagsusulat ngayon wala na akong dahilan para hindi matapos ang mga proyekto ng pagsasa-aklat ng aking mga kuwento, nobela, at dula. Kung hindi ko matapos ang mga trabahong ito sa loob ng dalawang taon dahil sa katamaran o kawalan ng pokus ewan ko lang magtitinda na lang siguro ako ng isda sa talipapa at siguradong yayaman pa ako. Kailangan ko nang lisanin ang ugali na sumasapat na sa akin ang mailathala ang aking mga akda sa mga dyornal at antolohiya.
Kalatas: Paano mo gustong makilala ng mga mambabasa mo?
Braga: Hindi ko pa pinag-iisipan ang bagay na ‘yan. Sa ngayon, nais ko munang magsulat at lumikha ng marami pang mga dula at kuwento. Siguro nais kong mas makilala ng mga mambabasa ang aking mga likha, ang aking mga trabaho kaysa ako bilang manunulat.
Si Noel Galon de Leon ay kasalukuyang nagtuturo ng Filipino sa UP High School sa Iloilo, UP Visayas. Dito rin niya kasalukuyang tinatapos ang kaniyang M.A sa Filipino. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya tulad ng Pilandokan, samahan ng mga kritiko at iskolar ng panitikang pambata sa Filipinas. Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com.