ni Michael Jude Tumamac
Kilalang guro sa kolehiyo at manunulat ng mga aklat pambata si Genaro Gojo Cruz, na muling pinarangalan ng PBBY-Salanga Honorable Mention ngayong taon para sa kaniyang kuwentong “Gaano Kalayo Patungong Paaralan?” Ang kuwentong ito ang pinagbatayan ng tatlong ilustrador na binigyan ng PBBY-Alcala Grand Prize at Honorable Mention. Nakamit ni Cruz ang kaparehong parangal noong 2004 para sa kuwentong “May Gulong na Bahay.” Kinilala na rin sa iba pang timpalak ang kaniyang mga akdang pambata.
Narito siya ngayon upang sagutin ang mga tanong ng Kalatas tungkol sa kaniyang nagwaging kuwento.
Kalatas: Maaari ninyo bang isalaysay ang pagkasilang ng inyong kuwento hanggang sa pagpása ninyo nito sa patimpalak ng PBBY?
Cruz: Matagal-tagal na ring nasa isip ko ang kuwentong “Gaano Kalayo Patungong Paaralan?” Nagsimula ito sa kuwento ng mga guro na aking binigyan ng mga panayam ukol sa pagtuturo sa ilang probinsiya. Karaniwan na sa Pilipinas ang malayong lakarin ng bata papasok sa paaralan. May mga short cut naman daw na daan pero masyadong delikado para sa mga bata. Naisip kong napakayaman ng karanasan ng mga batang naglalakad nang napakalayo.
Kalatas: May mga naging pagsubok ba kayo sa pagsusulat ng inyong kuwento?
Cruz: Sa totoo, napakadali ko lang naisip ang kuwentong ito. Kumbaga, isang upuan lang. Naipon kasi ang ideya at dahil sa PBBY-Salanga Prize nagkaroon ako ng dahilan upang isulat na ito.
Nakatutuwang makita ang mga magandang ilustrasyon ng mga sumali sa PBBY-Alcala Prize. ‘Yung tatlong nagwagi, ang “Gaano Kalayo Patungong Paaralan?” ang kanilang piniling lapatan ng ilustrasyon. Siguro’y napansin nila na mayaman talaga sa visual images ang aking kuwento. Pinili ko rin ang isa sa kanila upang maglapat ng ilustrasyon sa kuwento para maging aklat pambata.
Kalatas: Anong mga aklat o sinong mga manunulat ang nagkaroon ng impluwensiya sa inyong pagsusulat?
Cruz: Si Rene O. Villanueva ang una kong nakilalang manunulat para sa mga bata. Noon kasi, wala akong kamalayan na mayroon palang manunulat para sa mga bata. Kahit si Lola Basyang na si Severino Reyes sa totoong buhay ay hindi ko kilala. Gustong-gusto ko ang “Unang Baboy sa Langit” ni Sir Rene. Talagang pambatang-pambata para sa akin. Kapag nagsusulat ako ng kuwentong pambata, ang “Unang Baboy sa Langit” ang ginagamit kong pamantayan sa wika, sa estruktura, sa tauhang bata, diyalogo, values, at iba pa.
Kalatas: Ano ang aasahan namin sa inyo sa hinaharap?
Cruz: May lalabas akong koleksiyon ng mga tulang pambata, alphabet book at salin sa wikang Filipino ng mga kuwentong bayan. Sumusulat din ako ngayon ng mga kuwento para sa mga batang edad 0-4.
Si Michael Jude Tumamac ay miyembro ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Bisitahin ang kanyang blog xizuqsnook.blog.com para sa mga rebyu ng aklat-pambata.
Pingback: Xi Zuq's Nook