ni Michael Jude Tumamac
Isa sa paparangalan si Jericho T. Moral sa darating na National Children’s Book Day sa Museo Pambata. Ang kaniyang ilustrasyon para sa “Gaano Kalayo Patungong Paaralan?” ni Genaro Gojo Cruz ay kikilanin bilang PBBY-Alcala Honorable Mention.
Si Moral ay nagtapos ng Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Sumali siya sa Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang INK) noong 2013. Nagwagi siya ngayong taon ng unang gantimpala sa Lampara Illustrator’s Prize. Nagtatrabaho siya sa Makati bilang isang Desktop Publishing artist, ngunit pinagtiyagaan niyang gumuhit at magpinta sa gabí. Makikita ang kaniyang mga gawa sa http://www.behance.net/jerichomoral.
Mapalad ang Kalatas na pinaulankan ni Moral na sagutin ang ilang tanong tungkol sa kaniyang pagguhit.
Kalatas: Bakit ninyo napiling gawan ng ilustrasyon ang kuwentong “Gaano Kalayo Patungong Paaralan?” ni Genaro Gojo Cruz?
Moral: Naalala ko kasi noon may napanood ako sa TV ng isang documentary tungkol sa mga batang tumatawid ng ilog papuntang paaralan araw-araw gamit ang isang sirang tulay na gawa sa kahoy. Meron naman din na halos nilalangoy nila yung dagat para makatawid sa kabilang isla kapag walang bangka para lang makapasok ng paaralan. Nalungkot ako at nabilib din sa determinasyon nilang makapasok ng paaralan sa kabila ng kalagayan nila doon. At nung nabasa ko yung kuwento ni Genaro Gojo Cruz, naalala ko lang yung mga batang nakita ko sa documentary. Maliban sa napanood ko, meron din akong mga kamag-anak sa Bicol na halos nararanasan din yung ganung sitwasyon sa pagpasok ng paaralan. Nilalakad nila ang mga bundok at palayan ng nakapaa or tsinelas na sira para makapasok. Sa bundok kasi sila nakatira nun and malayo-layo pa yung bayan.
Bukod doon, sa kuwentong ito andami kong puwedeng i-explore na elements sa illustration, lalo na sa landscapes; kasi nung mga panahong ito ay nag-eexperiment na ako sa mga complex landscape at acrylic techniques.
Kalatas: Maaari ninyo bang isalaysay ang proseso ng paglikha sa mga isinali ninyong ilustrasyon?
Moral: Batay yung tatlong panels loosely sa technique and style ng mga Flemish painters. Pero sa halip na oil, pinili kong mag-acrylic kasi mas mabilis itong matuyo (medyo impatient kasi ako sa painting process ko) para makaabot sa deadline ng submission. Gumamit ako ng plywood kasi para sa akin mas maganda sa style ko na magpinta doon kasi sa natural texture niya.
Bago ko sinimulan, nagkaroon ako ng kaunting research sa mga bagay-bagay na nabanggit sa story, tulad ng mga lokal na halaman. Tapos gumawa ako ng drafts, studies, at nag-practice sa medium sa notebook ko, mula sa compositions niya hanggang sa closer details ng mga elements involved doon. Sa pagkulay, sinimulan ko yung ilang lugar sa panel ng opaque colors at grisaille (o near monochromatic rendering) bago ako naglapat ng glazes, o thin, almost transparent acrylic layers (mga nasa dalawa o tatlong layers). After nito ang paglalaan ko sa smaller details ng work na pinakamatagal trabahuin.
Kalatas: Anong mga aklat at sinong mga ilustrador ang nagkaroon ng impluwensiya sa inyong pagguhit?
Moral: Na-inspire ako primarily sa dalawang mahuhusay na artists at isang particular na work nila; ang Ghent Altarpiece in Jan Van Eyck, at ang illustrations ni Iassen Ghuiselev para sa Alice in Wonderland. Naisip kong puwede kong pagbasehan ang sikat na work ni Jan Van Eyck sa pag-render ko ng landscapes at details ng paintings, pati na rin yung kulay nya at base colors nito. Para sa akin, namumukod-tangi ang artistry ni Van Eyck dahil sa sobrang attention to detail niya.
Sa composition naman ni Ghuiselev ako nakakuha ng ideya para sa landscapes nito. Aside sa kanya, kumuha din ako ng ilang ideya sa ilang gawa ni M.C. Escher, particular ang Up and Down at Relativity. Si Escher din ang masasabing influence ni Ghiuselev para sa Alice niya.
Kalatas: Paano ninyo ipagdiriwang ang National Children’s Book Day?
Moral: May plano kaming pumunta ng Children’s Book Fair ng Museong Pambata sa July 15 para sumali doon. Baka makakita kami doon ng mga magagandang libro doon or mga librong illustrated ng mga gusto kong artist na makaka-inspire din sa mga gawa namin.
Kalatas: May proyekto ba kayong ginagawa sa kasalukuyan? Ano ang aasahan namin sa inyo sa hinaharap?
Moral: Sa ngayon, nabigyan ako ng chance ng Lampara Books na mag-illustrate ng istorya ni Genaro Cruz na “Gaano Kalayo Patungong Paaralan?” na sisimulan ko sa September, pati na rin sa napanalunan ko rin na contest ng Lampara na “Namimingwit sa Langit” ni Chris Rosales. Sana mas marami pang proyektong dumating sa mga susunod na taon at mapaghusayan ko pa ang pag-i-illustrate ko.
Si Michael Jude Tumamac ay miyembro ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Bisitahin ang kanyang blog xizuqsnook.blog.com para sa mga rebyu ng aklat-pambata.
Pingback: Jericho Moral | Xi Zuq's Nook