Interview

Interview: Aaron Paul Asis

ni Michael Jude Tumamac

Aaron Asis (July 15) (4)Si Aaron Paul Asis, na isang ilustrador at freelance art director, ang pinarangalan ngayong taon ng PBBY-Alcala Grand Prize para sa kaniyang mga ilustrasyon sa kuwentong “Gaano Kalayo Patungong Paaralan?” ni Genaro Gojo Cruz.

Kasapi si Asis ng Ang Ilustrador ng Kabataan, isang samahan ng mga ilustrador para sa mga bata, at alumnus ng Unibersidad ng Santo Tomas sa kursong Advertising Arts. Makikita ang kaniyang mga likha sa http://www.heyronasis.com.

Nakipag-ugnayan kamakailan ang Kalatas kay Asis at malugod niyang sinagot ang ilang tanong tungkol sa kaniyang nagwaging ilustrasyon.

Kalatas: Bakit ninyo napiling gawan ng ilustrasyon ang kuwentong “Gaano Kalayo Patungong Paaralan?” ni Genaro Gojo Cruz?

Aaron Asis (July 15) (1)Asis: Nakuha ng kuwento ang atensiyon ko hindi lang dahil sa maganda ang pagkakasulat. Pamilyar din kasi ako sa tema at sitwasyon nito sa dahilang lumaki at nag-aral ako probinsiya. Bilang ilustrador, masasabi kong napakabiswal ng kuwento at maraming ideyang pipinta sa imahinasyon mo para iguhit o isalarawan ito.

Kalatas: Maaari ninyo bang isalaysay ang proseso ng paglikha sa mga isinali ninyong ilustrasyon?

Asis: Pagkatapos kong basahin ang kuwento, iginuguhit o isunusulat ko ‘yong mga unang ideyang pumapasok sa isip ko. Binabasa ko ang istorya at sinusuri kong muli ang aking mga ideya pagkalipas ng ilang araw o linggo. Sa mga pagkakataong iyon, hinahayaan kong malaya at bukas ang isipan ko sa lahat ng mga konseptong mapupulot ko mula sa personal na pananaliksik.

Aaron Asis (July 15) (3)Malaking tulong din sa proseso ng paglikha ko ng ilustrasyon ang paglalagay ko sa sarili sa sitwasyon ng mga tauhan sa kuwento pati na rin ang pagbabalik-tanaw ko sa mga pinagkakaabalahan ko noong bata pa ako.

Dalawang linggo bago ang deadline, pumipili na ako ng pinakamabisa at magandang paraan para i-interpret at iguhit ang kuwento. Agad kong sinimulan ang ilustrasyon gamit ang gouache, watercolor, at colored pencil.

Kalatas: Anong mga aklat at sinong mga ilustrador ang nagkaroon ng impluwensiya sa inyong pagguhit?

Asis: Walang partikular na aklat ang nakaimpluwensiya sa aking pagguhit pero hanga ako sa mga likha nina Sergio Bumatay, Aldy Aguirre, at ng Electrolychee, na siyang nagkaroon ng impluwensiya sa akin. Bukod sa kanilang estilo, gusto ko ang paraan kung paano nila isinasalaysay o ipinapaunawa sa pamamagitan ng pagguhit ang isang kuwento o ideya.

Kalatas: May proyekto ba kayong ginagawa sa kasalukuyan? Ano ang aasahan namin sa inyo sa hinaharap?

Aaron Asis (July 15) (2)Asis: Katatapos lang ng pinakauna kong libro sa Adarna House na pinamagatang A Boy Named Ibrahim na isinulat ni Flexi Sarte. Sa kasalukayan, nakalaan ang oras ko sa mga personal projects at iba pang trabahong may kinalaman sa branding at advertising.

Hinggil sa hinaharap, plano kong gumawa ng sariling librong pambata, komiks, o solo art exhibit. Sana’y masubaybayan ninyo kung anuman ang mga susunod ko pang mga proyekto. Miyembro din ako ng Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang InK), kaya abangan ninyo ang mga activities o events namin na posibleng kasama ako. Sana’y patuloy ninyong suportahan ang mga darating ko pang personal na likha at ang kabuuan ng sining ng lahat ng artistang Pinoy.

 

Si Michael Jude Tumamac ay miyembro ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Bisitahin ang kanyang blog xizuqsnook.blog.com para sa mga rebyu ng aklat-pambata.

Advertisement

One thought on “Interview: Aaron Paul Asis

  1. Pingback: Aaron Paul Asis | Xi Zuq's Nook

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s