Ikinagagalak ibalita ng mga tagapangasiwa ng “Tulaan sa Facebook,” isang proyekto ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), ang mga nagwagi para sa huling buwan ng paligsahan. Makakakuha sila ng libro galing sa University of Santo Tomas Publishing House at Ateneo de Manila University Press at ipadadala ang mga premyo sa mga nagwagi sa tulong ng JP Anthony D. Cuñada Law Office.
Ang mga mananalo sa bawat buwan ay may pagkakataong makatanggap ng mga papremyo sa huling bahagi ng timpalak: Php 4,000 (Unang Gantimpala), Php 3,000 (Ikalawang Gantimpala), at Php 2,000 (Ikatlong Gantimpala) mula sa Ayala Foundation, Inc. at JP Anthony D. Cuñada Law Office, at one-year membership sa Filipinas Heritage Library at Ayala Museum.
May 113 na lahok para sa buwan ng Hunyo.
–
Apo
Di man ortopediko,
Handog ay prostetiko
Sa bayan kong nilumpo.
-Joey Tabula
Diplomasya sa pakikibaka
Sa bala man o itak
Karunungan mong hawak
Walang dugong dadanak.
-Mateo Escalante
Taymis Ten
Sa usaping talino
‘Tong gabay ni Emilio
Katumbas sampung ulo
-Greatsky Castuciano
Bilibid
Ating bayang bilanggo
sa salitan ng punglo,
isinalba ng lumpo.
-Anthony Baduria Diaz
Nang Lumuha Si Mabini
Piseta sa alampay
ay di niya ginalaw,
pawis ng inang mahal.
-Lorenzo A. Fernandez Jr.
–

Mga Premyong Libro para sa Hunyo
Ang namili ng limang diyona para sa buwan ng Hunyo ay si Enrique S. Villasis, kasapi ng LIRA. Siya ay nagwagi na sa iba’t ibang pambansang timpalak katulad ng Maningning Miclat Poetry Award noong 2011 at Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2006, 2011, 2012, at 2013. Kasalukuyan siyang manunulat para sa ABS-CBN.
Ang Tulaan sa Facebook ay bahagi ng pagdiriwang ng taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Apolinario Mabini. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Ayala Foundation, Inc., Filipinas Heritage Library, Ayala Museum, JP Anthony D. Cuñada Law Office, University of Santo Tomas Publishing House, at Ateneo de Manila University Press.
TUNTUNIN AT MGA PREMYO: http://wp.me/p326Rc-UM
MGA NAGWAGI PARA SA PEBRERO (262 lahok): http://wp.me/p326Rc-Y3
MGA NAGWAGI PARA SA MARSO (464 lahok): http://wp.me/p326Rc-ZI
MGA NAGWAGI PARA SA ABRIL (669 lahok): http://wp.me/p326Rc-119
MGA NAGWAGI PARA SA MAYO (273 lahok): http://wp.me/p326Rc-13q